Unit 15: Day 1
Alma 5:1–36
Pambungad
Nang manganib ang Simbahan dahil sa kasamaan at alitan (tingnan sa Alma 4:9–11), alam ni Alma na mangyayari lamang ang tunay na pagbabago kung may malaking pagbabago sa puso ng mga miyembro ng Simbahan. Bilang mataas na saserdote ng Simbahan, sinimulan ni Alma ang kanyang misyon sa pagbawi sa mga tao ng Zarahemla sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at pagsasabi sa mga tao na magsisi. Hinikayat niya sila na maghanda para sa paghatol ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa salita ng Diyos at pagsuri sa espirituwal na kalagayan ng kanilang puso. Sa iyong pag-aaral ng unang bahagi ng Alma 5, isipin kung paano mo ipamumuhay ang iyong natutuhan upang maranasan o patuloy mong maranasan ang malaking pagbabago ng puso na tinalakay sa kabanata.
Alma 5:1–13
Inilahad ni Alma ang pagbabalik-loob ng kanyang ama at ng mga taong sumunod sa kanya
Anu-ano na ang nabago sa iyo mula noong 8 taong gulang ka? Anu-ano na ang nabago sa iyo mula noong 12 taong gulang ka? Pag-isipan ang iba’t ibang paraan na nagbabago ang mga tao, tulad sa kanilang hitsura, kilos, o ugali. Isipin kung ano ang dahilan kung bakit nangyayari ang ilan sa mga pagbabagong ito. Pagkatapos ay basahin ang Alma 5:12, at alamin ang nabago kay Nakatatandang Alma. Sa iyong pag-aaral ng Alma 5:1–13, pag-isipan kung paano maaaring magbago ang puso ng isang tao.
Itinuro ni Elder Gerald N. Lund, na kalaunan ay naglingkod bilang miyembro ng Pitumpu, na kapag ang salitang puso ay ginamit sa mga banal na kasulatan, ito ay kadalasang tumutukoy sa “totoong katauhan ng isang tao” (“Understanding Scriptural Symbols,” Ensign, Okt. 1986, 25). Pag-isipan sandali kung paano naiiba ang “malaking pagbabago sa puso” sa iba pang mga paraan kung paano nagbabago ang mga tao—kabilang ang mga paraang naisip mo sa pagsisimula ng lesson na ito.
Alalahanin na nakaranas ang mga tao ni Haring Benjamin ng “malaking pagbabago” sa kanilang puso, kaya nga sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Maaari mong isulat ang paliwanag ni Elder Lund at ang scripture reference na Mosias 5:2 sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 5:11–13.
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? Dapat ninyong tandaan na ang mga di pangkaraniwang halimbawa ng mga tao ni Haring Benjamin, ni Alma, at iba pa sa mga banal na kasulatan ay sadyang ganoon—pambihira at hindi pangkaraniwan. Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli, di tulad ng ating pisikal na pagsilang, ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad” (“Isinilang na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 78).
Basahin ang Alma 5:3–7, at alamin ang sinabi ni Alma sa mga tao ng Zarahemla para maihanda ang kanilang puso na magbago.
Sagutin ang sumusunod na tanong sa manwal na ito: Isinalaysay ni Alma sa mga tao ng Zarahemla ang tungkol sa pagbabalik-loob ng kanyang ama at ng iba pa, gayon din ang pagkalaya nila mula sa pagkabihag. Sa iyong palagay, paano nakatulong ang mga karanasang ito sa mga tao na maghandang maranasan ang pagbabago sa puso?
Basahin ang Alma 5:10, at bilugan ang mga tandang pananong sa hulihan ng tatlong itinanong ni Alma sa mga tao. Pagkatapos ay basahing mabuti ang Alma 5:11–13, kung saan sinimulan ni Alma na sagutin ang mga tanong na ito, upang makahanap ng suporta sa pahayag na ito: Kapag naniniwala tayo sa salita ng Diyos at sumasampalataya kay Jesucristo, mararanasan natin ang malaking pagbabago sa puso.
Ang pananalig sa salita ng Diyos ay humahantong sa malaking pagbabago sa puso dahil ang salita ng Diyos ay nagtuturo sa atin tungkol sa Tagapagligtas. Ang mga tao ni Alma ay naniwala sa salita ng Diyos, na ibinigay sa kanila ng mga banal na propeta. Nalaman nila ang tungkol sa nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang kanilang mga puso ay nagbago nang magkaroon sila ng pananampalataya sa Tagapagligtas.
-
Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag gamit ang sarili mong salita kung paano humahantong ang paniniwala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa malaking pagbabago ng puso.
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano nagbago ang iyong puso. Kung napansin mo na may pagbabago sa iyong puso habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon sa seminary sa taong ito, maaari mong ilarawan ang iyong karanasan bilang bahagi ng iyong sagot.
Alma 5:14–36
Itinuro ni Alma na ang malaking pagbabago sa puso ay kailangan para makapasok sa kaharian ng langit
Matapos ituro ni Alma na nakatutulong sa atin ang paniniwala sa salita ng Diyos para masimulan ang malaking pagbabago sa puso, sinabi niya sa mga tao na pag-isipang mabuti ang ilang mga tanong. Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa atin na masuri ang kalagayan ng ating espirituwal na puso—ang mga hangarin at damdamin ng kalooban ng tao.
Basahin ang Alma 5:14, at markahan ang tatlong tanong na hiniling ni Alma na pag-isipan ng mga tao sa kanilang sarili. Ang tatlong tanong na ito ay naglalarawan sa pagbabago na nararanasan natin kapag sumasampalataya tayo sa pagtubos na ibinibigay ni Jesucristo. Alalahanin na sa mga nakaraang lesson (tingnan sa Mosias 5 at Mosias 27) na ang pagiging “isinilang na muli” ay tumutukoy sa pagbabagong nararanasan ng isang tao kapag tinanggap niya si Jesucristo at nagsimula ng panibagong buhay hindi lamang bilang Kanyang disipulo kundi bilang Kanya ring anak sa espirituwal (tingnan sa Mosias 27:25).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano makikita ang pagbabago sa puso sa mukha ng isang tao. Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang mukha ay ang hitsura ng mukha ng isang tao, na nagpapakita ng ugali, kalooban, o espirituwal na kalagayan ng tao. Ilarawan ang isang taong kilala mo na makikitaan ng larawan ng Tagapagligtas sa kanyang mukha.
Sa medisina, ang cardiogram ay isang chart na ginagamit ng mga doktor upang masuri ang kalagayan ng ating pisikal na puso. Tumutulong ito para matukoy ang mga kalagayang kailangang gamutin. Pag-aralan ang mga talata mula sa Alma 5 na nakalista sa ilalim ng espirituwal na cardiogram sa ibaba. Kapag pinag-aralan mo ang bawat talata, markahan ang kahon sa chart na pinakamainam na naglalarawan kung paano mo sasagutin ang tanong o mga tanong sa bawat talata. (Kung gusto mong maging mas pribado ang iyong mga sagot, maaari mong kopyahin ang chart na ito sa isang hiwalay na papel o sa iyong journal at pagkatapos ay kumpletuhin ito.)
Alma 5 Espirituwal na Cardiogram | ||||||||
---|---|---|---|---|---|---|---|---|
Palagi | ||||||||
Halos palagi | ||||||||
Karaniwan | ||||||||
Minsan | ||||||||
Bihira, kung mayroon man | ||||||||
Mga talata mula sa Alma 5 |
15 |
16 |
19 |
26 |
27 |
28 |
29 |
30–31 |
Kapag nakumpleto mo ang iyong espirituwal na cardiogram, basahin ang Alma 5:21–25. Alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa katotohanang ito: Kapag nararanasan natin ang pagbabago sa puso, inihahanda natin ang ating sarili na tumanggap ng lugar sa kaharian ng langit (ang kahariang selestiyal).
-
Gawin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Gumawa ng listahan ng mga salita at mga parirala na ginamit ni Alma sa Alma 5:21−25 upang ilarawan ang nanaisin mong maging kalagayan mo ngayon.
-
Ipaliwanag kung paano, sa iyong palagay, tayo naihahanda ng pagbabago sa puso na tumanggap ng isang lugar sa kaharian ng langit.
-
Basahin ang Alma 5:33–36, at pag-isipan ang nadama mo sa mensahe ni Alma. Hanapin ang mga salita at mga parirala na tutulong sa iyo na masagot ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang paanyaya ng Panginoon sa akin na gawin ko?
-
Ano ang mga gantimpala para sa pagtanggap sa paanyayang ito?
-
Ano ang itinuturo sa akin ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson na nagpapakita kung paano gustong mamuhay ng mga taong nagbago sa puso:
“Kapag pinipili ninyong sundin si Cristo, pinipili ninyong magbago. …
“Binabago ng Panginoon ang puso. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. Maaalis ng daigdig ang mga tao sa magulo at maruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao. …
“Ang kalalakihan [at kababaihan] na nagbago dahil kay Cristo ay pamumunuan ni Cristo. Tulad ni Pablo magtatanong sila, ‘[Panginoon, ano ang nais mong ipagawa sa akin?]’ (Mga Gawa 9:6.) …
“Ang kanilang kalooban ay nagpapasakop sa Kanyang kalooban. (Tingnan sa Juan 5:30.)
“Lagi nilang ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Panginoon. (Tingnan sa Juan 8:29.)
“Hindi lamang sila handang mamatay para sa Panginoon, ngunit, ang mas mahalaga, nais nilang mabuhay para sa Kanya.
“Pumasok kayo sa kanilang tahanan, at ang mga larawang nakasabit sa kanilang mga dingding, mga aklat sa kanilang mga estante, musikang maririnig sa paligid, ang kanilang mga salita at kilos ay nagpapahayag na sila ay mga Kristiyano.
“Tumatayo sila bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. (Tingnan sa Mosias 18:9.)
“Nasa isipan nila si Cristo, dahil isinasaalang-alang nila Siya sa bawat pag-iisip. (Tingnan sa D at T 6:36.)
“Nasa puso nila si Cristo dahil nasa Kanya ang kanilang pagmamahal magpakailanman. (Tingnan sa Alma 37:36.)
“Halos linggu-linggo ay tumatanggap sila ng sakramento at pinapatunayan muli sa kanilang Amang Walang Hanggan na handa nilang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng Kanyang Anak, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. (Tingnan sa Moro. 4:3.)” (“Born of God,” Ensign, Nob. 1985, 5–7).
Para tapusin ang lesson na ito, salungguhitan ang isang ideya mula sa pahayag ni Pangulong Benson na tumutulong sa iyo na maisip kung paano ka mamumuhay bilang isang tao na nakararanas ng pagbabago sa puso. Magtakda ng isang mithiin na tutulong sa iyo na maipamuhay ang nadama mo sa pag-aaral mo ng mga turo ni Alma tungkol sa nararanasang pagbabago sa puso (maaari mo itong isulat sa iyong sariling journal o sa isang papel). Kapag patuloy mong sinisikap na maisilang sa Diyos at makaranas ng pagbabago sa puso, magiging handa ka na pumasok sa kaharian ng Diyos.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 5:1–36 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: