Unit 18: Day 1
Alma 25–29
Pambungad
Matapos ang maraming taon ng pangangaral ng ebanghelyo, pinapurihan ni Ammon ang Panginoon at nagpasalamat sa mga pagpapala ng pagiging kasangkapan sa Kanyang mga kamay upang madala ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Maraming Lamanita ang nagsimulang maniwala sa Panginoon, nagsisi, at tinawag ang kanilang sarili na mga Anti-Nephi-Lehi. Matapos makipagtipan sa Diyos ang mga Anti-Nephi-Lehi na hindi na muling hahawak ng mga sandata ng digmaan, ang mga Amalekita at mga Lamanita ay nagsimulang gumawa ng mga paghahanda upang makidigma laban sa kanila. Upang tulungan silang matupad ang kanilang tipan sa Panginoon, tinanggap ng mga Anti-Nephi-Lehi ang alok na proteksyon mula sa mga Nephita. Ipinahayag ng propetang Nephita na si Alma ang kagalakang nadama niya mula sa pangangaral ng ebanghelyo at pag-anyaya sa iba na lumapit kay Jesucristo.
Alma 25
Natupad ang propesiya ni Abinadi, at maraming Lamanita ang nagbalik-loob
Umisip ng anumang pagbabago na nagawa mo habang lalo pang lumalalim ang iyong pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakatala sa Alma 25 ang katuparan ng propesiya ni Abinadi na ang mga inapo ng mga saserdote ni Noe ay tutugisin at papatayin at ipinakita dito na ipagtatanggol ng Panginoon ang Kanyang mga propeta at tutuparin ang kanilang mga propesiya (tingnan sa Alma 25:9). Nakatala rin dito kung gaano karaming Lamanita ang nagsisi at sumama sa mga Anti-Nephi-Lehi. Basahin ang Alma 25:14, at tukuyin ang ginawa ng mga Lamanitang ito nang magbalik-loob sila sa ebanghelyo. Sa Alma 25:15 nalaman natin ang dalawang dahilan kung bakit sinusunod nila ang batas ni Moises.
Alma 26
Nagalak si Ammon sa awa ng Panginoon sa mga Lamanita at sa mga anak ni Mosias
Ano ang kailangan para makapagtayo ng isang bahay o isang simbahan? Anong uri ng simbahan ang maitatayo ng isang bihasang manggagawa gamit ang tamang mga kagamitan o kasangkapan? Sa Alma 26, inilarawan ni Ammon ang kanyang sarili at ang kanyang mga kapatid bilang mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para magawa ang isang dakilang gawain. Basahin ang Alma 26:1–5, 12–13, at tukuyin ang nagawa ng Panginoon sa pamamagitan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid bilang mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay. (Maaari mong markahan ang mga sagot na nakita mo sa iyong banal na kasulatan.) Sa talata 5 ang pariralang “ikinampay … ang karit” ay nangangahulugang nagsumigasig sa paggawa, ang “mga bigkis” ay sumasagisag sa mga nagbalik-loob, ang “mga bangan” ay sumasagisag sa Simbahan, at ang pariralang ang mga natipon ay “hindi … masayang” ay tumutukoy sa pangangalaga sa mga nagbalik-loob sa Diyos at pagkakaloob Niya sa kanila ng buhay na walang hanggan.
Tukuyin o markahan ang isa o mahigit pang mga parirala sa Alma 26:12 na nagpapahiwatig na naunawaan ni Ammon na siya ay kasangkapan lamang sa mga kamay ng Panginoon at na ang Panginoon ang gumawa ng mga himala sa kanyang misyon.
Mula sa mga talatang ito natutuhan natin ang alituntuning ito: Kapag naghanda at nagpakumbaba tayo, palalakasin tayo ng Panginoon at gagamitin tayong kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Ang isang alituntunin na kaugnay nito na natutuhan din natin sa Alma 26 ay: Nakadarama tayo ng kagalakan kapag tapat nating pinaglilingkuran ang Panginoon at ang Kanyang mga anak. Basahin ang Alma 26:11, 13, 16, at markahan tuwing makikita mo ang salitang kagalakan o magsaya/magsasaya.
Basahin ang Alma 26:13–16, at tukuyin ang mga dahilang ibinigay ni Ammon kung bakit siya nagagalak.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang iyong palagay kung bakit nakadarama tayo ng kagalakan kapag naglilingkod tayo sa Panginoon. Maaari mo ring isulat ang tungkol sa isang pagkakataon na nadama mo ang kagalakan bunga ng iyong paglilingkod sa Simbahan.
Basahin ang sumusunod na mga talata, at pag-isipan ang mga sagot sa mga tanong na kalakip nito:
Alma 26:22–23, 26–29. Pansinin ang mga nakatalang kinakailangang gawin para malaman ang mga hiwaga ng Diyos. Anong pangako ang ibinigay sa mga missionary na nagtataglay ng mga kwalipikasyong ito? Anong mga hadlang ang nakaharap ni Ammon at ng kanyang mga kapatid sa kanilang paglilingkod sa Panginoon at sa mga Lamanita? Alin sa mga hadlang na ito ang katulad ng mga hadlang na nakakaharap ng mga taong naglilingkod sa Panginoon sa panahong ito? Ano ang matututuhan ng mga missionary sa panahong ito mula sa Alma 26:29 tungkol sa kung saan nila dapat ituro ang ebanghelyo?
Alma 26:30. Ano ang naghikayat sa mga anak ni Mosias na magpatuloy sa paglilingkod kahit sa panahong nahihirapan sila?
-
Basahin ang Alma 26:35–37, at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga katotohanan ang itinuro sa mga talatang ito ang magbibigay sa iyo ng dahilan na magalak sa kabutihan ng Diyos? (Maaari mong markahan ang mga pariralang nagpahiwatig ng mga katotohanang ito.)
-
Ano ang nagagawang kaibhan ng nalalaman mo na inaalala ka ng Diyos?
-
Alma 27
Inakay ni Ammon ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi patungo sa mga Nephita upang mailigtas sila
Sa iyong paghahanda na pag-aralan ang Alma 27, pag-isipan ang sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
May tao bang nangako sa iyo at pagkatapos ay sinira ang pangakong iyon?
-
May kakilala ka ba na laging tumutupad sa mga ipinangako niya sa iyo?
-
Ano ang nadarama mo para sa mga taong tumutupad sa kanilang mga pangako? Bakit?
Matapos na hindi nagawang lipulin ang mga Nephita, tinangka ng mga Lamanita na lipulin ang mga Lamanita (mga Anti-Nephi-Lehi) na napabalik-loob ni Ammon at ng kanyang mga kapatid. Alalahanin na ibinaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipakita na tutuparin nila ang kanilang tipan na hindi na sila muling papatay kailanman. Para malaman kung gaano katapat ang mga Anti-Nephi-Lehi sa pagtupad sa tipang iyon, basahin ang Alma 27:2–3.
Isipin ang matibay na pangako ng mga Anti-Nephi-Lehi na tuparin ang kanilang tipan na hindi na hahawak ng mga sandata nang salakayin sila. Isipin kung paano mo mapalalakas ang iyong kakayahang tuparin ang iyong mga tipan sa Ama sa Langit kapag tila mahirap gawin ito.
Dahil sa pag-uusig at pagsalakay mula sa masasamang Lamanita, inakay ni Ammon ang mga Anti-Nephi-Lehi patungo sa Zarahemla—isang lunsod ng mga Nephita—kung saan nangako ang mga Nephita na poprotektahan sila mula sa kanilang mga kaaway. Isipin kung ano ang magagawa mo para matulungan ang mga tao sa iyong paligid na tuparin ang mga tipan na ginawa nila sa Panginoon.
Noong naroon na sila sa Zarahemla, ang mga Anti-Nephi-Lehi ay tinawag na mga tao ni Ammon ng mga Nephita. Basahin ang Alma 27:27–30, at alamin kung ano ang naging pagkakakilala sa mga tao ni Ammon. Markahan ang anumang salita o parirala na nagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay lubos na nagbalik-loob sa Panginoon, tinutupad natin ang mga tipang ginawa natin sa Kanya.
-
Sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong pangyayari ang naranasan mo na naging mahirap para sa iyo na tuparin ang iyong mga tipan sa Panginoon, ngunit natupad mo pa rin ang mga ito?
-
Para sa iyo, sino ang taong naging halimbawa ng katapatan at katatagan sa kanyang mga tipan sa Panginoon? Paano ipinakita ng taong iyon ang katapatan sa mga tipang iyon?
-
Alma 28
Tinalo ng mga Nephita ang mga Lamanita sa malaking digmaan
-
Kunwari ay isa kang reporter o tagapagbalita na inatasang alamin at sundan ang mga pangyayaring matatagpuan sa Alma 28. Basahin ang Alma 28:1–6, 11–14, at sumulat ng maikling talata sa iyong scripture study journal na nagbubuod sa mga nangyari. Tiyaking sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong talata.
-
Ano ang naging mga sakripisyo ng mga Nephita sa pagtulong sa mga tao ni Ammon na matupad ang kanilang mga tipan? (Tingnan sa Alma 28:1–3.)
-
Gaano nakaapekto ang maraming kamatayang ito sa mga Nephita? (Tingnan sa Alma 28:4–6.)
-
Bakit may mga taong nangamba nang mamatay ang mga mahal nila sa buhay samantalang ay iba ay nagagalak at umaasa? (Tingnan sa Alma 28:11–12.)
-
Magsulat ng isang alituntunin na magbubuod sa natutuhan mo mula sa Alma 28:11–12:
Isa sa mga alituntuning itinuro sa Alma 28 ay: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at naniwala sa Kanyang mga pangako, magkakaroon tayo ng pag-asa at kagalakan kahit sa kamatayan.
-
Sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo nasaksihan ang isang tao na hinarap ang kanyang sariling kamatayan o ang kamatayan ng isang mahal sa buhay nang may pag-asa dahil sa pananampalataya kay Jesucristo?
-
Paano mo ipaliliwanag ang kamatayan sa isang tao upang matulungan siya na magkaroon ng pag-asa sa pagkamatay ng mahal sa buhay?
-
Tukuyin ang tatlong pahayag ni Mormon na nagsisimula sa “at sa gayon nakikita natin” sa Alma 28:13–14. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan. Ano ang mga puntong binibigyang-diin ni Mormon nang tapusin niya ang tala tungkol sa misyon ng mga anak ni Mosias sa mga Lamanita? Isiping mabuti kung bakit mahalagang malaman mo ang mga katotohanang ito.
Alma 29
Si Alma ay nagpuri sa pagdadala ng mga kaluluwa sa Diyos
Ninais mo ba na may kapangyarihan ka para mag-isa kang makagawa ng ilang pambihirang kabutihan o mapigilan ang ilang kasamaan sa mundo? Ang Alma 29 ay naglalaman ng mithiin ni Alma na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Basahing mabuti ang Alma 29:1–3, at alamin ang mithiin ng puso ni Alma.
Inaalala ang nangyari kay Alma noong kabataan niya, isipin ang kaugnayan nito kung bakit ganito ang mithiin ni Alma. Pansinin sa Alma 29:3 kung bakit niya nadama na nagkakasala siya sa kanyang mithiin. Basahin ang Alma 29:4–5, at tukuyin ang ipinagkakaloob ng Panginoon sa mga taong may mabubuting naisin.
Basahing mabuti ang Alma 29:10, 14–16, at markahan ang gantimpalang natanggap ni Alma para sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo. Maaari mong markahan ang salitang kagalakan sa tuwing makikita mong ginamit ito ni Alma sa mga talatang ito.
Ang isang alituntuning itinuro sa Alma 29 ay: Makadarama tayo ng kagalakan kapag tinutulungan natin ang iba na magsisi at lumapit kay Jesucristo. Ano ang mga karanasan mo na tumulong sa iyo na madama ang kagalakan sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo?
Pag-isipan sandali ang mga paraan na matutulungan mo ang bawat isa sa mga sumusunod na grupo ng mga tao na nangangailangan ng pagbabago sa kanilang buhay at lumapit kay Jesucristo: (a) ang iyong mga kaibigan, (b) ang iyong mga kapamilya, at (c) ang mga taong hindi mo pa gaanong kilala. Hingin ang patnubay ng Espiritu sa paghahanap mo ng pagkakataon na madala ang ibang tao kay Jesucristo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 25–29 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: