Seminary
Alma


Pambungad sa Alma

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Sa pag-aaral ng aklat ni Alma, malalaman mo ang tungkol kay Jesuscristo at ang pangangailangan sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Malalaman mo rin ang tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos na dumadaig sa huwad na pagkasaserdote, maling doktrina, kasalanan, poot, at apostasiya habang inaakay ang mga tao na magkaroon ng malaking pagbabago ng puso at isilang na muli. Ang iyong pagbabasa ng tungkol sa mga pagsisikap ng mga anak ni Mosias na ipangaral ang ebanghelyo at ang pagbabalik-loob at katapatan ng mga tao ni Ammon, o mga Anti-Nephi-Lehi, ay magpapalakas sa iyo. Bukod pa rito, sa pag-aaral mo ng mga kabanata na nagdedetalye sa digmaan ng mga Nephita at mga Lamanita, matututuhan mo ang mga alituntunin na gagabay sa iyo sa napakahirap na panahong ito at tutulong sa iyo na magtagumpay sa iyong personal na pakikibaka sa kaaway.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan mula sa malalaking lamina ni Nephi upang buuin ang aklat ni Alma. Ang aklat ay ipinangalan kay Alma, na anak ni Alma at madalas tawaging Nakababatang Alma. Noong panahong pasimulan ni Haring Mosias ang pamamahala ng mga hukom sa mga Nephita, si Alma ang naging unang punong hukom at hinalinhan din ang kanyang ama bilang mataas na saserdote sa buong Simbahan (tingnan sa Mosias 29:42). Sa huli ay nagbitiw siya sa kanyang katungkulan bilang punong hukom upang lubos na maiukol ang kanyang sarili “sa mataas na pagkasaserdote” at “ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao” sa buong lupain ng mga Nephita (Alma 4:20; 5:1). Ginamit ni Mormon ang mga talaan ng paglilingkod ni Alma (Alma 1–44) at ang mga isinulat ng kanyang mga anak na sina Helaman (Alma 45–62) at Siblon (Alma 63) upang buuin ang aklat ni Alma.

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang mga orihinal na talaan na pinagkunan ng nilalaman ng aklat ni Alma ay malamang na isinulat sa pagitan ng 91 B.C. at 52 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng mga A.D. 45 at A.D. 385. Hindi itinala ni Mormon kung nasaan siya nang gawin niya ang pagpapaikli ng mga talaan.