Seminary
Unit 6: Day 4, 2 Nephi 9–10


Unit 6: Day 4

2 Nephi 9–10

Pambungad

Sa nakaraang lesson napag-aralan mo ang patotoo ni Jacob tungkol sa gagawin ni Jesucristo para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa lesson na ito kukumpletuhin mo ang pag-aaral ng 2 Nephi 9 at ang unang araw ng pagbibigay ng sermon ni Jacob at aalamin ang dapat nating gawin para matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Nagbabala si Jacob na huwag magpasyang gumawa ng anumang bagay na hahantong sa pagkawalay sa Diyos, at inanyayahan niya ang lahat na lumapit kay Cristo at maligtas. Babasahin mo rin ang 2 Nephi 10 at pag-aaralan ang sinabi ni Jacob sa mga tao sa sumunod na araw. Itinurong muli ni Jacob na bagama’t ikakalat ang Israel dahil sa kasalanan, aalalahanin ng Panginoon ang Kanyang mga tipan sa kanila, at sila ay titipunin Niya kapag sila’y nagsisi at bumalik sa Kanya. Sinabi ni Jacob na “wala nang ibang bansa sa mundo na magpapako sa kanilang Diyos” (2 Nephi 10:3). Ipinropesiya niya na ang Amerika ay magiging lupain ng kalayaan, pinagtibay laban sa lahat ng bansa, at hindi ito magkakaroon ng mga hari. Nagpatotoo si Jacob na dapat sundin ang kalooban ng Diyos at alalahanin na tanging sa biyaya lamang ng Diyos sila maliligtas.

2 Nephi 9:28–54

Nagbabala si Jacob laban sa mga kilos at pag-uugali na naghihiwalay sa atin mula sa Diyos at inanyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo

Dahil sa Pagkahulog ni Adan at dahil sa ating sariling mga kasalanan, kailangan ng bawat isa sa atin ang Tagapagligtas. Nagpatotoo si Jacob na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala tayo ay napalaya mula sa mga epekto ng Pagkahulog at madadaig natin ang ating mga kasalanan at tatanggap ng buhay na walang hanggan. Ginamit ni Jacob ang imahe ng pasukan at daan para ilarawan ito. Basahin ang 2 Nephi 9:41, at alamin kung paano inilarawan ni Jacob ang daan na dapat nating lakaran para makamit ang buhay na walang hanggan. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “lumapit sa Panginoon”? (Isipin kung nasa daan ka ba na mas maglalapit sa iyo sa Tagapagligtas.) Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “ang daan [papunta sa Tagapagligtas] ay makipot, ngunit ito’y nasa isang tuwid na daraanan”?

maze na may tuwid na daan sa gitna

Tinawag din ni Jacob ang Tagapagligtas na “tanod ng pasukan.” Ito ay sumasagisag sa tungkuling ginagampanan ng Tagpagligtas bilang ating hukom. Siya ang nagbibigay ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala batay sa ating mga pag-uugali at kilos. Itinuro pang lalo sa atin ni Jacob kung paano nakakaapekto ang mga pag-uugali at kilos natin sa kakayahan nating lumapit sa Tagapagligtas.

  1. journal iconPara matulungan kang matukoy ang mga saloobin, iniisip, at kilos na magdadala sa atin sa Tagapagligtas, gawin ang sumusunod sa iyong scripture study journal:

    1. Magdrowing ng linya sa gitna ng isang buong pahina sa iyong scripture study journal, at isulat ang Paglayo ng Ating Sarili kay Cristo sa isang panig at Paglapit kay Cristo sa kabilang panig.

    2. Basahin ang 2 Nephi 9:27–39, at tukuyin ang anumang mga kilos o pag-uugali na ayon sa babala ni Jacob ay maglalayo sa atin sa Tagapagligtas. Gumawa ng listahan ng mga nakita mo na kabilang sa column na “Paglayo ng Ating Sarili kay Cristo” sa iyong scripture study journal. Maaari mo ring markahan ang nalaman mo sa iyong banal na kasulatan. (Pansinin na ang 2 Nephi 9:28–29 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

    3. Pumili ng isa sa mga kilos o pag-uugali na natukoy mo, at sagutin ang sumusunod na tanong sa hiwalay na pahina sa iyong scripture study journal: Paano tayo hinahadlangan ng kilos o pag-uugaling ito sa paglapit kay Cristo at pagtanggap ng buong pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala?

    4. Bukod pa sa pagbibigay ng babala sa ating mga kilos at pag-uugali na naglalayo sa atin sa Panginoon, itinuro ni Jacob ang mga kilos at pag-uugali na tutulong sa atin na lumapit kay Jesucristo. Basahin ang 2 Nephi 9:23, 42, 45–46, 49–52, at tukuyin ang itinuro ni Jacob na magdadala sa atin sa Panginoon. Ilista ang nakita mo na kabilang sa column na “Paglapit kay Cristo” ng iyong chart.

Jesucristo

Sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 9:28–54, natutuhan mo ang alituntunin na: Kapag pinili nating lumapit sa Panginoon at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban, matatanggap natin ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala.

  1. journal iconPara matulungan kang maipamuhay ang natutuhan mo, isulat ang iyong mga sagot sa dalawa o mahigit pang assignment sa ibaba sa iyong scripture study journal:

    1. Sa 2 Nephi 9:23 nabasa mo na inutos sa atin ng Panginoon na magsisi at magpabinyag. Kahit nabinyagan ka na, paano nakatutulong sa iyo ang pagpapanibago ng mga tipan sa binyag sa pamamagitan ng sakramento para makalapit sa Panginoon at matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala?

    2. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magkaroon ng “ganap na pananampalataya sa Banal ng Israel” (2 Nephi 9:23)? Ano ang ilang paraan na naipapakita mo sa kasalukuyan ang iyong pananampalataya sa Panginoon?

    3. Ano ang ibig sabihin ng “talikuran ang inyong mga kasalanan” (2 Nephi 9:45)? Ano ang makatutulong sa iyo na talikuran ang iyong mga kasalanan?

    4. Ano ang ilang halimbawa ng paggasta ng pera sa “mga yaong walang kabuluhan” o paggawa sa “mga yaong hindi nakasisiya” (2 Nephi 9:51)? Paano nakatutulong sa iyo ang pag-iwas sa masasama o walang kuwentang hangarin para makalapit sa Panginoon? Paano mo mas mababalanse ang oras na inuukol mo sa iba’t ibang aktibidad sa paaralan, Simbahan, libangan, at mga kaibigan?

    5. Ano ang ilang paraan na magagawa mong “magpakabusog doon sa hindi nawawala, ni nasisira” (2 Nephi 9:51)?

    6. Hinikayat ni Jacob ang mga tao na “magbigay-pasalamat” at “magsaya ang inyong mga puso” (2 Nephi 9:52). Sa iyong palagay, bakit mahalagang sundin ang payong ito habang nagsisikap kang lumapit sa Tagapagligtas?

  2. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung paano ka mas nailapit sa Tagapagligtas ng isa o mahigit pang mga kilos at pag-uugali na pinag-aralan mo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—2 Nephi 9:28–29

Ano ang ginagawa mo para ganap mong mapakinabangan ang mga oportunidad mo sa pag-aaral ngayon? Ano ang mga susunod mong gagawin para sa pag-aaral mo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, at salungguhitan ang mga biyayang nagmumula sa pag-aaral: “Malaki ang mga hamong haharapin ninyo. Papasok kayo sa mundong masidhi ang labanan. Kailangan ninyong pag-aralan ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. Tinagubilinan tayo ng Panginoon tungkol sa kahalagahan ng edukasyon. Gagawin kayo nitong karapat-dapat para sa mas malalaking oportunidad. Ihahanda kayo nito na makagawa ng isang bagay na makabuluhan sa malawak na mundo ng oportunidad na naghihintay sa inyo. Kung makakapag-aral kayo sa kolehiyo at iyan ang pangarap ninyo, gawin ninyo iyan. Kung wala kayong hangad na mag-aral sa kolehiyo, mag-aral sa isang vocational o business school para mahasa ang inyong mga kasanayan at maragdagan ang inyong kakayahan” (“Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 49–50).

Basahin ang 2 Nephi 9:28, at alamin ang sinabi ni Jacob na maaaring masamang mangyari kapag nag-aral ka nang may maling pag-uugali.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pahayag na “kapag sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino”?

    2. Ano ang mga panganib kapag inaakala natin na mas matalino pa tayo sa ating mga magulang, sa ating bishop o branch preident, sa propeta, o sa ating Ama sa Langit?

Basahin ang 2 Nephi 9:29, at tukuyin ang kailangan mong tandaan sa pag-aaral mo.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong: Paano nakatutulong sa iyo ang masigasig na pag-aaral ng banal na kasulatan na mamuhay ayon sa alituntunin sa 2 Nephi 9:29?

2 Nephi 10

Hinikayat ni Jacob ang mga Banal na magalak at lumapit sa Panginoon

Sa pangalawang araw ng kanyang pagtuturo, muling nagpatotoo si Jacob sa kapangyarihan ng Panginoon na magligtas mula sa mga idinulot ng kasalanan. Itinuro rin ni Jacob sa kanyang mga tao kung paano sila dapat tumugon sa awang ibinigay ng Pagbabayad-sala. Basahin ang 2 Nephi 10:20, 23–25, at markahan ang mga parirala na nagsasabi ng itinuro ni Jacob na dapat nating itugon sa sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin.

  1. journal iconSagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Iniisip ang napag-aralan mo tungkol sa Tagapagligtas, bakit gusto mo na lagi “siyang alalahanin” (2 Nephi 10:20)?

    2. Sa palagay mo bakit ang pagsasantabi o pagsisisi sa isang masamang bagay na ginagawa mo ay magpapakita ng pasasalamat at pagmamahal mo sa Tagapagligtas?

    3. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas na makatutulong sa iyo na makadama ng pag-asa sa halip na “iyuko” ang iyong ulo dahil sa panghihina ng loob?

Isang mahalagang parirala sa kabanatang ito ay ang “makipagkasundo kayo sa kalooban ng Diyos” (2 Nephi 10:24). Ibig sabihin dapat tayong maging malapit na muli sa Panginoon at sumunod at umayon sa Kanyang kalooban. Rebyuhin ang anumang banal na kasulatan na namarkahan mo sa 2 Nephi 9–10. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo kapag nagtakda kang gumawa ng isang bagay na maipagkakasundo mo ang iyong sarili sa kagustuhan ng Diyos.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 9–10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: