Unit 25: Day 2
3 Nephi 13
Pambungad
Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 13, patuloy na nagturo ang Tagapagligtas sa templo na nasa lupaing Masagana. Binalaan Niya ang mga tao laban sa pagkukunwari at itinuro sa kanila na ang kanilang mabubuting gawa ay kalugud-lugod sa Ama sa Langit. Iniutos din Niya sa mga tao na magtipon sila ng mga kayamanan sa langit at itinagubilin sa Kanyang labindalawang disipulo na hanapin muna ang kaharian ng Diyos bago sila mag-alala sa kanilang mga temporal na gawain.
3 Nephi 13:1–18
Binalaan ng Tagapagligtas ang mga Nephita laban sa pagkukunwari at itinuro sa kanila na gumawa ng mabuti na kalugud-lugod sa Ama sa Langit
Kumpletuhin ang sumusunod na pagsusuri sa sarili o self-assessment sa iyong isipan na pinipili kung aling parirala ang pinakamainam na naglalarawan sa dahilan mo ng paglilimos (pagbibigay sa iba), pagdarasal, at pag-aayuno:
Naglilimos ako dahil:
-
Kinakailangan.
-
Mahal ko ang Panginoon at masaya ako sa pagtulong sa ibang tao.
-
Gusto kong maganda ang isipin sa akin ng ibang tao.
Nagdarasal ako dahil:
-
Ayaw kong magsabi ng “ayaw” sa harap ng ibang tao kapag nahilingan akong manalangin.
-
Nakasanayan ko na.
-
Gusto kong makausap ang aking Ama sa Langit.
Nag-aayuno ako dahil:
-
Ang pag-aayuno ay nakatutulong sa akin na mas mapalapit sa Panginoon.
-
Iisipin ng ibang tao na masama ako kapag hindi ako nag-ayuno.
-
Hindi ako papayagang kumain ng mga magulang sa oras na dapat akong nag-aayuno.
Sa 3 Nephi 13, itinuro ni Jesucristo sa mga Nephita ang kahalagahan ng motibo ng isang tao sa paglilimos, pagdarasal, at pag-aayuno. Ang mga sagot na nakalista sa self-assessment na ito ay nagpapakita ng iba’t ibang motibo na maaaring mayroon tayo sa paggawa nito o ng iba pang gawain na nagpapakita ng kabutihan.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Mahalaga ba ang dahilan o motibo sa paggawa ng mabuti? Bakit oo o bakit hindi?
-
Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal, at kumpletuhin ito sa pagbasa ng bawat scripture reference at pagsagot sa dalawang tanong. Sa iyong pagbabasa, makatutulong na malaman na ang isang mapagkunwari ay isang taong nagkukunwaring mabait o isang taong nagsasabing gagawin niya ang isang bagay pero iba naman ang ginagawa niya.
Gawain
Anong babala ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa dapat nating maging motibo kapag ginawa natin ang mga ito?
Ayon sa Panginoon, paano natin gagawin ito?
Maglimos (3 Nephi 13:1–4)
Manalangin (3 Nephi 13:5–6)
Mag-ayuno (3 Nephi 13:16–18)
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano nakakaapekto ang ating mga motibo sa paggawa ng mabubuting gawain sa paraan ng paggawa natin nito?
-
Ano ang ilang mabubuting motibo na naghihikayat sa isang tao na maglimos, manalangin, o mag-ayuno nang lihim?
Ang isang mabuting motibo sa paggawa ng mga bagay na ito ay para sa ikalulugod ng Ama sa Langit. Basahin ang 3 Nephi 13:4, 6, 18, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong gumagawa ng mabuti nang hindi nakikita ng iba.
Ang isang mahalagang alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito ay: Kung gagawa tayo ng mabuti dahil mahal natin ang Ama sa Langit, gagantimpalaan Niya tayo nang hayagan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung kailan mo nadamang napagpala ka sa pagsisikap mong gawin ang isang bagay para malugod ang Ama sa Langit sa halip na makita ng ibang tao.
Rebyuhin sandali ang iyong self-assessment sa simula ng lesson at suriin ang iyong mga motibo sa paglilimos, pagdarasal, at pag-aayuno. Pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga turo ng Tagapagligtas para mas mapagbuti ang iyong mga motibo sa paggawa ng mga ito o iba pang gawain na nagpapakita ng katapatan sa Panginoon.
Ang Tagapagligtas ay nagbigay ng karagdagang tagubilin sa mga Nephita tungkol sa panalangin. Basahin ang 3 Nephi 13:7, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang mga walang kabuluhang paulit-ulit na salita na inuusal nang hindi taos-puso sa pagdarasal. Ang ibig sabihin ng salitang walang kabuluhan ay hungkag, wala sa isip o wala sa puso. Ang walang kabuluhang paulit-ulit ay maaari ding mangahulugang wala sa pusong pagdarasal o pagdarasal nang walang pananampalataya.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa iyong palagay, bakit mahalagang iwasan ang walang kabuluhang paulit-ulit sa ating mga panalangin sa Ama sa Langit?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa mo para maiwasan ang walang kabuluhang paulit-ulit kapag nagdarasal ka?
-
Basahin ang 3 Nephi 13:8, at alamin ang isang alituntunin na ipinahayag ni Jesucristo tungkol sa Ama sa Langit. Maaari mong markahan ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan. Ang isang layunin ng panalangin ay “maisiguro sa ating sarili at para sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob kung hihilingin natin ito nang may pananampalataya” (Bible Dictionary, “Prayer”).
Basahin ang 3 Nephi 13:9–15, at pag-isipang mabuti kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan mo tungkol sa iyong mga panalangin. Mag-isip ng mga paraan para mas maging taos-puso ang iyong mga panalangin sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga natutuhan mo mula sa mga itinuro ng Tagapagligtas.
3 Nephi 13:19–24
Itinuro ni Jesucristo sa mga tao na magtipon ng mga kayamanan sa langit
May nabasa o narinig ka na bang kuwento tungkol sa nawala o nakabaong kayamanan? Kung minsan sa mga kuwentong ito nakakarating ang mga naghahanap ng kayamanan o treasure hunter sa lugar na sinasabing pinagtaguan nito upang matuklasan lamang na nawawala ang kayamanan o talagang walang gayong kayamanan na nakatago o nakabaon. Basahin ang 3 Nephi 13:19–20, at tukuyin ang dalawang uri ng kayamanan na binanggit ng Panginoon. Alin sa mga kayamanang iyon ang sinabi Niyang palaging naririyan para sa atin kung hahanapin natin ito?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang pagkakaiba ng “mga kayamanan sa lupa” at “mga kayamanan sa langit”?
-
Mula sa natutuhan mo sa 3 Nephi 13:21–24, ano ang ilan sa mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghahanap ng mga kayamanan sa lupa at mga kayamanan sa langit? (Mas mauunawaan mo ang mga talatang ito kapag nalaman mo na ang salitang mammon ay tumutukoy sa kamunduhan o kayamanan.)
-
Paano nakagagambala sa atin ang paghahanap ng mga kayamanan sa lupa sa paghahanap natin ng mga kayamanan sa langit?
-
Hindi itinuro ng Tagapagligtas na masama ang pera o mga pag-aari sa lupa. Ngunit binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng paglalagay ng ating puso sa mga kayamanan sa langit na walang hanggan at hindi sa mga kayamanan sa lupa.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa 3 Nephi 13:19–24 ay: Upang ang Diyos ang maging panginoon natin, dapat natin Siyang mahalin at paglingkuran nang higit sa mga bagay ng daigdig.
Ano ang ilang halimbawa ng paglilingkod sa Diyos at sa kayamanan nang sabay? Bakit maaaring mahirap na palaging mahalin at paglingkuran ang Diyos sa halip na ang mga bagay sa mundo? Bakit sulit na pagsikapan ang unahin ang Diyos?
-
Basahin ang mga sumusunod na halimbawa. Sa iyong scripture study journal, isulat kung sino sa palagay mo ang panginoong pinaglilingkuran ng tao: Diyos o mammon (kamunduhan).
-
Hindi tinanggap ng isang binata ang isang trabaho na may pasok tuwing Linggo at sa halip ay pinili ang isang trabahong may mababang sweldo na walang pasok tuwing Linggo.
-
Isang dalagita ang madalas na nagpipilit sa kanyang mga magulang na ibili siya ng mga bagong damit. Ang mga damit na gusto niya ay hindi kayang bilhin ng kanyang pamilya.
-
Isang binata ang regular na nagbabayad ng kanyang ikapu mula sa sweldo niya sa trabaho. Pero ginagamit niya ang natitira niyang sweldo sa pagbili ng mga bagay na paglilibangan niya, pati ng ilang hindi angkop na pelikula at kanta, at walang naipon para sa kanyang misyon o pag-aaral.
-
Isang dalaga ang madalas gamitin ang kanyang sweldo sa pagbili ng mga munting regalo para maipakita ang kanyang pagmamahal sa iba.
-
3 Nephi 13:25–34
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang labindalawang disipulo na hanapin muna ang kaharian ng Diyos bago ang mga temporal na bagay
Nang humayo sila upang maglingkod sa mga tao, iniutos ni Jesucristo sa Kanyang labindalawang disipulong Nephita na huwag silang mag-alala kung ano ang kanilang kakanin o isusuot (tingnan sa 3 Nephi 13:25–31). Basahin ang 3 Nephi 13:32–33, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa kanilang mga temporal na pangangailangan. Ano ang ipinangako Niya sa mga taong inuuna ang Diyos at Kanyang kaharian sa kanilang buhay?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay: Kung hahanapin muna natin ang kaharian ng Diyos, tutulungan Niya tayo sa ating mga pangangailangan.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano “[hahanapin] muna [ng isang tao] ang kaharian ng Diyos”? (3 Nephi 13:33).
-
Paano ka tinulungan ng Panginoon sa iyong mga pangangailangan nang unahin mo Siya sa iyong buhay?
-
Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa mga pagpapalang darating kapag inuna natin ang Diyos sa ating buhay (maaari mong isulat ang pahayag na ito sa isang papel at iipit sa iyong banal na kasulatan para mabasang muli o maibahagi sa hinaharap):
“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad. …
“Dapat nating unahin ang Diyos, ang Ama ng ating espiritu, sa lahat ng bagay sa ating buhay” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4–5).
Pag-isipan kung paano ka napagpala o ang mga taong kilala mo dahil inuna ninyo ang Diyos sa inyong buhay.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 13 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: