Unit 29: Day 3
Eter 1–2
Pambungad
Ang aklat ni Eter ay pinaikling tala ni Moroni ng kasaysayan ng mga Jaredita. Ang mga Jaredita ay mga taong nagmula sa Western Hemisphere daan-daang taon bago ang mga tao ni Lehi. Pagkatapos ng Pagbaha noong panahon ni Noe, karamihan sa mga inapo ng mga taong naligtas ay naging masasama. Tinangka ng isang pangkat ng mga tao na magtayo ng tore “na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit” (Genesis 11:4). Ang tala ng bansang Jaredita ay nagsimula sa pagtatayo ng Tore ng Babel. Upang masawata ang laganap na kasamaan, ginulo o nilito ng Panginoon ang iisang wikang ginagamit ng lahat at ikinalat ang mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo (tingnan sa Genesis 11:5–8; Eter 1:33). Ang talang ito sa aklat ni Eter ay nagsimula kay Jared at sa kanyang kapatid na humihingi ng tulong sa Panginoon nang Kanyang lituhin ang wika ng mga tao sa Tore ng Babel. Hindi binago ng Panginoon ang wika ni Jared, ng kanyang kapatid, at ng kanilang mga pamilya at kaibigan at ginabayan sila patungo sa lupang pangako. Pagkatapos ay tinagubilinan ng Panginoon ang kapatid ni Jared na gumawa ng walong gabara upang maitawid ang kanyang mga tao sa karagatan.
Eter 1:1–33
Itinala ni Moroni ang talaangkanan ni Eter magmula kay Jared sa Tore ng Babel
Para matulungan ka na maunawaan kung saan nanggaling ang aklat ni Eter, rebyuhin ang “Buod ng Mosias 7–24” mula sa Unit 12: Day 1 lesson (pahina 116). Tingnan ang paglalakbay 4, at alamin ang natagpuan ng mga tao ni Limhi sa paglalakbay na ito.
Tingnan ang simula ng aklat ni Eter, at hanapin ang maikling paglalarawan ng aklat sa ilalim ng pamagat. Sinasabi sa paglalarawang ito na ang talaan ng mga Jaredita ay kinuha mula sa 24 na laminang ginto na natagpuan ng mga tao ni Limhi.
Nang matapos ni Moroni ang talaan ng kanyang ama, kinuha niya ang talaan ng mga Jaredita at gumawa ng mas maikling bersyon nito na isasama sa Aklat ni Mormon. Basahin ang Eter 1:1–4, at alamin ang sinabi ni Moroni na hindi niya isinama sa kanyang bersyon ng talaan ng mga Jaredita. Pagkatapos ay basahin ang Eter 1:5, at alamin kung anong bahagi ng tala ang isinama ni Moroni sa kanyang talaan. Ang toreng tinutukoy sa Eter 1:5 ay ang Tore ng Babel. Tulad ng ipinaliwanag sa Eter 1:33, “nilito” (ginulo o iniba-iba) ng Panginoon ang wika ng mga tao na naghangad na itayo ang tore. Ginawa ito ng Panginoon upang hindi sila magkaintindihan, at pagkatapos ay ikinalat Niya ang mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo.
Tulad ng nakatala sa Eter 1:6–33, isang lalaking nagngangalang Eter ang nagsulat ng talaan ng mga Jaredita. Itinala ni Moroni ang talaangkanan ni Eter magmula sa isang taong nagngangalang Jared, na nabuhay noong panahon ng Tore ng Babel.
Eter 1:33–43
Ang kapatid ni Jared ay nanalangin para humingi ng tulong, at ang kanyang mga kapamilya at kaibigan ay kinaawaan at pinatnubayan
Napunta ka na ba sa isang bansa o lugar na ang wikang ginagamit ng mga tao ay hindi mo maintindihan? Sa iyong palagay, ano ang madarama mo kung hindi mo maintindihan ang wikang ginagamit ng mga tao sa paligid mo? Kung makakapili ka lang ng ilang tao na makakusap sa sitwasyong iyon, sinu-sino ang pipiliin mo? Nangyari ang sitwasyong ito sa lalaking nangngangalang Jared at sa kanyang kapatid, gayundin sa kanilang mga pamilya, na nabuhay noong panahon ng Tore ng Babel. Basahin ang Eter 1:33–37, at alamin ang mga taong gustong makausap ni Jared. Matapos matanggap ng kapatid ni Jared ang pangako ng Panginoon na hindi lilituhin ang kanilang wika (tingnan sa Eter 1:34–35), ipinagdasal niya ang kanyang mga kaibigan (tingnan sa Eter 1:36–37). Tulad ng ipinakita ng kapatid ni Jared, isa sa mga katangian ng matatapat na tao ay ipanalangin na matanggap ng kanilang mga kaibigan ang mga pagpapala ng Panginoon.
Pinagpala ng Panginoon ang mga pamilya ni Jared at ng kanyang kapatid at ng kanilang mga kaibigan upang hindi mag-iba-iba ang kanilang wika. Pagkatapos ay sinabi ni Jared sa kanyang kapatid na manalangin sa Diyos at itanong sa Kanya kung saan dapat magtungo ang kanilang mga pamilya. (Tingnan sa Eter 1:38–40.)
Basahin ang Eter 1:40–43, at tukuyin ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga Jaredita para magabayan sila sa kanilang paglalakbay. Sa iyong palagay, bakit mahalaga para kay Jared at sa kanyang kapatid na sundin ang mga tagubiling ito mula sa Panginoon?
Eter 2:1–12
Sinimulan ng mga Jaredita ang kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako
Basahin ang Eter 2:1–3 para malaman kung gaano sinunod ng mga Jaredita ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa kanila tungkol sa paghahandang maglakbay patungo sa lupang pangako (tingnan sa Eter 1:41–42). Basahin ang Eter 2:4–6, at alamin ang sumunod na nangyari. Pansinin na dahil sinunod ng mga Jaredita ang mga tagubilin ng Panginoon, binigyan Niya sila ng mga karagdagang tagubilin. Isiping mabuti ang mga pagpapala at patnubay na natanggap ng mga Jaredita dahil sinunod nila ang mga tagubilin ng Panginoon.
Mula sa karanasan ng mga Jaredita ay nalaman natin ang alituntuning ito: Kapag kumilos tayo nang may pananampalataya sa patnubay na ibinigay sa atin ng Panginoon, makatatanggap tayo ng karagdagang gabay mula sa Kanya. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Eter 2:6.
May naiisip ka ba na paramdam o pahiwatig na natanggap mo mula sa Panginoon habang nagdarasal, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, o dumadalo ka sa isang miting ng Simbahan? Isaisip ang impresyon o pahiwatig na iyan habang binabasa mo ang pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa kung gaano tayo kadalas nakatatanggap ng sagot sa ating mga panalangin: “Madalang kayong makatanggap ng kumpletong sagot [sa panalangin] nang minsanan. Unti-unti itong darating, [nang pira-piraso], upang maragdagan ang inyong kakayahan. Habang sinusunod ninyo ang bawat piraso nang may pananampalataya, maaakay kayo sa iba pang mga bahagi hanggang mapasainyo ang buong kasagutan. Kailangan ninyo ritong sumampalataya sa kakayahan ng ating Ama na tumugon. Bagamat napakahirap nito kung minsan, nagbubunga ito ng malaking pag-unlad ng sarili” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 9).
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano ka tumugon (o paano ka makatutugon) sa espirituwal na pahiwatig na naisip mo kanina. Maaari mo ring isama ang mga pagpapalang natanggap (o matatanggap) mo mula sa pagsunod sa pahiwatig na iyon.
Tulad ng nakatala sa Eter 2:7–12, sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na kapag dumating na siya at ang kanyang mga tao sa lupang pangako, kailangan nilang “magsilbi sa kanya, ang tunay at tanging Diyos, o sila ay lilipulin” (Eter 2:8).
Eter 2:13–15
Pinagsabihan ng Panginoon ang kapatid ni Jared dahil hindi ito nanalangin sa Kanya
Basahin ang Eter 2:13–15, at alamin ang nangyari nang makarating ang mga Jaredita sa malawak na dagat na naghahati sa mga lupain. Ginabayan sila ng Panginoon sa ilang dahil nakinig sila sa Panginoon at sinunod ang Kanyang mga kautusan. Gayunpaman, matapos silang manirahan sa mga tolda sa pampang ng malawak na dagat sa loob ng apat na taon, dinalaw ng Panginoon ang kapatid ni Jared at pinagsabihan ito dahil sa paglimot na manalangin.
Ang Eter 2:14–15 ay tumutulong sa atin na matutuhan ang mga alituntuning ito: Hindi nalulugod ang Panginoon kapag hindi tayo nananalangin sa Kanya. Nais ng Panginoon na palagi tayong manalangin sa kanya.
Sa pagbasa mo ng sumusunod na pahayag ni Elder Donald L. Staheli, na naglingkod bilang miyembro ng Pitumpu, isipin kung gaano kadalas kang manalangin: “Mahalaga sa ating buhay ang taimtim na pananalangin araw-araw na humihingi ng kapatawaran at espesyal na tulong at patnubay sa ating buhay at sa pangangalaga ng ating patotoo. Kapag nagmamadali tayo, paulit-ulit, di naghahanda, o nakalilimot sa ating mga panalangin, nawawala sa atin ang paglapit ng Espiritu, na napakahalaga sa patuloy na patnubay na kailangan natin upang tagumpay na mapangasiwaan ang mga hamon sa ating araw-araw na pamumuhay” (“Palakasin ang Ating Patotoo” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 39).
Sagutin sa iyong personal journal o sa isang papel ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang masasabi mo o pakiramdam mo tungkol sa kung gaano ka kadalas personal na manalangin?
-
Ano ang masasabi mo o pakiramdam mo tungkol sa kung gaano kataimtim o kataos-puso ang iyong personal na panalangin?
-
Sa iyong mga personal na panalangin, sa pakiramdam mo ba ay talagang nakikipag-ugnayan ka sa Ama sa Langit? Bakit oo, o bakit hindi?
-
Kung mayroon kang isang babaguhin para mas maging taimtim ang iyong mga panalangin, ano ito?
Tulad ng nakatala sa Eter 2:16, pinagsisihan ng kapatid ni Jared ang kanyang mga kasalanan at nanalangin sa Panginoon para sa kanyang mga kapamilya at kaibigan. Sinabi sa kanya ng Panginoon na siya ay napatawad na ngunit dapat siyang patuloy na magpakabuti upang magabayan sila patungo sa lupang pangako.
Eter 2:16–25
Gumawa ng mga gabara ang mga Jaredita para tawirin ang karagatan patungo sa lupang pangako
Isipin ang isang mahalagang personal na desisyon na kinakaharap mo o maaaring kaharapin, tulad ng kung paano haharapin ang isang mahirap na sitwasyon sa pamilya o sa lipunan, paano maging mahusay sa paaralan, kung sino ang pakakasalan, o anong propesyon ang papasukan. Naisip mo ba kung paano ka mabibigyan ng Panginoon ng patnubay o tulong sa gayong sitwasyon? Sa pag-aaral mo ng natitirang bahagi ng Eter 2, isipin ang desisyong natukoy mo at alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo na matanggap ang tulong ng Panginoon.
Basahin ang Eter 2:16–17, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Jaredita upang makarating sa lupang pangako. Nagkaroong ng tatlong problema ang kapatid ni Jared dahil sa disenyo ng mga gabara. Basahin ang Eter 2:18–19, at markahan ang tatlong problema na binanggit ng kapatid ni Jared sa Panginoon.
-
Upang tulungan kang ilarawan sa isipan ang nabasa mo sa Eter 2:16–19, idrowing sa iyong scripture study journal ang sa palagay mo ay itsura ng mga gabara.
Ang sumusunod na chart ay makatutulong sa iyo na matuklasan kung paano tinulungan ng Panginoon ang kapatid ni Jared sa mga problema sa mga gabara. Pag-aralan ang mga scripture verse sa chart, at pagkatapos ay gamitin ang impormasyon para punan ang column na “Solusyon sa Problema” sa chart.
Mga Scripture Verse |
Problema sa mga Gabara |
Solusyon sa Problema |
---|---|---|
Walang hangin | ||
Walang timon | ||
Walang liwanag |
Ang ginawa ng Panginoon at ang ipinagawa Niya sa kapatid ni Jared ay magkaiba sa bawat problema. Mula sa bawat problema at mga solusyon, malalaman natin ang iba pang alituntunin tungkol sa paraan ng pagtulong sa atin ng Panginoon. Ikumpara ang mga solusyon na isinulat mo sa chart sa mga nakalagay sa kasunod na listahan:
Walang hangin (Eter 2:20–21). Para malutas ang problemang ito, sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang dapat niyang gawin. May pananampalatayang sinunod ng kapatid ni Jared ang mga tagubilin ng Panginoon.
Walang timon (Eter 6:4–9). Para malutas ang problemang ito, ibinigay ng Panginoon ang sagot sa problema.
Walang liwanag (Eter 2:22–3:6). Para malutas ang problemang ito, nagbigay ang Panginoon sa kapatid ni Jared ng instruksyon. Pagkatapos ay kinailangang makaisip ang kapatid ni Jared ng solusyon sa problema—batay sa impormasyong mayroon siya—at hiningi ang pagsang-ayon ng Panginoon at tumulong sa pagsasakatuparan nito.
Mula sa karanasan ng kapatid ni Jared, natutuhan natin ang alituntuning ito: Kapag sinikap nating gawin ang bahagi natin upang malutas ang ating mga problema, matatanggp natin ang tulong ng Panginoon. Sa personal na desisyon na naisip mo kanina, paano ka matutulungan ng kaalaman mo sa alituntuning ito para makatanggap ka ng tulong o patnubay hinggil sa desisyong ito? Ano sa palagay mo ang inaasahan ng Panginoon na gawin mo sa paggawa ng desisyon?
-
Sumulat ng isang talata sa iyong scripture study journal na ipinaliliwanag ang natutuhan mo mula sa mga karanasan ng kapatid ni Jared tungkol sa panalangin at sa pagtanggap ng tulong at patnubay ng Panginoon sa iyong buhay.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Eter 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: