Seminary
Unit 7: Day 2, 2 Nephi 17–20


Unit 7: Day 2

2 Nephi 17–20

Pambungad

Sa 2 Nephi 17–20, itinala ni Nephi na sinikap ni Isaias na hikayatin ang hari ng Juda at kanyang mga tao na magtiwala sa Panginoon sa halip na makipag-alyansa sa mga bansa. Gamit ang halimbawa at pagkakahawig—mga simbolo o representasyon na nagtuturo at nagpapatotoo sa mga dakilang katotohanan—ipinropesiya ni Isaias ang mga pangyayari sa kanyang sariling panahon, ang pagsilang ni Jesucristo, at ang pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

2 Nephi 17–18

Ang kaharian ni Juda ay pinagpala nang magtiwala sila kay Jesucristo

Para matulungan ka sa paghahanda sa lesson ngayon, isipin ang pagkakataon na nakaranas ka ng nakakatakot na sitwasyon. Naaalala mo pa ba ang unang reaksyon mo? Sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 17–18, sikaping tukuyin ang payo ni Isaias sa mga nalalagay sa mahirap o nakatatakot na sitwasyon.

Sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 17–18, kakailanganin mong malaman ang tungkol sa tatlong maliliit na bayan ng Siria, Israel, at Juda, gayundin ang mas malaking Imperyo ng Asiria, na naghangad na sakupin ang maliliit na bansang ito. Rebyuhin ang sumusunod na mapa at ang kasamang chart.

mapa ng Israel at ng Juda

Bansa

Siria

Israel (Ephraim)

Juda

Hari

Resin

Peka

Achas

Kabisera

Damasco

Samaria

Jerusalem

Basahin ang 2 Nephi 17:1–2, at pagkatapos ay tingnan ang mapa. Ang ibig sabihin ng “Ang Siria ay nakipagsabwatan sa Ephraim” ay bumuo ng alyansa o kasunduan ang dalawang bansang ito. Alamin kung sino ang sumasalakay kanino. Tandaan na ang tinutukoy ng pariraIang “sambahayan ni David” sa talata 2 ay tumutukoy kay Achas at sa mga tao ng Juda.

Gusto ng mga kaharian ng Israel at Siria na sakupin ang kaharian ng Juda at pwersahin ang Juda na makipag-alyansa sa kanila laban sa malakas na Imperyo ng Asiria. Nagbabanta ang Asiria na sasakupin ang buong rehiyon ng daigdig nang panahong iyon. Naniniwala ang Israel at Siria na sa pagsakop sa Juda, magkakaroon sila ng mas maraming tao at suplay para labanan ang papasugod na mga taga-Asiria (tingnan ang 2 Nephi 17:5–6). Pinag-isipang mabuti ni Haring Achas ang pagsanib sa Israel at Siria.

Isipin kung ano ang gagawin mo kung ikaw si Haring Achas. Sa kabilang panig, nagbabanta ang Asiria na sasalakayin ang mga tao mo. Sa iba pang panig, nagbabanta ang Siria at Israel na sasalakay sila kung hindi ka sasanib sa kanila sa paglaban sa Asiria. Si Isaias ay nakatira noon sa kaharian ng Juda, at pinapunta siya ng Panginoon kay Achas nang may dalang mensahe. Ano kaya ang mararamdaman mo kung ikaw si Haring Achas at nakatanggap ka ng mensahe mula sa propeta?

  1. journal iconBasahin ang 2 Nephi 17:3–8, at salungguhitan ang mensahe ng Panginoon kay Achas at sa kanyang mga tao, na ibinigay sa pamamagitan ni propetang Isaias. (Ang mga katagang “sulong ito na umuusok” sa talata 4 ay tumutukoy sa sulo na wala nang ningas, simbolo ng dalawang kahariang ito na nalupig at nasakop.) Kunwari ay narinig mo na sinabi ito ni Isaias kay Achas. Maya-maya, itinanong ng kaibigan mo kung ano ang sinabi ni Isaias. Sumulat ng dalawa o tatlong pangungusap sa iyong scripture study journal ng isasagot mo sa iyong kaibigan.

Sinikap ni Isaias na tulungan ang hari at ang kanyang mga tao na umasa ng tulong sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa di-matatag na pagsasanib ng mga bansa.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit mahalaga na lumapit sa Panginoon kapag kailangan natin ng tulong sa halip na asahan lamang ang ibang tao na tulungan tayo?

    2. Ano ang ilang paraan na maaaring matukso ang mga kabataan na unahin ang kanilang kaugnayan sa ibang tao kaysa sa kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Sinabi ng Panginoon na ibibigay niya kay Achas ang kaharian ng Juda bilang palatandaan na poprotektahan Niya sila at hindi nila kailangang sumanib sa mga bansa. Basahin ang 2 Nephi 17:14 para malaman ang palatandaan. Bilugan ang salitang Emmanuel sa scripture verse na ito. Isulat sa tabi ng talatang ito ang “Mateo 1:22–23.” Basahin ang Mateo 1:22–23 para malaman ang kahulugan ng titulong Emmanuel.

Paano makatutulong kay Achas sa pagkakataong ito ang palatandaan na may kahulugan na “sumasa atin ang Dios”? Paano maaaring maiugnay ang propesiyang iyon ni Isaias sa pagsilang ni Jesucristo ilang siglo kalaunan?

Elder Jeffrey R. Holland

Para higit pang maunawaan ang palatandaan ng pagsilang ng isang bata, pag-isipang mabuti ang sumusunod na paliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May maramihan o magkakatulad na mga elemento sa propesiyang ito, na karaniwan sa halos lahat ng mga isinulat ni Isaias. Malamang nakatuon ang pinakamalapit na kahulugan nito sa asawa ni Isaias, isang dalisay at mabuting babae na nagsilang ng isang anak na lalaki sa panahong ito [tingnan sa 2 Nephi 18:3], at ang bata ay magiging isang halimbawa at kahalintulad ng higit na dakilang katuparan kalaunan ng propesiya na matutupad sa pagsilang ni Jesucristo” (Christ and the New Covenant [1997], 79).

Isinulat ni Isaias ang tungkol sa Pagsilang ni Cristo

Ipinropesiya ni Isaias na bago lumaki ang bata, sasakupin ng Asiria ang mga hukbo ng Israel (Ephraim) at Siria (tingnan sa 2 Nephi 17:15–25). Layunin ng palatandaan na may kahulugang “sumasa atin ang Dios” na tiyakin kay Haring Achas na mapapasaatin ang Diyos kapag nagtiwala tayo sa Kanya, kahit sa oras ng paghihirap at pangamba. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan.

Basahin ang 2 Nephi 18:6–8, at salungguhitan ang pariralang “ang tubig ng Siloa.” Ang tubig ng Siloa ay isinasagisag kay Isaias ang nakakapanatag, matatag, at patuloy na impluwensya at kapangyarihan ng Diyos na kailangang maging bahagi ng sistema sa pulitika ng isang bansa (tingnan sa 2 Nephi 18:6). Binanggit ni Isaias ang tubig ng Siloa bilang pagkukumpara dahil hindi tinanggap ng mga tao ni Israel at mga tao ni Juda ang Mesiyas—“ang tubig ng Siloa,” o ang nakapapanatag, marahan, matatag, at nagpapalakas na kapangyarihan ng Diyos. Samakatwid, tulad ng ipinropesiya ni Isaias, ang hari ng Asiria at ang nakakakilabot na impluwensya at malupit na kapangyarihan ng kanyang sumasalakay na hukbo—na sinasagisag ng “malakas at bumubugsong tubig ng ilog”—ay sinakop ang Siria at Israel.

Bilang makata, ginamit ni Isaias ang dalawang umaagos ngunit magkaibang-magkaibang daloy ng tubig para ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa Juda. At dumating na ang hukbo ng Asiria sa Juda—na sinasagisag ng salitang lupain. Ngunit hindi nasakop ng hukbo ang Jerusalem—na sinasagisag ng pahayag na “aapaw at lalampas; aabot hanggang sa leeg.”

Basahin ang 2 Nephi 18:9–12, at pansinin kung ilang beses pinayuhan ng Panginoon ang Juda na huwag sumanib sa Siria at Israel. Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 18:13, ano ang ipinayo ng Panginoon, sa pamamagitan ni Isaias, na dapat puntahan ng Juda para hingan ng tulong?

Nang nasakop na ng mga taga-Asiria ang Juda at nagtatangkang salakayin ang Jerusalem, may bagong hari na ang Juda. Ang kanyang pangalan ay Ezechias. Nagtiwala siya sa Panginoon at sa propetang si Isaias. Sa huli, 185,000 kawal ng Asiria ang pinatay sa kanilang mga kuta ng isang anghel ng Panginoon (tingnan sa II Mga Hari 19:35; Isaias 37:36).

  1. journal iconSagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Anong mga panganib ang idinudulot ng pagtitiwala mo sa mga bagay at impluwensya ng daigdig sa halip na sa Panginoon? (Maaari kang umisip ng mga sitwasyon na maaaring matukso ka na magpasyang gawin ang isang bagay dahil sa takot.)

    2. Kailan ka humingi ng lakas sa Panginoon matapos kang matukso noong una na sa iba humingi ng tulong? Ano ang natutuhan mo sa karanasang iyon?

    3. Sa ilalim ng pamumuno ni Haring Ezechias, naligtas sa pagkalipol ang mga tao ng Juda dahil sinunod nila ang payo ni Isaias na nagmula sa Panginoon. Paano ka magagabayan laban sa mga espirituwal na kapahamakan ng pagsunod sa mga propeta ngayon?

2 Nephi 19:1–7

Nagpropesiya si Isaias tungkol sa Mesiyas

Naranasan mo na bang hindi makakita ng sinag ng araw o madama ang init nito nang matagal na panahon? Kung hindi pa, isipin kunwari na laging may nakalilim sa iyo, at hindi mo nararamdaman ang sikat at init ng araw (na parang lagi kang nasa loob ng madilim na silid). Ginamit ni Isaias ang ganyang imahe para ilarawan ang kundisyon ng espirituwalidad ng mga tao na nabubuhay nang walang liwanag ni Jesucristo.

May dalawang lupain na binanggit sa 2 Nephi 19:1–2. Basahin ang mga talatang ito, at markahan ang mga pangalan ng dalawang lupain.

Sa maraming siglo bago ang panahong isinulat ni Isaias ang mga talatang ito, napakaraming digmaan na ang naganap sa tangkang kontrolin ang lugar na kilala na ngayon bilang Banal na Lupain. Tinutukoy ng ilan ang lugar na ito bilang “lupain ng lilim ng kamatayan” dahil napakaraming namatay doon sa digmaan. Noong panahon ng Bagong Tipan, ang Nazaret, Capernaum, Nain, at Cana ay matatagpuan sa mga pook na pormal na kilala bilang mga lupain ng Zabulon at Neptali. Ito ang mga lunsod kung saan gumugol ng maraming oras si Jesucristo sa pagmiministeryo sa mga tao mahigit 500 taon kalaunan. Kilala ito ngayon bilang Galilea.

Markahan sa 2 Nephi 19:2 ang sinabi ni Isaias na makikita kalaunan ng mga tao sa rehiyong ito.

Ang pahayag ni Isaias na ang mga “lumalakad sa kadiliman” at nanirahan sa “lupain ng lilim ng kamatayan” ay “nakakita ng dakilang liwanag” ay isang propesiya tungkol sa mortal na misyon ni Jesucristo sa dakong ito ng mundo. Ang mga taong nakatira sa lugar ng Galilea ay naglalakad sa espirituwal na kadiliman, ngunit nang namuhay at naglingkod sa kanila si Jesucristo, nakita nila ang “dakilang liwanag.”

  1. journal iconBasahin ang 2 Nephi 19:6–7, at pag-isipang mabuti kung alin sa mga titulo ng Tagapagligtas sa talata 6 ang may espesyal na kahulugan sa mga tao ng Juda, dahil sa kanilang mga kalagayan. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano nailalarawan ng isa o mahigit pa sa mga titulong ito ang nadarama mo sa Tagapagligtas.

2 Nephi 19–20

Inilarawan ni Isaias ang pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito

Ang propesiya ni Isaias sa pagkalipol ng Asiria na nakatala sa 2 Nephi 20, ay propesiya rin sa pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito. Sa pagbabasa mo ng kabanatang ito, tandaan na tulad ni Ezechias na nagtiwala sa payo ni Isaias na nagmula sa Panginoon at pinagpala, kung magtitiwala ka sa Panginoon, wala kang dapat ikatakot sa mga paghatol na darating sa mga naninirahan sa mundo sa darating na Ikalawang Pagparito.

Anong pangungusap ang inulit sa 2 Nephi 19:12, 17, 21 at 2 Nephi 20:4? Maaari mo itong markahan sa iyong banal na kasulatan. Isulat ang pangungusap sa iyong study journal, at salungguhitan ang mga salitang galit at ang salitang kamay. Sa ilalim ng salitang galit, isulat ang paghatol, at sa ilalim ng salitang kamay, isulat ang awa. Basahin nang malakas ang pangungusap, at ipalit ang mga salitang paghatol at awa. (“Sa lahat ng ito ang kanyang [paghatol] ay hindi napapawi, kundi nakaunat pa rin ang kanyang [awa].”)

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano inilalarawan ng pangungusap sa aktibidad sa itaas ang pagtugon ng Panginoon sa mga bansa, pamilya, o indibiduwal na hindi tumatanggap sa Kanya?

    2. Paano mo maipamumuhay ang mga sumusunod na katotohanan? Si Jesucristo ay Diyos ng mga kahatulan at awa. Ang Kanyang awa ay ibinibigay sa mga nagsisisi at sumusunod sa Kanyang mga utos.

  2. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang tungkol sa pagkakataon na sinunod mo ang isang kautusan at nadama mo ang awa ng Diyos.

  3. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 17–20 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: