Seminary
Unit 32: Day 2, Moroni 8–9


Unit 32: Day 2

Moroni 8–9

Pambungad

Ang Moroni 8 ay liham na ginawa ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni tungkol sa dahilan kung bakit hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata. Sa kanyang liham, itinuro rin ni Mormon kung paano tayo makapaghahanda na makapiling ang Diyos. Tinapos niya ang liham na ipinapahayag ang pag-aalala niya sa kasamaan at nalalapit na pagkalipol ng mga Nephita. Ang Moroni 9 ay naglalaman ng huling naitalang liham ni Mormon sa kanyang anak. Ikinalungkot niya ang kasamaan ng mga Nephita at hinikayat si Moroni na masigasig na tulungan ang mga Nephita na magsisi. Sa kabila ng kasamaan ng kanyang mga tao, hinikayat niya ang kanyang anak na maging matapat kay Cristo at panatilihin sa kanyang isipan ang pangako na buhay na walang hanggan.

Moroni 8:1–24

Sumulat si Mormon sa kanyang anak na si Moroni tungkol sa mga taong kinakailangang binyagan

Naitanong mo na ba kung bakit hindi binibinyagan ang mga bata sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw hanggang hindi pa sila walong taong gulang? Sa isang liham na isinulat para sa kanyang anak na si Moroni, itinuro ni Mormon ang ilang mahahalagang katotohanan tungkol sa kaligtasan ng maliliit na bata at tungkol sa binyag, kabilang na ang dahilan kung bakit hindi binibinyagan ang mga bata hanggang hindi pa sila walong taong gulang. Sinimulan ni Mormon ang kanyang liham kay Moroni sa pagtalakay tungkol sa mga pagtatalo ng mga Nephita. Basahin ang Moroni 8:4-6, at alamin ang doktrinang pinagtatalunan ng mga Nephita.

Basahin ang Moroni 8:7, at alamin ang ginawa ni Mormon nang malaman niya ang problemang ito. Sinagot ng Tagapagligtas ang panalangin ni Mormon na ipinapaliwanag kung bakit hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata bago sumapit ang edad ng pananagutan. Basahin ang Moroni 8:8–9, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas kung bakit hindi binibinyagan ang mga sanggol at maliliit na bata.

Sa Moroni 8:8, ang “sumpa kay Adan,” ay tumutukoy sa pagkawalay ni Adan sa kinaroroonan ng Diyos dahil sa Pagkahulog. Malinaw na hindi nauunawaan ng ilang Nephita ang doktrina ng binyag. Dahil dito, inakala nila na ang maliliit na bata na hindi nabinyagan ay hindi karapat-dapat sa piling ng Diyos, at gusto nilang binyagan ang mga bata habang maliliit o batang-bata pa sila. Para maunawaan ang talatang ito, makatutulong din na malaman na ang kasalanan ay “sadyang di pagsunod sa mga kautusan ng Diyos” (Gabay sa mga banal na Kasulatan, “Kasalanan,” scriptures.lds.org). Para lubos na maunawaan ang doktrina sa talatang ito, maaari mong i-cross-reference ang Moroni 8:8 sa pangalawang saligan ng pananampalataya.

Basahin ang Moroni 8:10, at alamin kung paano mo kukumpletuhin ang sumusunod na katotohanan: Ang pagsisisi at binyag ay kailangan ng lahat ng .

Dahil ang kailangan lamang magsisi at mabinyagan ay ang mga taong maaari nang managot at makagawa ng kasalanan, itinuro ni Mormon na hindi tamang binyagan ang maliliit na bata bago sila magkaroon ng pananagutan. Basahin ang Moroni 8:11–13, 18–22, at alamin ang paliwanag ni Mormon kung bakit mali na binyagan ang maliliit na bata. Itinuturo ng mga talatang ito ang doktrinang ito: Ang maliliit na bata ay maliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Itinakda ng Panginoon ang edad na nagsisimula na ang pananagutan—walong taong gulang (tingnan sa D at T 68:25–27; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 17:11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Bago sumapit ng walong taong gulang ang mga bata, hindi sila maaaring magkasala dahil hindi binigyan si Satanas ng kapangyarihang tuksuhin ang maliliit na bata (tingnan sa D at T 29:46–47). Anumang kasalanang ginawa ng mga bata bago sila magwalong-taong gulang ay hindi itinuturing na kasalanan.

batang babaeng binibinyagan
Elder Dallin H. Oaks

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit hindi nakagagawa ng kasalanan ang maliliit na bata: “Nauunawaan natin sa ating doktrina na bago ang edad ng pananagutan ang bata ay ‘[walang] kakayahang gumawa ng kasalanan’ (Moro. 8:8). Sa panahong iyon, maaaring makagawa ng pagkakamali ang mga bata, maaaring mabigat at nakapipinsalang pagkakamali na dapat itama, ngunit hindi ituturing na kasalanan ang kanilang ginawa” (“Sins and Mistakes,” Ensign, Okt. 1996, 65).

Bilang bahagi ng kanyang liham, pinatotohanan din ni Mormon na ang maliliit na bata ay “buhay kay Cristo” at kung sila ay mamamatay bago sila sumapit ng walong taong gulang, sila ay tutubusin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 8:12–15, 22).

Habang ipinapaliwanag kung bakit hindi nangangailangan ng binyag ang sanggol at maliliit na bata, pinatotohanan ni Mormon ang alituntuning ito: Ang Diyos ay lubos na makatarungan sa pakikitungo Niya sa Kanyang mga anak. Ibig sabihin nito ay titiyakin ng Diyos na ang lahat ay may makatarungan at pantay-pantay na pagkakataon na tumanggap ng kaligtasan.

  1. journal iconAng sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na malaman kung paano ipaliwanag ang mga doktrinang itinuro sa unang bahagi ng Moroni 8. Piliin ang isa (o ang lahat ng) sitwasyon sa ibaba at, sa iyong scripture study journal, tukuyin ang isa o dalawang talata mula sa Moroni 8:8–24 na tutulong para masagot ang alalahanin ng tao sa sitwasyon. Pagkatapos ay sumulat ng isa o dalawang talata bilang sagot sa sitwasyon. Gamitin ang mga scripture verse sa sagot mo.

    1. Bilang missionary, nakilala mo ang isang taong naghahanap ng katotohanan. Ipinaliwanag niya na sa buong buhay niya itinuro sa kanya na ang maliliit na bata ay may kasalanan nang isilang dahil sa paglabag ni Adan. Siguradong-sigurado siya na kapag namatay ang mga sanggol nang hindi nabibinyagan, sila ay makasalanan at hindi maliligtas.

    2. Sang-ayon ang isang bagong miyembro na maganda ngang binyagan ang bata kapag walong taong gulang na pero itinanong niya, “Hindi na mahalaga kung binyagan ang mga tao sa edad na walong buwan o walong taong gulang, hindi ba?”

Moroni 8:25–30

Itinuro ni Mormon kung ano ang dapat nating gawin para makapiling ang Diyos

Matapos ituro kung bakit hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata, itinuro ni Mormon na ang mga taong sumapit na sa edad ng pananagutan ay dapat mabinyagan. Ipinaliwanag din niya ang dapat nating gawin matapos tayong binyagan upang makapiling ang Diyos balang araw.

Basahin ang Moroni 8:25–26, at alamin ang dapat nating gawin at ang mga katangiang dapat nating taglayin upang makapiling ang Diyos balang araw. Maaari mong markahan ang mga bagay na ito sa iyong banal na kasulatan. Maaaring makatulong na maunawaan na ang ibig sabihin ng “kaamuan” ay pagiging masunurin sa kagustuhan ng Diyos, at ang “mapagpakumbabang puso” ay pagiging tunay na mapagkumbaba.

Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Moroni 8:25–26: Sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa mga kautusan, matatanggap natin ang Espiritu Santo, na naghahanda sa atin na manirahan sa piling ng Diyos.

  1. journal iconAng mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang Moroni 8:25–26. Pag-isipan ang lahat ng tanong, at pagkatapos ay sagutin ang dalawa o mahigit pang tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa iyong palagay, bakit humahantong sa kaamuan at mapagkumbabang puso ang pagtanggap ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan?

    2. Paano nakapag-aanyaya ng Espiritu Santo sa iyong buhay ang pagiging maamo at mapagkumbaba?

    3. Paano ka matutulungan ng Espiritu Santo na paghandaan na makapiling ang Diyos?

    4. Itinuro ni Mormon na kung gusto nating mapuspos ng pagmamahal na walang hanggan, dapat tayong manalangin nang masigasig. Sa palagay mo bakit kailangan ang masigasig na panalangin kung gusto nating mapuno ng pagmamahal?

Tulad nang nakatala sa Moroni 8:27, kinundena ni Mormon ang kapalaluan ng mga Nephita. Basahin ang Moroni 8:27, at alamin ang ibinunga ng kapalaluan ng mga Nephita. Pagkatapos ay ikumpara ang ibinungang ito sa ibinunga ng pagiging maamo at mapagkumbaba, na matatagpuan sa Moroni 8:26.

Hinikayat ni Mormon si Moroni na ipanalangin ang mga Nephita upang magsisi sila at makatanggap ng mga pagpapalang inilarawan niya sa kanyang liham (tingnan sa Moroni 8:28–30). Gamit ang payo ni Mormon sa kanyang anak, isiping ipagdasal ang mga taong kakilala mo na alam mong kailangang tumanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo, at sikaping makahanap ng mga paraan para matulungan ang mga taong iyon.

Moroni 9:1–20

Inilarawan ni Mormon ang kasamaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita

Alalahanin ang pagkakataon na sinikap mong tulungan ang isang tao ngunit ayaw ng taong iyon ng tulong mo. Ano kaya ang nagiging reaksyon ng ilang tao kapag paulit-ulit silang inaayawan ng mga taong sinisikap nilang tulungan? Sa pag-aaral mo ng pangalawang liham ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni, na matatagpuan sa Moroni 9, alamin ang sinabi ni Mormon para hikayatin ang kanyang anak na huwag sukuan ang mga Nephita.

Basahin ang Moroni 9:1, at alamin ang salitang ginamit ni Mormon para ilarawan ang sitwasyon na tatalakayin niya sa kanyang liham. Tandaan na ang ibig sabihin ng salitang kahambal-hambal sa kontekstong ito ay nakababagabag. Tulad ng nakatala sa Moroni 9:2–19, inilarawan ni Mormon ang ilan sa mga nakababagabag na bagay na nagaganap sa mga tao, na nagpapakita kung gaano na sila kasama. Tulad ni Eter, na isang propeta sa mga Jaredita, nasaksihan ni Mormon ang galit at kasamaan na nanaig sa kanyang mga tao. Nangangamba siya na tumigil ang Espiritu ng Panginoon sa pagpatnubay sa kanila (tingnan sa Moroni 9:4).

Isipin kung bakit ipinagpatuloy ni Mormon ang pagpapagal sa mga Nephita kahit pinatigas na nila ang kanilang puso laban sa salita ng Diyos at tinanggihan ang mga pagsisikap ng mga propeta na tulungan sila.

Binigyan ni Mormon si Moroni ng ilang matitinding payo tungkol sa paraan ng pagtuturo sa mga taong sarado na ang mga puso. Basahin ang Moroni 9:3–6, at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng alituntuning ito: Dapat masigasig tayong nagpapagal sa paglilingkod sa Diyos kahit hindi maganda ang pagtugon sa atin ng mga taong pinaglilingkuran natin. Ang talata 6 ay lubos na makatutulong sa pagtuturo ng alituntuning ito.

Moroni 9:21–26

Hinikayat ni Mormon si Moroni na maging matapat

Isipin ang mga bagong kaganapan sa iyong komunidad, bansa, o sa mundo na maaaring ikahina ng loob ng mga tao. Basahin ang Moroni 9:25–26 para malaman ang payong ibinigay ni Mormon kay Moroni tungkol sa dapat gawin kapag nasa mga sitwasyong nakapanghihina ng loob.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang sinabi ni Mormon kay Moroni na dapat “mamalagi sa iyong isipan magpakailanman”? (Moroni 9:25). Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala kapag nahihirapan ka o napapalibutan ka ng kasamaan?

Batay sa ipinayo ni Mormon kay Moroni, matututuhan natin ang alituntuning ito: Kung tapat tayo kay Jesucristo, palalakasin Niya tayo kahit napapalibutan tayo ng paghihirap at kasamaan. Ang ibig sabihin ng pagiging “matapat kay Cristo” ay pagsisikap sa lahat ng panahon na kumilos ng tulad ng tunay na disipulo ng Tagapagligtas, pag-alaala sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at tapat na pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang sarili mong karanasan o karanasan ng isang taong malapit sa iyo na nagpapakita na totoo ang naunang alituntunin.

Umisip ng isang paraan na magiging mas matapat ka kay Cristo kapag napapalibutan ka ng kasamaan o nasa mahihirap na kalagayan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Moroni 8–9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: