Unit 28: Day 1
4 Nephi 1
Pambungad
Pagkatapos ng pagdalaw at ministeryo ni Jesucristo sa lupain ng Amerika, ipinamuhay ng mga tao ang Kanyang mga turo at nagtamasa ng pagkakaisa, pag-unlad, at kaligayahan sa loob ng 200 taon. Gayunman, sa huli, ang mga tao ay nagsimulang maging palalo at lalong naging masama. Hindi nagtagal naghiwalay muli ang mga Nephita at mga Lamanita, at pagkaraan ng 300 taon, ang mga Nephita at mga Lamanita ay parehong naging masasama, at iilang tao na lang ang nanatiling mabubuti.
4 Nephi 1:1–18
Ang mga tao ay nagbalik-loob at nakaranas ng kapayapaan at kaligayahan
Ano ang nakatutulong sa iyo na maging tunay na maligaya?
Ano sa palagay mo ang pagkakaiba ng mga bagay na nagbibigay sa iyo ng pansamantalang kaligayahan at ng mga bagay na humahantong sa walang hanggang kaligayahan? Basahin ang 4 Nephi 1:16 para malaman ang isinulat ni Mormon tungkol sa mga tao matapos silang dalawin ng Tagapagligtas. Maaari mong markahan ang pariralang “tunay na wala nang mas maliligayang tao.”
-
Isulat ang heading na Wala nang Mas Maliligayang Tao sa iyong scripture study journal, at magdrowing ng bilog sa ilalim niyon, tulad ng makikita sa sumusunod na diagram. (Magsusulat ka ng mga bagay sa loob at sa palibot ng bilog.) Basahin ang 4 Nephi 1:1–2, at alamin kung ano ang ginawa ng mga tao kaya sila naging maligaya. Isulat sa loob ng bilog ang mga nalaman mo.
Dahil ipinamuhay ng mga tao ang mga turo ng Tagapagligtas, sila “ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon” (4 Nephi 1:2) at lumigaya nang lubos.
Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nagkakaugnay ang pagbabalik-loob at kaligayahan. Sa pagbasa mo ng mga sinabi niya, salugguhitan ang kahulugan ng magbalik-loob:
“Ang kaligayahan ninyo sa ngayon at magpakailanman ay nakabatay sa antas ng inyong pagbabalik-loob at sa pagbabagong dulot nito sa inyong buhay. Paano kayo tunay na makapagbabalik-loob? Isinalaysay ni Pangulong [Marion G.] Romney ang mga hakbang na dapat ninyong sundin:
“‘Ang pagiging miyembro sa Simbahan at pagbabalik-loob ay hindi palaging iisa ang kahulugan. Ang pagbalik-loob at ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi rin magkapareho. Nagkakaroon ng patotoo kapag sumasaksi ang Espiritu Santo sa taong masigasig na naghahanap ng katotohanan. Ang buhay na patotoo ang nagbibigay buhay sa pananampalataya. Ibig sabihin, hinihikayat nito ang pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan. Ang pagbabalik-loob ang bunga o gantimpala para sa pagsisisi at pagsunod’ [sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8–9].
“Sa payak na paglalahad, ang tunay na pagbabalik-loob ay bunga ng pananampalataya, pagsisisi, at palagiang pagsunod. …
“Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagbubunga ng kaligayahang tumatagal na matatamasa kahit naliligalig ang sanlibutan at kahit nalulungkot ang karamihan” (“Ang Ganap na Pagbabalik-loob ay Nagdudulot ng Kaligayahan,” Liahona, Hulyo 2002, 25–26).
-
Basahin ang 4 Nephi 1:2–3, 5, 7, 10–13, 15–18, at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan ng mga naranasan ng mga tao dahil lahat sila ay nagbalik-loob sa Panginoon. Sa iyong scripture study journal, isulat ang ilan sa mga salita at pariralang ito sa palibot ng bilog na idinrowing mo sa nakaraang assignment.
Matututuhan natin mula sa panahong ito ng kaligayahan at kaunlaran sa mga Nephita na hindi pa naranasan kailanman na kapag ang isang pangkat ng mga tao ay nagbalik-loob sa Panginoon, nagdudulot ito ng pagkakaisa at kaligayahan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 4 Nephi 1:16 o sa iyong scripture study journal.
Pag-isipan kung ano kaya ang pakiramdam kung lahat ng nasa paligid mo ay nagbalik-loob sa Panginoon.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa iyong palagay, ano ang mga biyayang darating sa iyong pamilya kung ang lahat ng miyembro ng pamilya mo ay namumuhay nang tulad ng mga tao sa 4 Nephi?
-
Isipin ang panahon sa buhay mo na pinagpala ka dahil naging kabilang ka sa isang grupo na nagkakaisa sa kabutihan—tulad ng iyong pamilya, korum o klase, o grupo ng mga kaibigan. Ano sa palagay mo ang nakatulong sa grupong ito na magkaisa sa kabutihan? Anong mga pagpapala ang natanggap mo at ng mga kasama mo?
-
4 Nephi 1:19–49
Nagbalik at lumaganap ang kasamaan hanggang sa iilang tao na lang ang nanatiling mabubuti
Ano sa palagay mo ang makawawasak ng isang maligayang lipunan tulad ng nangyari sa lipunan ng mga taong inilarawan sa 4 Nephi?
-
Isulat ang heading na “Pagkawasak ng isang Maligayang Lipunan” sa iyong scripture study journal, at magdrowing ng bilog sa ilalim niyon, na katulad ng diagram mo sa unang assignment. Basahin ang 4 Nephi 1:20, 23–24, at alamin kung ano ang naging simula ng pagkawasak ng kaligayahan at kapayapaan ng mga tao. Isulat ang mga nalaman mo sa loob ng bilog.
Maaari mong isulat ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 4 Nephi 1:24 o sa iyong scripture study journal: “Kahambugan ang matinding kaaway ng pagkakaisa” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 70). Sa paanong paraan nagiging kaaway ng pagkakaisa ang kahambugan?
Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan sa sumusunod na pahayag ang kahambugan o kapalaluan. Salungguhitan ang mga parirala na nagpapaliwanag kung bakit mapangwasak ang kapalaluan.
“Ang kapalaluan ay kasalanan … sapagkat ito ay lumilikha ng pagkapoot o pagkagalit at inilalagay tayo sa kalagayang salungat sa Diyos at sa ating kapwa. Sa kaibuturan nito, kapalaluan ang kasalanang paghahambing, dahil bagama’t karaniwan ay nagsisimula ito sa ‘Tingnan mo kung gaano ako kagaling at gaano kaganda ang nagawa ko,’ tila lagi itong nagtatapos sa ‘Kaya mas magaling ako sa iyo.’
“Kapag puno ng kapalaluan ang ating puso, nagkakasala tayo nang mabigat, dahil nilalabag natin ang dalawang dakilang utos [tingnan sa Mateo 22:36–40]. Sa halip na sambahin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa, inilalantad natin ang tunay nating sinasamba at minamahal—ang larawang nakikita natin sa salamin” (“Kapalaluan at ang Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 56).
-
Basahin ang 4 Nephi 1:25–27, 30–35, 38–45, at hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan ng mga epekto ng kapalaluan sa mga tao. Isulat ang mga salita at pariralang ito sa palibot ng labas ng bilog sa iyong scripture study journal para sa assignment 4.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito ay ang kapalaluan ay lumilikha ng paghahati-hati at humahantong sa mas matitinding kasamaan. Maaari mong isulat ang pariralang ito sa iyong banal na kasulatan. Paano nakakaapekto ang kapalaluan ng isa o dalawang tao sa kaligayahan ng buong grupo?
Isipin kung sino sa mga sumusunod na sitwasyon ang maaaring maapektuhan nang masama ng kapaluan ng isang tao:
-
Isang miyembro ng klase sa Young Women ang ayaw makinig sa lesson na inihanda ng kanyang titser tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa Word of Wisdom. Para sa kanya hindi na siya kailangang turuan pang muli tungkol sa Word of Wisdom at dahil diyan nag-iingay siya at ayaw makibahagi sa klase.
-
Palaging tinutukso o minamaliit ng isang kaibigan ang isa pang miyembro ng grupo dahil nakikita sa pananamit nito ang kakapusan sa pera.
-
Isipin kung may makikita bang anumang kapalaluan sa sarili mong buhay. Maaaring makatulong na alalahaning muli ang ipinahayag ni Pangulong Uchtdorf habang nag-iisip ka. Isipin ang magagawa mo para mapaglabanan ang kapalaluan at maghanap ng makatutulong para mapag-ibayo ang pagkakaisa at kabutihan sa iyong pamilya, korum o klase, o grupo ng mga kaibigan. Isulat ang mga naisip at mithiin mo sa iyong scripture study journal.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 4 Nephi 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: