Pambungad sa 1 Nephi
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa iyong pag-aaral ng 1 Nephi, matutuklasan mo na “ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas” (1 Nephi 1:20). Halimbawa, makikita mo kung paano tinulungan ng Diyos si Nephi na makuha ang laminang tanso upang magkaroon ang kanyang pamilya ng mga banal na kasulatan, kung paano iniligtas ng Diyos si Nephi sa mga panganib at pagbabanta sa kanyang buhay, at kung paano iniligtas ng Diyos si Lehi at ang kanyang mga tao mula sa pagkagutom sa ilang at kamatayan habang naglalakbay sa karagatan, at ligtas silang dinala sa lupang pangako.
Nadama ni Lehi at ng kanyang mga tao ang awa at tulong ng Diyos kapag sinusunod nila ang mga kautusan. Humingi ng patnubay mula sa Diyos sina Lehi at Nephi at natanggap ito sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga panaginip, mga pangitain, at ng Liahona. Natanggap at naitala ni Nephi ang isang pangitain tungkol sa kasaysayan ng mundo na nagpapakita na nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa pamamagitan ng mga pangitain, nakita ni Nephi ang binyag, ministeryo, at pagkakapako sa krus ni Jesucristo.
Sa iyong pag-aaral ng mga karanasan nina Nephi at Lehi sa aklat na ito, matututuhan mo kung paano hanapin at tanggapin ang mga pagpapala ng langit sa iyong buhay.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Ang anak ni Lehi na si Nephi ang sumulat ng aklat na ito bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na mag-ingat ng isang talaan tungkol sa kanyang mga tao. Si Nephi ay maaaring isinilang mismo o malapit sa Jerusalem. Siya ay nanirahan doon sa panahon ng paglilingkod ng propetang si Jeremias at paghahari ni Haring Zedekias.
Hinangad ni Nephi na magkaroon siya ng sariling patotoo tungkol sa sinabi ng kanyang ama hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem at sa pangangailangang lumisan ang kanilang pamilya. Habang patuloy niyang hinihingi at sinusunod ang payo ng Panginoon, si Nephi ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Sumunod siya sa utos na bumalik sa Jerusalem kasama ang kanyang mga kapatid nang dalawang beses—una ay para kunin ang laminang tanso at ang pangalawa ay para hikayatin ang pamilya ni Ismael na sumama sa pamilya ni Lehi papunta sa ilang. Sa tulong ng Panginoon, nakagawa si Nephi ng isang sasakyang-dagat na nagdala sa kanyang pamilya at sa iba pa patawid sa karagatan patungo sa lupang pangako. Nang mamatay si Lehi, si Nephi ang naging pinuno ng kanyang mga tao.
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Isinulat ni Nephi ang talaan na naging 1 Nephi noong mga 570 B.C.—30 taon ang nakalipas mula nang lisanin niya at ng kanyang pamilya ang Jerusalem (tingnan sa 2 Nephi 5:28–31). Isinulat niya ito noong naroon siya sa lupain ng Nephi.