Seminary
Unit 7: Day 4, 2 Nephi 25


Unit 7: Day 4

2 Nephi 25

Pambungad

Matapos itala ang mga propesiya ni Isaias (2 Nephi 12–24), binigyang-diin ni propetang Nephi ang kahalagahan ng mga propesiyang ito at ipinaliwanag na mauunawaan at mapapahalagahan ng mga nagtataglay ng diwa ng propesiya ang mga salita ni Isaias (2 Nephi 25). Ipinaliwanag niya na ang layunin ng kanyang mga isinulat ay “upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” (2 Nephi 25:23). Inanyayahan niya ang lahat na maniwala kay Jesucristo at “sambahin siya nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, at nang buo ninyong kaluluwa” (2 Nephi 25:29).

2 Nephi 25:1–8

Itinuro ni Nephi na mauunawaan natin ang mga salita ni Isaias kapag mayroon tayong diwa ng propesiya

kandado at susi

Kadalasang gumagamit ng kandado ang mga tao para ingatan ang mahahalagang ari-arian. Maaari nilang itago ang nag-iisang susi sa kandado, o maaaring bigyan nila ng duplicate ng susi ang isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya. Alam ni Nephi na ang mga propesiya ni Isaias ay “labis na mahalaga” (2 Nephi 25:8), at nais niyang maunawaan ito ng lahat. Nagbigay siya ng susi sa sinumang gustong malaman ang kahulugan ng mga salita ni Isaias.

Basahin ang unang pangungusap sa 2 Nephi 25:4, at alamin ang susi na magpapaunawa sa mga salita ni Isaias. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “diwa ng propesiya”? Sa iyong palagay, paano makatutulong ang diwa ng propesiya na mas maunawaan mo ang mga banal na kasulatan, lalo na ang mga salita ni Isaias?

Ang diwa ng propesiya ay tumutukoy sa diwa ng paghahayag. Ibig sabihin kapag masigasig at mapanalangin mong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan at hinahangad na maunawaan ang kahulugan nito, mapapasaiyo ang diwa ng propesiya, at ang Espiritu Santo ay magbibigay-liwanag sa iyong isipan at pang-unawa. Itinuturo rin ng mga banal na kasulatan na “ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng [propesiya]” (Apocalipsis 19:10). Habang umuunlad ka sa iyong kaalaman at patotoo sa Tagapagligtas, ang iyong pag-unawa sa mga banal na kasulatan—kabilang na ang mga turo ni Isaias—ay madaragdagan at mas mauunawaan mo kung paano nauugnay ang mga turo sa iyo.

Nagbahagi si Nephi ng iba pang mga ideya na lalong magpapaunawa sa atin sa mga salita ni Isaias. Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at tumukoy ng tatlo pang mga susi sa pag-unawa sa mga salita ni Isaias:

Alalahanin na ang pananalita na makahulugan at matalinghaga ay kadalasang ginagamit sa mga sinaunang propesiya ng mga Judio (tingnan sa 2 Nephi 25:1). Gayundin, ang pag-aaral ng kultura, kasaysayan, at heograpiya ng sinaunang Israel ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga salita ni Isaias (tingnan sa 2 Nephi 25:5–6). Ang mabuhay sa mga huling araw at makita ang mga katuparan ng maraming propesiya ay makatutulong din sa atin sa pag-unawa sa Isaias (tingnan sa 2 Nephi 25:7–8).

2 Nephi 25:9–19

Nagpropesiya si Nephi tungkol sa mga Judio

Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 25:9–19, nagpropesiya si Nephi tungkol sa mga Judio at sa kanilang sinilangang bayan sa Jerusalem at sa mga karatig-pook. Sinabi niya na ang mga Judio na nadalang bihag sa Babilonia matapos ang pagkawasak sa Jerusalem ay magbabalik sa “lupaing kanilang mana” (tingnan sa 2 Nephi 25:9–11). Si Jesucristo, ang Mesiyas, ay mamumuhay na kasama nila, ngunit marami ang hindi tatanggap sa Kanya at ipapako Siya sa krus (tingnan sa 2 Nephi 25:12–13). Matapos ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas, wawasaking muli ang Jerusalem, at ang mga Judio ay ikakalat at pahihirapan ng iba pang mga bansa (tingnan sa 2 Nephi 25:14–15). Sa bandang huli ay maniniwala sila kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at ipanunumbalik sila ng Panginoon “mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan” (tingnan sa 2 Nephi 25:16–19).

Ang Ikalawang Pagparito

2 Nephi 25:20–30

Nagpatotoo si Nephi tungkol kay Jesucristo

Pag-isipan kung paano mo sasagutin ang isang taong nagsasabi na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi naniniwala kay Jesucristo. Sa iyong pag-aaral sa natitirang bahagi ng 2 Nephi 25, alamin ang mga katotohanan na maibabahagi mo sa gayong sitwasyon.

Mabilis na basahin ang 2 Nephi 25:20–30, at markahan ang pangalan ni “Cristo” sa tuwing lalabas ito.

  1. journal iconBasahin ang 2 Nephi 25:28–29, at tukuyin ang sinabi ni Nephi na “tamang landas.” Hanapin sa 2 Nephi 25:23–26 ang mga dahilan kung bakit “tamang landas” ang maniwala kay Jesucristo. (Pansinin na ang 2 Nephi 25:23, 26 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.) Isulat ang mga sagot mo sa iyong scripture study journal.

Ang ibig sabihin ng salitang makipagkasundo sa 2 Nephi 25:23 ay magkaroon ng mabuting ugnayan sa Diyos. Ang “biyaya” ng Panginoon ang nagsasakatuparan ng pakikipagkasundo sa Diyos. Basahin ang sumusunod na paliwanag tungkol sa biyaya ng Panginoon:

“Ang salitang biyaya, ayon sa gamit sa mga banal na kasulatan, higit sa lahat ay tumutukoy sa banal na tulong at lakas na natatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. …

“… Sa pamamagitan ng biyaya, na pinapangyari ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli at magiging imortal. [Ngunit upang mabuhay tayo magpakailanman kasama ang ating mga pamilya sa piling ng Ama sa Langit, kailangan nating malinis mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.]

“Itinuturo ng mga salitang ‘[matapos ang] lahat ng ating magagawa’ [2 Nephi 25:23] na kailangan nating magsikap na matanggap ang kaganapan ng biyaya ng Panginoon at maging karapat-dapat na makapiling Siya. Inutusan tayo ng Panginoon na sundin ang Kanyang ebanghelyo, at kabilang na roon ang pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. …

“Bukod pa sa pangangailangan sa biyaya para sa kaligtasan ninyo sa huli, kailangan ninyo ang kapangyarihang ito na nagbibigay-kakayahan sa araw-araw ninyong buhay. Habang lumalapit kayo sa inyong Ama sa Langit nang masigasig, mapakumbaba, at may kaamuan, pasisiglahin at palalakasin Niya kayo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 14–15).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

    1. Paano nauugnay ang biyaya ng Panginoon sa ating pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo?

    2. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maligtas dahil sa biyaya?

    3. Ano ang kahulugan sa iyo ng pariralang “[matapos ang] lahat ng ating magagawa”?

Pag-isipan ang sumusunod na katotohanan: Dahil kay Jesucristo, maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya matapos ang lahat ng ating magagawa. Isipin ang pagkakataon na ginawa mo ang lahat ng iyong magagawa at biniyayaan ka ng banal na tulong at lakas.

Isa pang katotohanang itinuro ni Nephi (tingnan sa 2 Nephi 25:26) ay: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari tayong tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.

Isiping sumulat ng liham sa isang kaibigan o kapamilya tungkol sa iyong paniniwala kay Jesucristo o patotohanan ang iyong paniniwala sa isang testimony meeting o sa iba pang angkop na lugar.

  1. journal iconBasahing muli ang 2 Nephi 25:26 at pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa paanong mga paraan mo sinasamba o pinagpipitaganan si Jesucristo? Anong mga aktibidad ang nagpapakita sa iba na pinaniniwalaan at sinasamba mo si Jesucristo?

    2. Ano ang magagawa mo para mas masamba ang Tagapagligtas nang buo mong kakayahan, pag-iisip, at lakas?

scripture mastery icon
Scripture Mastery—2 Nephi 25:23, 26

Gamitin ang sumusunod na format para matulungan ka sa pagsasaulo ng 2 Nephi 25:26:

“At nangungusap tayo tungkol kay Cristo,

nagagalak tayo kay Cristo,

nangangaral tayo tungkol kay Cristo,

nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo,

at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya,

upang malaman ng ating mga anak

kung kanino sila aasa

para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”

Matapos ulitin ang scripture passage nang ilang beses, takpan ng kamay ang pinakaunang linya at subukang sabihin itong muli. Pagkatapos ay takpan ang sumunod na linya, at magpatuloy hanggang sa palagay mo ay naisaulo mo na ang scripture passage.

dalagitang nagpapatotoo
  1. journal iconBigkasin ang 2 Nephi 25:26 sa isang kapamilya, at isulat sa iyong scripture study journal na naisaulo mo na ito.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 25 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: