Unit 24: Day 3
3 Nephi 6–10
Pambungad
Kasunod ng kanilang mahimalang pagkaligtas mula sa mga tulisan ni Gadianton, ang mga Nephita at Lamanita ay nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos ay nagkaroon ng kapalaluan, pagkilala sa mga katayuan sa buhay, at pag-uusig na humantong sa matinding kasamaan at sa huli ay pagbagsak ng pamahalaan ng mga Nephita. Kabilang sa mga palatandaan ng kamatayan ni Jesucristo sa Jerusalem ang matinding pagkawasak na nagpaguho sa maraming lunsod ng mga Nephita, at pumatay sa masasamang naninirahan doon. Lumukob ang kadiliman sa buong lupain nang tatlong araw. Sa gitna ng kadiliman, inanyayahan ng tinig ng Tagapagligtas ang mga tao na bumalik sa Kanya. Nang maglaho ang kadiliman, ang pagdadalamhati ng mga tao ay nauwi sa kagalakan at papuri kay Jesucrsito.
3 Nephi 6–7
Ang mga Nephita ay naging palalo, nahati ang Simbahan, nawasak ng lihim na pagsasabwatan ang pamahalaan, at nahati ang mga tao sa mga lipi
Isipin ang isang pagkakataon kung saan kailangan mong magpasiya kung susundin mo o hindi ang propeta. Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 6–7, naranasan ng ilan sa mga Nephita ang mga kalunus-lunos na bunga ng hindi pagtanggap sa mga propeta, samantalang naranasan naman ng iba ang mga pagpapalang dulot ng pagsisisi at pakikinig sa mga piling tagapaglingkod ng Panginoon.
Mababasa mo sa 3 Nephi 5, na ang mga Nephita ay nagsisi at masigasig na naglingkod sa Diyos at nailigtas at napangalagaan mula sa mga tulisan ni Gadianton. Pagkatapos ay umunlad ang mga Nephita sa maikling panahon. Gayunpaman, mabilis na pumasok ang kapalaluan sa puso ng maraming tao na naging dahilan ng pagkahati-hati sa loob ng Simbahan. Ang mga propeta ay isinugo upang mangaral laban sa kasamaan ng mga tao, ngunit sila ay dinakip ng mga hukom at lihim na ipinapatay (tingnan sa 3 Nephi 6:4–23). Sa loob ng mga anim na taon, ang mga tao ay nagpailalim “sa kapangyarihan ni Satanas” (3 Nephi 7:5) at naging napakasama kung kaya’t nilabanan nila ang lahat ng kabutihan. Winasak ng mga lihim na pagsasabwatan ang pamahalaan ng buong lupain at dahil dito ang mga tao ay nahati sa mga lipi.
Sa kabila ng kasamaan ng mga tao, patuloy na nagpatotoo si Nephi laban sa kanilang mga kasalanan at nanawagan na magsisi sila (tingnan sa 3 Nephi 7:15–20). Basahin ang 3 Nephi 7:21–22, at markahan ang ilang halimbawa kung paano napagpala ang mga tao sa pagsunod kay Nephi. Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na kung tayo ay magsisisi at susunod sa mga tagapaglingkod ng Panginoon, matatamo natin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na pinili mong sundin ang payo ng propeta o iba pang mga priesthood leader. Paano ka napagpala sa paggawa nito?
3 Nephi 8:1–18
Ang matinding pagkawasak ang nagsakatuparan sa palatandaan ng pagkamatay ni Jesucristo
Isipin ang araw na mangyayari ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ano kaya ang madarama mo kapag dumating ang araw na iyan? Ang mga Nephita rin ay matagal nang naghihintay sa pagdating ni Jesucristo. Ipinropesiya ni Samuel, ang Lamanita, ang mga palatandaan na makikita sa pagkamatay ni Jesucristo (tingnan sa Helaman 14:20–27). Basahin ang 3 Nephi 8:3–4, at pansinin na iba ang nadama ng ilang Nephita tungkol sa mga palatandaan.
Basahin ang 3 Nephi 8:5–7, at alamin ang nangyari sa ika-34 na taon mula sa panahong ibigay ang palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas. Basahin ang 3 Nephi 8:8–18, at alamin ang nangyari sa mga naninirahan sa mga lunsod na tinamaan ng bagyo at ng mga lindol. Basahin ang 3 Nephi 10:11–12, at markahan kung sino ang mga nakaligtas sa pagkawasak na ito. Bagama’t ang mga nakaligtas ay “ang higit na mabubuting bahagi” ng mga Nephita, kailangan pa rin nilang magsisi at lumapit kay Jesucristo.
-
Gamitin ang isang pahina sa iyong scripture study journal para makagawa ng artikulong pampahayagan na nagbabalita ng mga pangyayari sa 3 Nephi 8:5–18. Maglagay ng headline, magdrowing ng larawan, at pagkatapos ay magsulat ng balita tungkol sa pagkawasak.
3 Nephi 8:19–25
Lumukob ang kadiliman sa buong lupain nang tatlong araw
Isipin ang isang pagkakataon na nasa lugar ka na napakadilim, tulad ng isang kuweba o sa isang silid na walang mga bintana kapag pinatay ng isang tao ang mga ilaw (o isipin kunwari kung ano ang magiging pakiramdam mo kapag nasa ganito kang lugar). Ano ang mararamdaman mo kapag nasa madilim kang lugar at wala kang makita? Basahin ang 3 Nephi 8:19–23, at alamin ang nangyari matapos huminto ang mga bagyo at pagwasak. (Maaari mong markahan ang anumang mga salita o parirala na nagpapakita kung gaano kakapal o katindi ang kadiliman.)
Basahin ang 3 Nephi 8:24–25, at alamin ang sinabi ng mga Nephita na nakapigil sana sa kamatayan at pagkalipol ng napakarami sa kanilang mga tao.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano natutulad ang mga epekto ng kasalanan sa pagiging naroon sa kadiliman?
-
Paano natutulad ang pagsisisi sa pagtutulot sa liwanag na pumasok sa isang madilim na silid?
-
3 Nephi 9:1–14
Sa kadiliman, inanyayahan ng tinig ni Jesucristo ang mga nakaligtas sa pagkawasak na magsisi at lumapit sa Kanya
Sa tatlong araw na kadiliman, nangusap ang tinig ng Tagapagligtas sa mga nakaligtas. Basahin ang 3 Nephi 9:1–2, 7, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas kung bakit nangyari ang pagkawasak na ito sa mga tao. Pagkatapos ay basahin ang 3 Nephi 9:13–14, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas para mapanatag ang mga tao sa kanilang pagdurusa. Maaari mong markahan ang bahaging makahulugan sa iyo sa mga talatang ito.
Si Elder C. Scott Grow ng Pitumpu ay nagpatotoo na inaanyayahan tayong lahat ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at mapagaling:
“Si Jesucristo ang Dakilang Manggagamot ng ating kaluluwa. Maliban lang sa mga kasalanang ginawa ng mga anak ng kapahamakan, walang kasalanan o paglabag, pasakit o kalungkutan, na hindi mapapagaling ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
“Kapag nagkakasala tayo, sinasabi sa atin ni Satanas na naliligaw tayo. Sa kabilang banda, ang ating Manunubos ay naghahandog ng pagtubos sa lahat—anuman ang nagawa nating mali—maging sa inyo at sa akin” (“Ang Himala ng Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 109).
Ang paanyaya ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 9:13 na lumapit sa Kanya at tanggapin ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan ay angkop sa bawat isa sa atin. Upang mapagaling tayo ng Tagapagligtas, dapat nating tanggapin ang Kanyang paanyaya at lumapit sa Kanya, magsisi sa ating mga kasalanan, at magbalik-loob.
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat tungkol sa isang aspeto ng iyong buhay na makikinabang sa kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas. Ano ang kailangan mong gawin para mahiling mo sa Kanya na pagalingin ka Niya?
3 Nephi 9:15–22
Ipinahayag ng tinig ng Tagapagligtas na natupad ang batas ni Moises sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo
Bilang bahagi ng batas ni Moises, na hanggang sa panahong iyon ay sinusunod pa rin ng mga Nephita, iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na maghain ng hayop bilang simbolo at paglalarawan ng dakilang sakripisyo na kalaunan ay gagawin Niya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Gamitin ang mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 9:17 para makumpleto ang sumusunod na pangungusap: “Sa pamamagitan ko dumarating ang pagtubos, at sa pamamagitan ko ang .”
Ipinahayag ng Tagapagligtas na ang lahat ng mga seremonya, batas, ritwal, at mga simbolo ng batas ni Moises, na ibinigay upang ituro ang mga tao sa Kanya, ay natupad nang tapusin Niya ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Basahin ang 3 Nephi 9:19, at tukuyin ang ipinahayag ng Tagapagligtas na hindi na iaalay at ihahandog ng mga Nephita. Pagkatapos ay basahin ang 3 Nephi 9:20, at markahan kung ano ang iaalay nila bilang kapalit ng mga hain.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mag-alay bilang hain ng “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu”? Ang nagsisising espiritu ay taong mapagpakumbaba, madaling turuan, at nagsisisi. Upang mas mapalalim ang iyong pagkaunawa kung ano ang ibig sabihin ng bagbag na puso at nagsisising espiritu, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at markahan ang mga salitang ginamit niya para ipaliwanag ang “bagbag na puso” at “nagsisising espiritu”:
“Noong unang panahon kapag gustong sumamba ng mga tao at humingi ng biyaya sa Panginoon, kadalasa’y nagdadala sila ng handog. … Sa paghahangad ninyong makapagbalik-loob, maihahandog ninyo sa Panginoon ang inyong bagbag o nagsisising puso at ang inyong nagsisisi o masunuring espiritu. Ang totoo, paghahandog ito ng inyong sarili—kung ano kayo ngayon at kung ano ang inyong kahihinatnan.
“Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag tinaglay at ginawa ninyo itong bahagi ng inyong pagkatao, naghahandog kayo sa Panginoon” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 12).
Basahin ang 3 Nephi 9:21–22, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na kailangan nating tularan upang makalapit sa Kanya.
-
Isipin ang maliliit na bata na kilala mo. Sa iyong scripture study journal, ilarawan ang mga katangian ng maliliit na bata na kailangang tularan natin para makalapit sa Tagapagligtas.
Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin ng mga angkop na salita o parirala na nakita mo sa 3 Nephi 9:13–14, 20–22: Kung lalapit tayo kay Jesucristo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, Siya ay . (Maraming tamang sagot.)
-
Para matulungan ka na maipamuhay ang katotohanang ito, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga ugali ang maaaring makahadlang sa atin sa pag-aalay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu sa Panginoon?
-
Paano ka pinagpala ng Panginoon nang lumapit ka sa Kanya nang may nagsisising puso at masunuring espiritu?
-
Paano ka mas mainam na makapag-aalay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu sa Panginoon?
-
3 Nephi 10
Nangako ang Panginoon na titipunin Niya ang Kanyang mga tao tulad ng inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw
Matapos marinig ang tinig ng Tagapagligtas, ang mga tao ay nanggilalas at nagkaroon ng katahimikan sa lupain sa loob ng maraming oras. Pagkatapos ay nangusap muli ang tinig sa mga tao (tingnan sa 3 Nephi 10:1–3). Basahin ang 3 Nephi 10:4–6, at tukuyin ang sinabi ng Tagapagligtas na sinikap Niyang gawin upang proteksyunan at pangalagaan ang mga tao. Markahan sa talata 6 ang pangakong ibinigay ng Tagapagligtas sa mga magsisisi at lalapit sa Kanya nang may buong layunin ng puso.
Ginamit ng Tagapagligtas ang metapora ng isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak para protektahan ang mga ito sa panganib. Isipin ang mga paraan na ang Tagapagligtas ay katulad ng inahing manok na sinisikap na protektahan ang kanyang mga sisiw mula sa panganib. Bukod pa rito, ayon sa 3 Nephi 10:4–6, bakit hindi natipon ang buong sambahayan ni Israel?
Basahin ang 3 Nephi 10:8–10, at alamin ang nangyari matapos marinig ng mga tao ang tinig ng Tagapagligtas.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 6–10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: