Unit 4: Day 1
1 Nephi 15
Pambungad
Sa 1 Nephi 15 makikita mo ang pagkakaiba ng masigasig na pagsisikap ni Nephi na tumanggap ng personal na paghahayag at ng walang pananampalatayang pagsisikap ng kanyang mga kapatid. Habang pinag-aaralan mo ang kabanatang ito, isipin ang pagsisikap na ginagawa mo para makatanggap ng mga sagot at patnubay mula sa Panginoon.
1 Nephi 15:1–11
Nagreklamo ang mga kapatid ni Nephi na hindi nila nauunawaan ang pangitain ni Lehi
Maraming aktibidad ang nangangailangan ng ating pagsisikap bago natin matamasa ang mga resulta. Umisip ng isang aktibidad na sinalihan mo—tulad ng gawain sa paaralan, pagtugtog ng isang instrumento, o palakasan—at isipin ang kaugnayan ng pagsisikap na ginawa mo sa naging resulta nito. Maghanap ng parehong pattern o huwaran sa pag-aaral mo ng 1 Nephi 15. Pansinin kung paano nauugnay ang pagsisikap sa pag-aaral ng mga espirituwal na katotohanan at pagtanggap ng paghahayag mula sa Panginoon.
Matapos ang masigasig na paghahangad na maunawaan ang pangitain at mga turo ng kanyang ama at pagkatapos makatanggap ng sariling paghahayag, si Nephi ay bumalik sa tolda ng kanyang ama. Doon ay nakita niya ang kanyang mga kapatid na nagtatalu-talo. Basahing mabuti ang 1 Nephi 15:1–3, at tukuyin ang pinagtatalunan nila.
Sa 1 Nephi 15:6–7, salungguhitan ang pinagtatalunan ng mga kapatid ni Nephi at ang dahilan ng pagtatalu-talo. Ayon sa 1 Nephi 15:3, bakit mahirap para sa kanila na maunawaan ang mga itinuro ni Lehi?
Basahin ang 1 Nephi 15:8, at salungguhitan ang itinanong ni Nephi sa kanyang mga kapatid. Bakit makatwiran ang tanong na ito ni Nephi pagkatapos ng pangyayaring katatapos lamang niyang maranasan?
Salungguhitan ang sagot ng mga kapatid sa 1 Nephi 15:9. Ang ibig sabihin ng salitang sapagkat sa talatang ito ay dahil. Sa madaling salita, ipinaliwanag ng mga kapatid ni Nephi, “Hindi namin tinanong ang Panginoon dahil hindi Siya nagsasalita sa amin.”
-
Kunwari ay may kaibigan ka na hindi humihingi ng patnubay sa Panginoon dahil hindi siya naniniwala na sasagot Siya. Pag-aralan ang 1 Nephi 15:11, at isiping mabuti ang ipinayo ni Nephi sa kanyang mga kapatid tungkol sa pagtamo ng kasagutan mula sa Panginoon. Pagkatapos, sa iyong scripture study journal, sumulat ng liham na naghihikayat sa iyong kaibigan na humingi nang may pananampalataya sa Diyos. Isulat sa liham ang ipinayo ni Nephi at ang iyong nadarama tungkol sa panalangin.
Ang isang alituntunin ng ebanghelyo na matututuhan natin mula sa ginawa at naranasan ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ay kung magtatanong tayo sa Panginoon nang may pananampalataya at susundin ang Kanyang mga kautusan, magiging handa tayong tumanggap ng mas dakilang paghahayag at patnubay mula sa Kanya.
-
Pumili ng isa sa mga tanong sa ibaba, at sagutin ito sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang sasabihin mo para matulungan ang isang bagong miyembro ng Simbahan na maunawaan kung ano ang kailangan nating gawin upang maturuan at magabayan ng Panginoon?
-
Paano nakakaapekto ang iyong pagsisikap na matutuhan ang mga espirituwal na katotohanan at humingi ng patnubay ng Panginoon sa iyong kakayahan na madama ang Espiritu at maunawaan ang ebanghelyo?
-
Kahit anong oras sa susunod na araw, ibahagi ang iyong sagot sa assignment sa itaas sa isang magulang, iba pang kapamilya, lider ng Simbahan, o titser. Sa paggawa mo nito, anyayahan ang taong ito na magbahagi ng mga karanasan sa iyo tungkol sa pagsisikap at pananampalataya niya na hingin ang tulong at patnubay ng Ama sa Langit.
1 Nephi 15:12–20
Ipinaliwanag ni Nephi ang pagkalat at pagtitipon ng Israel
Hindi naunawaan ng mga kapatid ni Nephi ang mga propesiya at mga turo ni Lehi tungkol sa punong olibo at sa mga Gentil (tingnan sa 1 Nephi 15:7; tingnan din sa 1 Nephi 10:12–15). Ipinaliwanag ni Nephi na ang pagkalat ng mga likas na sanga ng punong olibo ay sumasagisag sa pisikal at espirituwal na pagkalat ng sambahayan ni Israel (pinagtipanang tao ng Diyos) dahil sa kanilang pagsuway. Sa kanilang nakalat na kalagayan nawala ang kaalaman nila sa ebanghelyo, gayon din ang kanilang identidad bilang mga miyembro ng sambahayan ni Israel. Bilang bahagi ng pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw, tatanggapin ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang ipinanumbalik na ebanghelyo at mauunawaan na sila ay mga pinagtipanang tao ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 15:14–15).
Basahin ang 1 Nephi 15:14, at markahan ang mauunawaan ng mga nakalat na Israel sa mga huling araw.
Itinuro ni Nephi na ang mga sumapi sa Simbahan ay parang inihugpong “sa tunay na punong olibo” (1 Nephi 15:16). Sinabi rin niya na, tulad ng pagkalat ng sambahayan ni Israel, ang paghuhugpong o pagtitipon na ito ay mangyayari “sa pamamagitan ng mga Gentil” (1 Nephi 15:17). Makatutulong na maunawaan na “sa pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, may ilang kahulugan ang mga Gentil. Tumutukoy ito minsan sa mga taong hindi kabilang sa angkan ng mga Israelita, minsan mga taong hindi kabilang sa angkan ng mga Judio, at minsan mga bayang walang ebanghelyo, kahit na maaaring may dugong Israelita sa mga tao. Itong huling pagkakagamit ay katangian ng salitang ginamit sa Aklat ni Mormon” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan,“Gentil, Mga,” scriptures.lds.org).
Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako at naaalala ang Kanyang mga tipan sa Kanyang mga anak. Nais Niya na matanggap ng lahat ng Kanyang anak ang mga pagpapala ng walang hanggang ebanghelyo (tingnan sa 1 Nephi 15:18). Ang pagsisikap mo na ibahagi ang ebanghelyo sa iyong mga kaibigan at pamilya at ang determinasyon mong magmisyon nang marangal ay nakatutulong sa katuparan ng propesiya ni Lehi.
1 Nephi 15:21–36
Sinagot ni Nephi ang mga tanong ng kanyang kapatid tungkol sa pangitain ni Lehi mula sa sarili niyang karanasan
Ang natitirang bahagi ng 1 Nephi 15 ay naglalaman ng mga tanong ng mga kapatid ni Nephi tungkol sa panaginip ni Lehi. Itinanong nila, “Ano ang kahulugan ng gabay na bakal na nakita ng ating ama, na patungo sa punungkahoy?” (1 Nephi 15:23.) Basahin ang sagot ni Nephi sa 1 Nephi 15:24–25, at tukuyin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong masigasig na nakikinig sa salita ng Diyos. Sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos, salungguhitan ang mga parirala na kahalintulad ng mga itinuro ni Nephi:
-
“Hindi lamang tayo aakayin ng salita ng Diyos sa bungang kanais-nais sa lahat, kundi sa salita ng Diyos at sa pamamagitan nito matatagpuan natin ang lakas na labanan ang tukso, lakas na hadlangan ang gawain ni Satanas at ng kanyang mga kampon.”
-
“Ang salita ng Diyos … ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at palakasin at ihanda sila sa tulong ng Espiritu upang mapaglabanan nila ang kasamaan, makapanangan sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito.”
-
“Tagumpay sa kabutihan, lakas na maiwasan ang panlilinlang at malabanan ang tukso, patnubay sa buhay araw-araw, paghilom ng kaluluwa—ilan lamang ito sa mga pangako ng Panginoon sa mga susunod sa Kanyang salita. … Gaano man tayo kasigasig sa ibang mga aspeto, may ilang pagpapalang matatagpuan lamang sa mga banal na kasulatan, sa pagsunod sa salita ng Panginoon at pagkapit nang mahigpit dito sa pagdaan natin sa mga abu-abo ng kadiliman hanggang makarating sa punungkahoy ng buhay” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 80, 82).
Mahalagang humawak tayo sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, at pakikinig sa mga tinawag na lider.
-
Sa iyong scripture study journal, gumawa ng isang flyer o maliit na poster na nagtataguyod sa salita ng Diyos. Tiyakin na isama mo rito ang mga ipinangakong pagpapala ni Nephi sa mga taong hahawak nang mahigpit sa salita ng Diyos. Maaari ka ring maglista ng mga sources para sa paghahanap ng salita ng Diyos.
Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 15:24–25: Ang pag-aaral at pagsunod sa salita ng Diyos araw-araw ay nagpapalakas sa atin laban sa mga tukso ni Satanas.
-
Para makatulong sa paglakas ng iyong patotoo tungkol sa alituntuning ito, sagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong karanasan na may kaugnayan sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang nakatulong sa iyo na malaman na totoo ang alituntuning ito?
-
Paano mo malalaman kung totoo ang alituntuning ito?
-
Sa panaginip ni Lehi, ang mga taong mahigpit na humawak sa gabay na bakal ay nakaraan nang ligtas mula sa abu-abo ng kadiliman patungo sa punungkahoy ng buhay. Sa 1 Nephi 15:26, hiniling ng mga kapatid ni Nephi na ipaliwanag niya ang kahulugan ng ilog na malapit sa punungkahoy ng buhay. Basahin ang 1 Nephi 15:27–29, at alamin ang sinasagisag ng ilog.
Basahin ang 1 Nephi 15:32–36. Bakit naguguluhan ang isip ng mga kapatid ni Nephi sa mga turong ito?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga bahagi sa panaginip ni Lehi at interpretasyon ni Nephi sa panaginip ang nagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos sa mga kapatid ni Nephi?
-
Paano mo nakita ang pagmamahal at pagmamalasakit sa iyo ng Diyos sa 1 Nephi 15?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 15 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: