Unit 31: Day 2
Moroni 1–5
Pambungad
Pagkatapos magawa ang pagpapaikli niya ng ulat sa mga lamina ni Eter, ipinaliwanag ni Moroni na “inakala [niyang] hindi na [siya] makasusulat pa” (Moroni 1:1). Gayunman, siya ay naprotektahan upang “su[m]ulat ng ilan pang bagay, na marahil ang mga yaon ay magiging mahalaga” sa mga tao sa mga huling araw (Moroni 1:4). Pinagtibay sa Moroni 1–5 ang katapatan ni Moroni kay Jesucristo. Iniisa-isa rin dito ang mga tagubilin para sa mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo, kabilang na ang pangangasiwa ng sakramento.
Moroni 1
Nagpagala-gala si Moroni para sa kaligtasan ng kanyang buhay at nagpatuloy sa pagsusulat
Ikinuwento ni Elder David E. Sorenson, isang emeritus member ng Pitumpu, ang sumusunod tungkol sa isang kabataang babae na nagkaroon ng tapang na panindigan ang kanyang mga pinaniniwalaan:
“Inanyayahan ng ilang kaibigan niya sa eskuwelahan ang apo kong si Jennifer para kumain at magsine. Nagkasundo silang lahat sa panonooring pelikula kaya panatag na sumama si Jennifer. Gayunpaman, bumalik ang bumili ng tiket sa sine para sa grupo na may dalang tiket na hindi para sa sineng napagplanuhan! Sabi nito, ‘Magandang palabas ito at rated R.’
“Nagulat si Jennifer at hindi makapaniwala sa bilis ng pagbabago ng mga pangyayari. Ngunit, mabuti na lang at nakapagpasiya na siya noon pa man na hindi siya manonood ng mga sineng rated R. Nanindigan siya at sinabi sa kanyang mga kaibigan, ‘Hindi ako puwedeng manood ng rated R. Hindi papayag ang mga magulang ko.’ Na sinagot ng mga kaibigan niya, ‘Sige na! Hindi nila ito malalaman!’ Sa harap [ng sitwasyong ito], nagpatuloy si Jennifer sa pagsasabing, ‘Ang totoo’y balewala kung malaman man ito ng mga magulang ko. Hindi lang ako talaga nanonood ng mga sineng rated R!’
“Nagalit ang mga kaibigan niya at pilit siyang pinasasama. Sinabihan nila itong ‘sinira mo ang lakad.’ Nang hindi pa rin siya pumayag, inihagis nila ang tiket at sukli sa kanya at iniwan siyang mag-isa para manood sila ng sineng rated R. Naging malungkot ang gabing iyon dahil tinalikuran siya ng kanyang mga kaibigan. Subalit napakaligayang sandali nito para kay Jennifer at sa aming pamilya. Nagtamo siya ng tiwala, pagpapahalaga sa sarili at espirituwal na lakas” (“Hindi Ninyo Puwedeng Laruin ang Makamandag na Ahas,” Liahona, Hulyo 2001, 49).
Basahin ang Moroni 1:1–3, at alamin kung paano mag-isang pinanindigan ni Moroni ang kanyang mga paniniwala. Si Moroni at ang apo ni Elder Sorensen ay parehong nagpakita ng mga paraan na maaaring mapagpasiyahan ng tao na panindigan ang alam nilang tama. Ikaw rin ay makagagawa ng maliliit na desisyon bawat araw na nagpapakita ng iyong pananampalataya, pagsunod, at hangaring sundin si Cristo.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na pinili mong panindigan ang iyong mga paniniwala o ipakita ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod.
Pag-isipan kung paano mo mas mapapanindigan ang pananampalataya mo kay Jesucristo. Basahin ang Moroni 1:4 para malaman kung bakit ipinasiya ni Moroni na magsulat pa. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa at motibasyon ni Moroni na magsulat pa para sa mga inapo ng mga naghahangad na patayin siya? Ano ang isusulat mo para sa sarili mong mga inapo na magiging pagpapala sa kanila? Sa iyong pag-aaral ng Moroni 2–5, isipin kung gaano magiging “mahalaga” para sa iyo ang mga bagay na ipinasyang isulat ni Moroni (Moroni 1:4).
Moroni 2
Itinala ni Moroni ang mga tagubilin tungkol sa paggawad ng kaloob na Espiritu Santo
Isipin ang naranasan mo nang kumpirmahin ka bilang miyembro ng Simbahan at may mga kamay na ipinatong sa iyong ulunan upang matanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo. Ano ang naaalala mo sa ordenansang ito? Basahin ang Moroni 2:1–3, at isipin kung paano naging pagpapala ang kaloob na Espiritu Santo sa buhay mo.
Ang isang katotohanan ng ebanghelyo na itinuro sa mga talatang ito ay: Ang mga karapat-dapat na miyembro na may taglay ng tamang awtoridad ng priesthood ay makapaggagawad ng kaloob na Espiritu Santo sa mga nabinyagang miyembro sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.
Moroni 3
Itinala ni Moroni ang mga tagubilin tungkol sa pag-oorden ng mga indibidwal sa mga katungkulan sa priesthood
Nakakita ka na ba ng linya ng awtoridad ng priesthood [priesthood line of authority] ng isang tao? Makikita sa rekord na ito kung sino ang nag-orden sa isang indibidwal sa priesthood at kung sino naman ang nag-orden sa taong iyon hanggang umabot kay Jesucristo. Marahil may kopya ka ng iyong sariling priesthood line of authority o nakitaan mo nito ang kapatid o tatay mo. Isipin ang kahalagahan ng matunton mo ang linya ng awtoridad hanggang kay Jesucristo habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Malinaw na ang paggawa nang may banal na awtoridad ay nangangailangan ng higit pa sa simpleng kasunduan ng kalalakihan. Hindi ito malilikha ng pagsasanay na panrelihiyon o pagbibigay-karapatan ng kongregasyon. Hindi, sa awtorisadong gawain ng Diyos dapat mayroong kapangyarihan na mas mataas kaysa sa taglay na ng mga tao sa mga kongregasyon o sa kalye o sa seminaryo—isang katotohanan na alam na at hayagang inamin ng maraming matatapat na nagsaliksik sa relihiyon sa loob ng maraming henerasyon na nagbigay-daan sa Panunumbalik. …
“… Tayo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ay matutunton ang linya ng awtoridad ng priesthood na gamit ng pinakabagong deacon sa ward, ng bishop na nangungulo sa kanya, at ng propeta na nangungulo sa ating lahat. Ang linya ay matutunton pabalik sa tuluy-tuloy na kawing sa mga nagministeryong anghel na galing sa Anak ng Diyos mismo dala ang di matatawarang kaloob na ito mula sa langit” (“Ang Ating Natatanging Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 44).
Bawat taong tumatanggap ng Aaronic o Melchizedek Priesthood ay inoorden din sa katungkulan sa priesthood na may mga patrikular na tungkulin. Basahin ang Moroni 3:1–4, at alamin kung paano inoorden ang mga indibidwal sa katungkulan sa priesthood, kabilang na ang katungkulan ng priest o teacher.
Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito: Ang mga indibidwal ay inoorden sa mga katungkulan sa priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga taong may awtoridad.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa palagay mo, bakit kailangang maorden ang isang indibidwal sa katungkulan sa priesthood ng isang taong nagtataglay na ng priesthood?
-
Bakit mahalaga sa iyo na may nagtataglay ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan o sa pamilya mo?
-
Moroni 4–5
Ipinaliwanag ni Moroni kung paano dapat pangasiwaan ang sakramento
-
Pag-isipan ang mga sagisag ng sakramento at ang mga naranasan mo kapag tumatanggap ka ng sakramento. Pagkatapos ay gawin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Isulat nang walang kopya, hanggang makakaya mo, ang isa sa mga panalangin sa sakramento, para sa tinapay o para sa tubig.
-
Matapos basahing muli ang mga sagradong panalanging ito (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2) at makita ang isinulat mo sa unang bahagi ng assignment na ito, isulat ang bahagi ng isa sa mga panalangin ng sakramento na pinakamahalaga para sa iyo, at ipaliwanag kung bakit makahulugan sa iyo ang bahaging iyan ng panalangin.
-
Isinama ni Moroni ang mga panalangin para sa pangangasiwa ng sakramento sa kanyang talaan dahil nadama niya na magiging “mahalaga” ang mga ito sa mga tao “sa mga darating na araw” (Moroni 1:4). Basahin ang Moroni 4:1–3 at 5:1–2, at tukuyin ang mga parirala na nagpapaliwanag ng sinasagisag ng tinapay at tubig ng sakramento. Habang nagbabasa ka, makabubuting tandaan na ang ginagamit ngayon ng Simbahan sa sakramento ay tubig sa halip na alak dahil sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 27:2).
Ibuod ang layunin ng sakramento sa pamamagitan ng pagkumpleto ng pahayag na ito: Ang mga sagisag ng sakramento ay tumutulong sa atin na maalaala .
Pag-isipan kung bakit mahalaga sa iyo ang katawan at dugo ng Tagapagligtas.
Ang pisikal na pagdurusa, kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng katawan ng Tagapagligtas at ang Kanyang matinding espirituwal na pagdurusa, na makikita sa pamamagitan ng pagtigis ng Kanyang dugo, ay ginawang posible ang pagpapatawad ng kasalanan ng lahat ng tao na sumasampalataya sa Kanya at nagsisisi. Ang mga sagisag ng sakramento ay makatutulong sa atin na maalaala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Sagutin ang isa o lahat ng tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano makatutulong o makapagpapalakas sa iyo sa aspetong espirituwal ang taimtim na pagninilay sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa oras ng sakramento?
-
Ano ang magagawa mo upang higit na mapagtuunan ang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa oras ng sakramento?
-
Para matulungan ka na maunawaan ang ipinapangako mong gawin kapag tumatanggap ka ng sakramento, pag-aralang muli ang Moroni 4:3 at kumpletuhin ang sumusunod na chart:
Ang ipingangako kong gawin |
Ano sa palagay ko ang ibig sabihin ng tuparin ang bahaging ito ng tipan |
Ano ang gagawin ko upang lalo kong matupad ang bahaging ito ng tipan |
---|---|---|
1. | ||
2. | ||
3. |
Natutuhan din natin mula sa Moroni 4:3 na kapag matapat nating tinutupad ang ating bahagi sa tipan ng sakramento, laging mapapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, isipin kung paano mo naranasan ang kaloob na Espiritu Santo sa mga paraan na binanggit niya: “Ang Espiritu ng Panginoon ay maaari nating maging gabay at bibiyayaan tayo nito ng patnubay, tagubilin, at espirituwal na proteksyon sa ating buhay sa lupa” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 31).
Pagnilayan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pagtanggap mo ng sakramento sa Linggo. Sikapin mong sundin ang mga bahagi ng tipan na tinukoy mo sa chart upang mapasaiyo lagi ang Espiritu ng Panginoon.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Moroni 1–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: