Seminary
Unit 7: Day 3, 2 Nephi 21–24


Unit 7: Day 3

2 Nephi 21–24

Pambungad

Marami sa mga propesiya ni Isaias sa Aklat ni Mormon ay tungkol sa mga huling araw. Ipinropesiya Niya ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, ang tungkol kay Propetang Joseph Smith, ang Ikalawang Pagparito, at ang pagkalipol ng masasama. Nakita niya noon pa man na ang Panginoon ay “magtataas … ng sagisag para sa mga bansa” para tipunin ang Kanyang mga tao sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 21:11–12). Nagpatotoo rin ni Isaias na ang Panginoon ay magtatagumpay laban kay Satanas at sisimulan ang Milenyo, isang panahon ng kapayapaan at kagalakan.

2 Nephi 21:1–4, 10–12

Nakita na noon pa man ni Isaias ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw

Tumigil sandali, at isipin kunwari na may liwanag na unti-unting lumilitaw sa harapan mo. Lumiwanag ito nang lumiwanag. Maya-maya, biglang may isang sugo na mula sa kinaroroonan ng Diyos ang tumayo sa iyong harapan. Sinabi niya sa iyo na ang mga sinaunang propesiya ay matutupad na at tutulong ka sa pagsasakatuparan ng mga ito. Ano ang una mong magiging reaksyon, iisipin, at itatanong?

Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid

Sa gabi na unang nagpakita si Moroni kay Joseph Smith—Setyembre 21, 1823—binanggit niya ang Isaias 11, na matatagpuan din sa 2 Nephi 21. Sinabi ni Moroni kay Joseph Smith na ang mga propesiya sa kabanatang iyon ay “malapit [nang] matupad” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:40). Sa iyong pag-aaral ng mga propesiyang ito mula kay Isaias, pag-isipan kung bakit itinala ito ni Nephi sa maliliit na lamina at gayon din kung bakit binanggit ito ni Moroni kay Joseph Smith.

Tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith na nagpapaliwanag ng kahulugan ng mga propesiyang nakatala sa 2 Nephi 21. Ang mga iskolar ay matagal nang interesadong maunawaan ang kahulugan ng mga simbolo na ginamit sa kabanatang ito. Mas naipaunawa sa atin ng Aklat ni Mormon at ng mga propeta ngayon ang kahulugan nito. Halimbawa, ginamit ni Isaias ang matalinghagang paglalarawan ng isang puno o halaman. Basahin ang 2 Nephi 21:1, 10, at tukuyin ang mga partikular na bahagi ng puno o halaman na binanggit ni Isaias. Pagkatapos ay basahin ang Doktrina at mga Tipan 113:1–6 para matulungan ka na maunawaan ang kahulugan ng mga simbolong ito. Makatutulong na isulat ang interpretasyon ng mga simbolong ito sa iyong banal na kasulatan.

Puno ni Jesse—Jesucristo

Usbong sa puno ni Jesse—Tagapaglingkod ni Jesucristo

Ugat ni Jesse—Isang indibiduwal na may hawak ng mga susi ng priesthood

Pag-isipan ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie, na ipinaliwanag na ang “ugat ni Jesse” at “usbong sa puno ni Jesse” ay kapwa tumutukoy kay Propetang Joseph Smith: “Mali ba tayo sa pagsasabi na ang propetang binanggit dito [sa D at T 113:5–6] ay si Joseph Smith, na tumanggap ng priesthood, na tumanggap ng mga susi ng kaharian, at nagtaas ng sagisag para sa pagtitipon ng mga tao ng Panginoon sa ating dispensasyon? At hindi ba’t siya rin ang ‘isang tagapaglingkod sa mga kamay ni Cristo, na bahagyang inapo ni Jesse gayon din ni Ephraim, o ng sambahayan ni Jose, na kung kanino naroon ang labis na kapangyarihan’? [D at T 113:3–4]” (Millennial Messiah [1982], 339–40).

Basahin ang 2 Nephi 21:10, 12, at alamin ang ipinropesiya ni Isaias na gagawin ng Panginoon sa pamamagitan ng “ugat ni Jesse” (Joseph Smith). Ang salitang pinakasagisag ay tumutukoy sa “bandila” kung saan magtitipon ang mga tao.

Itinuro sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at tinitipon na ngayon ang Kanyang mga tao sa mga huling araw.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano naging sagisag sa mundo Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

2 Nephi 21:6–9; 22:1–6

Inilarawan ni Isaias ang Milenyo

Isa sa mga paksa na madalas talakayin ng mga Kristiyano ay ang paghahari sa milenyo ng Tagapagligtas. Madalas mo rin bang naiisip ang tungkol dito? Kunwari itinanong sa iyo ng kaibigan mo ang paniniwala mo tungkol sa Milenyo. Ano ang sasabihin mo?

Nang Walang Alitan

Ipinropesiya ni Isaias na matapos ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, magkakaroon ng pagbabago sa mundo na tatagal nang isang libong taon. Tinatawag natin ang panahong ito ng kapayapaan na Milenyo. Basahin ang 2 Nephi 21:6–9, at alamin ang magiging kalagayan ng mundo sa panahon ng Milenyo.

Ayon sa 2 Nephi 21:9, ang isang propesiya tungkol sa Milenyo ay “mapupuno ang mundo ng kaalaman sa Panginoon.” Isipin kung paano maaapektuhan ang mga tao sa buong mundo kapag natupad na ang propesiyang ito. Basahin ang 2 Nephi 22:1–6, at pansinin ang pagsambang makikita sa mga tao sa panahon ng Milenyo. Paano tayo magkakaroon ng gayong isipan at damdamin ngayon?

Ang mga talatang pinag-aaralan mo ay nagtuturo ng katotohanang ito: Sa Milenyo, ang mundo ay magiging lugar ng kapayapaan dahil ito ay mapupuno ng kaalaman sa Panginoon. Aling aspeto ng Milenyo ang gusto mong mayroon na sa buhay mo ngayon? Pag-isipan sandali ang magagawa mo para matanggap ang ilan sa mga pagpapalang ito.

Maaari mong kantahin, pakinggan, o basahin ang “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49) upang makatulong sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 22.

2 Nephi 23–24

Inilarawan ni Isaias ang pagbagsak ng Babilonia at pagkalipol ng masasama, at ang pagkahulog ni Lucifer

Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 23–24, kinundena ni Isaias ang kasamaan ng sambahayan ni Israel at ikinumpara ang pagkalipol ng masasama sa mga huling araw sa pagkawasak ng sinaunang Babilonia. Ang Babilonia ay napakasamang lunsod noong panahon ni Isaias at mula noon ay naging sagisag na ng kasamaan ng sanlibutan (tingnan sa D at T 133:14).

Pag-aralan ang ipinropesiya ni Isaias na mangyayari sa masasama sa mga huling araw sa pagbabasa ng 2 Nephi 23:1, 4–9, 11, 15, 19, at 22.

Ikinumpara rin ni Isaias ang pagkawasak ng sinaunang Babilonia sa pagkahulog ni Lucifer (Satanas) mula sa langit. Tinukoy niya si Lucifer bilang sagisag na hari ng Babilonia, ibig sabihin ang buong sanlibutan na puno ng kasamaan. Ginamit ni Isaias ang pagkahulog ni Lucifer sa premortal na daigdig bilang paglalarawan kung paano mabibigo at babagsak ang masasama. Basahin ang 2 Nephi 24:12–14, at tukuyin ang mga parirala na nagbibigay-diin sa pagiging mapagmataas at palalo ni Satanas.

Napansin mo ba ang paggamit ng salitang ako sa mga talatang ito? Maaari mong bilugan ang lahat ng salitang ako sa iyong banal na kasulatan. Sinabi minsan ni Pangulong N. Eldon Tanner na si Satanas ay “mas interesado sa papuri kaysa sa resulta; karangalan at papuri ang talagang tunay na hangarin niya” (“For They Loved the Praise of Men More Than the Praise of God,” Ensign, Nob. 1975, 76).

Hanapin sa 2 Nephi 24:15–16 ang mangyayari kay Satanas sa bandang huli at ano ang mararamdaman ng mga tao sa kanya kapag nakita nila kung sino talaga siya.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, kapalaluan ang nagpabagsak kay Lucifer, na ‘anak ng umaga.’ (2 Ne. 24:12–15; tingnan din sa D at T 76:25–27; Moises 4:3.). … Nagmungkahi si Lucifer para kalabanin ang plano ng Ama na sinunod ni Jesucristo. (Tingnan sa Moises 4:1–3.) Gusto niyang purihin siya nang higit sa iba. (Tingnan sa 2 Ne. 24:13.) Sa madaling salita, ang kanyang hangaring puno ng kapalaluan ay agawan ng trono ang Diyos. (Tingnan sa D at T 29:36; 76:28.)” (“Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4–5).

Sa 2 Nephi 23:22, nalaman natin na mapapanatag ka kapag mabait ka. Magiging maawain sa iyo ang Diyos, ngunit masasawi ang masasama.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang mababago ko sa aking buhay para mas maging masunurin?

    2. Paano ko mapapanindigan na patuloy na maging masunurin?

Ipagdasal na magkaroon ka ng mga pagkakataon na ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang nalaman mo sa 2 Nephi 23.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 21–24 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: