Seminary
Unit 10: Day 4, Jarom and Omni


Unit 10: Day 4

Jarom at Omni

Pambungad

Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay naglalaman ng mga huling isinulat mula sa maliliit na lamina ni Nephi. Tinanggap ni Jarom ang mga lamina mula sa kanyang ama, na si Enos, at itinala ang mga paghihirap at pagpapala ng mga Nephita sa loob ng halos 60 taon. Pagkatapos ay ipinasa niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Omni. Ang Aklat ni Omni ay naglalaman ng mga isinulat ng limang magkakaibang tagapag-ingat ng mga talaan ng mga Nephita at sumasaklaw sa humigit-kumulang 230 taon.

Jarom 1:1–15; Omni 1:5–7

Inilarawan ni Jarom ang pag-unlad ng mga Nephita dahil sa pagsunod nila sa mga kautusan ng Panginoon

Para makapaghanda sa pag-aaral ng mahalagang alituntuning itinuro sa Jarom at Omni, basahin ang sumusunod na karanasan na ibinahagi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

“Naaalala ko noong naghahanda akong magsanay bilang fighter pilot. Ginugol namin ang malaking oras ng pangunang military training sa pag-eehersisyo. Hindi ko pa tiyak kung bakit itinuring na napakahalagang bahagi ng paghahanda sa pagkapiloto ang walang-katapusang pagtakbo. Gayunman, tumakbo kami nang tumakbo nang tumakbo.

“Habang tumatakbo ako napansin ko ang isang bagay na totoong nakabalisa sa akin. Paulit-ulit akong nilalagpasan ng mga lalaking naninigarilyo, umiinom, at gumagawa ng lahat ng bagay na taliwas sa ebanghelyo at, lalo na, sa Word of Wisdom.

“Naaalala ko na inisip ko, ‘Sandali lang! Hindi ba dapat ay makatakbo ako nang hindi napapagod?’ Pero napagod ako, at nalagpasan ako ng mga taong talagang hindi sumusunod sa anumang may kaugnayan sa Word of Wisdom. Inaamin ko na nabalisa ako rito noon. Tinanong ko sa aking sarili, totoo ba ang pangako o hindi?” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 58).

Naitanong mo na ba kung tinutupad o paano tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako na pagpapalain ka sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan?

Ipinaliwanag ni propetang Jarom, na anak ni Enos, kung paano napatunayang totoo ang pangako ng Panginoon sa kanyang mga ama. Basahin ang Jarom 1:9, at markahan ang pangako na pinatunayan ng Panginoon sa mga tao.

  1. journal iconIpinakita ni Jarom na kapag sinunod natin ang mga kautusan ng Diyos, tayo ay uunlad. Para makita ang mga halimbawa ng katotohanang ito, pag-aralan ang bawat isa sa mga scripture reference sa ibaba, at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Jarom 1:4–5, 8. Ano ang ilang halimbawa ng pagiging masunurin ng mga Nephita at paano sila pinagpala?

    2. Jarom 1:7, 10–12. Ano ang tungkuling ginampanan ng mga propeta at iba pang lider para matulungan ang mga Nephita na maging masunurin at umunlad?

    3. Omni 1:5–7. Paano napatunayan kalaunan ang pangako ng Diyos sa naiibang paraan?

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Basahin ang itinuro at pinatotohanan ni Pangulong Uchtdorf tungkol sa isang karanasan kung saan inisip niya kung tutuparin ba ng Panginoon ang pangakong ibinigay sa pagsunod sa Word of Wisdom: “Hindi kaagad dumating ang sagot. Ngunit kalaunan nalaman ko na ang mga pangako ng Diyos ay hindi laging natutupad nang kasimbilis ng o sa paraang inaasahan natin; dumarating ang mga ito ayon sa Kanyang panahon at paraan. Ilang taon pagkaraan nakikita ko na ang malinaw na katunayan ng mga temporal na pagpapalang dumarating sa mga yaong sumusunod sa Word of Wisdom—bukod pa sa mga espirituwal na pagpapalang dumarating kaagad mula sa pagsunod sa anumang batas ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, natitiyak ko na ang mga pangako ng Panginoon, kung hindi man laging mabilis marahil, ay laging tiyak” (“Patuloy na Magtiyaga,” 58, idinagdag ang italics).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng isang karanasan kung saan pinagpala o pinaunlad ka ng Panginoon dahil sumunod ka sa Kanyang mga kautusan. Mula sa iyong naranasan, ano ang napatunayan mo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako?

Omni 1:1–30

Isinalaysay muli ng mga tagapag-ingat ng talaan ang kasaysayan ng mga Nephita

Isinulat ng mga inapo ni Jarom ang aklat ni Omni, na tinatayang 230 taon ang saklaw na panahon. Markahan ang mga pangalan ng iba’t ibang kalalakihan na nag-ingat ng maliliit na lamina pagkatapos ni Jarom. Makikita mo ang mga ito sa Omni 1:1, 4, 9, 10, 12, at 25.

Ang aklat ni Omni ay naglalarawan ng ilang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Maaalala mo na sa panahon ni Nephi, iniwan ng mga Nephita ang mga Lamanita at nanirahan sa lugar na tinatawag na lupain ng Nephi. Ang pandarayuhang ito ay makikita sa mapa sa arrow na nagmula sa lupaing kanilang unang mana papunta sa lupain ng Nephi.

Basahin ang Omni 1:12–13, at alamin kung paano napatira ang mga Nephita sa lupain ng Zarahemla. Maaari mong salungguhitan ang anumang mga parirala sa mga talatang ito na nagpapahiwatig na naglakbay ang mga Nephita sa patnubay at kapangyarihan ng Panginoon. Sa mapa, ang arrow mula sa lupain ng Nephi papunta sa lupain ng Zarahemla ay nagpapakita ng pandarayuhang ito.

mapa ng mga pandarayuhan

Basahin ang Omni 1:14–19, at hanapin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga Nephita at ng mga taong natuklasan nila sa lupain ng Zarahemla.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano nakaapekto sa mga tao ni Zarahemla ang kakulangan ng mga banal na kasulatan?

    2. Ngayong alam mo na ito, paano ito maaaring makatulong sa iyo na lalong pahalagahan ang mga banal na kasulatan at mas maging masigasig na pag-aralan ang mga ito?

Ipinakilala rin sa Aklat ni Omni ang dalawang iba pang pangkat ng mga tao na pag-aaralan mo kalaunan sa Aklat ni Mormon. Para matukoy ang isa sa mga grupong ito, basahin ang Omni 1:20–22, at isulat ang mga salitang mga Jaredita sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito. Si Coriantumer ay isa sa mga huling dalawang nakaligtas sa bansang Jaredita; ang isa pa ay si propetang Eter. Malalaman mo ang tungkol sa mga Jaredita kapag pinag-aralan mo ang aklat ni Eter.

Para malaman ang tungkol sa huling pangkat ng mga tao na nabanggit sa Omni, pansinin ang arrow na mula sa lupain ng Zarahemla malapit sa lupain ng Nephi at pabalik sa Zarahemla at ang arrow mula sa lupain ng Zarahemla papunta sa lupain ng Nephi. Sinasagisag ng mga arrow na ito ang mga pandarayuhan ng mga tao ni Zenif, na binanggit sa Omni 1:27–30. (Maaari mong isulat ang “mga tao ni Zenif” sa tabi ng mga talatang ito.) Malalaman mo ang tungkol sa pangkat na ito ng mga tao kapag pinag-aralan mo ang aklat ni Mosias.

Hindi ipinapahayag ng Aklat ni Mormon na nilalaman nito ang lahat ng kasaysayan ng mga taong nanirahan sa lupain ng Amerika. Bukod sa mga Jaredita, sa mga tao ni Zarahemla, at sa mga inapo ni Lehi, may iba pang mga nagsipunta sa lupalop ng Amerika. Ipinahayag ni Pangulong Anthony W. Ivins ng Unang Panguluhan noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1929 na: “Ang Aklat ni Mormon ay… hindi nagsasabi sa atin na walang mga tao rito bago nanirahan [ang mga tao sa Aklat ni Mormon]. Hindi nito sinasabi sa atin na walang mga taong nagsipunta rito matapos manirahan dito [ang mga tao sa Aklat ni Mormon]” (sa Conference Report, Abr. 1929, 15).

Pansinin sa Omni 1:23–24 na ang huling bahagi ng aklat na ito ay isinulat ni Amaleki. Siya ay nabuhay noong panahon ni Haring Benjamin, kasunod ng pandarayuhan ng mga Nephita sa lupain ng Zarahemla. Basahin ang Omni 1:25–26, at markahan ang paanyaya na tatlong beses na sinabi ni Amaleki.

Pansinin na bawat isa sa tatlong paanyaya na lumapit kay Cristo sa Omni 1:25–26 ay sinusundan ng salitang at, gayundin ng isang partikular na tagubilin na tutulong sa atin na malaman kung paano lumapit kay Cristo. Basahing muli ang Omni 1:25–26, at markahan ang hinikayat ni Amaleki na gawin natin para lumapit kay Cristo.

Estatwa ng Christus

Dapat ay nakita mo ang sumusunod na payo kung paano lumapit kay Cristo:

  • Maniwala

  • Makibahagi sa Kanyang kaligtasan (tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala)

  • Ialay ang iyong buong kaluluwa sa Kanya (ibigay ang iyong puso, pagnanais, at lahat ng iyong kayang gawin—nang walang alinlangan)

  • Mag-ayuno at manalangin

  • Magtiis hanggang wakas

Nangako si Amaleki sa katapusan ng Omni 1:26 sa mga susunod sa payong ito. Hanapin ang pangako, at kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay lalapit kay Cristo at magtitiis hanggang wakas, tayo ay .

  1. journal iconPumili ng isa sa mga parirala sa mga payo kung paano lumapit kay Cristo na nakalista sa itaas, at sumulat o gumawa ng outline sa iyong scripture study journal para sa isa hanggang dalawang minutong mensahe na nagpapaliwanag kung paano tayo maaaring lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pamumuhay ng alituntuning iyon.

    Halimbawa, maaari kang sumulat ng mensahe kung paano tayo matutulungan ng pag-aayuno at panalangin na lumapit kay Cristo. Maaaring isama sa mensahe mo ang (1) pagbabasa ng Omni 1:25–26 at ipaliwanag sa sarili mong mga salita ang mga pariralang pinili mo; (2) mga karagdagang banal na kasulatan na naglilinaw o nagdaragdag ng kahulugan sa parirala; (3) karanasan mula sa buhay mo o sa buhay ng isang taong kilala mo na nagpapakita ng halimbawa ng parirala; at (4) mga iniisip, nadarama, at patotoo mo.

Maaaring hilingin sa iyo ng titser mo na ibahagi mo ang iyong mensahe sa susunod na magklase kayo. Maaari mo ring ibahagi ang mensahe sa family home evening o sa ibang pagkakataon.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Jarom–Omni at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: