Seminary
Unit 26: Day 4, 3 Nephi 20–22


Unit 26: Day 4

3 Nephi 20–22

Pambungad

Sa pangalawang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, muling pinangasiwaan ni Jesucristo ang sakramento sa mga tao. Pinatotohanan Niya na sa mga huling araw tutuparin ng Ama ang Kanyang tipan na tipunin ang Israel at pagpalain ang lahat ng bansa sa mundo. Ipinaliwanag din Niya na ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw ay magiging palatandaan na nagsimula nang tuparin ng Ama ang tipang ito.

3 Nephi 20:1–9

Muling pinangasiwaan ng Tagapagligtas ang sakramento sa mga tao

Kung ikaw ay isang binatilyo at mayhawak ng Aaronic Priesthood, pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong: Ano ang kahulugan sa iyo ng pagkakaroon ng karapatang tumulong sa pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento? Paano mo maipapakita sa Panginoon na nauunawaan mo ang kasagraduhan ng ordenansang ito?

Kung ikaw ay isang dalagita o binatilyo na wala pang Aaronic Priesthood, pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong: Ano ang nadarama mo kapag nakikita mo na nagbabasbas at nagpapasa ng sakramento ang mga karapat-dapat na binatilyo? Ano ang ginagawa mo sa oras na binabasbasan at ipinapasa ang sakramento na nagpapakita na nauunawaan mo ang kasagraduhan nito?

Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 20:3–5, sa simula ng pangalawang araw ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita, ang Tagapagligtas ay mahimalang naglaan ng tinapay at alak upang muling pangasiwaan ang sakramento. Basahin ang 3 Nephi 20:1, at tukuyin ang ipinagagawa Niya sa mga tao bago Niya ihanda at ipasa ang sakramento. Sa iyong palagay, paano nakakaapekto ang pagdarasal sa iyong puso sa mararanasan mo linggu-linggo sa pagtanggap ng sakramento?

Basahin ang 3 Nephi 20:8. Pansinin na gumamit ng alak ang mga Nephita sa panahong iyon, at sa panahon natin tubig ang ginagamit ng Simbahan (tingnan sa D at T 27:2). Pansinin din kung ano ang isinasagisag ng tinapay at tubig. Kapag regular tayong tumatanggap ng sakramento, ipinapakita natin ang ating kagustuhang gawing bahagi ng ating buhay ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ayon sa 3 Nephi 20:8, ano ang ipinangako ni Jesucristo sa mga tumatanggap ng sakramento? Isipin ang laki ng tinapay at dami ng tubig sa sakramento. Kung nagugutom at nauuhaw ka, mapapawi ba ng tinapay at tubig sa sakramento ang iyong gutom at uhaw? Para mas maunawaan kung paano tayo mabubusog sa pagtanggap ng sakramento, basahin ang 3 Nephi 20:9 at kumpletuhin ang alituntuning ito: Kung tayo ay karapat-dapat na tumanggap ng sakramento, mapupuspos tayo ng .

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at salungguhitan ang mga paraang sinabi niya na mapagpapala ka kapag napuspos ka ng Espiritu:

Elder Dallin H. Oaks

“Gawin nating karapat-dapat ang ating sarili sa pangako ng Tagapagligtas na sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento ay ‘mabubusog’ tayo (3 Ne. 20:8; tingnan din sa 3 Ne. 18:9), na ibig sabihin ay ‘[mapupuspos tayo] ng Espiritu’ (3 Ne. 20:9). Ang Espiritung iyan—ang Espiritu Santo—ay ating mang-aaliw, pumapatnubay sa atin, nangungusap sa atin, nagpapaunawa sa atin, nagpapatotoo at nagdadalisay sa atin—tunay na gumagabay at nagpapabanal sa atin sa paglalakbay natin sa buhay na ito patungo sa buhay na walang hanggan.

“… Mula sa tila maliliit na gawa ng pagpapanibago ng ating mga tipan sa binyag nang may pagpipitagan ay dumarating ang pagpapanibago ng mga pagpapala ng binyag sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, upang sa tuwina ay mapasaatin ang kanyang Espiritu upang makasama natin. Sa ganitong paraan lahat tayo ay mapapatnubayan, at sa ganitong paraan lahat tayo ay malilinis” (“Always Have His Spirit,” Ensign, Nob. 1996, 61).

  1. journal iconMag-isip ng isang pagkakataon na nadama mo ang Espiritu Santo nang tumanggap ka ng sakramento. Basahin ang mga panalangin sa sacrament sa Moroni 4:3 at 5:2. Paano nakatutulong sa iyo ang pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo upang mapuspos ka ng Espiritu Santo? Isulat ang ilan sa mga paraang ito sa iyong scripture study journal.

3 Nephi 20:10–46

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang tungkol sa mga tipan na matutupad sa mga huling araw

Isipin ang ilan sa pinakamahahalaga mong katangian. Anong uri ng mga katangian ang pinagtutuunan mo? Ito ba ay pisikal na katangian, personalidad, o espirituwal na katangian?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at markahan ang sinabi niya kung sino tayo: “Maaaring nasisiyahan kayo sa musika, palakasan, o mahilig magmekaniko, at balang-araw maaaring makapagtrabaho kayo sa isang negosyo o magamit ang inyong propesyon o sa sining. Kahit gaano pa kahalaga ang gayong mga gawain o trabaho, hindi nito inilalarawan kung sino tayo. Una sa lahat, tayo’y mga espirituwal na nilalang. Tayo’y mga anak ng Diyos at binhi ni Abraham” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 47).

Ang ibig sabihin ng binhi tayo ni Abraham ay tayo ay mga literal na inapo ni Abraham o tayo ay naging mga anak niya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Lahat ay tatanggap ng gayong mga pangako at tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham.

Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 20:11–13, itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang tungkol sa mga tipan at pangakong ginawa kay Abraham at sa kanyang mga inapo, na kabilang sa sambahayan ni Israel. Itinuro Niya na tutuparin ng Ama ang Kanyang tipan na titipunin ang sambahayan ni Israel sa mga huling araw. Basahin ang 3 Nephi 20:13, at tingnan kung anong kaalaman ang mababatid ng sambahayan ni Israel bilang mahalagang bahagi ng pagtitipong ito. Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang kaalamang ito?

Basahin ang 3 Nephi 20:25–26, at tukuyin kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano napagpala ang mga inapo ni Lehi dahil sa tipang ginawa ng Ama kay Abraham. Binigyang-diin ng Tagapagligtas na isinugo Siya ng Ama upang bisitahin ang mga Nephita at iligtas sila mula sa kasalanan “dahil [sila] ay mga anak ng tipan” (3 Nephi 20:26).

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung paano ka napagpala dahil sa tipang ginawa mo sa Ama sa Langit sa iyong binyag. Dahil nabiyayaan kang mabinyagang miyembro ng Simbahan, ikaw ay binhi ni Abraham at responsibilidad mong tumulong upang matupad ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham.

Basahin ang 3 Nephi 20:27, at markahan ang mga pariralang nagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Bilang binhi ni Abraham, may responsibilidad tayo na tuparin ang ating tipan na pagpalain ang lahat ng tao sa mundo.

Elder David A. Bednar

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar, alamin kung paano natin—bilang binhi ni Abraham—pagpapalain ang lahat ng tao sa mundo: “Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat pagpalain ang lahat ng tao sa lahat ng bansa sa mundo. Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang mensahe ng Panunumbalik. Kayo at ako, ngayon at sa tuwina, ay dapat [anyayahan] ang lahat na tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan. Ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi pansamantalang obligasyon ng priesthood. Hindi lang ito basta isang aktibidad na panandalian lang nating sinasalihan o asaynment na kailangan nating kumpletuhin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa halip, ang gawaing misyonero ay pagpapamalas ng ating espirituwal na identidad at pamana. Tayo’y inordena noon pa sa buhay bago ang buhay sa lupa at isinilang sa mortalidad para tuparin ang tipan at pangako ng Diyos na ginawa kay Abraham. Narito tayo ngayon sa lupa para gampanang mabuti ang ating tungkulin sa priesthood at ipangaral ang ebanghelyo. Iyan tayo, at iyan ang dahilan kung bakit narito tayo—ngayon at sa tuwina” (“Pagiging Misyonero,” 47).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bilang kabataan, ano ang magagawa mo ngayon, para mapagpala ang mga tao sa mundo?

    2. Sa iyong palagay, bakit mahalaga sa iyo na maunawaan mo na ikaw ay binhi ni Abraham?

3 Nephi 21–22

Ibinigay ni Jesucristo ang palatandaan para sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw

Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 21–22, itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang maraming bagay tungkol sa mga huling araw—ang panahon kung saan ipanunumbalik ang ebanghelyo sa lupa at ang mga Banal ay maghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  1. journal iconUpang matulungan kang matuklasan ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw, tulad ng nakatala sa 3 Nephi 21–22, basahin ang lahat ng banal na kasulatan sa kaliwang column ng sumusunod na chart. Pagkatapos ay pumili ng dalawa sa mga tanong sa kanang column at isulat ang sagot sa iyong scripture study journal.

Mga Scripture Verse

Mga Tanong

Basahin ang 3 Nephi 21:1–2, 7. Kapag lumabas ang Aklat ni Mormon sa mga huling araw, magiging palatandaan ito na magsisimula nang tipunin ng Ama ang sambahayan ni Israel.

  1. Kailan mo nakita na inilapit (o tinipon) ng Aklat ni Mormon ang isang tao, pati ang iyong sarili, kay Jesucristo at sa mga tipan ng ebanghelyo?

Basahin ang 3 Nephi 21:9. Ang pariralang “dakila at kagila-gilalas na gawa” ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  1. Ano sa palagay mo ang dakila at kagila-gilalas tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Basahin ang 3 Nephi 21:10–11, at pag-isipang mabuti kung paano naangkop ang paglalarawang ito kay Propetang Joseph Smith.

  1. Bakit mahalagang maniwala sa mga salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?

Basahin ang 3 Nephi 21:22. Kung ang mga tao ay magsisisi at hindi patitigasin ang kanilang puso, sila ay ibibilang sa sambahayan ni Israel.

  1. Sa iyong palagay, bakit kinakailangan ang pagsisisi para mapabilang ang isang tao sa mga pinatipanang tao ng Diyos?

Basahin ang 3 Nephi 22:7–10, at alamin ang mga ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga pinagtipanang tao na bumalik sa Kanya pagkatapos makalimutan ang mga tipang ginawa Niya sa kanila.

  1. Sa iyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na nagpapakita ang Panginoon ng walang hanggang kabutihan at awa sa mga taong lumalayo sa Kanya?

Mag-isip ng isang taong mababahaginan mo ng iyong patotoo tungkol kay Jesucristo, Aklat ni Mormon, Panunumbalik ng ebanghelyo, at misyon ni Propetang Joseph Smith para matulungan ang taong ito na matanggap ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Pag-isipan din kung paano mo mahihikayat ang ibang tao na lumapit sa Panginoon, kabilang ang mga taong dating tapat sa ebanghelyo ngunit ngayon ay hindi na. Kung may tao ka nang naisip, magtakda ng mithiin na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap mo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 20–22 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: