Unit 19: Day 3
Alma 37
Pambungad
Tulad ng nakatala sa Alma 37, patuloy na pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Helaman at inihabilin sa kanya ang mga sagradong talaan. Ipinaalala niya kay Helaman na ang mga banal na kasulatan ang naging daan para madala ang libu-libong Lamanita sa Panginoon, at siya ay nagpropesiya na may iba pang mga dakilang layunin ang Panginoon para sa mga talaan sa hinaharap. Tinagubilinan ni Alma ang kanyang anak sa dapat nitong ituro sa mga tao, at itinuro niya kay Helaman ang kahalagahan ng pag-alam sa mga salita ni Jesucristo para mapatnubayan sa pamamagitan ng paghahalintulad sa mga salita ni Jesucristo sa Liahona.
Alma 37
Ipinagkatiwala ni Alma kay Helaman ang mga talaan, pinayuhan siya na sundin ang mga kautusan, at ipinaalala sa kanya kung paano kumikilos ang Liahona alinsunod sa pananampalataya
Tingnan ang sumusunod na diagram:
Mag-isip ng dalawa o tatlong maliliit at karaniwang bagay na nagpabago sa daigdig, tulad ng bumbilya. Mag-isip ng ilang maliliit na bagay na gumawa ng malaking kaibhan para sa ikabubuti ng iyong buhay. Isulat ang dalawa sa maliliit na bagay na ito sa kaliwang bahagi ng diagram sa itaas. Sa kanang bahagi, sumulat ng ilang salita na naglalarawan sa malaking epekto ng maliliit na bagay na ito sa iyong buhay.
Tulad ng nakatala sa Alma 37, inihahanda ni Alma ang kanyang anak na si Helaman na maging susunod na tagapag-ingat ng mga sagradong talaan. Itinuro ni Alma kay Helaman ang isang alituntunin tungkol sa papel na ginagampanan ng maliliit at mga karaniwang bagay sa plano ng Panginoon. Basahin ang Alma 37:6–7, at pagkatapos ay kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Upang maisakatuparan ang Kanyang mga walang hanggang layunin, ang Panginoon ay gumagawa sa pamamagitan ng .
Basahin ang Alma 37:1–7, at alamin ang inilalarawan ni Alma na maliit at karaniwang bagay. Basahin din ang Alma 37:8–10, na inaalam kung paano inakay ng mga laminang tanso (na naglalaman ng mga banal na kasulatan) sa mga dakilang bagay ang mga tao sa Aklat ni Mormon. Sa iyong pagbabasa, markahan sa iyong banal na kasulatan kung alin sa mga pagpapalang ito ang natanggap mo rin sa pamamagitan ng iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang dalawa o tatlong paraan na nagdulot ng mga dakilang bagay ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay?
Nakatala sa Alma 37:13–16 ang payo na ibinigay ni Alma kay Helaman nang ihabilin niya sa kanyang anak ang mga talaan. Pag-aralan ang mga talatang ito, at alamin ang mga alituntuning itinuro ni Alma. Ang isa sa mga alituntuning ito ay: Kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay uunlad. Pag-isipang mabuti kung paano nauugnay ang alituntuning ito sa diagram sa simula ng lesson na ito.
Tulad ng nakatala sa Alma 37:35–47, tinagubilinan ni Alma si Helaman na turuan ang mga tao na paglabanan ang kasamaan at tukso sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Nasa ibaba ang dalawang lesson outline na tumatalakay sa mga turong ito. Pag-aralan ang bawat lesson at ang mga banal na kasulatan na napapaloob dito. Pagkatapos ay maghandang ituro ang isa sa mga lesson na ito sa isang kapamilya, sa iyong buong pamilya (marahil bilang bahagi ng family home evening lesson), o sa isang kaibigan. Maaari mong baguhin nang kaunti ang lesson depende kung kanino at saan mo ito ituturo. Mag-iskedyul ng oras, at ituro ang lesson sa napag-usapang araw. Dalhin din ang iyong lesson outline sa iyong susunod na home-study class at maghanda, kapag natawag, na ituro ang iyong lesson sa klase.
Lesson 1—Alma 37:35–37
Ipaliwanag sa mga tuturuan mo na karaniwan na sa mga nagtatanim ng mga puno na itali ang isang maliit na puno sa isang tulos [stake] at alisin ito sa pagkakatali sa tulos kapag lumaki na ang puno. Itanong: Sa inyong palagay, bakit kailangan ng isang puno ang tulos na pang-suporta habang maliit pa ito at lumalaki?
Basahin ang sumusunod na karanasan mula sa buhay ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
Nagtanim si Pangulong Gordon B. Hinckley ng isang maliit na puno sa tabi ng kanyang tahanan pagkatapos niyang ikasal. Halos hindi niya ito napagtuunan ng pansin sa pagdaan ng mga taon. Isang araw napansin niya na ang puno ay hindi tuwid at nakapaling sa kanluran dahil ang hangin sa silangan ay ibinaluktot ito noong ito ay maliit pa at madaling baluktutin. Lumabas siya at sinikap na ituwid ito pero malapad na ang katawan ng puno. Sinubukan niyang gumamit ng lubid at mga pulley para ituwid ito, pero ayaw na nitong sumunod. Sa huli, kinuha niya ang kanyang lagare at pinutol ang malaking sanga sa bandang kanluran, na nag-iwan ng pangit na pilat sa puno. Sinabi niya kalaunan tungkol sa puno:
“Mahigit kalahating siglo na ang lumipas mula nang itanim ko ang punong iyon. Ang aking anak na babae at ang kanyang pamilya ang naninirahan na roon ngayon. Tiningnan kong muli ang puno kamakailan. Malaki na ito. Mas tuwid na ang pagtubo nito. Nagpaganda ito sa aming tahanan. Ngunit napakatindi ng naranasan nito noong ito ay maliit pa at napakasakit ng ginawa ko para maituwid ito.
“Nang una kong itanim ang puno, napatatag sana ito ng isang tali laban sa malalakas na pag-ihip ng hangin. Dapat sana ay tinalian ko ito at nagawa sana ito nang halos walang hirap. Ngunit hindi ko ito nagawa, at bumaluktot ito sa pwersang humagupit dito” (“Bring up a Child in the Way He Should Go,” Ensign, Nob. 1993, 59).
Ipabasa sa tinuturuan mo ang payo ni Alma kay Helaman sa Alma 37:35, at talakayin kung paano nauugnay ang talatang ito sa karanasan ni Pangulong Hinckley tungkol sa puno. (Ang Alma 37:35 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Sabihin sa mga tinuturuan mo na magpahayag ng isang alituntuning bumubuod sa Alma 37:35. (Maaaring katulad ito ng sumusunod: Dapat nating matutuhan sa ating kabataan na sundin ang mga kautusan ng Diyos.) Maaari mong itanong ang isa o higit pa sa mga sumusunod:
-
Ano kaya ang kaibhang magagawa sa buhay ng mga tao kung natutuhan nilang sundin ang mga kautusan ng Diyos habang sila ay bata pa?
-
Paano nakagawa ng kaibahan sa inyo ang pagsunod sa mga kautusan habang bata pa kayo?
-
May naiisip ba kayong isang tao na napagpala sa buong buhay niya dahil natutuhan niyang sumunod sa mga kautusan habang bata pa siya? Paano napagpala ang taong ito?
Ipabasa nang malakas sa tinuturuan mo ang Alma 37:36–37 at ipahanap ang partikular na payo na makatutulong sa tao na sundin ang mga kautusan. Magtanong ng katulad ng mga sumusunod:
-
Paano makatutulong sa inyo ang pagsunod sa payo na ito araw-araw upang masunod ang mga kautusan?
-
Paano ninyo sinisikap na unahin ang Panginoon sa inyong iniisip at ginagawa? Ano ang gagawin ninyo para mas bumuti pa?
-
Ano ang mga ipinangako sa mga taong madasalin?
Ibahagi ang iyong patotoo kung paano nakatulong sa pagsunod mo sa mga kautusan ang pagsangguni o paghingi ng payo sa Panginoon. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na sundin ang mga salita ni Alma tungkol sa pagsangguni o paghingi ng payo sa Panginoon.
Lesson 2—Alma 37:38–45
Itanong sa mga tinuturuan mo kung alam nila ang pangalan ng aguhon o kompas na ibinigay ng Panginoon sa pamilya ni Lehi na tumulong sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako. Pagkatapos ay ipabasa sa tinuturuan mo ang Alma 37:38. Ipaliwanag na binanggit ni Alma ang Liahona para ituro kay Helaman ang isang mahalagang alituntunin tungkol sa paraan kung paano ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang mga anak.
Sabihin sa mga tinuturuan mo na sagutin ang mga sumusunod na tanong na binabasa ang mga talatang nabanggit at hanapin mula sa mga ito ang sagot:
-
Ayon sa Alma 37:38–40, paano gumagana ang Liahona?
-
Ayon sa Alma 37:41–42, bakit tumitigil paminsan-minsan sa pagkilos ang Liahona?
-
Ayon sa Alma 37:43–45, paano natutulad ang Liahona sa mga salita ni Cristo?
Ipaliwanag na ang mga salitang kahalintulad at pagkakahalintulad (Alma 37:43, 45) ay nagpapahiwatig na may isang bagay na ginamit bilang simbolo ng isang mas malaking ideya. Halimbawa, ang pagsunod o pagsuway ng pamilya ni Lehi sa mga instruksyon ng Liahona ay isang simbolo ng pagpili natin na sumunod o sumuway sa mga salita ni Cristo. Tulad ng pamilya ni Lehi na nakarating sa lupang pangako dahil sa pagsunod sa Liahona, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan kapag sinunod natin ang mga salita ni Cristo.
Sabihin sa tinuturuan mo na ipaliwanag kung saan natin matatagpuan ang mga salita ni Jesucristo sa ating buhay. (Kabilang sa ilang posibleng sagot ang mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta ngayon, patriarchal blessing, at mga pahiwatig ng Espiritu.)
Itanong: Anong mga alituntunin ang itinuturo ni Alma kay Helaman sa paggamit niya ng Liahona bilang halimbawa? (Ang mga sagot ay maaaring katulad ng sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga salita ni Jesucristo, gagabayan tayo nito upang matanggap ang buhay na walang hanggan.) Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na ang pakikinig at pagsunod sa mga salita ng Panginoon ay magdudulot ng malalaking pagpapala sa ating buhay.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng ilang pangungusap na nagsasaad ng natutuhan mo sa pag-aaral ng lesson na pinili mong ituro.
-
Isulat ang sumusunod sa iyong scripture study journal: Napagpasiyahan ko na ituturo ko ang lesson tungkol sa Alma 37: (isulat kung anong mga talata ang ituturo mo). Ituturo ko ito kay (isulat kung sino ang napili mong turuan) sa (isulat ang petsa kung kailan mo ituturo ang lesson na ito).
Scripture Mastery—Alma 37:35
Markahan ang Alma 37:35. Sikaping maisaulo ang talatang ito. Pagkatapos ay bigkasin o basahin ito sa iyong magulang o sa iba pang mas nakatatanda na pinagkakatiwalaan mo. Itanong sa taong ito ang mga sumusunod:
-
Paano nakatulong sa buhay ninyo ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos?
-
Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin na makatutulong sa akin na maragdagan ang karunungan sa aking kabataan?
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang natutuhan mo mula sa taong kinausap mo tungkol sa Alma 37:35.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 37 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: