Unit 14: Day 4
Alma 1–4
Pambungad
Di pa natatagalan matapos maging punong hukom si Alma, isang lalaking nagngangalang Nehor ang nagsimulang magturo ng maling doktrina at nagpasimula ng huwad na pagkasaserdote sa mga Nephita. Pinatay niya ang isang matwid na tao at pinarusahan siya ng kamatayan dahil sa krimeng ginawa niya. Pagkaraan ng ilang taon, tinangka ni Amlici na maging hari ng mga Nephita ngunit nabigo siya. Nang hindi sumang-ayon ang mga tao na siya ang maging hari, tinipon niya ang mga sumusuporta sa kanya—tinatawag na mga Amlicita—upang makidigma laban sa mga Nephita. Nanalo ang mga Nephita, ngunit libu-libong tao ang napatay. Naalala ng maraming Nephita ang kanilang tungkulin at napakaraming sumapi sa Simbahan dahil sa digmaan na nagdulot sa kanila na maging mapagpakumbaba. Gayunman, sa loob ng isang taon, maraming miyembro ng Simbahan ang naging palalo at inusig ang iba. Nagpasiya si Alma na magbitiw mula sa kanyang mga tungkulin bilang punong hukom at magtuon sa pagpapatotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Alma 1
Umunlad ang mga miyembro ng Simbahan sa kabila ng paglaganap ng huwad na pagkasaserdote at pang-uusig
Ang mga tao kung minsan ay naghahangad na maging popular. Isipin sandali ang posibleng panganib ng ganitong hangarin. Ano ang mangyayari kung mas inaalala mo ang iisipin ng iyong mga kaibigan kaysa sa iisipin ng Diyos sa iyo?
Tulad ng nakatala sa Alma 1, isang lalaking nagngangalang Nehor ang naging napakapopular sa ilang tao. Basahin ang Alma 1:2–6, at tukuyin ang itinuro ni Nehor at kung paano tumugon ang mga tao rito.
Hanapin sa mga unang linya ng Alma 1:12 ang salitang ginamit ni Alma para ilarawan ang pinasimulan ni Nehor sa mga Nephita. Pagkatapos ay tingnan ang footnote 12a. Basahin ang 2 Nephi 26:29, ang unang cross-reference na nakalista sa footnote, at tukuyin kung ano ang ginagawa at hindi ginagawa ng mga nagsasagawa ng huwad na pagkasaserdote.
Ang huwad na pagkasaserdote ay ang pangangaral ng mga tao ng “mga maling doktrina … dahil sa mga kayamanan at karangalan” at upang “itayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan” (Alma 1:16; 2 Nephi 26:29). Hindi nila gustong itayo ang kaharian ng Diyos sa kanilang pangangaral. Sa halip, gusto nilang magkaroon ng pakinabang (na tulad ng kayamanan, kapakinabangan sa lipunan, o kapangyarihan sa ibang tao) at papurihan ng ibang tao. Gusto nilang mabaling ang atensyon sa kanila, at hindi sa Diyos at sa Kanyang ebanghelyo. Ang huwad na pagkasaserdote ay isang mabigat na kasalanan sa mga mata ng Diyos, tulad ng malinaw na sinabi ni Alma kay Nehor, “Kung ang huwad na pagkasaserdote ay ipatutupad sa mga taong ito ay mangangahulugan ito ng kanilang lubusang pagkalipol” (Alma 1:12).
Habang tinatangka ni Nehor na “maakay palayo ang mga tao ng simbahan,” isang matwid na lalaki na nagngangalang Gedeon ang “[nangatwiran sa kanya], pinaaalalahanan siya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (Alma 1:7). Bilang tugon, hinugot ni Nehor ang kanyang espada at pinatay si Gedeon. Si Nehor ay nilitis sa mga kasalanang ginawa niya at siya ay binitay. Basahin ang Alma 1:16 at alamin kung natapos na sa pagkamatay ni Nehor ang huwad na pagkasaserdote sa mga Nephita.
Basahin ang Alma 1:26–27, at tukuyin ang mga ginagawa ng mga saserdoteng Nephita ng Diyos na iba sa mga ginagawa ni Nehor at ng iba pa na nagsasagawa ng huwad na pagkasaserdote.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang ginagawa ng mga saserdoteng Nephita. Paano naiiba ang mga ginagawa ng mga saserdoteng Nephita sa ginagawa ng mga taong nagsasagawa ng huwad na pagkasaserdote?
Nang lumaganap ang huwad na pagkasaserdote sa buong lupain, maraming tao ang nagsimulang usigin ang matatapat na miyembro ng Simbahan. Upang makapaghanda sa pag-aaral ng mga natitirang talata ng Alma 1, isipin kung paano mo nakikita na nilalait, kinukutya, o inuusig ng ibang tao ang mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.
Basahin ang Alma 1:19–20, at alamin kung bakit inusig ng ilang tao ang mga miyembro ng Simbahan. Nakatala sa Alma 1:21–31 kung paano tumugon sa pang-uusig ang mga miyembro ng Simbahan. Basahin ang mga scripture passage sa ibaba at punan ang chart:
Paano tumugon sa pang-uusig ang ilang miyembro? |
Paano namuhay ang iba pang mga miyembro ng Simbahan sa kabila ng pang-uusig? |
Ano ang mga resulta ng kanilang mga ginawa? |
Anong mga pagpapala ang natanggap nila? |
Magsulat ng isang alituntunin na natutuhan mo mula sa pag-aaral ng chart na ito:
Ang isa sa mga alituntunin na maaari mong matukoy ay: Kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa buhay, kahit tayo ay inuusig.
-
Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano makatutulong ang pag-unawa sa alituntunin ng ebanghelyo na nakasaad sa itaas kapag nahaharap ka sa pang-uusig o panghihimok na suwayin ang mga kautusan. Pagkatapos ay sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong:
-
Kailan mo sinunod ang mga kautusan kahit na inuusig ka o hinihimok na huwag sundin ito, at anong mga pagpapala ang natanggap mo?
-
Paano ka tutugon sa iyong mga kaaway?
-
Alma 2
Ang mga Amlicita at mga Lamanita ay nagkaisa upang digmain ang mga Nephita
Nakasaad sa Alma 2 ang iba pang mga pagsubok sa mga Nephita. Basahin ang chapter heading upang malaman kung paano kinalaban ng isang lalaking nagngangalang Amlici at ng kanyang mga tagasunod ang mga Nephita. Gusto ni Amlici na maging hari ng mga Nephita, nagkaroon ng botohan at tinanggihan siya ng mga tao at nagpatuloy ang mga hukom sa pamamahala sa kanila. Ang mga tagasunod ni Amlici ay nagtipon at ginawa siyang hari. Inutusan ni Amlici ang kanyang mga tagasunod na digmain ang mga Nephita, at kalaunan nakiisa ang mga Lamanita sa mga Amlicita sa pakikidigma sa mga Nephita.
Dahil ang mga Nephita ay tapat sa Panginoon, tinulungan sila ng Panginoon sa kanilang pakikidigma sa mga Amlicita at mga Lamanita. Basahin ang Alma 2:18, 28–31, 36, at markahan ang salitang pinalakas sa tuwing mababasa ito. Alamin kung paano pinalakas ng Panginoon ang mga Nephita.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na nadama mo na pinalakas ka ng Panginoon sa pagsisikap mong gawin ang tama.
Alma 3
Inihiwalay ng mga Amlicita ang kanilang sarili mula sa Diyos
Isipin ang mga mensaheng ipinararating ng ilang tao tungkol sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang pananamit, istilo ng buhok, mga hikaw at iba pang alahas, pagpapa-tattoo, at pagpapabutas ng katawan.
Basahin ang Alma 3:4, at alamin kung paano binago ng mga Amlicita ang kanilang hitsura.
“Nakilala mula” kanino ang mga Amlicita?
Sino ang mas gusto nilang tularan?
Ang pagbabago ng hitsura ng mga Amlicita ay tanda ng paghihimagsik. Tulad ng nakatala sa Alma 3, ipinaalala sa atin ni Mormon ang sumpa at ang marka na sumapit sa mga Lamanita daan-daang taon na ang nakaraan dahil sa kanilang paghihimagsik sa Diyos (tingnan sa Alma 3:6–10; tingnan din sa 2 Nephi 5:20–24). Ang mga Amlicita ay kusang naglagay ng mga marka sa kanilang mga noo, at ang mga markang ito ay may layuning katulad sa markang inilagay ng Panginoon sa mga Lamanita.
Markahan ang parirala sa Alma 3:18 na naglalarawan sa saloobin ng mga Amlicita sa Diyos. Markahan din sa Alma 3:19 kung ano ang dinala ng mga Amlicita sa kanilang sarili dahil sa kanilang paghihimagsik.
Ano ang natutuhan mo mula sa Alma 3:18–19 tungkol sa mga taong isinumpa ng Panginoon? (Ang mga taong lantarang naghimagsik laban sa Diyos ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili.) Mahalagang maunawaan na ang sumpa ay isang kalagayan kung saan ang tao ay “[itinatakwil] mula sa harapan ng Panginoon” (2 Nephi 5:20). Dahil sa mga ginawa nila, inihiwalay ng mga Amlicita ang kanilang sarili mula sa Diyos.
Mula sa halimbawa ng mga Amlicita, nalaman natin na tayo ang nagpapasiyang ihiwalay ang ating sarili mula sa Diyos. Ang mga taong “lantarang naghimagsik laban sa Diyos” (Alma 3:18) ay inihiwalay ang kanilang sarili mula sa Diyos, o sa madaling salita, nagdala ng sumpa sa kanilang sarili.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kumpara sa mga Amlicita, ano ang maaari mong gawin sa iyong buhay ngayon para makatiyak na hindi mo ihihiwalay ang iyong sarili mula sa Diyos?
Nakasaad sa Alma 3:20–25 kung paano natalo ng mga Nephita ang mga Lamanita sa isa pang digmaan, samantalang maraming tao mula sa dalawang panig ang napatay. Basahin ang Alma 3:26–27, at alamin ang mahalagang aral na nais ni Mormon na matutuhan natin mula sa tala tungkol sa mga Amlicita at sa mga digmaan ng mga Nephita at mga Lamanita.
Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin ayon sa nabasa mo sa Alma 3:26–27: Nakadarama tayo ng kaligayahan o kalungkutan depende sa
Pag-isipan sandali kung sino ang pipiliin mong sundin sa iyong buhay. Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong: Anong mga uri ng gantimpala, o kabayaran, ang ibibigay ni Satanas sa mga sumusunod sa kanya? (Ang mga ito ay karaniwang kaaya-aya sa simula, ngunit sa huli ang mga ito ay hahantong sa kalungkutan at adiksyon.) Kumpara dito, anong mga gantimpala ang natanggap mo mula sa Panginoon dahil pinili mong sundin Siya?
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na nakadama ka ng kaligayahan nang sundin mo ang Panginoon.
Alma 4
Makaraan ang ilang panahon ng pag-unlad ng Simbahan, naging palalo ang mga miyembro ng Simbahan at nagbitiw si Alma bilang punong hukom para manawagan ng pagsisisi sa kanila
Pagkatapos ng pakikidigma sa mga Lamanita at mga Amlicita, ang mga Nephita ay “nagising sa pag-alaala sa kanilang tungkulin,” at “sinimulan nilang itatag ang simbahan nang lubusan” (Alma 4:3–4). Bunga nito, mga 3,500 katao ang sumapi sa Simbahan (tingnan sa Alma 4:5). Ang nakalulungkot, makaraan ang isang taon, maraming tao sa Simbahan ang nagsimulang maging palalo. Basahin ang Alma 4:8–12, at tukuyin ang masasamang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa kapalaluan. Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa scripture passage na ito ay: Kung magpapakita tayo ng masamang halimbawa, magiging hadlang ang mga ikinikilos natin sa pagtanggap ng ibang tao sa ebanghelyo. (Tingnan sa Alma 4:10.)
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang halimbawa ng masamang gawain o ugali na ipinakita ng mga Nephita sa Alma 4:8–12. Ipaliwanag kung bakit mahalagang iwasan ang gawain o ugaling iyan bilang miyembro ng Simbahan ngayon.
Bunga ng kasamaan sa Simbahan, si Alma ay humirang ng isang lalaki upang humalili sa kanya bilang punong hukom para maiukol niya ang kanyang buong panahon sa kanyang katungkulan bilang namumunong mataas na saserdote sa buong Simbahan at matulungan ang mga miyembro na masupil ang kanilang kapalaluan at mga kasalanan sa pamamagitan ng “pagpapatotoo ng dalisay na patotoo” (Alma 4:19). Basahin ang Alma 4:19, at salungguhitan ang ninanais ni Alma na gawin para matulungan ang kanyang mga tao.
Inilarawan sa Alma 4:19 ang mga alituntuning ito: Ang pagtupad sa ating mga tungkuling espirituwal ay maaaring mangailangan ng sakripisyo. Ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay nagpapatotoo at nananawagan sa mga makasalanan na magsisi. Ang pagbabahagi ng dalisay na patotoo ay nakatutulong sa iba na mas mapalapit sa Diyos.
May maiisip ka bang isang tao na nagbitiw sa kanyang mataas na posisyon sa pulitika, tulad ng pagiging presidente ng isang bansa, para magmisyon? Iyan ang ginawa ni Alma!
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung ano sa palagay mo ang ipinapahiwatig ng pariralang “pagpapatotoo ng dalisay na patotoo” (Alma 4:19) tungkol sa paraan kung paano magtuturo si Alma. Isulat din kung paano ka naimpluwensyahan na magbago o mas bumuti pa sa pakikinig sa pagpapatotoo ng isang tao sa ebanghelyo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 1–4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: