Seminary
Unit 31: Day 4, Moroni 7:1–19


Unit 31: Day 4

Moroni 7:1–19

Pambungad

Itinala ni Moroni ang sermon na ibinigay ng kanyang ama, si Mormon, sa kanyang “mga minamahal [na] kapatid” maraming taon na ang nakararaan (Moroni 7:2). Kasama sa lesson na ito ang unang bahagi ng sermon ni Mormon na matatagpuan sa Moroni 7. Tinatalakay nito ang kanyang mga itinuro tungkol sa mabubuting paggawa nang may tunay na layunin at ang kanyang pagpapaliwanag tungkol sa kung paano natin mahihiwatigan ang mabuti at masama. Sa susunod na lesson pag-aaralan mo ang natitirang bahagi ng sermon ni Mormon na matatagpuan sa Moroni 7.

Moroni 7:1–10

Itinuro ni Mormon sa mga tagasunod ni Jesucristo ang tungkol sa mga gawa at layunin

mansanas

May nakita na ba kayong bagay na napakagandang tingnan sa labas pero hindi gaanong maganda sa loob? Isang halimbawa nito ay prutas, tulad ng mansanas na napakaasim o kaya naman ay masyadong hinog. Maglista ng dalawa o tatlong iba pang mga halimbawa na maiisip mo:

Isipin kung paano maihahambing sa mga panlabas na anyo at panloob na mga hangarin ng tao ang mga bagay na mukhang maganda sa labas ngunit ang totoo ay hindi. Itinala ni Moroni ang mga salita ng kanyang amang si Mormon hinggil sa kalagayan ng ating mga puso kapag gumagawa tayo ng mabuti. Basahin ang Moroni 7:2–3 at tukuyin kung sino ang kinakausap ni Mormon.

Tinukoy ni Mormon ang kanyang mga kapatid na kinakausap niya bilang “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3). Pag-aralan ang Moroni 7:4–5 para malaman kung paano nalaman ni Mormon na tunay na mga disipulo ng Tagapagligtas ang mga Nephitang ito.

Sa palagay mo ba ay maaaring magkunwari lang na mabait ang isang tao? Bakit oo o bakit hindi?

Sinagot ni Mormon ang tanong na ito sa Moroni 7:6. Sa pag-aaral mo ng talatang ito, maaari mong markahan ang pariralang “tunay na layunin.” Ang sumusunod na paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng tunay na layunin. Salungguhitan ang mga bahaging iyon ng kanyang paliwanag na napansin mo.

“Hindi lamang natin dapat gawin ang tama. Dapat kumilos tayo na may mga tamang dahilan. Ang makabagong salita riyan ay mabuting motibo. Madalas na inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang naaangkop na kaisipang ito sa mga salitang buong layunin ng puso o tunay na layunin.

“Nilinaw ng mga banal na kasulatan na nauunawaan ng Diyos ang ating mga motibo at hahatulan ang ating mga gawa nang naaayon doon” (Pure in Heart [1988], 15).

Inilarawan ni Mormon ang nangyayari sa taong gumagawa ng mabuti nang may tunay na layunin. Basahin ang Moroni 7:7–10, at tukuyin ang nangyayari kapag gumagawa tayo ng mabuti nang walang tamang layunin. Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na para mabiyayaan sa paggawa ng mabuti, dapat nating gawin ito nang may tunay na layunin ng puso. Kasama sa tunay na layunin ang paggawa ng kabutihan dahil sa pagmamahal sa Diyos at sa ibang tao.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga kaibhan ang napapansin mo kapag gumagawa ka ng kabutihan nang may tunay na layunin kumpara sa paggawa ng kabutihan nang may makasariling layunin?

  2. journal iconPara matulungan ka na mas maunawaan ang alituntunin na upang pagpalain para sa mabubuting gawa, kailangan nating gawin ito nang may tunay na layunin ng puso, pag-isipan ang sumusunod na sitwasyon: Isang kaibigan na nagbabasa ng Aklat ni Mormon ang nagpatulong sa iyo na maunawaan ang Moroni 7:9 at nagsabing, “Nabasa ko na kung mananalangin ang isang tao nang walang tunay na layunin, ‘ito ay walang kapakinabangan sa kanya, sapagkat ang Diyos ay walang tinatanggap na gayon.’ Pakiramdam ko madalas na hindi ako nananalangin nang may tunay na layunin. Titigil na lang ba akong manalangin?” Sa iyong scripture study journal, isulat kung ano ang isasagot mo sa tanong na iyan, at ipaliwanag kung bakit ganyan ang itutugon mo.

Ibinigay ni Pangulong Brigham Young ang nakatutulong na payong ito para magkaroon tayo ng hangaring manalangin nang may tunay na layunin: “Hindi mahalaga kung nais ninyo o nais kong manalangin, kapag dumating ang oras ng pananalangin, manalangin kayo. Kung hindi natin nais na manalangin, dapat tayong manalangin hanggang sa naisin natin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 52).

Isipin kung paano nauugnay ang payo ni Pangulong Young sa pagsunod sa iba pang kautusan maliban sa panalangin. Ang madalas na paggawa ng tama ay makatutulong para patuloy na masunod ang kautusang iyan para sa mga tamang dahilan.

  1. journal iconPara maipamuhay ang mga turo ni Mormon tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng kabutihan nang may tunay na layunin, pumili ng isa sa mga sumusunod na kautusan: pag-aayuno, pagbabayad ng ikapu, paglilingkod sa iba, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paggalang sa mga magulang, pananatiling malinis ang moralidad. (Kasama sa pananatiling malinis ang moralidad ang pagiging mabuti habang gumagamit ng Internet o mga social media. Kasama rin dito ang hindi paggawa ng anumang bagay na hahantong sa kasalanang seksuwal.) Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano ka pinagpala nang hinangad mong sundin ang kautusang iyan nang may tunay na layunin?

    2. Ano ang ipapayo mo sa mga kaibigan mo tungkol sa pagsunod sa kautusang iyan nang may tunay na layunin?

Moroni 7:11–19

Itinuro ni Mormon kung paano matutukoy ang mabuti at masama

Paano natin malalaman na masama ang isang bagay kahit hindi pa natin aktuwal na sinusubukan ito? Nagbigay ng payo si Mormon para tulungan tayo kapag naharap sa gayong sitwasyon.

  1. journal iconBasahin ang Moroni 7:11–13, at alamin kung paano malalaman ang mabuti at ang masama. Maaari mong markahan ang mga pariralang natatak sa isip mo. Isulat ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito sa pamamagitan ng pagkumpleto sa mga sumusunod na pahayag sa iyong scripture study journal:

    1. Ang yaong sa Diyos ay …

    2. Ang yaong nagmumula sa diyablo …

Pinagtibay ni Mormon na inaanyayahan at hinihikayat tayo ng Diyos na patuloy na gumawa ng mabuti. Pansinin na ayon sa Moroni 7:12, inaanyayahan at inuudyukan din tayo ng diyablo. Isipin ang mga paraang ginagawa ng diyablo para anyayahan at udyukan tayo na magkasala.

Elder Jeffrey R. Holland

Tinalakay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang hangarin ni Satanas na udyukan tayong patuloy na gumawa ng masama: “Si Satanas, o Lucifer, o ang ama ng kasinungalingan—anuman ang itawag ninyo sa kanya—ay tunay, siya mismo ang kumakatawan sa kasamaan. Masama ang kanyang mga motibo sa lahat ng pagkakataon. … Palagi siyang salungat sa pag-ibig ng Diyos, sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sa gawain ng kapayapaan at kaligtasan. Kakalabanin niya ang mga ito kahit kailan at kahit saan. Alam niyang matatalo siya at itataboy sa huli, ngunit determinado siyang ipahamak ang marami hangga’t maaari” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 44).

  1. journal iconPara matulungan kang maghanda na maipamuhay ang mga turo ni Mormon sa pagpapasiya kung ano ang mabuti at masama, ilista sa iyong scripture study journal ang ilan sa mga paborito mong TV show, awitin, grupo ng mang-aawit, Internet site, apps, video game, o personal na pag-aari. (Maaari mo ring baguhin ang listahang ito ayon sa mga kinahihiligan mo.) Babalikan mo ang journal entry na ito mamaya sa lesson na ito.

Basahin ang Moroni 7:15–17, at alamin ang mga katotohanang tutulong sa iyo na malaman kung nagmumula sa Diyos o nagmumula sa diyablo ang isang bagay.

Ang Espiritu ni Cristo ay tinatawag din na Liwanag ni Cristo, (tingnan sa Moroni 7:18). Ibinigay ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang paliwanag na ito na makatutulong sa iyo na higit na maunawaan ang Liwanag ni Cristo:

Pangulong Boyd K. Packer

“Magkaiba ang Espiritu Santo at Liwanag ni Cristo. Bagamat kung minsan ay inilalarawan sila sa magkakaparehong salita sa banal na kasulatan, magkaiba at magkahiwalay sila. …

“Habang lalo nating nalalaman ang tungkol sa Liwanag ni Cristo, lalo nating nauunawaan ang buhay at lalo nating mamahalin ang sangkatauhan. …

“Tinatawag mang Liwanag ni Cristo, delikadesa, o konsiyensya ang liwanag sa kaloobang ito, na pagkaalam sa tama at mali, magagabayan tayo nito na kontrolin ang ating kilos—maliban kung pipigilin o iwawaksi natin ito. …

“Bawat lalaki, babae, at bata ng bawat bansa, relihiyon, o lahi—lahat, saanman sila nakatira o anuman ang kanilang paniniwala o ginagawa—ay nasa kanila ang di-maglalahong Liwanag ni Cristo. Sa ganito, nilikha nang pantay-pantay ang lahat ng tao. Ang Liwanag ni Cristo sa lahat ay patotoo na ang Diyos ay walang itinatangi” (“Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abr. 2005, 8–10).

Ang mga nabinyagang miyembro ng Simbahan ay binigyan din ng kaloob na Espiritu Santo upang malaman nila kung ano ang mabuti at masama. Itinuro ni Pangulong Packer, “Makakakilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo” (“Liwanag ni Cristo,” 10).

Basahing mabuti ang Moroni 7:18–19 para malaman ang payo ni Mormon tungkol sa dapat na pagtugon sa Liwanag ni Cristo na nasa ating kalooban. Maaari mong markahan ang mga salita o mga parirala sa mga talatang ito na nagsasaad na kapag masigasig tayong nagsasaliksik upang masunod ang Liwanag ni Cristo, malalaman natin ang kaibhan ng mabuti sa masama.

Tingnan ang listahang ginawa mo sa iyong scripture study journal sa assignment 5. Pag-isipang mabuti ang mga aytem sa listahan mo, at “masigasig na saliksikin … ang liwanag ni Cristo (Moroni 7:19) upang malaman kung ang mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos o hindi. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong:

  • Gaano ka nahihikayat ng mga bagay na ito na gumawa ng kabutihan, maniwala kay Cristo, mahalin ang Diyos at maglingkod sa Kanya?

  • Nahihikayat ka ba ng alinman sa mga ito na “gumawa ng masama, … huwag maniwala kay Cristo, … [itatwa] Siya, [o] huwag maglingkod sa Diyos”? (Moroni 7:17).

  • Sa palagay mo ba dapat mong alisin ang alinman sa mga bagay na ito sa buhay mo? Kung oo, paano mo ito gagawin?

Nangako si Mormon na kapag pinili mong alisin ang anumang bagay sa iyong buhay na hindi mabuti at naghangad na “[manangan] sa bawat mabuting bagay,” ikaw ay magiging “isang anak ni Cristo” (Moroni 7:19).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Moroni 7:1–19 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: