Unit 12: Day 2
Mosias 9–10
Pambungad
Sa panahon ng pamumuno ni Haring Benjamin, isang lalaking nagngangalang Zenif ang namuno sa pangkat ng mga Nephita mula sa Zarahemla upang mamuhay kasama ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi. Dahil balak ng hari ng mga Lamanita na gawing alipin ang mga tao ni Zenif, pinayagan niya silang mamalagi roon. Ang maling tradisyon at pagkapoot ng mga Lamanita sa mga Nephita ay humantong sa digmaan. Nang tangkain ng mga Lamanita na gawin silang alipin, ang mga tao ni Zenif ay bumaling sa Panginoon, na pinalakas sila at tinulungan silang itaboy ang mga Lamanita mula sa kanilang lupain.
Mosias 9:1–13
Pinangunahan ni Zenif ang pangkat ng mga Nephita na bumalik sa lupain ng Nephi
Mayroon ka bang isang bagay na gustung-gusto mong makamit? Pag-aaralan mo ngayon ang tungkol sa isang tao na ginusto nang labis ang isang bagay at ang mga naging resulta ng mga ginawa niya para makuha ang nais niya.
Tingnan ang mapa ng mga paglalakbay mula sa nakaraang lesson. Naaalala mo ba ang paglalakbay ni Ammon kung saan natagpuan niya si Limhi at ang kanyang mga tao? Buksan ang iyong banal na kasulatan sa Mosias 7–8, at tingnan ang petsa kung kailan naganap ang mga pangyayari sa mga kabanatang ito (matatagpuan sa alinman sa ibaba ng pahina o sa chapter heading). Ikumpara ito sa mga petsa na kaugnay ng Mosias 9:1. Ilang taon ang iniatras natin sa pagitan ng Mosias 8 at Mosias 9?
Basahin ang paunang salita ni Mormon sa talaan ni Zenif bago ang simula ng Mosias 9.
Pinangunahan ni Zenif, lolo ni Limhi, ang isang pangkat ng mga Nephita pabalik sa lupain ng Nephi. Dahil gustung-gusto niya ang isang bagay kaya siguro hindi na niya naisip ang magiging resulta ng mga hinahangad niya. Basahin sa Mosias 9:1–4 ang ginawa ni Zenif para makamit ang gusto niya. (Ang maging “labis na magpabigla-bigla” ay pagiging sobrang sigasig o interesadong makamit ang isang bagay.)
Dahil sa labis na pabigla-bigla ni Zenif siya ay nalinlang ng hari ng mga Lamanita. Basahin ang Mosias 9:5–7, 10 para malaman ang naging resulta ng labis na pabigla-bigla ni Zenif.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang hindi nakita ni Zenif dahil sa sobrang pagnanais niya na makuha ang lupain ng Nephi?
-
Ano ang ilang halimbawa ngayon ng mga bagay na gustung-gustong makamit ng mga kabataan kaya pabigla-bigla sila?
-
Ano sa palagay mo ang mga panganib na dulot ng mabagal sa pag-alaala sa Panginoon sa buhay mo?
-
Pagkalipas ng 12 taon, naging napakaunlad ng mga tao ni Zenif. Ang hari ng mga Lamanita ay nabalisa na baka hindi na niya sila kayang maging alipin ayon sa talagang plano niya, kaya pinaghanda niya ang kanyang mga tao na makipagdigma sa kanila (tingnan sa Mosias 9:11–13).
Mosias 9:14–10:22
Tinangka ng mga Lamanita na gawing alipin ang mga tao ni Zenif
Bilugan ang alinman sa mga sumusunod na aspeto ng buhay mo na gusto mong magkaroon ng mas maraming tulong o lakas: gawain sa paaralan, paglaban sa tukso, pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan, pamumuno, trabaho, pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng pamilya, pagpapahusay ng kasanayan, talento, at kakayahan.
Sa iyong pag-aaral ng Mosias 9–10, alamin ang isang alituntuning tutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang dapat gawin para makatanggap pa ng lakas sa mga aspetong ito sa buhay mo. Ang Mosias 9–10 ay naglalaman ng tala ng dalawang magkaibang pangyayari nang salakayin ng mga Lamanita si Zenif at ang kanyang mga tao.
-
Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal, at mag-iwan ng sapat na espasyo sa ilalim ng bawat scripture reference na pagsusulatan ng sagot. Pag-aralan ang mga nakasaad na talata, at alamin ang ginawa ng mga tao ni Zenif at ng mga Lamanita para makahanap ng lakas. Punan ang chart ng impormasyong nahanap mo.
Ano ang ginawa ng mga tao para makapaghanda? |
Ano ang ginawa nila para ibigay ang kanilang tiwala sa Panginoon? |
Ano ang naging resulta? | |
---|---|---|---|
Si Zenif at ang kanyang mga tao | |||
Ang mga Lamanita |
-
Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo sa mga tao ni Zenif at sa mga Lamanita sa paghahanda sa digmaan?
-
Anong mga pagkakaiba ang nakita ninyo sa mga tao ni Zenif at sa mga Lamanita sa paghahanda sa digmaan?
Ang isang aral na natutuhan natin sa Mosias 9:17–18 ay palalakasin tayo ng Panginoon kapag ginawa natin ang lahat ng makakaya natin at magtitiwala sa Kanya.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa anong mga aspeto ng buhay ko lubos kong mapagtitiwalaan ang Panginoon at mahihilingan Siya na palakasin ako?
-
Markahan ang unang tatlong linya ng Mosias 9:18. Pagkatapos ay hilingin sa isang mapagkakatiwalaang matanda (isang magulang, lider ng Simbahan, o titser) na magkuwento siya ng isang pangyayari na hiniling niya sa Panginoon na tulungan siya at nadama niya na siya ay Kanyang pinalakas. Pakinggan kung ano ang ginawa ng taong iyon para matanggap ang lakas mula sa Panginoon. Isulat ang natutuhan mo sa iyong scripture journal.
Nagalit ka na ba sa isang tao at nagtanim ng galit—na para bang hindi mo mapapatawad o makakalimutan ang ginawa ng taong iyon? May kakilala ka ba na parang may galit sa iyo? Bago nakipagdigmang muli si Zenif at ang kanyang mga tao sa pangalawang pagkakataon, itinuro ni Zenif sa kanyang mga tao kung bakit napopoot ang mga Lamanita sa mga Nephita. Sa iyong pag-aaral ng mga sinabi ni Zenif sa Mosias 10:11–18, maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng “ginawan ng masama” ay nasaktan o napakitunguhan nang hindi makatarungan o hindi tama at ang “napoot” ay nagkaroon ng matinding galit. Pag-aralan ang Mosias 10:11–18, at alamin kung bakit patuloy pa ring kinapootan ng mga inapo nila Laman at Lemuel ang mga inapo ni Nephi. Markahan ang mga salitang ginawan ng masama at napoot habang nagbabasa ka.
Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:
-
Bakit matindi ang galit ng mga Lamanita sa mga Nephita?
-
Sino ang nasasaktan kapag nagagalit ka o ayaw magpatawad?
-
Bakit nakakaapekto ang galit at pagtatanim ng sama ng loob sa iyong pamilya o sa mga magiging anak mo?
Basahin ang sumusunod na karanasan mula kay Elder Donald L. Hallstrom ng Panguluhan ng Pitumpu, at alamin ang sinabi niya na dapat nating gawin kapag nasaktan ang damdamin natin o nagalit tayo sa isang tao:
“Maraming taon na ang nakalilipas, namasdan ko ang isang dalamhati—na naging trahedya. Malapit nang isilang ang unang anak ng isang mag-asawang bagong kasal. Ang buhay nila ay puno ng pag-asam at pananabik sa mahalagang karanasang ito. Sa oras ng panganganak, nagkaroon ng mga kumplikasyon at namatay ang sanggol. Ang dalamhati ay nauwi sa pighati, ang pighati ay nauwi sa galit, ang galit ay nauwi sa paninisi, at ang paninisi ay nauwi sa paghihiganti sa doktor, na pinanagot nila sa nangyari. Ang mga magulang at ibang mga kapamilya ay nakialam nang husto, at sama-samang naghangad na sirain ang reputasyon at propesyon ng doktor. Sa mga linggo at buwan na puno ng kapaitan [matalim na pananalita] na nadama ng pamilya, isinisi nila ang kanilang kapighatian sa Panginoon. ‘Bakit Niya tinulutang mangyari ang kalunus-lunos na bagay na ito?’ Tinanggihan nila ang paulit-ulit na pagsisikap ng mga lider at miyembro ng Simbahan na panatagin ang kanilang espiritu at damdamin at dumating ang panahon na inihiwalay nila ang kanilang sarili sa Simbahan. Apat na henerasyon na ngayon ng pamilya ang naapektuhan. Kung noon ay may pananampalataya at katapatan sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan, tuluyan nang nawala sa Simbahan ang sinuman sa pamilya sa loob ng maraming taon. …
“May dalawang anak ang lolo’t lola ko sa tatay, isang lalaki (ang tatay ko) at isang babae. … Nag-asawa ang [kanilang anak na babae] noong 1946 at pagkaraan ng apat na taon ay nagdalantao. … Walang nakakaalam na kambal ang ipinagbubuntis niya. Ang malungkot, siya at ang kambal ay pawang nangamatay sa panganganak.
“Nagdalamhati ang lolo’t lola ko. Gayunman, ang kanilang pagdadalamhati ay dagli nilang ibinaling sa Panginoon at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi iniisip kung bakit nangyari ito at kung sino ang dapat sisihin, nagtuon sila sa pamumuhay nang matwid. …
“Ang katapatan [ng lolo’t lolang ito], lalo na sa gitna ng kahirapan, ay nakaimpluwensya na ngayon sa sumunod na apat na henerasyon. Naging tuwiran at malaki ang epekto nito sa kanilang anak (ang tatay ko) at sa nanay ko nang mamatay ang kapatid kong babae, na bunso nila, dahil sa mga kumplikasyon sa panganganak. … Sa halimbawang nakita nila sa nagdaang henerasyon, bumaling sa Panginoon ang aking mga magulang—nang walang pag-aalinlangan—upang maaliw. …
“Kung sa palagay ninyo ay nasaktan kayo—ng sinuman (kapamilya, kaibigan, kapwa miyembro ng Simbahan, lider ng Simbahan, kasamahan sa negosyo) o ng anuman (pagkamatay ng mahal sa buhay, problema sa kalusugan, pagkalugi, pang-aabuso, adiksyon)—harapin ang problema nang diretsahan at nang buo ninyong lakas. … At, huwag nang ipagpaliban, bumaling sa Panginoon. Lubos na sumampalataya sa Kanya. Tulutan Siyang makibahagi sa inyong pasanin. Tulutang pagaanin ng Kanyang biyaya ang inyong dalahin. … Huwag hayaang mapinsala ng sitwasyon sa mundo ang inyong espirituwalidad kailanman” (“Bumaling sa Panginoon” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 78–80).
Pansinin na sa parehong halimbawa ng mga Lamanita at ng pamilya ng batang mag-asawa na namatayan ng unang anak, ang galit at hinanakit ay nakaapekto sa maraming henerasyon ng mga tao.
-
Isipin ang isang pangyayari na naramdaman mong ginawan ka ng masama o nagalit ka sa isang tao? May ganyan ka bang nadarama ngayon? Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ako makatatanggap ng tulong para maging madali sa akin ang magpatawad?
-
Paano ko matutularan sa buhay ko ngayon ang halimbawa ng lolo’t lola ni Elder Hallstrom at sundin ang kanyang payo sa huling talata ng kanyang mensahe?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture journal:
Napag-aralan ko na ang Mosias 9–10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: