Pambungad sa 3 Nephi
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa iyong pag-aaral ng 3 Nephi, malalaman mo ang tungkol sa mga sinabi at ginawa ng Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Tinatawag ng mga lider ng Simbahan ang 3 Nephi na “ikalimang Ebanghelyo” ng ating Panginoon dahil, tulad ng apat na Ebanghelyo ng Bagong Tipan, nakatuon ito sa tuwirang turo at ministeryo ni Jesucristo (tingnan sa Gordon B. Hinckley, “The Cornerstones of Our Faith,” Ensign, Nob. 1984, 52). Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “ang 3 Nephi ay naglalaman ng ilan sa mga nakaaantig at nakahihikayat na scripture passage sa lahat ng banal na kasulatan. Ito ay nagpapatotoo kay Jesucristo, sa Kanyang mga propeta, at sa mga doktrina ng kaligtasan” (“The Savior’s Visit to America,” Ensign, Mayo 1987, 6). Ngayong nalaman mo kung paano nagpakita ng habag si Jesucristo para sa mga tao nang “isa-isa” (3 Nephi 11:15; 17:21), mas mauunawaan mo ang Kanyang pagmamalasakit para sa iyo bilang indibiduwal. May matututuhan ka ring mahahalagang aral kapag pinag-ukulan mo ng pansin kung paano inihanda ng mga tao ang kanilang sarili upang makita ang Tagapagligtas habang ang iba ay hinadlangan ang sarili na makamtan ang napakagagandang pagpapala.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Pinaikli ni Mormon ang mga talaan mula sa malalaking lamina ni Nephi upang buuin ang 3 Nephi. Ang aklat ay ipinangalan kay Nephi, ang anak ni Nephi, na ang paglilingkod ay sa panahong bago hanggang pagkatapos ng pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga tao. Sa panahon ng matinding kasamaan bago ang pagdalaw ni Jesucristo, si Nephi ay naglingkod “nang may kapangyarihan at dakilang karapatan” (3 Nephi 7:17). Gayunpaman ang paglilingkod ni Nephi ay pagpapakilala lamang sa ministeryo ni Jesucristo, na ang mga salita at ginawa ay bumubuo sa pangunahing pagtutuunan sa 3 Nephi. Habang gumagawa si Mormon ng pinaikling ulat mula sa talaan ni Nephi, idinagdag din ni Mormon ang kanyang sariling komentaryo at patotoo sa aklat na ito (tingnan sa 3 Nephi 5:8–26; 26:6–12; 29–30).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Ang mga orihinal na talaan na pinagkuhanan para sa aklat ng 3 Nephi ay malamang na isinulat sa pagitan ng 1 B.C. at 34 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng mga A.D. 345 at A.D. 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tinipon niya ang aklat na ito.