Seminary
Unit 28: Day 3, Mormon 3–6


Unit 28: Day 3

Mormon 3–6

Pambungad

Matapos mabawi ang kanilang mga lupain mula sa mga Lamanita, ang mga Nephita ay muling naghanda para sa digmaan. Pinakiusapan ni Mormon ang mga Nephita na magsisi; ngunit sa halip na magsisi, ipinagmalaki pa nila ang kanilang lakas at sumumpang ipaghihiganti ang pagkamatay ng kanilang mga kapatid. Dahil ipinagbawal ng Panginoon sa Kanyang mga tao ang paghihiganti, tumanggi si Mormon na pamunuan ang kanilang hukbo, at sila ay natalo. Nang magpatuloy pa rin sa kasamaan ang mga Nephita, ipinataw na ng Diyos ang Kanyang kahatulan sa kanila at nagsimula na silang magapi ng mga Lamanita. Sa huli, pinamunuang muli ni Mormon ang mga Nephita sa digmaan, ngunit dahil ayaw pa rin nilang magsisi, nalipol sila ng mga Lamanita. Ipinagdalamhati ni Mormon ang kanilang pagbagsak at ang hindi nila pagbaling na muli kay Jesucristo. Ipinropesiya niya na ang mga talaan ng mga tao ay lalabas sa mga huling araw, at hinikayat niya ang mga magbabasa nito na magsisi at maghanda para sa kanilang sariling kahatulan sa harapan ng Diyos.

Mormon 3–4

Dahil sa tumitinding kasamaan ng mga Nephita, tumangging pamunuan ni Mormon ang kanilang mga hukbo, at nagsimulang ubusin ng mga Lamanita ang mga Nephita sa balat ng lupa

Nadama mo na ba na gusto ng Panginoon na may baguhin ka sa buhay mo? Naisip mo na ba na hinikayat o tinulungan ka Niya na baguhin ang isang bagay nang hindi mo napapansin?

Noong panahon ni Mormon, madalas na hindi natatanto o napapahalagahan ng mga Nephita kung paano sila tinutulungan ng Panginoon sa mga pakikidigma nila sa mga Lamanita. Matapos magkaroon ng kasunduan ang mga Nephita at mga Lamanita at mga tulisan ni Gadianton, itinulot ng Panginoon na mamuhay sila nang mapayapa sa loob ng 10 taon. Ginugol nila ang mga taong iyon sa pisikal na paghahanda sa papalapit na mga pagsalakay (tingnan sa Mormon 2:28; 3:1).

Basahin ang Mormon 3:2–3, at alamin ang mas mahalagang paghahanda na nais ng Panginoon na gawin ng mga Nephita laban sa mga pagsalakay ng mga Lamanita. Paano tumugon ang mga Nephita? Ayon sa Mormon 3:3, bakit iniligtas ng Panginoon ang mga Nephita sa kanilang mga huling pakikidigma sa kabila ng kanilang kasamaan?

Tulad ng nakatala sa Mormon 3:4–8, pinrotektahan ng Panginoon ang mga Nephita nang dalawang beses pa sa digmaan. Ang isang doktrinang matututuhan natin mula sa mga pakikitungo ng Panginoon sa masasamang Nephita ay sa Kanyang awa, binibigyan tayo ng Panginoon ng sapat na pagkakataon na pagsisihan ang ating mga kasalanan. Ang mga pagkakataong ito ay katibayan ng tiyaga at kabaitan ng Diyos at ng Kanyang hangarin na lahat ng Kanyang mga anak ay mamuhay sa paraan na magiging karapat-dapat sila sa buong pagpapala ng Pagbabayad-sala.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal (maaari mong sagutin ang mga ito sa iyong personal journal kung sagrado o kumpidensyal ang mga sagot):

    1. Paano ka hinikayat ng Panginoon na magsisi at paano ka binigyan ng mga pagkakataong magawa iyon? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanyang katangian?

    2. Ano ang magagawa mo para hindi mo mabalewala o mapatigas ang iyong puso laban sa mga panghihikayat na ito, tulad ng ginawa ng mga Nephita sa Mormon 3:3?

Ang mga pagkakataon at paanyaya mula sa Panginoon na gumawa ng pagbabago sa iyong buhay ay maaaring dumating nang mas madalas kaysa sa iyong inaakala. Halimbawa, maaaring dumating ang mga ito kapag tumatanggap ka ng sakramento o kapag nadarama mo ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na mas magpakabuti o paglingkuran ang iba. Kapag hinanap mo ang mga oportunidad na iyon at gumawa kaagad ng pagbabago, maaanyayahan mo ang nakatutubos na kapangyarihan ng Panginoon sa iyong buhay. Para matulungan kang maunawaan kung bakit ayaw tanggapin ng mga Nephita ang hangarin ng Panginoon na tulungan sila, basahin ang Mormon 3:9–10 at alamin kung ano ang naging reaksyon nila matapos manalo nang maraming beses laban sa mga Lamanita.

Ano ang naging reaksyon ng mga Nephita matapos manalo nang maraming beses sa mga Lamanita? Basahin ang Mormon 3:11–13, at alamin ang itinugon ni Mormon nang sumumpa ang hukbo na maghihiganti.

Pinamunuan ni Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita nang mahigit 30 taon, sa kabila ng kanilang hayagang kasamaan. Ano ang itinuturo sa atin ng pagtanggi ni Mormon na pamunuan ang hukbo tungkol sa matinding epekto ng paghihiganti?

Basahin ang Mormon 3:14–16, at markahan ang mga pariralang nagpapahayag ng itinuro ng Panginoon kay Mormon tungkol sa paghihiganti. Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa mga talatang ito ay ipinagbabawal sa atin ng Panginoon ang maghiganti.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Hinangad mo na bang maghiganti o gantihan ang isang tao dahil sa ginawa niya sa iyo? Sa palagay mo bakit mapanganib o hindi mabuti ang maghiganti? Sino sa palagay mo ang masasaktan nang labis kapag naghiganti ka?

    2. Bakit dapat nating ipaubaya ang paghatol at paghihiganti sa mga kamay ng Panginoon sa halip na tayo ang gumawa nito?

Bagama’t alam natin na hindi tayo dapat maghiganti, madalas na mahirap pigilan ang damdaming ito kapag sumilakbo ito. Sa pagbabasa mo ng sumusunod na payo ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, markahan ang mga parirala na nakatulong sa iyo na malaman ang magagawa mo para mapigilan ang sarili na maghiganti kapag naramdaman mo ito:

Pangulong James E. Faust

“Kailangan nating maunawaan at tanggapin na galit tayo. Kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito, ngunit kung luluhod tayo at hihingi sa Ama sa Langit ng kakayahang magpatawad, tutulungan Niya tayo. Inutusan tayo ng Panginoon, na ‘magpatawad sa lahat ng tao’ [D at T 64:10] para sa ating ikabubuti dahil ‘ang pagkamuhi ay hadlang sa espirituwal na pag-unlad’ [Orson F. Whitney, Gospel Themes (1914), 144]. Sa pagwaksi ng pagkamuhi at kapaitan lamang maaaliw ng Panginoon ang ating mga puso. …

“… Kapag dumating ang trahedya, huwag nating hangaring maghiganti, sa halip hayaan nating manaig ang katarungan, at magparaya. Hindi madaling magparaya at alisin sa ating puso ang galit. Nag-alok ang Tagapagligtas ng mahalagang kapayapaan sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ngunit dumarating lamang ito kapag handa tayong iwaksi sa ating damdamin ang galit, pagkayamot, o paghihiganti. Para sa ating lahat na nagpapatawad ‘sa mga tao ng kanilang mga kasalanan’ [Joseph Smith Translation, Matthew 6:13], maging yaong mga nakagawa ng mabibigat na krimen, ang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng malaking kapayapaan at aliw” (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 69).

Pag-isipan kung paano mo masusunod ang payong ito para alisin ang anumang hinanakit, galit, o pagkainis na maaaring nadarama mo sa ibang tao.

Matapos tumangging pamunuan ang mga hukbo ng mga Nephita, pinagtuunan ni Mormon ang pagsulat para sa mga taong magbabasa ng kanyang mga salita sa mga huling araw. Gusto niyang magsisi ang bawat isa sa atin at maghandang “tumindig sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo” (tingnan sa Mormon 3:18–22).

Basahin ang Mormon 4:1–2, at alamin ang nangyari sa hukbo ng mga Nephita nang maghiganti sila sa mga Lamanita. Basahin ang Mormon 4:4, at alamin kung bakit hindi nanaig (nanalo) ang mga hukbo ng mga Nephita. Basahin ang Mormon 4:5, at tukuyin ang anumang katotohanan tungkol sa mga ibinunga ng patuloy na kasamaan. Ano ang nakita mo?

Isa mga katotohanang maaaring nakita mo ay ang mga kahatulan ng Diyos ay aabot sa masasama. Kadalasan “sa pamamagitan ng masasama na ang masasama ay pinarurusahan” (Mormon 4:5). Hindi tinatanggap ng masasama ang tulong ng Diyos at hindi hinahangad ang Kanyang pangangalaga. Basahin ang Mormon 4:11–14, 18, at alamin kung paano ipinataw ang mga kahatulan ng Diyos sa mga Nephita.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    1. Sa iyong opinyon, ano ang pinakamalungkot na bahagi ng sitwasyon ng mga Nephita sa Mormon 3–4?

    2. Paano maaaring magkaugnay-ugnay ang mga doktrina o katotohanang pinag-aralan mo ngayon? (Isipin ang kaugnayan ng pagsisisi sa paghihiganti, at ang mga kahatulan ng Diyos.)

Pag-isipan kung ano ang gusto ng Panginoon na gawin mo upang maipamuhay ang mga katotohanang ito.

Mormon 5–6

Ipinasiya ni Mormon na pamunuang muli ang hukbo ng mga Nephita, ngunit nanaig ang mga Lamanita; ipinagdalamhati ni Mormon ang pagkalipol ng kanyang mga tao

May pagkakaiba ba ang kalungkutang nadarama sa pagkamatay ng isang tao namuhay nang mabuti at ang kalungkutan sa pagkamatay ng isang tao na namuhay nang masama? Ano sa palagay mo ang pagkakaiba?

Pagkaraan ng mahigit 13 taon na pagtanggi na pamunuan ang mga hukbo ng mga Nephita, muling namuno si Mormon. Gayunpaman, pinamunuan niya sila na walang taglay na pag-asa dahil tumangging magsisi at humingi ng tulong sa Panginoon ang mga tao. Matapos mahadlangan ang ilang pagsalakay ng mga Lamanita, tumakas ang mga Nephita. Ang mga hindi nakatakas nang mabilis ay pinatay. Sumulat si Mormon sa hari ng mga Lamanita para hilinging bigyan ang mga Nephita ng panahong makapagtipon para sa huling digmaan (tingnan sa Mormon 5:1–7; 6:1–6).

Basahin ang Mormon 6:7–11, at sikaping unawain ang kalungkutan ni Mormon nang masaksihan niya ang pagkalipol ng kanyang mga tao. Sa iyong palagay, bakit nakakatakot ang kamatayan sa mga taong namumuhay nang masama?

  1. journal iconBasahin ang Mormon 6:16–22; at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit masigasig tayong hinihikayat ng mga propeta, lider, at mga magulang na magsisi?

    2. Paano nakatutulong sa iyo na magsisi ang pag-asa na tatanggapin ka ng Panginoon? (tingnan sa Mormon 6:17).

Pag-isipan kung mayroon bang anumang bagay na gusto ng Panginoon na pagsisihan mo ngayon sa iyong buhay. Maaari mong isulat ito sa iyong personal journal at magtakda ng mga mithiin na maisagawa ito.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mormon 3–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: