Seminary
Unit 22: Day 3, Helaman 5


Unit 22: Day 3

Helaman 5

Pambungad

Nagpatuloy sa kasamaan ang mga Nephita hanggang sa pinili ng karamihan sa kanila ang kasamaan sa halip na ang kabutihan. Nabigyang-inspirasyon ng mga salita ng kanilang ama, lubos na iniukol nina Nephi at Lehi ang kanilang sarili sa pangangaral ng ebanghelyo. Itinuro sa kanila ng kanilang ama na si Helaman ang kahalagahan ng pagsalig ng kanilang buhay sa Tagapagligtas. Pagkatapos magturo sa mga Nephita, nangaral sina Lehi at Nephi sa mga Lamanita at sila ay ibinilanggo. Matapos mapalaya ng Panginoon sina Nephi at Lehi sa bilangguan, nagbalik-loob sa ebanghelyo ang karamihan sa mga Lamanita.

Helaman 5:1–13

Itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi na alalahanin ang mga kautusan ng Diyos at ang kapangyarihan ni Jesucristo na tutulong sa kanila

Basahin ang sumusunod na anim na salita at parirala. Para tulungan ka na makumpleto ang sumusunod na aktibidad, sikaping maalala ang bawat isa sa mga ito. Ipapasulat sa iyong scripture study journal ang mga maaalala mo: pamilya, mga magulang, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mga propeta, pagsisisi na humahantong sa kaligtasan, pagsunod sa mga kautusan.

  1. journal iconIsara ang iyong manwal, at isulat sa iyong scripture study journal ang anim na salita o parirala na maaalala mo.

Tingnan kung tama ang mga sagot mo. Isipin sandali kung madali o mahirap maalala ang mga parirala. Sa iyong palagay may magagawa bang kaibhan kung sinabi sa iyo sa umpisa pa lang na ipasusulat sa iyo ang mga ito ayon sa naaalaala mo?

Pangulong Spencer W. Kimball

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, at isipin kung bakit ang salitang alalahanin ay mahalagang salita kapag sinisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo: “Kapag hinanap ninyo sa diksyunaryo ang pinakamahalagang salita, alam ba ninyo kung ano iyon? Ito ay ang salitang alalahanin. Dahil kayong lahat ay nakipagtipan—alam ninyo ang dapat gawin at paano ito gawin—ang pinakakailangan natin ay makaalala” (“Circles of Exaltation” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Hunyo 28, 1968], 5).

Sa araw na ito pag-aaralan mo ang tungkol sa dalawang tao na nakagawa ng kaibhan sa buhay ng libu-libong tao dahil naalaala nila ang mga katotohanang itinuro sa kanila ng kanilang ama. Sa pag-aaral ng lesson sa araw na ito, pag-isipan kung ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maalaala mo.

Tulad ng ipinaliwanag sa Helaman 5:1–4, nagbitiw si Nephi bilang punong hukom dahil naging napakasama ng mga tao. Gusto niya at ng kanyang kapatid na si Lehi na iukol ang lahat ng kanilang panahon sa pangangaral ng salita ng Diyos. Nang simulan nila ang kanilang paglilingkod, naalaala nila ang mga itinuro ng kanilang amang si Helaman. Basahin ang mga sumusunod na mga talata at ibuod sa inilaang patlang ang hiniling ni Helaman na maalaala ng kanyang mga anak. Maaari mo ring markahan ang mga salitang naalaala/pakatandaan/tandaan kapag nakita mo ang mga ito sa mga talatang ito.

  1. journal iconPara matulungan kang mas maunawaan ang binasa mong mga talala, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa mabubuting halimbawa ng iba sa pagpili mong “gawin ang yaong mabuti”? (Helaman 5:7).

    2. Ano ang ginagawa mo para maalaala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Basahing muli ang Helaman 5:12, at hanapin ang mga parirala na sumusuporta sa alituntuning ito: Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin. (Ang Helaman 5:12 ay isang scripture mastery verse. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

pundasyon ng pader ng Nauvoo Temple

Kunwari ay iniutos sa iyo na magdisenyo ka ng isang gusali na hindi kailanman babagsak. Pag-isipan ang isasagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong klaseng pundasyon ang kailangan ng gusali?

  • Paano nakatutulong sa gusali ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon para makayanan nito ang klima, mga kalamidad, o iba pang matitinding pangyayari?

  • Anong mga salita o parirala sa Helaman 5:12 ang nagpapahiwatig na ang pagsalig kay Jesucristo na ating Manunubos, ay hindi pumipigil sa pag-atake ng kaaway kundi nagbibigay sa iyo ng lakas na madaig ang mga ito?

  1. journal iconIsulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng itayo ang saligan ng iyong buhay kay Jesucristo? Paano mo pinagsisikapang gawin ito sa iyong buhay?

    2. Kailan mo napaglabanan ang tukso o nakayanan ang pagsubok dahil ang saligan ng iyong buhay ay si Jesucristo?

    3. Paano ka umuunlad sa pagsasalig ng iyong buhay sa Tagapagligtas?

Helaman 5:14–52

Pinrotektahan ng Panginoon sina Nephi at Lehi sa bilangguan at inalis ang kadiliman mula sa mga bumihag sa kanila nang sila ay magsumamo sa Kanya at magsisi

Tulad ng nakatala sa Helaman 5:14–19, ipinangaral nina Nephi at Lehi ang ebanghelyo nang may malaking kapangyarihan sa lupain ng Zarahemla at nagbinyag ng libu-libong tao roon. Pagkatapos ay naglakbay sila patungo sa lupain ng Nephi na lupain ng mga Lamanita. Ang sumusunod na aktibidad ay ginawa upang tulungan ka na maunawaan ang mga kahanga-hangang karanasan nina Nephi at Lehi sa mga Lamanita.

  1. journal iconIguhit ang sumusunod na chart sa isang buong pahina ng iyong scripture study journal. Pagkatapos ay basahin ang mga talata sa bawat kahon at magdrowing ng simpleng larawan o magsulat ng maikling buod tungkol sa inilalarawan ng bawat grupo ng mga talata.

    Sina Nephi at Lehi sa mga Lamanita

    Helaman 5:20–21

    Helaman 5:22–25

    Helaman 5:26–28

    Helaman 5:29–34

    Helaman 5:35–39

    Helaman 5:40–44

Sa pangyayaring ito ang ulap ng kadiliman ay maaaring sumagisag sa kasalanan at ang haliging apoy na pumaligid sa bawat tao ay maaaring kumatawan sa Espiritu Santo.

Rebyuhin ang talata 28 at 34, at isulat kung ano ang nadama ng mga tao nang sila ay nasa ulap ng kadiliman:

Rebyuhin ang talata 43 at 44, at isulat kung ano ang nadama ng mga tao nang sila ay mapaligiran ng haligi ng apoy:

Rebyuhin ang talata 41 at 42, at isulat ang ginawa ng mga tao para maalis ang ulap ng kadiliman, o sa madaling salita, magsisi ng kanilang mga kasalanan:

Basahin ang Helaman 5:45–47, at isiping mabuti kung anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol sa pagsisisi mula sa pangyayaring ito. Ang isang alituntunin ay: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisi sa ating mga kasalanan, pupuspusin ng Espiritu Santo ng kapayapaan at kagalakan ang ating mga puso.

Sa Helaman 5:48–52 nalaman natin na mga 300 Lamanita ang bahagi ng himalang ito at lubos na nagbalik-loob sa ebanghelyo. Sila ay humayo at naglingkod sa kanilang mga tao hanggang sa “ang higit na nakararaming bahagi ng mga Lamanita” ay nagbalik-loob din (Helaman 5:50). Pagkatapos ang mga nagbalik-loob na ito ay “nagbaba ng kanilang mga sandata ng digmaan” (Helaman 5:51) at “isinuko nila sa mga Nephita ang mga lupaing kanilang pag-aari” (Helaman 5:52). Kadalasan sa Aklat ni Mormon, nababawi ng mga tao ang kanilang mga lupain sa pamamagitan ng digmaan, ngunit sa pagkakataong ito nabawi ng mga Nephita ang kanilang mga lupain dahil ang kanilang mga kaaway ay nagsisi at tinanggap ang ebanghelyo.

  1. journal iconIsipin kung nakadarama ka ng kapayapaan at kagalakan sa iyong buhay. Isipin ang anumang mga ulap ng kadiliman na maaaring nasa iyong buhay, tulad ng kasalanang hindi napagsisihan, alitan sa pamilya o mga kaibigan, o hindi paggawa ng mga bagay tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal nang regular. Sumulat ng isa o mahigit pa nito sa iyong scripture study journal. Pag-isipan ang magagawa mo para matularan ang halimbawa ng mga Lamanita sa Helaman 5, at isulat kung ano ang magagawa mo para mahiling sa Tagapagligtas na alisin ang mga ulap ng kadiliman na nakapalibot sa iyo. Paano maaaring maging bahagi ang pagsisisi sa solusyong hinahanap mo? Paano tutulong ang pagsisisi sa pagtatayo mo ng saligan kay Jesucristo?

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Helaman 5:12

Basahin ang Helaman 5:12, at alamin ang mga salita na tumutukoy sa isang bagay (halimbawa, bato, saligan, hangin, ulang yelo, bagyo). Upang matulungan ka na maisaulo ang talatang ito, kumuha ng isang papel at isulat dito ang unang titik ng bawat salita sa talata, maliban kung ito ay tumutukoy sa isang bagay. Pagkatapos, sa halip na titik ang isulat, magdrowing ng simpleng larawan na kumakatawan sa salitang iyon. Magpraktis na bigkasin ang talata gamit lamang ang papel na iyon. Ilagay ang papel sa isang lugar na makikita mo ito nang madalas upang matulungan ka na maalaala ang mga katotohanan sa talatang ito.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Helaman 5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: