Unit 2: Day 2
1 Nephi 2
Pambungad
Ang mga tao ay tumutugon sa paghahayag mula sa Diyos sa iba’t ibang paraan. Iniutos ng Panginoon kay Lehi sa isang panaginip na isama ang kanyang pamilya papunta sa ilang. Bumulung-bulong sina Laman at Lemuel laban sa utos ng Diyos samantalang hinangad ni Nephi na malaman ang katotohanan. Ang pagkumpara sa magkaiba nilang tugon ay tutulong sa iyo na magpasiya kung paano gamitin ang iyong kalayaan sa pagtugon sa utos ng Panginoon.
1 Nephi 2:1–7
Iniutos ng Diyos kay Lehi na lumisan patungong ilang
Kunwari ay ikaw si Lehi at iniutos ng Panginoon sa iyo at sa iyong pamilya na iwan ang inyong tahanan at lahat ng inyong ari-arian. Maglalakad kayo nang maraming araw at ang dadalhin lamang ninyo ay mga panustos para sa pangangailangan ng inyong pamilya. Pag-isipang mabuti kung paano ka tutugon sa utos na ito.
Basahin ang 1 Nephi 2:1–6, at alamin ang mga pangyayaring humantong sa pag-alis ni Lehi at ng kanyang pamilya patungo sa ilang.
Bakit “hangad [ng mga tao na] kitlin ang [buhay ni Lehi]”? (tingnan sa 1 Nephi 2:1).
Ano ang iniutos ng Panginoon kay Lehi? (tingnan sa 1 Nephi 2:2).
Si Lehi ay isang halimbawa ng alituntunin ng ebanghelyo na kapag tayo ay tapat at masunurin, tutulungan tayo ng Panginoon sa panahon ng pagsubok.
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong tungkol sa 1 Nephi 2:4: Ano ang maaari mong matutuhan mula sa mga pinagpasyahang dalhin o iwan ni Lehi?
Para matulungan ka na mas malaman ang rutang dinaanan sa paglalakbay ni Lehi, pag-aralan ang mapa sa hulihan ng lesson.
Basahin ang 1 Nephi 2:7, at tingnan ang ginawa ni Lehi pagkatapos lumisan kasama ang kanyang pamilya patungo sa ilang. Anong salita ang gagamitin mo upang ilarawan ang mahalagang katangian na ipinakita ni Lehi?
1 Nephi 2:8–14
Sina Laman at Lemuel ay bumulung-bulong laban sa kanilang ama
Magkapareho ng nilakbay ang lahat ng apat na anak na lalaki ni Lehi, ngunit magkakaiba sila ng pagtugon sa mga utos ng Diyos.
Pag-aralan ang 1 Nephi 2:8–10, at bilugan ang mga salitang ilog at lambak.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang sagot mo tungkol sa sumusunod na tanong: Sa iyong palagay, ano ang sinisikap ni Lehi na ituro kina Laman at Lemuel sa pamamagitan ng pagkumpara sa kanila sa ilog at lambak?
Basahin ang 1 Nephi 2:11–14, at hanapin ang mga dahilan kung bakit bumulung-bulong sina Laman at Lemuel laban sa kanilang ama. (Paalala: Ang ibig sabihin ng salitang katigasan ng leeg ay katigasan ng ulo at kapalaluan.)
Ang isang dahilan kaya inuudyukan ni Satanas ang mga tao na bumulung-bulong ay upang pigilan silang sundin ang mga buhay na propeta, mga tinawag na lider, at mga magulang. Nagsalita si Elder H. Ross Workman ng Pitumpu tungkol sa pagbulung-bulong. Sinabi niya na ang “pagbulong-bulong ay may tatlong hakbang, bawat isa ay humahantong sa landas na pababa patungo sa hindi pagsunod.”
Una, kapag bumulung-bulong ang mga tao, ginagamit nila ang sarili nilang pagpapasiya at nagsisimulang pag-alinlanganan ang mga turo ng mga buhay na propeta. “May [pag-aalinlangan] muna sa kanilang sariling isipan at pagkatapos ay [itatanim] ang mga pag-aalinlangang ito sa isipan ng ibang tao.”
Pangalawa, ang mga bumubulung-bulong ay nagsisimulang “mangatwiran at nagdadahilan para hindi magawa ang iniuutos sa kanila. … Kaya nga, nagdadahilan sila sa hindi pagsunod.
“Ang pangatlong hakbang ang tiyak na kasunod: katamaran sa pagsunod sa utos ng Panginoon [tingnan sa D at T 58:29]. …
“Hinihikayat ko kayo na pagtuunan ang kautusan mula sa mga buhay na propeta na lubhang nakakabalisa sa inyo. Nag-aalinlangan ba kayo kung angkop sa inyo ang kautusan? May nakahanda na ba kayong mga dahilan kung bakit hindi ninyo masusunod ang kautusan? Nadidismaya o naiinis ba kayo sa mga taong ipinapaalala sa inyo ang kautusang iyon? Natatamad ba kayo na sundin ito? Mag-ingat sa panlilinlang ng kaaway. Iwasan ang pagbulung-bulong” (“Beware of Murmuring,” Ensign, Nob. 2001, 85–86).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang maaari mong gawin kung nakita mo ang iyong sarili na bumubulung-bulong (nagrereklamo) tungkol sa isang kautusan o pamantayan ng Simbahan?
1 Nephi 2:16–19
Si Nephi ay humingi ng kaalaman sa Panginoon
Basahin ang 1 Nephi 2:16, 19, at markahan ang ninais ni Nephi at ang ginawa niya na humantong sa pagsunod niya sa mga utos ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng kanyang ama. Bagama’t hindi nagreklamo si Nephi, isiping mabuti kung ano ang isinulat niya sa 1 Nephi 2:16 tungkol sa pagpapalambot ng Panginoon sa kanyang puso na nagpapahiwatig na ang paglisan sa Jerusalem ay mahirap din para sa kanya.
-
Sa iyong scripture study journal, ibahagi ang isang pangyayari na, gaya ni Nephi, ay nagsumamo ka sa Ama sa Langit at nakaranas ng paglambot ng iyong puso sa pamamagitan ng Espiritu o ang isang pagkakataon na nakatanggap ka ng patotoo tungkol sa isang bagay na sinabi ng Panginoon.
Itinuro sa atin ng karanasan ni Nephi ang sumusunod na alituntunin ng ebanghelyo: Kapag sumasamo tayo sa Diyos, mapapalambot Niya ang ating puso na maniwala sa Kanyang mga salita.
Basahin ang 1 Nephi 2:17–18, at tukuyin ang ninais at ginawa ni Nephi pagkatapos mapalambot ng Panginoon ang kanyang puso. Isipin kung ano ang matututuhan mo sa magkakaibang reaksyon nina Nephi, Sam, Laman, at Lemuel. Ang sumusunod ay isang mahalagang katotohanan: Kapag ibinahagi natin ang natutuhan natin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, maaaring maniwala ang iba sa sinasabi natin.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na ang sinabi ng isang tao ay naging dahilan para maniwala ka sa salita ng Diyos, tulad ni Sam na naniwala kay Nephi.
Mag-isip ng isang tao na mababahagian mo ng isang bagay na natutuhan at nadama mong totoo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang taong ito ay maaaring isang kaibigan, kapamilya, lider ng Simbahan, o titser. Humanap ng pagkakataon sa linggong ito na kausapin siya at ibahagi ang patotoong iyon.
1 Nephi 2:20–24
Tiniyak ng Panginoon kay Nephi na siya ay uunlad dahil sa kanyang pagsunod
Tukuyin at markahan ang pangakong nasa 1 Nephi 2:20–21. Ang pangakong ito ay makikita ng 34 na beses sa buong Aklat ni Mormon. Sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon, makikita mo kung paano natupad lahat ang mga salita ng Panginoon kay Nephi. Tapusin ang lesson sa araw na ito sa pagbabasa ng 1 Nephi 2:22–24.
Pinagpapala ng Diyos ang mga masunurin at matatapat. Pag-isipang mabuti ang lebel ng pagsunod mo sa mga kautusan ng Diyos. Ano ang isang paraan na magiging mas masunurin ka pa? Sundin ang mga impresyon na natanggap mo mula sa Espiritu.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: