Seminary
Unit 10: Day 2, Jacob 7


Unit 10: Day 2

Jacob 7

Pambungad

Si Jacob ay umasa sa kanyang patotoo at sa Panginoon para malabanan ang mga ideya at argumento ni Serem, na isang anti-Cristo. Ang anti-Cristo ay isang tao na masigasig o matinding kumakalaban kay Cristo at tinatangkang sirain ang pananampalataya ng ibang tao sa Kanya, sa Kanyang totoong Simbahan, sa Kanyang ebanghelyo, o sa plano ng kaligtasan.

Sina Jacob at Serem

Upang mahadlangan ang mga ginagawa ni Serem, kumuha ng lakas si Jacob sa mga naranasan niya noon na nagpalakas ng pananampalataya niya kay Jesucristo. Umasa rin siya sa gabay ng Espiritu Santo, sa kanyang kaalaman sa mga banal na kasulatan at sa salita ng mga propeta, at sa kanyang patotoo kay Jesucristo. Nang humingi ng palatandaan si Serem na magpapatunay ng mga salita ni Jacob, siya ay pinarusahan ng Diyos. Tinapos ni Jacob ang kanyang tala sa paglalarawan kung paano nagtiwala ang mga Nephita sa Panginoon habang pinalalakas nila ang kanilang sarili laban sa mga Lamanita. Bago mamatay si Jacob, ipinagkatiwala niya ang maliliit na lamina sa kanyang anak na si Enos.

Jacob 7:1–14

Si Jacob ay umasa sa Panginoon nang harapin niya si Serem, isang anti-Cristo

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Isa sa pinakmamabibigat na pagsubok sa buhay ay dumarating kapag pinagdududahan o tinutuligsa ang ating mga pinaniniwalaan. Sa gayong mga sandali, nanaisin nating sumagot nang palaban. … Ngunit mahahalagang pagkakataon ito para magmuni-muni, magdasal, at [tularan] ang halimbawa ng Tagapagligtas. Tandaan na si Jesus mismo ay kinamuhian at tinanggihan ng daigdig. … Ngunit kapag sumasagot tayo sa mga nagpaparatang sa atin tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, hindi lang tayo nagiging higit na katulad ni Cristo, inaanyayahan din natin ang iba na damhin ang Kanyang pagmamahal at sumunod sa Kanya” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 72).

Isipin ang isang pagkakataon na pinagdudahan o pinuna ang mga paniniwala mo. Sa iyong pag-aaral ng Jacob 7 malalaman mo kung paano naranasan ni Jacob ang pangungutya sa kanyang pananampalataya ng isang lalaking nagngangalang Serem at kung paano niya matagumpay na naharap ang hamong ito.

Basahin ang Jacob 7:1–5, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapakita ng (1) ipinagpipilitang gawin ni Serem at (2) ang ginawa niya para makamit ang gusto niyang mangyari. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.

Ayon sa Jacob 7:3, ano ang naging epekto sa mga tao ng ginawa ni Serem?

  1. journal iconPansinin sa Jacob 7:4 na si Serem ay may “ganap na kaalaman” at may “labis na mapanghikayat na pananalita.” Isulat sa iyong scripture study journal kung bakit mahirap kung minsan na ipaglaban ang pananampalataya mo sa taong tulad ni Serem.

Alalahanin na hindi lahat ng tao na nagdududa o pumupuna sa ating pananampalataya ay may motibo na katulad ng kay Serem. Bagama’t may ilang tao, tulad ni Serem, na ang sadyang gusto lang ay manira ng pananampalataya, may iba naman na nagdududa dahil gusto lang talaga nilang malaman ang paniniwala natin, o kaya naman ay baka maling impormasyon ang nakuha nila tungkol sa mga paniniwala natin.

Sa iyong pagbabasa ng Jacob 7:5–14, pag-isipan kung paano mo sasagutin ang taong tulad ni Serem. Sa iyong pag-aaral ng sagot ni Jacob, malalaman mo na kapag umaasa tayo sa Panginoon makakaya natin ang mga hamon sa ating pananampalataya. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito. Alamin kung paano naipakita ni Jacob ang alituntuning ito sa pagharap niya kay Serem.

Sa chart sa ibaba, basahin ang talata o mga talata mula sa Jacob 7:5–14 sa unang column at itugma ang scripture reference sa pahayag sa pangalawang column na naglalarawan nang husto kung paano umasa si Jacob sa Panginoon sa scripture reference na iyon. Isulat ang letra ng pahayag sa linyang katabi ng scripture reference.

Ang Ginawa ni Jacob para Umasa sa Panginoon

  1. Jacob 7:5

  2. Jacob 7:8

  3. Jacob 7:10–11

  4. Jacob 7:12

  5. Jacob 7:13–14

  1. Pinatotohanan niya ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta.

  2. Ipinaubaya niya ang mangyayari sa mga kamay ng Diyos.

  3. Umasa siya sa patnubay at lakas na ibibigay ng Espiritu Santo.

  4. Inalaala niya ang mga naranasan niya noon na nagpalakas ng kanyang pananampalataya.

  5. Ibinahagi niya ang patotoong tinanggap niya mula sa Espiritu Santo.

Maaari mong ikumpara ang mga sagot mo sa mga tamang sagot na makikita sa katapusan ng lesson na ito.

Paano mo mapapalakas ang iyong patotoo para hindi ito matinag kapag pinagdududahan o pinupuna ang pinaniniwalaan mo? Pansinin sa Jacob 7:5 na ipinakita ni Jacob ang sumusunod na katotohanan: Hindi matitinag ang pananampalataya natin kung ang ating mga patotoo ay batay sa paghahayag at mga espirituwal na karanasan na totoong nangyari sa atin. Pag-isipan kung malakas ba o hindi ang iyong patooo kay Jesucristo at ano ang magagawa mo para mapalakas ito.

Ang isinagot ni Jacob kay Serem ay isang halimbawang dapat nating tularan kapag sumasagot tayo sa mga taong nagdududa o pumupuna sa ating pananampalataya.

  1. journal iconSagutin ang tatlo sa mga tanong sa ibaba sa iyong scripture study journal para matulungan kang pag-isipan ang mga ginawa ni Jacob na pag-asa sa Panginoon at paano nakatulong o makatutulong sa iyo ang mga ginawa niyang ito kapag pinagdududahan ng iba ang pananampalataya mo:

    1. Pansinin sa Jacob 7:5 na dahil sa mga espirituwal na karanasan ni Jacob noon, naging matatag at di-matinag ang kanyang pananampalataya. Ano ang ilang karanasan na nakapagpalakas ng pananampalataya mo? Paano nakatutulong sa iyo ang pag-alaala o pagtatala ng mga karanasang ito kapag may mga nagdududa o pumupuna sa pananampalataya mo?

    2. Sa Jacob 7:8, sinabi ni Jacob na “ibinuhos ng Panginoong Diyos ang kanyang Espiritu sa aking kaluluwa.” Ano ang kailangan mong gawin para maibuhos sa kaluluwa mo ang Espiritu? Paano ka natulungan ng Espiritu Santo na sagutin ang mga tanong o puna tungkol sa pananampalataya mo?

    3. Paano ka matutulungan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta ngayon kapag pinagdududahan o pinupuna ng iba ang pananampalataya mo? (tingnan sa Jacob 7:10–11).

    4. Kailan ka nagbahagi ng iyong patotoo sa isang taong nagdududa o pumupuna sa pananampalataya mo? (tingnan sa Jacob 7:12). Ano ang naging resulta?

    5. Sa halip na ipasiyang patunayan ang katotohanan ng kanyang patotoo nang humingi si Serem ng palatandaan, ipinaubaya ni Jacob sa Panginoon ang kahihinatnan nito (tingnan sa Jacob 7:14). Paano makatutulong sa iyo na malaman na hindi mo kailangang patunayan ang katotohanan ng iyong patotoo sa mga taong humahamon sa pananampalataya mo?

Jacob 7:15–23

Si Serem ay pinarusahan, umamin ng pagkakamali, at namatay, na naging dahilan ng pagbaling ng mga Nephita sa Panginoon

Itinuro ni Elder Robert D. Hales:

Elder Robert D. Hales

“Kapag hindi tayo gumanti—kapag ibinaling natin natin ang kabilang pisngi at nilabanan ang galit—pumapanig … tayo sa Tagapagligtas. Ipinakikita natin ang Kanyang pagmamahal, na siyang tanging kapangyarihang daraig sa kalaban at sasagot sa mga nagpaparatang sa atin nang hindi sila ginagantihan ng pagpaparatang. Hindi iyan kahinaan. Iyan ang katapangang Kristiyano.

“Sa paglipas ng mga taon nalalaman natin na ang mga hamon sa ating pananampalataya ay hindi na bago, at hindi rin madaling maglalaho ang mga ito. Ngunit ang mga tunay na disipulo ni Cristo ay nakikita ang oportunidad sa gitna ng oposisyon. …

“… Sa kabutihang-palad, alam ng Panginoon ang nasa puso ng mga nagpaparatang sa atin at kung paano tayo epektibong makatutugon sa kanila. Kapag naghahangad ng patnubay ng Espiritu ang mga tunay na disipulo, tumatanggap sila ng inspirasyon na akma sa bawat sitwasyon. Sa bawat sitwasyon, ang mga tunay na disipulo ay tumutugon sa mga paraang mag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” 72–73).

Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “[makita] ang oportunidad sa gitna ng oposisyon”?

Maganda ang magiging resulta kapag tinugunan natin ang mga pumupuna sa ating pananampalataya sa paraang makapag-aanyaya ng Espiritu ng Panginoon. Basahin ang Jacob 7:15–23, at alamin ang magandang ibinunga ng pakikipag-usap ni Jacob kay Serem.

Anong katibayan ang nakikita mo sa Jacob 7:21–22 na gusto ni Jacob na matuto ang iba sa nangyari kay Serem?

Ayon sa Jacob 7:23, ano ang epekto sa mga tao ng paghaharap at pag-uusap nina Jacob at Serem?

  1. journal iconAng isang alituntuning matututuhan natin sa pagharap ni Jacob kay Serem ay sa pagsagot natin sa mga nagdududa o pumupuna sa ating pananampalataya sa paraang nakapag-aanyaya ng Espiritu, matutulungan natin ang iba na bumaling sa Panginoon. Sagutan ang mga sumusunod na tanong tungkol sa alituntuning ito sa iyong scripture study journal:

    1. Paano mo natutulungan ang iba na bumaling sa Panginoon dahil alam mo ang alituntuning ito?

    2. Paano mo pagsisikapang gamitin ang alituntuning ito?

Jacob 7:24–27

Inilarawan ni Jacob ang mga pakikitungo ng mga Nephita sa mga Lamanita at tinapos ang kanyang talaan

Basahin ang Jacob 7:24–27. Markahan ang isang parirala sa Jacob 7:25 na nagbibigay-diin sa mensahe ni Jacob tungkol sa kahalagahan ng pag-asa sa Panginoon habang nahaharap tayo sa mga hamon.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang gagawin mo para mapaghandaan ang araw na may magdududa o pupuna sa pananampalataya mo?

Kung gusto mong malaman kung paano sagutin ang ilang partikular na mga tanong o pamumuna sa iyong pananampalataya, pag-aralan ang manwal na Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo, Ang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ni Elder Robert D. Hales na “Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo” (Ensign o Liahona, Nob. 2008, 72–75), at ang iba pang resources na makukuha sa LDS.org at youth.lds.org.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Jacob 7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

Mga sagot sa matching activity sa simula ng lesson: 1) d, 2) c, 3) a, 4) e, 5) b.