Pambungad sa Home-Study Seminary Program
Ang home-study seminary program ay nilayong tulungan ka na mapalalim ang iyong pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo at maipamuhay ang mga turo nito sa iyong buhay sa araw-araw sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Para sa iyong pag-aaral sa taong ito, babasahin mo muna ang mga reading assignment mula sa teksto ng banal na kasulatan para sa kursong ito—ang Aklat ni Mormon—at pagkatapos ay kukumpletuhin mo ang bawat lesson. Magkikita kayo ng titser mo sa seminary isang beses bawat linggo para ipasa ang iyong ginawa at makibahagi sa isang weekly lesson.
Ang seminary ay isang araw-araw na religious education program. Dapat maging araw-araw na gawain ang mapanalanging pag-aaral ng iyong banal na kasulatan. Kakailanganin mong gawin ang iyong mga seminary assignment araw-araw, kahit hindi ka dumadalo sa isang seminary class bawat araw. May 32 unit na kukumpletuhin sa kursong ito. Makikita sa reading chart sa pahina viii ang mga dapat mong pag-aralan para sa bawat unit. Ipapaliwanag sa iyo ng titser mo kung kailan dapat ipasa ang bawat unit. Ang mga lesson sa gabay na ito sa pag-aaral ay aabutin ng mga 30 minuto para makumpleto, bilang karagdagan sa iyong araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Dapat may dalawa kang scripture study journal (o dalawang notebook), bukod pa sa iyong personal journal, kung saan isusulat mo ang mga assignment mula sa mga aktibidad sa gabay sa pag-aaral. Sa bawat pagkikita ninyo ng iyong titser bawat linggo, dapat mong ipasa ang scripture study journal na naglalaman ng mga natapos na assignment mula sa mga aktibidad sa gabay sa pag-aaral na nakumpleto mo para sa linggong iyon. Babasahin at magkokomento ang iyong titser sa mga assigment at ibabalik sa iyo ang scripture study journal na iyon sa susunod na linggo. Maaari ka ring gumamit ng loose-leaf binder at ipasa ang mga pahinang ginawa mo sa linggong iyan. Pagkatapos, kapag ibinalik ng iyong titser ang mga pahina, ibalik ang mga ito sa notebook.
Paggamit ng Manwal na Ito sa Daily Seminary Program
Ang manwal na ito ay magagamit ng mga titser at mga estudyante sa daily seminary program para mapaganda ang mga lesson o para sa make-up work. Gayunman, hindi ito nilayon na ibigay sa bawat estudyante ng daily seminary. Kung kailangang mag-make-up work ng isang estudyante, maaaring ipakumpleto sa kanya ng titser ang home-study lesson na tugma sa lesson na hindi niya nadaluhan.
Paggamit ng Home-Study Student Manual
Reading Chart para sa Aklat ni Mormon
Halina’t Magbasa ng Aklat ni Mormon
Ano ang Aklat ni Mormon?
Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Naglalaman ito ng mga isinulat ng mga sinaunang propeta na nagbibigay-ulat tungkol sa mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa isang sanga ng sambahayan ni Israel sa kontinente ng Amerika. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang Aklat ni Mormon ay kasama ng Biblia, ng Doktrina at mga Tipan, at ng Mahalagang Perlas bilang banal na kasulatan. Ang Aklat ni Mormon ay tala ng malalaking sibilisasyon sa sinaunang Amerika.
Simula nang una itong ilathala sa Ingles noong 1830, ang Aklat ni Mormon ay naisalin na sa maraming wika, at mahigit 150 milyong kopya na ang nailimbag. Inilarawan ito ng mga propeta ng Diyos bilang “saligang-bato” ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Bakit Mahalaga sa Akin na Pag-aralan ang Aklat ni Mormon?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na mapapalapit ka sa Diyos kapag taos-puso mong pinag-aralan ang Aklat ni Mormon:
“Hindi ba’t may nadarama tayo sa kaibuturan ng ating mga puso na naghahangad na mapalapit sa Diyos, na maging higit na katulad Niya sa ating buhay sa araw-araw, na madama sa tuwina ang Kanyang presensya? Kung gayon, ang Aklat ni Mormon ang tutulong sa atin upang magawa ito nang higit pa sa anumang aklat.
“Hindi lamang itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan, bagama’t ito nga ang ginagawa nito. Hindi lamang nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Cristo, bagama’t ito nga rin ang ginagawa nito. Mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na ‘mga salita ng buhay’ (tingnan sa D at T 84:85), at wala ng iba pang aklat na higit na totoo kaysa sa Aklat ni Mormon. Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay” (“Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Liahona, Okt. 2011, 56–57).
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa atin. Pinaikli ni Mormon, ang sinaunang propeta kung kanino ipinangalan ang aklat, at ng kanyang anak na si Moroni ang mga talaang maraming siglo nang naisulat noong tinipon nila ang mga laminang ginto at nagmula rito ang Aklat ni Mormon na isinalin ni Propetang Joseph Smith. Ang Diyos, na nakakaalam ng wakas mula sa simula, ay binigyan ng inspirasyon ang Kanyang mga propeta sa mga dapat isama sa mga pinaikling talaan na kakailanganin natin para sa ating panahon. Si Moroni, na huling propetang sumulat sa Aklat ni Mormon, ay nakita ang ating panahon: “Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:35).
Itinuro rin ni Pangulong Benson na ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay makatutulong sa iyo na mahiwatigan ang mabuti at masama:
“Inilalapit ng Aklat ni Mormon ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng dalawang pangunahing bagay. Una, inilalahad nito si Cristo at ang kanyang ebanghelyo sa simpleng paraan. Pinatototohanan nito na siya ay banal at kailangan natin ng Manunubos at kailangang magtiwala tayo sa kanya. Pinatototohanan nito ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala at ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo, kabilang na ang pangangailangan natin na magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu at ng espirituwal na pagsilang na muli. Ipinapahayag nito na dapat tayong magtiis hanggang wakas sa kabutihan at mamuhay na isang mabuting Banal.
“Pangalawa, inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Pinabubulaanan nito ang mga maling doktrina at inaalis ang pagtatalo. (Tingnan sa 2 Ne. 3:12.) Pinatitibay nito ang mapagkumbabang mga disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. Ang uri ng mga nag-apostasiya sa Aklat ni Mormon ay katulad ng uring mayroon tayo ngayon. Ang Diyos, sa kanyang walang-hangganang kaalaman noon pa man, ay hinubog nang gayon ang Aklat ni Mormon upang makita natin ang mali at malaman kung paano dadaigin ang mga maling konsepto sa edukasyon, pulitika, relihiyon, at pilosopiya ng ating panahon” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Mayo 1975, 64).
Tungkol sa Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay binubuo 15 maliliit na aklat. Walo sa mga aklat na ito ay nagsisimula sa heading na orihinal na nakasulat sa mga laminang ginto na isinalin ni Propetang Joseph Smith: 1 Nephi, 2 Nephi, Jacob, Alma, Helaman, 3 Nephi, 4 Nephi, at Eter. Ang ilan sa mga kabanata sa Aklat ni Mormon ay may mga heading din na kasama sa orihinal na nakasulat sa mga laminang ginto (maliban sa mga pangungusap tungkol sa kabilang na mga kabanata): Mosias 9, Mosias 23, Alma 5, Alma 7, Alma 9, Alma 17, Alma 21, Alma 36, Alma 38, Alma 39, Alma 45, Helaman 7, Helaman 13, 3 Nephi 11, at Moroni 9.
Sa simula ng bawat kabanata sa Aklat ni Mormon ay may maikling buod ng kabanata na naka-italics. Ang mga buod na ito ng mga kabanata ay isinulat at idinagdag ayon sa tagubilin ng Unang Panguluhan at hindi bahagi ng orihinal na teksto ng Aklat ni Mormon mula sa mga laminang ginto.