Seminary
Unit 20: Day 4, Alma 43–44


Unit 20: Day 4

Alma 43–44

Pambungad

Sa Alma 43–44, nagsimulang sumulat si Mormon tungkol sa mga digmaan ng mga Lamanita at mga Nephita. Habang patuloy si Alma at ang kanyang mga anak sa paglilingkod sa mga tao, nakiisa ang mga Zoramita sa hukbo ng mga Lamanita para salakayin ang mga Nephita. Ipinakita ni Kapitan Moroni ang kanyang pananampalataya at karunungan sa pagtatanggol sa mga Nephita laban sa hukbo ng mga Lamanita. Bagama’t kaunti ang bilang nila, ang paghahanda ng hukbo ng mga Nephita at kanilang pananampalataya kay Jesucristo ang nagbigay sa kanila ng kalamangan sa digmaan. Nang malaman ng mga Lamanita na matatalo na sila, sila ay gumawa ng tipan ng kapayapaan at umalis sa lupain.

Alma 43

Ang mga paghahanda at mga istratehiya ni Kapitan Moroni ay nakatulong para hindi maisakatuparan ng hukbo ng mga Lamanita ang kanilang mga hangarin

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang ilan sa iyong mga plano, mithiin, at hangarin para sa hinaharap. Isama sa iyong mga isinusulat ang iyong mga espirituwal na mithiin at hangarin, tulad ng pagmimisyon, pagpapakasal sa templo, at pagpapamilya.

batang mag-asawa sa templo

Pagkatapos mong magsulat, tukuyin ang mga hangarin at mga mithiin na sa palagay mo ay ayaw ni Satanas na maisakatuparan mo. Sa iyong pag-aaral ng Alma 43–44, alamin ang mga alituntuning tutulong sa iyo na maisakatuparan ang mabubuting mithiin mo sa kabila ng pagtatangka ng kaaway na hadlangan ang iyong tagumpay.

Sa Alma 43:1–4, sa kabila ng pagsisikap ni Alma na maibalik ang mga Zoramita sa Simbahan, marami sa kanila ang nakiisa sa mga Lamanita sa paghahanda nito na salakayin ang mga Nephita. Basahin ang Alma 43:5–8, at tukuyin ang “mga hangarin” (mga plano) ng Lamanitang pinuno na si Zerahemnas. Maaari mong markahan ang mga hangarin ni Zerahemnas kapag natukoy mo ang mga ito. Isiping mabuti kung paano nahahalintulad ang mga naisin o hangarin ni Zerahemnas para sa mga Nephita sa mga hangarin ni Satanas para sa iyo.

Pagkatapos ay basahin ang Alma 43:9–11, at tukuyin ang mga “hangarin” o mga naisin ng mga Nephita. Ngayon, isiping mabuti kung paano nahahalintulad ang mga hangaring ito sa mabubuting hangarin mo.

Inihanda ni Kapitan Moroni, ang punong kapitan ng mga hukbo ng Nephita, ang kanyang mga tao na ipagtanggol ang kanilang lupain at mga pamilya mula sa masasamang hangarin ni Zerahemnas. Basahin ang Alma 43:16–19, at alamin ang mga paghahandang ginawa ni Kapitan Moroni at ng mga Nephita.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magdrowing ng dalawa sa mga bagay na ibinigay ni Moroni sa kanyang mga tauhan para maihanda sila sa digmaan.

Basahin ngayon ang Alma 43:20–22 para malaman ang naging reaksyon ng mga Lamanita sa mga paghahandang ginawa ng mga Nephita. Pag-isipan kung bakit umatras ang mga Lamanita kahit alam nilang mas marami sila sa mga Nephita.

Sa pag-aaral natin sa mga tala tungkol sa mga pisikal na digmaan sa Aklat ni Mormon, maihahalintulad natin ang mga ito sa mga espirituwal na digmaan na kinakaharap natin.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang matututuhan mo mula sa mga paghahandang ginawa ni Moroni para sa digmaan tungkol sa pagtatanggol sa iyong sarili laban sa mga pag-atake at mga tukso ni Satanas?

Pagkatapos umatras ng mga Lamanita, hindi alam ni Moroni kung kailan muling sasalakay ang kanyang mga kaaway. Kung ikaw si Moroni, ano ang maaari mong gawin para mapaghandaan ang susunod na pagsalakay?

Basahin ang Alma 43:23–24 para malaman ang ginawa ni Moroni.

Mula sa halimbawa ni Moroni natutuhan natin: Kung hahanapin at susundin natin ang mga payo ng propeta, mas lalo nating maipagtatanggol ang ating sarili laban sa kaaway. Tulad ng propetang si Alma na nagsabi kay Moroni kung paano ipagtatanggol ang mga Nephita laban sa kanilang mga kaaway, ang mga propeta ng Panginoon ngayon ay tinuturuan tayo kung paano ipagtanggol ang ating sarili laban sa mga espirituwal na pagsalakay ng kaaway.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng ilang pangungusap tungkol sa mga payo ng propeta na ibinigay sa mga huling araw na, kung susundin mo, ay makatutulong sa iyo na ipagtanggol ang iyong sarili mula sa mga hangarin at mga tukso ni Satanas.

Tulad ng nakatala sa Alma 43:25–43, kumilos si Moroni ayon sa kaalamang natanggap niya mula sa propeta kaya hinati niya ang kanyang hukbo at pinagkubli sa daraanan ng mga parating na Lamanita. Nang palapit na ang mga Lamanita, sumalakay ang kalahati ng hukbo ng mga Nephita at itinaboy ang mga Lamanita sa ilog Sidon. Pagkatapos makatawid papunta sa ilog ang mga Lamanita, sumalakay ang isa pang kalahati ng hukbo ng mga Nephita. Nang makita ng mga Lamanita na napaliligiran na sila, buong bangis silang nakipaglaban kaya nagsimulang umurong ang mga Nephita.

Matututuhan mo ang mga alituntunin kung paano mo maisasakatuparan ang iyong mabubuting mithiin at mga hangarin sa pag-aaral ng natitirang bahagi ng Alma 43. Basahin ang Alma 43:43–54, at ikumpara ang pinagmumulan ng lakas ng mga Lamanita at ng mga Nephita.

Pag-isipan kung ano ang higit na mainam tungkol sa ipinaglalabang dahilan ng mga Nephita kaysa sa dahilan ng mga Lamanita. Kapag inihalintulad natin si Moroni at ang kanyang matapat na hukbo sa ating pakikidigma sa kaaway, natututuhan natin na kapag nagdasal tayo na tulungan tayo na maisakatuparan ang ating mabubuting plano at hangarin, tutulungan tayo ng Diyos na maisakatuparan ang mga ito.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na nadama mo ang tulong ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng iyong mabubuting mithiin.

Alma 44

Pagkatapos ng tagumpay ng mga Nephita, inutos ni Kapitan Moroni sa mga Lamanita na gumawa ng tipan ng kapayapaan

Alalahanin na sa Alma 43 nang makita ni Kapitan Moroni na napaliligiran at takot na takot ang mga Lamanita, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na tumigil sa pakikipaglaban. Basahin ang mga salita ni Moroni sa Alma 44:1–6, at alamin ang sinabi ni Moroni na pinanggalingan ng lakas nila kaya nagtagumpay ang mga Nephita.

  1. journal iconBatay sa patotoo ni Moroni sa Alma 44:4–6, sumulat ng isang katotohanan sa iyong scripture study journal na makatutulong sa pagharap mo sa iyong mga espirituwal na digmaan.

binatilyong nagdarasal

Ipinangako sa mga kabataan ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na sila ay poprotektahan ng Panginoon kapag nanatili silang tapat. Sa iyong pagbabasa ng sinabi ni Pangulong Packer, markahan ang mga bahaging nagbibigay ng kapanatagan sa iyo at nadarama mong angkop sa iyo.

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang mga kabataan ngayon ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway na may pababang pamantayan sa moralidad. Ngunit bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kung pakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.

“Manamit nang disente; mapitagang mangusap; makinig sa nagbibigay-inspirasyong musika. Iwasan ang lahat ng imoralidad at gawaing nakasisira ng dignidad. [Pamunuan] ang inyong buhay at utusan ang sarili na maging matapat. Dahil labis kaming umaasa sa inyo, kayo ay lubos na pagpapalain. Lagi kayong binabantayan ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 18).

Sa Alma 44:7–10, inihayag ni Zerahemnas na hindi siya naniniwala na ang Diyos ang pinagmumulan ng lakas ng mga Nephita. Sinabi niya sa mga Lamanita na isuko na nila ang kanilang mga sandata, pero tumanggi si Zerahemnas na gumawa ng tipan ng kapayapaan. Basahin ang isinagot ni Moroni sa Alma 44:11. Sa iyong palagay, bakit mahalaga kay Moroni na gumawa ng tipan ng kapayapaan ang mga Lamanita.

Bagama’t marami sa mga Lamanita ang gumawa ng tipan ng kapayapaan, inudyukan ni Zerahemnas ang natitira sa kanyang mga tauhan na makipaglaban sa hukbo ni Moroni. Nang sugurin ng mga Nephita ang mga Lamanita at simulan silang paslangin, nakita ni Zerahemnas na tiyak na mapapatay ang kanyang hukbo at nangakong gumawa ng tipan ng kapayapaan (tingnan sa Alma 44:12–20).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo ipamumuhay ang ilan sa mga alituntunin at mga katotohanan na natutuhan mo sa lesson na ito para maproptektahan ang iyong sarili laban sa mga tukso at pag-atake ng kaaway at para maisakatuparan mo ang iyong mabubuting hangarin at mithiin.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 43–44 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: