Unit 21: Day 3
Alma 53; 56–58
Pambungad
Nakipaglaban sina Helaman at Kapitan Moroni sa mga Lamanita sa iba’t ibang dako ng lupain. Nagpadala si Helaman ng isang liham kay Moroni na inilalahad ang pakikidigma ng kanyang mga hukbo sa mga Lamanita at ipinahayag ang kanyang tiwala at kasiyahan sa malaking pananampalataya ng 2,060 kabataang mandirigma. Dahil sa pananampalataya at katapangan ng mga mandirigmang Nephitang ito, tinulungan sila ng Panginoon na manalo sa mga digmaan at binigyan sila ng katiyakan at pag-asa sa panahong sila ay nahihirapan.
Alma 53; 56
Natalo ng mga hukbo nina Antipus at Helaman ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita
Habang nakikipaglaban si Kapitan Moroni sa isang bahagi ng lupain, pinamunuan ni Helaman ang kanyang hukbo sa iba pang bahagi ng lupain. Kasama sa kanyang hukbo ang 2,000 kabataang anak na lalaki ng mga tao ni Ammon. Ang mga magulang ng mga kabataang ito ay nakipagtipan na hindi na nila gagamitin ang kanilang mga sandata sa kanilang mga kaaway, ngunit ang kanilang mga anak ay hindi nakipagtipan, kaya natulungan nila ang mga hukbo ng mga Nephita (tingnan sa Alma 53:10–18).
-
Kopyahin ang sumusunod na diagram sa iyong scripture study journal. Basahin ang Alma 53:18–21, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan sa mga katangian ng 2,000 kabataang lalaki na taglay na nila bago pa sila pumasok sa hukbo. Isulat ang mga pariralang nahanap mo sa ilalim ng heading na “Mga katangiang taglay bago ang digmaan.” Maaari mong markahan ang mga pariralang ito sa iyong banal na kasulatan.
Si Antipus, isang Nephitang pinuno ng hukbo, ay may napakaraming kaaway na Lamanita sa bahagi ng lupain na dinidepensahan niya at ng kanyang hukbo. Natuwa si Antipus nang isama ni Helaman ang 2,000 kabataang mandirigma para tumulong sa kanya (tingnan sa Alma 56:9–10).
Sa kanilang unang pakikidigma laban sa mga kaaway, napaalis ng 2,000 kabataang mandirigma ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita mula sa lunsod para sundan sila nito, at iniutos ng Nephitang kumander na si Antipus na habulin at tugisin ng kanyang hukbo ang mga Lamanita mula sa likuran. Naabutan ng hukbo ni Antipus ang hukbo ng mga Lamanita, na tumigil para makipaglaban sa kanila. Ang mga kabataang mandirigma, na patuloy sa pagtakbo, ay napansing tumigil sa paghabol at pagtugis sa kanila ang mga Lamanita. Hindi nila alam kung tumigil ang mga Lamanita para malinlang sila na bumalik para sila ang mapatay o kung naabutan ng hukbo ni Antipus ang mga Lamanita kaya tumigil ang mga ito. Gayunman, hindi alam ni Helaman kung babalik sila at sasalakayin ang mga Lamanita. (Tingnan sa Alma 56:29–43.)
Basahin ang Alma 56:43–48, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan sa mga katangiang ipinakita ng mga kabataang lalaki na ito sa pinakamapanganib na sandali sa digmaan. Isulat ang nahanap mo sa iyong scripture study journal sa ilalim ng heading na “Mga katangiang ipinakita sa panahon ng digmaan.” Maaari mo ring markahan ang mga pariralang ito sa iyong banal na kasulatan.
Pag-aralan ang Alma 56:49, 54–56 para malaman ang nangyari nang bumalik ang 2,000 kabataang mandirigma upang makipaglaban sa mga Lamanita. Hanapin ang mga parirala na nagpapakita ng katotohanang ito: Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, makatatanggap tayo ng lakas mula sa Diyos.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagkakaroon ng mga katangian ng mga kabataang mandirigma sa pagkilos mo nang may pananampalataya kapag nahaharap ka sa mahihirap na sitwasyon?
-
Ilarawan ang isang pangyayari na kumilos ka (o ang isang taong kilala mo) nang may pananampalataya at nakatanggap ng lakas mula sa Diyos para matagumpay na makayanan ang mahirap na sitwasyon.
-
Alma 57
Nabawi ng hukbo ni Helaman ang mga lunsod ng Antipara at Cumeni
Nabawi ni Helaman at ng kanyang hukbo ang mga lunsod ng Antipara at Cumeni mula sa mga Lamanita. Sa panahong ito, nakatanggap ng karagdagang mandirigma si Helaman sa kanyang hukbo. Libu-libong mandirigma mula sa lupain ng Zarahemla ang sumama sa hukbo, tulad ng ginawa ng 60 anak pa ng mga tao ni Ammon (tingnan sa Alma 57:1–12).
Hindi nagtagal pagkatapos mabawi ni Helaman ang lunsod ng Cumeni, sinalakay silang muli ng mga Lamanita. Naharap sa matinding pakikipaglaban ang hukbo ni Helaman, kung saan ang 2,060 kabataang mandirigma ay malaking tulong sa buong hukbo. Basahin ang Alma 57:19–21 para malaman ang ilang katangiang ipinakita ng mga kabataang mandirigma sa digmaang ito. Maaari mong idagdag ang mga katangiang ito sa mga nakalista sa “Mga katangiang ipinakita sa panahon ng digmaan” sa iyong scripture study journal at markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.
-
Isa sa mga taglay na katangian ng mga kabataang mandirigma ay ang pagsunod nila “nang may kahustuhan” (Alma 57:21). Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng pagsunod sa kautusan “nang may kahustuhan”?
-
Sa iyong palagay, paano nakatulong ang pagsunod nang may kahustuhan ng mga kabataang mandirigma sa kanilang kumander para manalo sila sa digmaan?
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagsunod nang may kahustuhan sa mga kautusan ng Panginoon sa mga digmaang espirituwal sa iyong buhay?
-
Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal: Kapag sinunod natin ang Panginoon nang may kahustuhan, palalakasin Niya tayo sa mga digmaan sa ating buhay. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagpaliwanag kung bakit ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos “nang may kahustuhan” ay napakahalaga:
“May makakaharap [kayong] mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko dito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon.
“Sa pagsunod ay patuloy na dadaloy ang mga pagpapala ng Diyos. Bibiyayaan Niya ang Kanyang masunuring mga anak ng kalayaan mula sa pagkaalipin at kalungkutan. At bibiyayaan Niya sila ng mas maraming kaliwanagan.
“… Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay magbibigay ng pisikal at espirituwal na proteksyon” (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 34–35).
Basahin ang Alma 57:25–27, at alamin ang ilang dahilan kung bakit patuloy na pinrotektahan ng Panginoon ang mga kabataang mandirigma. Ano ang pinakahinangaan mo tungkol sa mga kabataang mandirigma sa mga talatang ito?
Kahit mabubuti tayo, hindi tayo palaging poprotektahan ng Diyos mula sa mga paghihirap natin. Bagama’t ang mga kabataang mandirigma ay naprotektahan mula sa kamatayan, lahat sila ay sugatan (tingnan sa Alma 57:25), at maraming iba pang mabubuting Nephita ang napatay (tingnan sa Alma 57:26). Gayunman, palagi tayong palalakasin ng Diyos sa mga panahong nahihirapan tayo at bibiyayaan tayo ng mga bagay na kailangan natin. Sa huli, Siya ay magbibigay ng mga walang hanggang pagpapala sa lahat ng sumusunod sa Kanyang mga kautusan.
Alma 58
Ang mga hukbo ng mga Nephita ay naghintay ng mga panustos at pagkatapos ay binawi ang lunsod ng Manti
Bukod pa sa pakikipaglaban nila sa digmaan sa mga Lamanita, ang hukbo ni Helaman ay naharap sa isa pang uri ng paghihirap. Ang kanilang pakikipaglaban sa digmaan ay hindi kalayuan mula sa Zarahemla, na siyang sentro ng pamahalaan ng mga Nephita. Nanalo si Helaman sa ilang napakahirap na digmaan, ngunit wala silang natatanggap na mga pagkain, mga panustos, at mga karagdagang mandirigma na kailangan nila mula sa pamahalaan. Hindi nila alam kung bakit hindi sila sinusuportahan ng pamahalaan. (Tingnan sa Alma 58:7–9.)
-
Basahin ang Alma 58:10–12, at sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ginawa ng mga Nephita nang maharap sila sa mahirap na kalagayang ito?
-
Paano tumugon ang Panginoon sa kanilang mga taimtim na pagsamo at panalangin?
-
Ayon sa Alma 58:12, paano nakatulong ang pagtiyak ng Panginoon kay Helaman at sa kanyang hukbo?
-
Isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal: Kung magsusumamo tayo sa Diyos sa panahong nahihirapan tayo, makatatanggap tayo ng katiyakan na palalakasin Niya ang ating pananampalataya at bibigyan tayo ng pag-asa.
Sa kabila ng kahinaan ng kanyang hukbo, nabawi ni Helaman at ng kanyang mga tauhan ang lunsod ng Manti (tingnan sa Alma 58:13–41). Sinabi ni Helaman na ang lahat ng tagumpay ng hukbo ay dahil sa tulong ng Panginoon (tingnan sa Alma 58:37).
Patuloy na namangha si Helaman sa tagumpay ng mga kabataang mandirigma. Basahin ang Alma 58:39–40, at hanapin ang mga salita at mga parirala na nagpapakita ng kagitingan ng mga kabataang mandirigma sa mahihirap na kalagayan. Maaari mong markahan ang mga salita o mga pariralang ito sa iyong banal na kasulatan.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na nagdasal ka na tulungan ka ng Diyos noong panahong nahihirapan ka at nadama ang Kanyang suporta.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 53; 56–58 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: