Unit 3: Day 1
1 Nephi 7
Pambungad
Ang lubos na katapatan ni Nephi sa Panginoon ay makikita sa 1 Nephi 7. Kasama ang kanyang mga kapatid, sinunod niya ang utos ng Panginoon na bumalik sa Jerusalem at isama si Ismael at ang pamilya nito patungo sa ilang. Sa paglalakbay pabalik sa ilang, nilabanan nina Laman, Lemuel, at ng ilan sa kapamilya ni Ismael si Nephi at gusto nilang bumalik sa Jerusalem. Nang igapos at hangarin nilang patayin si Nephi, siya ay nanalangin nang may pananampalataya, iniligtas ng Panginoon, at taos-pusong pinatawad ang mga nagmalupit sa kanya. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano ka magiging tapat sa mga kautusan at sa oras ng paghihirap tulad ng ginawa ni Nephi.
1 Nephi 7:1–5
Iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Lehi na bumalik sa Jerusalem para isama si Ismael at ang pamilya nito
Isipin ang iyong pamilya, at pag-isipang mabuti kung bakit mahalaga ang mga pamilya sa plano ng Diyos.
Basahin ang 1 Nephi 7:1–2, at alamin ang iniutos ng Panginoon kay Lehi na gawin ng kanyang mga anak at bakit gusto Niyang gawin nila ito. (Makatutulong na malaman na ang salitang binhi sa 1 Nephi 7:1 ay tumutukoy sa mga anak at inapo.)
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay iniuutos sa atin ng Panginoon na mag-asawa tayo at magpalaki ng mga anak para sa Kanya. Sa iyong patuloy na pag-aaral ng 1 Nephi 7, tanungin ang iyong sarili kung bakit napakahalaga ng pag-aasawa at pamilya para iutos ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na tiisin ang mahirap na paglalakbay nang maraming araw sa ilang pabalik sa Jerusalem.
Basahin ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at alamin ang ipinahayag ng mga propeta ngayon tungkol sa kahalagahan ng pag-aasawa: “Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).
Maaari mong bilugan ang pariralang “para sa Panginoon” sa 1 Nephi 7:1. Isipin ang ibig sabihin ng pariralang iyan sa ating panahon.
Alamin ang iba pang karagdagang ideya sa pagpapalaki ng mga anak para sa Panginoon sa pagbabasa mo ng sumusunod na turo mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”:
“Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. …
“… Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ama at ina—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).
Basahin ang 1 Nephi 7:3–5 at alamin kung paano tinulungan ng Panginoon ang mga anak ni Lehi na magawa ang Kanyang mga inutos. Paano tinulungan ng Panginoon si Ismael at ang pamilya nito na tanggapin ang paanyaya na sumama sa pamilya ni Lehi sa ilang?
-
Hilingin sa iyong mga magulang, lider ng Simbahan, o titser na magmungkahi ng tatlong paraan na makapaghahanda sa panahong ito ang mga kabataan para sa pag-aasawa at pagpapalaki ng mga anak “para sa Panginoon.” Isulat ang payo nila sa iyong scripture study journal.
1 Nephi 7:6–15
Sinikap ni Nephi na hikayatin ang kanyang mga kapatid na magpatuloy sa kanilang paglalakbay patungo sa ilang
Basahin ang 1 Nephi 7:6–7, at alamin ang dahilan kung bakit naghimagsik sina Laman, Lemuel, at ilan sa mga kapamilya ni Ismael noong naglalakbay sila sa ilang. Isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung nasa sitwasyon ka ni Nephi. Pag-isipan ang sasabihin mo kina Laman at Lemuel at sa pamilya ni Ismael para mahikayat sila na patuloy na maglakbay patungo sa lupang pangako.
Basahin ang 1 Nephi 7:8–12, at tukuyin ang itinanong ni Nephi sa kanyang mga kapatid para mahikayat silang huwag bumalik sa Jerusalem. Anong tatlong katotohanan ang sinabi ni Nephi na nakalimutan ng kanyang mga kapatid?
Sagutin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Paano maaaring nakatulong kina Laman at Lemuel ang pag-alaala sa tatlong katotohanang iyon para maging tapat sila sa Panginoon?
-
Sumulat ng 4–5 pagpapala na natanggap mo mula sa Panginoon. Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa ginawa ng Panginoon para maging tapat ka sa pagsunod sa Kanya?
Basahin ang 1 Nephi 7:13–15, at tukuyin ang sinabi ni Nephi na mangyayari kina Laman, Lemuel, at sa mga naghimagsik na kapamilya ni Ismael kung babalik sila sa Jerusalem.
-
Sumulat ng isang talata sa iyong scripture study journal tungkol sa dahilan kung bakit kinakailangang alalahanin ang ginawa ng Panginoon para sa iyo at sundin ang Kanyang mga utos.
1 Nephi 7:16–22
Iniligtas ng Panginoon si Nephi
Patuloy na isipin kung ano ang pakiramdam kung nasa sitwasyon ka ni Nephi habang binabasa mo ang 1 Nephi 7:16. Ano ang gagawin mo?
Nanalangin si Nephi. Basahin ang kanyang panalangin sa 1 Nephi 7:17–18, at tukuyin ang ipinagdasal ni Nephi.
Pansinin na ipinagdasal ni Nephi na maligtas siya “alinsunod sa [kanyang] pananampalataya.” Isa sa mga aral na matututuhan natin sa mga talatang ito ay sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin ayon sa ating pananampalataya. Ang ibig sabihin ng pagdarasal nang may pananampalataya ay pagdarasal nang may pagtitiwala sa Panginoon at laging kasama rito ang kahandaang kumilos at sumunod.
Pag-aralan ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa panalangin ni Nephi sa 1 Nephi 7:17 at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na mabago ang ating puso. Salungguhitan ang anumang mga parirala na makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng kahandaang kumilos o sumunod kapag nagdasal tayo nang may pananampalataya.
“Alam ba ninyo ang ipagdarasal ko kung iginapos ako ng aking mga kapatid? Marahil kasama sa panalangin ko ang kahilingang may masamang mangyari sa aking mga kapatid at magtatapos sa mga salitang ‘iligtas po ninyo ako sa mga kamay ng aking mga kapatid’ o, sa madaling salita, ‘Sana po ay iligtas ninyo ako sa masamang sitwasyong ito, ngayon din!’ Lalo akong naging interesado na hindi ipinagdasal ni Nephi, na marahil ay ipagdarasal ko, na mabago ang nangyayari sa kanya. Sa halip, nanalangin siya na palakasin siya para mabago niya ang kanyang sitwasyon. At gusto kong malaman ninyo na nagdasal siya sa ganitong paraan dahil nalaman, naunawaan, at naranasan na niya ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. …
“Mga kapatid, hayagan ang implikasyon ng sitwasyong ito sa bawat isa sa atin. Kapag naunawaan natin at ginamit ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating sariling buhay, mananalangin at hihingi tayo ng lakas na mabago ang ating sitwasyon sa halip na manalanging baguhin ang ating sitwasyon. Tayo ay magiging taong ‘kumikilos’ sa halip na mga bagay na ‘pinakikilos’ (2 Nephi 2:14)” (“‘In the Strength of the Lord’ (Mga Salita ni Mormon 1:14; Mosias 9:17; Mosias 10:10; Alma 20:4),” sa Brigham Young University 2001–2002 Speeches [2002], 124).
-
Sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa iyong buhay, kailan ka nagdasal nang may pananampalataya at naramdaman ang sagot ng Panginoon sa iyong panalangin?
-
Paano mo matutularan ang halimbawa ni Nephi sa pagdarasal at paghingi ng lakas para mabago mo ang iyong kalagayan sa halip na ipagdasal na baguhin ang iyong kalagayan?
-
Pagkatapos makawala sa pagkakagapos si Nephi, nais siyang saktan muli ng kanyang mga kapatid. Basahin ang 1 Nephi 7:19–21, at sabihin kung ano ang hinangaan mo sa ugali ni Nephi. Isipin ang isang sitwasyon sa sarili mong pamilya na nangangailangan ng kapatawaran. Isipin kung bakit napakahalaga na handang patawarin ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: