Unit 25: Day 3
3 Nephi 14
Pambungad
Ang pagtuturo ni Jesucristo sa templo ay nagpatuloy sa 3 Nephi 14. Itinuro Niya sa mga tao ang tungkol sa paghatol sa iba at iniutos sa kanila na humingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagdarasal. Nagbabala rin ang Tagapagligtas tungkol sa mga bulaang propeta at binigyang-diin ang kahalagahan ng paggawa ng kalooban ng Diyos.
3 Nephi 14:1–6
Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa paghatol sa iba
Basahin ang mga salita sa pangalawang talata ng himnong “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” (Mga Himno, blg. 164)—o kantahin ito kung komportable kang gawin ito:
Kapwa ko’y ba’t hahatulan
Kung may sala rin ako?
May lumbay na ‘di makita
Nakakubli sa puso.
O, aking Panginoon,
Kayo’y laging susundin.
Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 14, patuloy na nagturo ang Tagapagligtas sa mga Nephita sa templo. Basahin ang 3 Nephi 14:1–2, at alamin kung paano nauugnay ang iniutos na ito ng Panginoon sa pangalawang talata ng himnong binasa mo. (Maaaring makatulong sa iyo na maunawaan na ang pariralang “sa panukat na isusukat ninyo” ay tumutukoy sa paraan ng paghatol ng tao sa iba.)
-
Isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano nauugnay ang ipinayo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 14:1–2 sa pangalawang talata ng himnong “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin”?
-
Paano mo ipahahayag ang mahalagang katotohanan na itinuro ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 14:2 gamit ang sarili mong salita? (Maaari mo ring isulat ang katotohanan o alituntuning ito sa margin ng iyong banal na kasulatan.)
-
Nagbigay si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ng ideya na makatutulong sa atin na maunawaan ang utos ng Panginoon na “huwag kayong hahatol” sa 3 Nephi 14:1. Sa iyong pagbabasa, salungguhitan ang mga uri ng paghatol na sinabi niyang dapat nating iwasan at kung bakit.
“May dalawang uri ng paghatol: kaagad na paghatol na ipinagbabawal sa ating gawin, at mga paghatol sa nararapat gawin na ipinagagawa sa atin, ngunit ayon sa matwid na mga alituntunin. …
“Ang huling paghuhukom … ay isang kaganapan sa hinaharap kung saan lahat tayo ay tatayo sa harapan ng hukumang luklukan ni Cristo upang hatulan ayon sa ating mga gawa. … Naniniwala ako na ang utos sa banal na kasulatan na ‘huwag kayong hahatol’ ay pinakamalinaw na tumutukoy sa huling paghuhukom na ito. …
“… Bakit iniutos ng Tagapagligtas na huwag tayong kaagad na humusga o humatol? Naniniwala ako na ibinigay ang kautusang ito dahil hinahatulan na natin kaagad na mapupunta sa impiyerno (o sa langit) ang isang tao dahil lang sa ginawa niya sa oras na iyon. Kapag ginawa natin ito—at maaaring matukso tayong gawin ito—sinasaktan natin ang ating sarili at ang taong hinahatulan natin. …
“… Ang paghatol nang makatarungan ay, ayon sa kahulugan nito, dapat pumapagitna. Hindi ito magsasabing tiyak na ang kadakilaan ng isang tao o siya ay tiyak na mapupunta sa impiyerno. Hindi ito magsasabing wala nang pagkakataon ang isang tao para sa kadakilaan o kaya’y hindi na siya mabibigyan ng anumang tungkulin sa gawain ng Panginoon. Ang ebanghelyo ay ebanghelyo ng pag-asa, at walang sinuman sa atin ang may karapatan na ipagkait ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na maglilinis sa mga kasalanan ng bawat tao, magpapatawad, at magpapabago ng buhay tungo sa kabutihan” (“‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 7, 9).
Isipin kung paano nakatulong sa iyo ang pahayag ni Elder Oaks na maunawaan ang utos ng Tagapagligtas na “huwag kayong hahatol.”
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nabago ng alituntunin mula sa 3 Nephi 14:2 na sa kahatulang ihahatol natin, tayo ay hahatulan ang paraan ng pagtingin natin sa mga pagkakamali o kahinaan ng iba? Basahin ang 3 Nephi 14:12. Paano nauugnay ang talatang ito sa alituntuning ito?
May nakapuwing na ba sa mata mo, tulad ng pilik-mata o alikabok? Sa banal na kasulatan tinukoy ang alikabok sa mata na puwing. Ang mahaba, makapal na piraso ng kahoy ay tinukoy na tahilan. Ginamit ng Tagapagligtas ang mga imaheng ito para maipaunawa sa atin ang mga problemang darating kapag hinatulan natin nang hindi makatarungan ang iba o pinaratangan sila. Basahin ang 3 Nephi 14:3–5, at pag-isipan ang isinasagisag ng puwing at tahilan.
-
Sa iyong scripture study journal, idrowing ang inilarawan ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 14:4. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay mo ang isinasagisag ng puwing?
-
Ano sa palagay mo ang isinasagisag ng tahilan?
-
Sa palagay mo bakit tahilan ang ginamit sa halip na puwing para isagisag ang pagkakamali ng mga taong humahatol nang hindi makatarungan?
-
Pansinin na ang analohiya ng Tagapagligtas ay nakatuon sa mga bagay na nakadikit sa mata kaya apektado ang paningin ng isang tao. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong tungkol sa iyong sarili: Paano nakakaapekto ang aking mga pagkakamali sa pagtingin ko sa iba? Paano ko maipamumuhay ang payo ni Jesucristo sa 3 Nephi 14:5?
Sa palagay mo ba ay tama o kailangang hatulan ang pag-uugali ng ibang tao? Nilinaw ni Propetang Joseph Smith na bagama’t hindi natin hahatulan nang hindi makatarungan ang iba, iniuutos sa atin na humatol nang makatarungan (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1).
Ang sumusunod na paliwanag ay nagbibigay ng karagdagang ideya sa tanong tungkol sa paghatol sa iba: “Kung minsan ipinapalagay ng mga tao na masamang [hatulan o] husgahan ang iba sa anumang paraan. Bagama’t totoo na hindi ninyo dapat hatulan o husgahan ang iba nang wala sa katwiran, kakailanganin ninyong husgahan ang mga ideya, sitwasyon, at tao sa buong buhay ninyo. Maraming iniutos ang Panginoon na hindi ninyo matutupad nang hindi kayo humahatol o nanghuhusga” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 128).
Upang matulungan ka na maunawaan ang kahalagahan ng paghatol nang makatarungan, basahin ang 3 Nephi 14:6 at tukuyin ang ilang paghatol na iniutos ni Jesucristo na gawin natin. Bago ka magbasa, makatutulong na maunawaan na ang ibig sabihin ng “ibigay ang anumang banal sa mga aso” at “ihagis ang … mga perlas sa mga baboy” ay ibahagi ang isang bagay na sagrado sa mga taong hindi ito pahahalagahan o hindi nauunawaan ang kasagraduhan nito.
Paano nakatutulong sa iyo ang 3 Nephi 14:6 na maunawaan na kinakailangang gumawa ng mga makatarungang paghatol? Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ang ilang iba pang sitwasyon kung saan makagagawa tayo ng mga makatarungang paghatol:
“Lahat tayo ay nagpapasiya kung sino ang pipiliin nating kaibigan, kung saan ilalaan ang panahon at ang pera natin, at mangyari pa, kung sino ang pipilin nating makasama nang walang hanggan. …
“…Ang makatarungang paghatol ay ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon, hindi ng galit, paghihiganti, pagkainggit, o pansariling interes” (“‘Judge Not’ and Judging,”9).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mahalagang humatol nang makatarungan sa mga aspetong tulad ng pagpili ng mga kaibigan, pagpapasiya kung paano gugugulin ang ating panahon at pera, o pagpili ng taong makakasama sa kawalang-hanggan? Ano ang ilang maaaring sitwasyon kung saan kinakailangan o naaangkop na hatulan ang iba?
-
Paano ka makahahatol nang mas makatarungan? Pag-isipan kung may sinuman na maaari mong pakitaan pa ng kabutihan o hindi husgahan o hatulan nang hindi makatarungan.
-
3 Nephi 14:7–12
Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa paghingi ng mga pagpapala sa Ama sa Langit
Isipin ang mga pagkakataon na sinagot ng Ama sa Langit ang iyong mga panalangin. Basahin ang 3 Nephi 14:7–11, at alamin ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa kagustuhan ng Ama sa Langit na sagutin ang ating mga panalangin.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin sa 3 Nephi 14:7–11 ay pagpapalain tayo ng Ama sa Langit kung hihingi tayo at hahanapin natin Siya sa ating panalangin. Paano nabago ang paraan ng pagdarasal mo nang malaman mo na gustong sagutin ng Ama sa Langit ang iyong panalangin?
-
Itanong ito sa isang mas nakatatanda sa iyo na pinagkakatiwalaan mo: Kailan mo nadama na mahal ka ng Ama sa Langit dahil sa paraan ng pagsagot Niya sa iyong mga panalangin? Ibuod ang kanyang sagot at ano ang natutuhan mo rito sa iyong scripture study journal.
3 Nephi 14:13–27
Itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit
Sa patuloy na pagtuturo ng Tagapagligtas sa mga Nephita na nakatipon sa templo, nagbigay Siya ng ilang analohiya upang tulungan tayong maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa Kanyang mga turo. Bawat analohiya ay naglalaman ng mabuti at masamang halimbawa.
-
Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng isang simpleng larawan na nagpapakita ng mabuti at masamang halimbawa na matatagpuan sa bawat isa sa sumusunod na tatlong scripture passage. Isulat din kung ano sa palagay mo ang gusto ng Tagapagligtas na matutuhan natin sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mabubuti at masasamang halimbawa. Maging handang ipakita ang idinrowing mo sa inyong klase at ipaliwanag kung ano ang natutuhan mo mula sa mga analohiyang ito.
Basahin ang 3 Nephi 14:21–23, at isipin kung ano ang maaari mong sabihin sa isang tao na magsasabi sa iyo na ang kailangan mo lang gawin para maligtas sa kaharian ng Diyos ay ang sabihing naniniwala ka kay Jesucristo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 14 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: