Unit 10: Day 1
Jacob 5–6
Pambungad
Nakatala sa Jacob 5 ang talinghaga ng mga likas at ligaw na punong olibo, na orihinal na ibinigay ng isang propetang nagngangalang Zenos. Ginamit ni Jacob ang talinghaga para ituro na ang Panginoon ay laging gumagawa para magdala ng kaligtasan sa Kanyang mga pinagtipanang tao, kahit lumayo sila sa Kanya. Ipinakita sa talinghaga na ikinalat ng Panginoon ang ilang bahagi ng sambahayan ni Israel—ang Kanyang mga pinagtipanang tao—sa lahat ng dako ng mundo at titipunin Niya ang Kanyang mga tao sa mga huling araw. May espesipiko at personal na aplikasyon ang talinghaga sa atin ngayon bilang mga miyembro ng sambahayan ni Israel at mga tagapaglingkod ng Panginoon. Sa Jacob 6, binigyang-diin ni Jacob ang awa at katarungan ng Panginoon habang hinihikayat ang kanyang mga tao—at tayo—na magsisi.
Jacob 5:1–12
Binanggit ni Jacob ang mga sinabi ni Zenos, na naghalintulad sa sambahayan ni Israel sa isang likas na punong olibo
Mayroon ka bang kaibigan o mahal sa buhay na pinag-aalinlanganan ang pagmamahal ng Diyos para sa kanya, lalo na sa oras ng pagsubok kaya lumayo ang taong ito sa Kanya? Pag-isipan ang mga sumusunod na halimbawa:
-
Isang batang priesthood holder ang nagkaroon ng masamang gawi. Naniniwala siya na mapapatawad ang iba, pero nagdududa siya na tatanggapin ng Panginoon ang pagsisisi niya.
-
Isang dalagita ang nagkasala. Nakukunsensya siya, nagagalit sa sarili, at iniisip kung mahal pa rin siya ng Panginoon.
Ipinropesiya ni Jacob na hindi tatanggapin ng mga Judio si Jesucristo (tingnan sa Jacob 4:15). Ipinropesiya rin niya na patuloy na gagawa si Jesucristo para sa kaligtasan ng Kanyang mga tao kahit na Siya ay hindi nila tinanggap. Para mailarawan ang katotohanang ito, binanggit ni Jacob ang talinghagang ibinigay ng propetang si Zenos (tingnan sa Jacob 5:1). Ang isang talinghaga ay gumagamit ng mga tauhan, bagay, at kilos na may sinisimbolo para magturo ng mga katotohanan. Sa iyong pag-aaral ng Jacob 5, isipin kung paano ka laging inaalala ng Panginoon kahit nagkakasala ka.
Basahin ang Jacob 5:2, at markahan sa iyong banal na kasulatan kung kanino ipinararating ni Zenos ang turong ito.
Dahil nakipagtipan ka sa Panginoon sa pamamagitan ng binyag, kabilang ka sa sambahayan ni Israel. Bahagi ka ng kuwentong inilahad sa Jacob 5. Basahin ang Jacob 5:3, at markahan ang ginamit ni Zenos sa kanyang talinghaga para ilarawan ang likas na punong olibo. Markahan din ang nagsimulang mangyari sa likas na punong olibo.
Pansinin na makikita sa footnote d sa Jacob 5:3 na ang pagkabulok ng puno ay sumasagisag sa lubusang pagtalikod sa katotohanan o apostasiya. Ang apostasiya ay nagaganap kapag may indibiduwal o grupo ng mga tao na tumalikod sa Panginoon at Kanyang ebanghelyo.
Nakalista sa sumusunod na chart ang mga simbolong makatutulong sa atin na maunawaan ang kahulugan ng talinghaga ni Zenos. Nakalista rin ang mga scripture verse kung saan unang lumabas ang mga simbolong ito. Markahan ang mga simbolong ito sa iyong banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat ang kahulugan ng ilan sa mga simbolo sa margin ng iyong banal na kasulatan.
Jacob 5 Ang Talinghaga ng mga Likas at Ligaw na Punong Olibo | |
---|---|
Simbolo |
Kahulugan |
Likas na punong olibo (talata 3) |
Ang Sambahayan ni Israel, ang mga pinagtipanang tao ng Diyos |
Ang olibohan (talata 3) |
Ang daigdig |
Mabulok (talata 3) |
Kasalanan at apostasiya |
Panginoon ng olibohan (talata 4) |
Jesucristo |
Pagpupungos, pagbubungkal, at pag-aalaga (talata 4) |
Mga ginawa ng Panginoon para tulungan tayong maging mabuti at makagawa ng mabubuting bagay |
Mga sanga (talata 6) |
Mga pangkat ng mga tao |
Ligaw na punong olibo (talata 7) |
Mga Gentil—mga hindi nakipagtipan sa Panginoon. Sa talinghaga, kalaunan, ang mga likas na punong olibo, na kumakatawan sa ilang bahagi ng sambahayan ni Israel na nag-apostasiya, ay inilarawan na rin na “ligaw.” |
Pagpuputol at paghuhugpong ng mga sanga (talata 7–8) |
Pagkakalat at pagtitipon ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon. Bukod diyan, ang paghuhugpong ng mga sanga ng ligaw na olibo sa likas na punong olibo ay kumakatawan sa pagbabalik-loob ng mga Gentil na naging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa pamamagitan ng binyag. |
Pagsunog ng mga sanga (talata 7) |
Mga kahatulan ng Diyos sa masasama |
Bunga (talata 8) |
Mga buhay o gawain ng mga tao |
Mga ugat ng likas na punong olibo (talata 11) |
Ang mga tipan na ginawa ng Panginoon sa mga sumusunod sa Kanya. Ang mga ugat ay maaaring kumatawan sa mga tao kung kanino nakipagtipan ang Panginoon noong sinauna, tulad nina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Jacob 6:4). |
Basahin ang Jacob 5:4–6, at markahan ang unang ginawa ng Panginoon ng olibohan para mailigtas ang likas na punong olibo. Tingnan ang chart sa itaas, at pansinin kung sino ang Panginoon ng olibohan at ano ang isinasagisag ng Kanyang pagpungos, pagbungkal at pag-aalaga.
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung para saan ang talinghaga. Sa pagbabasa mo ng kanyang paliwanag, salungguhitan kung ano ang itinuturo niya na mas malalim na kahulugan ng talinghagang ito.
“Ang talinghagang ito na inilahad ni Jacob sa simula ay patungkol kay Cristo [ang Panginoon ng olibohan]. …
“Bagama’t ang Panginoon ng olibohan at kanyang mga manggagawa ay masigasig na gumagawa para palakasin, pungusan, dalisayin, at palaguin ang kanilang mga puno ayon sa isang buong kabanatang buod ng kasaysayan ng pagkakalat at pagtitipon ng Israel, ang talagang naging inspirasyon at nag-impluwensya sa lahat ng kanilang mga ginawa ay ang mas malalim na kahulugan ng Pagbabayad-sala” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 165).
Bagama’t tila ang inilalahad sa Jacob 5 ay tungkol sa mga punong olibo, ang talinghagang ito ay tungkol sa mga tao na lumayo sa Panginoon dahil sa kasalanan at ang ginagawa ng Panginoon para tulungan silang bumalik sa Kanya. Itinuro ng kabanatang ito na mahal tayo ng Panginoon at masigasig na gumagawa para sa ating kaligtasan. Sa patuloy na pag-aaral mo ng talinghaga, maghanap ng katibayan ng katotohanang ito sa pamamagitan ng pagpansin nang lubos sa nadarama ng Panginoon para sa Israel—ang likas na punong olibo—at ang walang tigil na paggawa Niya upang mailigtas ito. Halimbawa, basahin ang Jacob 5:7, at pag-isipan ang pariralang “Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito.” Ano sa palagay mo ang mga emosyong ipinakita rito ng Panginoon, at bakit?
Basahin muli ang parirala, at sa pagkakataong ito ipalit ang pangalan mo sa “ang punong ito”: “Ikalulungkot kong mawala sa akin si [ang pangalan mo].” Sa paghalili mo ng pangalan mo sa buong Jacob 5 sa mga bahagi na makahulugan at angkop, maiuugnay mo ang talinghaga sa iyong sarili at malalaman mo pang lalo ang malasakit ng Panginoon sa iyo.
Basahin ang Jacob 5:7–11, at alamin ang kasunod na ginawa Panginoon ng olibohan para mailigtas ang likas na punong olibo.
-
Gamit ang mga kahulugan ng mga simbolo sa chart, sumulat ng paliwanag sa iyong scripture study journal kung ano ang ginawa ng Panginoon ng olibohan at Kanyang tagapaglingkod sa Jacob 5:7–11 para sumubok muli at iligtas ang mga anak ng Ama sa Langit.
Tinitipon ng Panginoon ang mga tao na hindi kabilang sa sambahayan ni Israel at inihuhugpong sila sa Israel, dahil doon naging kabilang na sila sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Para maligtas ang sambahayan ni Israel, pinuputol Niya ang pinakamasasamang sanga (mga tao) at nililipol sila.
Basahin ang Jacob 5:13–14, at alamin ang ginawa ng Panginoon ng olibohan sa mga sariwa at murang sanga mula sa likas na punong olibo na binanggit sa talata 6. Maaari mong isulat sa iyong margin na ang ibig sabihin ng pinakamalayo ay pinakatago o hindi gaanong nakikita.
-
Gamit ang mga kahulugan ng mga simbolo sa chart, sumulat ng paliwanag sa iyong scripture study journal kung paano maihahambing ang pamilya ni Lehi sa sariwa at murang sanga na itinago sa pinakamalayong dako ng olibohan.
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay “kumuha ng ilan sa mga sanga at inihugpong sa lahat ng ligaw na punong olibo. Sino ang mga ligaw na punong olibo? Ang mga Gentil. At dahil dito ipinadala ng Panginoon ang kanyang mga tagapagsilbi sa lahat ng dako ng kanyang olibohan, ang mundo, at itinanim ang mga sangang ito ng puno. …
“Ngayon sa talinghagang iyan ang punong olibo ay ang Sambahayan ni Israel. … Sa lupang sinilangan nagsimula itong mamatay. Kaya dinala ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga sangang tulad ng mga Nephita, mga nawawalang lipi, at iba pang mga pangkat ng tao na hindi natin kilala. Itinanim Niya ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa Kanyang olibohan, ang mundo. Tiyak na dinala Niya ang ilan sa mga sangang ito sa Japan, sa Korea, sa China. Hindi nakakapagtaka iyan dahil Kanya silang dinala sa lahat ng dako sa mundo” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 4:204–5).
Itinuro din ni Pangulong Smith na “ang kahulugan ng talinghagang ito … ay isang salaysay ng pagkakalat sa Israel at pagkahalo ng dugo ng Israel sa mga ligaw na punong olibo, o sa mga Gentil, sa lahat ng dako sa mundo. Samakatwid, makikita natin sa China, Japan, India, at sa lahat ng iba pang mga bansa na tinitirahan ng mga Gentil na ang dugo ni Israel ay nakakalat o ‘inihugpong,’ sa kanila”(Answers to Gospel Questions, 4:40–41).
Jacob 5:15–77
Ang Panginoon ng olibohan at ang kanyang mga tagasilbi ay nagtatrabaho sa olibohan para makatulong na makapagmunga nang maganda ang olibohan
Marami sa mga talata sa Jacob 5 ay naglalarawan ng iba’t ibang panahon at pangyayari tungkol sa iba’t ibang bahagi ng sambahayan ni Israel na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo at ang gawain ng Tagapagligtas na sila ay titipunin. Nagtapos ang kabanata sa Milenyo at sa paglilinis sa mundo sa huling pagkakataon.
Para mabigyang-diin ang pagmamalasakit ng Panginoon sa mga puno ng Kanyang olibohan at ang Kanyang patuloy na masigasig na paggawa upang iligtas ang mga ito, inulit-ulit ni Zenos ang ilang mahahalagang talata sa kanyang talinghaga. Basahin ang Jacob 5:20, 23–25, 28, 31, at markahan ang ginagawang pag-aalaga ng Panginoon sa mga puno sa Kanyang olibohan sa tuwing mababanggit ito.
Sa kabila ng mga ginagawa ng Panginoon at Kanyang mga tagasilbi na makatulong sa pagpapamunga ng olibohan, sa bandang huli ay nabulok lahat ang mga bunga ng olibohan (tingnan sa Jacob 5:39). Basahin ang Jacob 5:41–42, 46–47, at markahan ang mga parirala sa iyong banal na kasulatan na nagpapakita ng pagmamahal, pagmamalasakit, o kalungkutan ng Panginoon para sa Kanyang olibohan.
Dahil ang mga puno ay nagbubunga ng hindi maganda sa kabila ng lahat ng Kanyang mga ginawa, inisip ng Panginoon ng olibohan na putulin na ang lahat ng puno (tingnan sa Jacob 5:49). Basahin ang Jacob 5:50–51. Inilarawan sa iba pang bahagi ng Jacob 5 ang pagsusumigasig ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapasilbi para mailigtas ang mga nabubuhay sa mga huling araw. Tinipon niya ang kanyang mga tao at inalagaan ang mga ito sa huling pagkakataon (tingnan sa Jacob 5:52–77).
Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang pagtitipon ng Israel na inilarawan sa Jacob 5 ay nangyayari ngayon: “Sa panahong ito ng pagtitipon tinutupad ng Panginoon ang kanyang mga layunin at tinatawag pabalik sa kawan ng Tunay na Pastol, ang mga anak ni Abraham” (Answers to Gospel Questions, 4:41).
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang natutuhan mo sa Jacob 5 tungkol sa pagmamahal ng Panginoon para sa iyo. Sumulat ng isang pangyayari na nakita mo ang Kanyang pagmamahal sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala mo.
Jacob 6
Itinuro ni Jacob ang awa at katarungan ng Diyos at hinikayat tayong magsisi
Ang Jacob 6 ay naglalaman ng ibinuod ni Jacob na mahahalagang katotohanan mula sa talinghaga ng mga punong olibo. Basahin ang Jacob 6:4–6, at alamin kung ano ang binigyang-diin ni Jacob tungkol sa katangian ng Diyos. Anong salita ang gagamitin mo para ibuod ang gusto ni Jacob na malaman natin tungkol sa Diyos?
Tinapos ni Jacob ang kanyang mensahe sa Jacob 6:7–13 sa pagpapatotoo na isang karunungan ang maghanda na tayo ngayon para sa paghuhukom sa pamamagitan ng pagsisisi at pagtanggap sa awa ng Panginoon.
-
Rebyuhin ang Jacob 6:5. Pansinin na hinikayat tayo ni Jacob na “mangunyapit sa Diyos na tulad ng kanyang pangungunyapit sa inyo.” Ang mangunyapit ay humawak nang mahigpit. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang natutuhan mo mula sa talinghaga ng mga punong olibo na naglalarawan kung paano nangungunyapit o humahawak sa iyo nang mahigpit ang Diyos?
-
Ang ang magagawa mo para lalong kumapit sa Kanya habang kumakapit Siya nang mahigpit sa iyo?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Jacob 5–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: