Unit 20: Day 2
Alma 40–41
Pambungad
Tulad ng nakatala sa Alma 40–41, itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Corianton ang mahahalagang doktrina na may kaugnayan sa kabilang buhay. Ipinaliwanag ni Alma na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli. Itinuro din ni Alma kay Corianton ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu kung saan ang mga patay, depende sa mga ginawa nila sa mortalidad, ay maghihintay sa paraiso o sa bilangguan ng mga espiritu hanggang sa pagkabuhay na mag-uli. Natutuhan ni Corianton kay Alma na ang plano ng panunumbalik ay hindi lamang kinapapalooban ng pisikal na pagkabuhay na mag-uli, kundi pati rin ng espirituwal na panunumbalik kung saan matatanggap natin ang mga bunga ng ating mga gawa at mga naisin ng ating puso. Sa huli, binigyang-diin ni Alma na pangunahin sa plano ng panunumbalik ay ang katotohanan na ang kasamaan kailanman ay hindi humahantong sa tunay na kaligayahan.
Alma 40
Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa daigdig ng mga espiritu at ang pagkabuhay na mag-uli
Kunwari ay may kaibigan ka na namatayan ng mahal sa buhay kamakailan. Ang iyong kaibigan, nalalamang ikaw ay relihiyoso, ay lumapit sa iyo at nagtanong ng mga sumusunod:
-
Paano tayo maaaring mabuhay na muli? Sino ang mabubuhay na muli?
-
Saan tayo pupunta pagkamatay natin, at ano ang paglalarawan sa lugar na iyon?
-
Ano ang pagkabuhay na mag-uli? Ano ang pagkakaiba ng ating mortal na katawan sa katawan natin na nabuhay na mag-uli? Ano ang mangyayari pagkatapos nating mabuhay na mag-uli?
Ang impormasyon sa Alma 40 ay makatutulong sa pagsagot sa mga tanong na ito. Ang kabanatang ito ay pagpapatuloy ng pagtuturo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton. Nagtanong si Corianton tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.
-
Basahin ang lahat ng tatlong sumusunod na scripture passage. Pumili ng isa o higit pang mga scripture passage, at ipaliwanag sa iyong scripture study journal ang itinurong sagot ni Alma sa kaugnay na tanong. (Kung may oras ka pa pagkatapos ng lesson, maaari mong balikan at rebyuhin ang itinuro ni Alma sa iba pang mga talata.)
-
Pag-aralan ang Alma 40:1–5. Paano tayo maaaring mabuhay na muli? Sino ang mabubuhay na muli?
-
Pag-aralan ang Alma 40:6–7, 11–14. Saan tayo pupunta pagkamatay natin, at ano ang paglalarawan sa lugar na iyon? (Nang ituro ni Alma na ang mga espiritu ng mga tao ay “dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay” (Alma 40:11), itinuturo niya na pagkamatay natin, at bago ang ating pagkabuhay na mag-uli, ang ating mga espiritu ay babalik sa daigdig ng mga espiritu, hindi sa huling hahantungan pagkatapos ng paghahatol ng Diyos. Makatutulong na tingnan ang mga footnote sa talata 13 para maunawaan ang ibig sabihin ni Alma nang banggitin niya ang “labas na kadiliman.” Ang Alma 40:14 ay makatutulong din sa atin na maunawaan na ang pagbanggit na ito tungkol sa labas na kadiliman ay tumutukoy sa kalagayan bago ang pagkabuhay na mag-uli na karaniwang tinatawag natin na bilangguan ng mga espiritu at hindi ang huli o permanenteng kalalagyan ng mga isinumpa.)
-
Pag-aralan ang Alma 40:21–26. Ano ang pagkabuhay na mag-uli? Ano ang pagkakaiba ng ating mortal na katawan sa katawan natin na nabuhay na mag-uli? Ano ang mangyayari pagkatapos nating mabuhay na mag-uli?
-
Tinutukoy ang Alma 40:11–12, ipinaliwanag ni Pangulong George Q. Cannon ng Unang Panguluhan na “hindi ipinahihiwatig [ni Alma] ang ideya na kaagad silang dadalhin sa harapan mismo ng Diyos. Malinaw na ginamit niya ang pariralang iyon dahil angkop na sabihin ito” (Gospel Truth: Discourses and Writings of President George Q. Cannon, sel. Jerreld L. Newquist, 2 tomo [1957–74], 1:73).
Inilarawan ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mararanasan natin pagkatapos nating mabuhay na mag-uli:
“Sa Araw ng Paghuhukom … magkakaroon ng lubos na walang pagkiling. Hindi lamang tayo magkakaroon ng tinatawag sa Aklat ni Mormon na ‘malinaw na alaala’ at ‘ganap na alaala’ ng ating mga kasalanan ngunit ang masasayang bagay ay maaalaala at manunumbalik din. Ang kaalaman natin ay magiging ‘gaya ng nalalaman natin ngayon.’ (Alma 5:18; 11:43; tingnan din sa D at T 93:33.) Makakakita tayo nang ‘mata sa mata’ (Mosias12:22; 15:29) dahil sa iisang impormasyon.
“Kabilang sa ‘lahat ng bagay [na ibabalik]’ (Alma 40:23) ay ang ating alaala, kabilang, sa huli, ang ating mga alaala sa premortal na daigdig. Isipin ang kagalakang madarama sa pagiging iisa sa puso at isipan ng mga magkakaugnay na alaala ng una at pangalawang kalagayan.
“Nag-uumapaw na kagalakan ang madarama natin, kapag minabuti ng mapagmahal na Diyos na lubos na ibalik ang ating mga alaala! Ang nakasisiglang katotohanang ito ay magpapaibayo sa pasasalamat natin para sa napakahabang pagtitiis ng Diyos at para sa magiliw na kabutihan ng kusang pagbabayad-sala ni Jesus!” (Lord Increase Our Faith [1994], 103).
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang pagsasamang muli ng ating espiritu at katawan, at manunumbalik ang lahat ng bagay sa kanilang wasto at ganap na anyo. Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, bawat isa sa atin ay tatayo sa harapan ng Diyos para hatulan. Basahin ang Alma 40:25–26, at alamin ang sinabi ni Alma tungkol sa huling kalagayan ng mga taong pinili ang kabutihan sa buhay na ito kumpara sa huling kalagayan ng mga taong pinili ang kasamaan. Pag-isipan kung paano makakaapekto ang scripture passage na ito sa iyong hangaring maging malinis sa harapan ng Diyos.
Tulad ng nakatala sa Alma 40:16–22, ang pagkabuhay na mag-uli na binanggit ni Alma ay may kaugnayan sa buhay sa lupa. Si Jesucristo ang unang mabubuhay na mag-uli, at pagkatapos ay susundan agad ng mabubuti na nabuhay at namatay mula sa panahon ni Adan hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo (tingnan sa Alma 40:16, 20; D at T 133:54–55). Ang pagkabuhay na mag-uli na tinutukoy ni Alma ay ang “unang pagkabuhay na mag-uli.”
Alma 41
Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa plano ng panunumbalik
Isinasaalang-alang ang mga katotohanang itinuro ni Alma tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, ang daigdig ng mga espiritu, at paghuhukom, isipin kung paano makakaapekto sa ginagawa ng isang tao kung paniniwalaan niya ang mga sumusunod:
-
Walang buhay pagkatapos ng kamatayan.
-
Pagkatapos nating mamatay, tayo ay gagawing perpekto kahit ang ginawa natin ay mabuti o masama sa mundo.
-
Sa araw ng paghuhukom tayo ay gagantimpalaan para sa mabubuti nating ginawa at parurusahan para sa masasama nating ginawa.
Sa Alma 41 nalaman natin na naguguluhan ang isipan ni Corianton dahil sa mga itinuro ng ilang tao tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Maaari mong markahan ang pariralang “nangaligaw nang labis” sa Alma 41:1, at pagkatapos ay basahin ang talatang ito na inaalam ang dahilan ng pagkaligaw ng ilang tao. Para matulungan kang maunawaan ang talatang ito, makabubuting malaman mo na ang ibig sabihin ng sinalungat ang mga banal na kasulatan ay iniba, binaluktot, o binago ang kahulugan ng mga banal na kasulatan.
Ayon kay Alma, anong konsepto ang ipapaliwanag niya kay Corianton?
Ang ibig sabihin ng panunumbalik ay ibalik muli. Nais ni Alma na maunawaan ni Corianton na may aspetong pisikal at espirituwal sa tinatawag niyang “plano ng panunumbalik” (Alma 41:2). Basahing mabuti ang Alma 41:2–5, at markahan kung ano ang pisikal na manunumbalik sa atin pagkatapos ng ating kamatayan at kung ano ang espirituwal na manunumbalik sa atin.
Ano ang pisikal na aspeto ng plano ng panunumbalik na binanggit sa Alma 41:2?
Ang espirituwal na aspeto ng plano ng panunumbalik na inilarawan sa Alma 40:3–5 ay: Manunumbalik sa atin ang kaligayahan o kalungkutan ayon sa mga gawa at hangarin natin sa mortalidad.
-
Kunwari ay hinilingan ka na ituro ang Alma 40:3–5 sa Primary class. Isulat sa iyong scripture study journal kung paano mo ipaliliwanag ang doktrina ng espirituwal na panunumbalik sa isang simpleng paraan na mauunawaan ng mga bata ang itinuro ni Alma.
Pag-isipang mabuti kung paano maaaring makaimpluwensya at dapat makaimpluwensya ang pagkaunawa mo sa doktrina ng panunumbalik sa iyong mga gawa at mga naisin.
Kapag naunawaan natin ang doktrina ng panunumbalik, karaniwang nagsisimula tayong mag-alala sa mga mangyayari sa atin dahil sa mga kasalanan at maling pagpili natin. May paraan pa ba para mabago ang masamang ibubunga ng ating mga maling hangarin at ginawa? Binigyan ni Alma si Corianton ng dahilan para umasa. Basahin ang Alma 41:6–9, at alamin kung ano ang magagawa natin para manumbalik sa atin ang kabutihan at kaligayahan kahit nakagawa tayo ng mabigat na kasalanan. Maaari mong markahan ang mga salita o mga parirala sa Alma 41:6–7 na nagsasabing tayo ang may gawa sa anumang matanggap natin sa pagkabuhay na mag-uli. Pag-isipan ang sumusunod na tanong: Batay sa mga talatang ito, sa paanong paraan tayo magiging hukom ng ating sarili?
May mga taong nag-iisip na makababalik sila sa Diyos nang hindi mananagot sa kanilang mga ginawa. Madalas nilang sabihin na ang mga ginawa nilang kasalanan ay nakakaaliw. Minsan parang masaya pa ang mga gumagawa ng kasalanan. Ngunit basahin ang Alma 41:10, at alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa kasamaan. (Ang Alma 41:10 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
-
Sa Alma 41:10, nagpatotoo si Alma sa kanyang anak na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.” Kumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:
-
Magsulat ng dahilan kung bakit naniniwala ka na totoo ang sinabi ni Alma.
-
Magsulat ng isang halimbawa kung paano tayo uudyukan ni Satanas na maniwala na maaari nating suwayin ang mga kautusan ng Diyos at magiging masaya pa rin.
-
Maaari mong isulat ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 41:10: “Hindi maaaring gumawa kayo ng mali at tama ang maging pakiramdam ninyo. Imposible ito!” (“A Message to the Rising Generation,” Ensign, Nob. 1977, 30).
Ipinaliwanag sa Alma 41:11 kung bakit imposibleng maging tunay na masaya kapag pumipili ng mali. Para matulungan ka na maunawaan ang talatang ito, kumpletuhin ang chart na nasa ibaba na itinatambal ang bawat parirala sa banal na kasulatan sa kahulugan nito. (Kapag tapos ka na, tsekan mo ang iyong mga sagot gamit ang ibinigay na mga sagot sa katapusan ng lesson.)
Mga salita o mga parirala mula sa Alma 41:11 na naglalarawan sa pagiging nasa “likas na kalagayan” |
Kahulugan |
---|---|
|
|
|
|
|
|
Ngayong nabigyang-kahulugan mo na ang mga pariralang ito, basahin muli ang Alma 41:11 para malaman kung bakit imposibleng maging masaya habang pinipili ang mali. Akala ng mga pumipili ng kasamaan ay masaya sila, ngunit ang mga pinili nila ay hahantong kalaunan sa kalungkutan at kapighatian.
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa iyong palagay, bakit ang pagiging nasa “likas na kalagayan,” o makasalanan o “makamundong kalagayan,” ay taliwas sa likas na kaligayahan?
-
Ano ang ilang halimbawa kung bakit nadarama ng mga kabataan na wala sa kanila ang paggabay ng Banal na Espiritu, nalilimitahan o nabibigatan sila dahil sa kanilang mga kasalanan, o napaghaharian sila ng kagustuhan ng laman?
-
Basahin ang Alma 41:12, at alamin ang itinanong ni Alma kay Corianton tungkol sa panunumbalik. Basahin ngayon ang Alma 41:13, at markahan kung paano sinagot ni Alma ang tanong na ito.
-
Kunwari ay kausap mo ang isang kaibigan na gustong maging masaya pero ang ginagawa niya ay salungat sa mga kautusan ng Panginoon. Gamit ang doktrina ng panunumbalik na napag-aralan mo ngayon, ipaliwanag sa iyong scripture study journal kung bakit hindi siya nakadarama ng kaligayahan at ano ang dapat gawin para maging tunay na masaya.
Ang boomerang ay isang kasangkapan na ginagamit noon sa pangangaso. Dahil sa hugis nito, kapag inihagis ito nang tama, babalik ito sa taong naghagis nito. Basahin ang Alma 41:14–15, na inaalam kung paano maaaring maging simbolo ang boomerang sa mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito. Maaari mong markahan ang salitang “ipinamamahagi” sa talata 15. Isipin ang pagkakataong namahagi o gumawa ka ng kabutihan o naawa ka o naging mabait ka at ginawa rin ito sa iyo.
Ano ang isang mabuting gawain na gusto mong gawin sa iba o isang mabuting ugali na gusto mong makita sa iyo ng iba, na gusto mong gawin o ipakita rin sa iyo ng ibang tao? Anong mithiin ang itatakda mo para “maipamahagi” o magawa ang isa sa mga ugali o gawaing ito?
Scripture Mastery—Alma 41:10
-
Basahin ang Alma 41:10, at isulat ang sumusunod sa iyong scripture study journal: Kung ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan, ang ay palaging hahantong sa kaligayahan. Sumulat ng isang salita sa patlang na pinakaangkop na kumumpleto sa pangungusap. Ngayon sumulat ng mabubuting gawa na sa palagay mo ay aangkop sa pangungusap (halimbawa, paglilingkod sa kapwa-tao). Isulat ang iyong patotoo kung paano mo nakita na humantong sa kaligayahan ang ilan sa mabubuting gawang ito.
Mahalagang maunawaan na ang kaligayahang nadaramang dulot ng kabutihan ay madalas na hindi kaagad, palagian, o patuloy na nadarama sa buhay na ito. Gayunman, ang kapayapaan at kaligayahan ay palaging dumarating ayon sa paraan at panahon ng Panginoon sa isang tao na sumusunod sa Kanyang mga turo at mga kautusan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 40–41 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: