Seminary
Unit 1: Day 2, Ang Plano ng Kaligtasan


Unit 1: Day 2

Ang Plano ng Kaligtasan

Pambungad

Ang ating Ama sa Langit ay nagbigay sa atin, na Kanyang mga anak, ng isang plano para matanggap nating lahat ang buhay na walang hanggan at kadakilaan. Ang pinakamahalagang bahagi ng plano ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nadaig ng Pagbabayad-sala ang mga epekto ng Pagkahulog at dahil dito makapagsisisi tayo at malilinis mula sa ating mga kasalanan upang magkaroon tayo ng kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Estatwa ng Christus

Ang lesson na ito ay naglalaman ng buod ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Makatutulong ito para makita mo kung paano nauugnay sa isa’t isa at sa iyong layunin sa mundo ang mga katotohanan ng ebanghelyo na matututuhan mo ngayon taon. Habang lumalawak ang iyong pang-unawa sa plano ng kaligtasan, lalakas ang iyong pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, gayon din ang iyong kakayahan na tuparin ang iyong bahagi sa plano. Ang plano ng kaligtasan ay “ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na binalangkas upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Lakip nito ang Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala, kasama ang lahat ng batas, ordenansa at doktrina na ibinigay ng Diyos. Pinapangyari ng plano na ito na ang lahat ng tao ay madakila at mabuhay na walang hanggan na kasama ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Plano ng Pagtubos,” scriptures.lds.org).

Tinutulungan Tayo ng Plano na Maunawaan ang Layunin natin sa Buhay na Ito

Ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay sumasagot sa maraming mga katanungan na minsan ay itinatanong ng mga tao sa kanilang buhay. Naisip mo na ba ang mga tanong na gaya ng: “Saan ako nagmula?” “Bakit ako narito?” “Saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito?”

Bago tayo isinilang sa mundo, namuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak. Tayo ay literal na mga anak Niya, at mahal Niya tayo. Ang Kanyang plano ng kaligtasan ang paraan upang tayo ay maging tulad Niya at matamasa ang lahat ng Kanyang mga pagpapala. Naunawaan at tinanggap natin ang Kanyang plano bago tayo naparito sa lupa.

Mahalaga ang Aklat ni Mormon upang maunawaan natin ang plano ng kaligtasan. Ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ay gumamit ng iba’t ibang salita sa pagtukoy sa plano.

  1. journal iconBasahin ang mga nakalistang banal na kasulatan sa ibaba, at tukuyin ang pangalang ginamit para sa plano ng Ama sa Langit sa bawat talata. Sa iyong scripture study journal, isulat ang pangalan sa tabi ng scripture reference. Ginawa na ang una para sa iyo.

    1. 2 Nephi 9:6 “Ang maawaing plano ng dakilang Lumikha”

    2. 2 Nephi 11:5

    3. Alma 12:25

    4. Alma 24:14

    5. Alma 42:8

    6. Alma 42:15

Ang mga salitang gaya ng maawain, kaligtasan, kaligayahan, at pagtubos ay nagbibigay-diin sa doktrina na ang plano ng Ama sa Langit ay ginawa upang isakatuparan ang walang hanggang kaligtasan at kaligayahan ng Kanyang mga anak.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ngayong alam mo na may plano ang Ama sa Langit para sa iyong kaligayahan at kadakilaan, paano ito makagagawa ng kaibhan sa iyong buhay?

Ang Kahalagahan ng Kalayaang Pumili at ng Pagkahulog nina Adan at Eva sa Plano ng Kaligtasan

Sina Adan at Eva ang una sa mga anak ng Ama sa Langit na naparito sa lupa. Inilagay Niya sila sa Halamanan ng Eden at binigyan sila ng kalayaang pumili—“ang kakayahan at pribilehiyong … mamili at kumilos para sa kanilang sarili” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalayaang Mamili,” scriptures.lds.org). Iniutos Niya na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Ang pagsunod sa kautusang ito ay nangangahulugang mananatili sila sa halamanan, ngunit hindi sila uunlad sa pamamagitan ng pagdanas ng oposisyon sa buhay. Hindi nila malalaman ang kagalakan dahil hindi sila makararanas ng kalungkutan at pasakit.

Basahin ang 2 Nephi 2:17–20 at alamin kung ano ang nangyari kina Adan at Eva matapos nilang piliing suwayin ang utos ng Diyos. Sa patlang sa ibaba, ilarawan kung ano ang piniling gawin nina Adan at Eva at ang dalawang epekto sa kanila ng pagpiling iyon—karaniwang tinatawag na Pagkahulog:

Basahin ang 2 Nephi 2:22–26 at tukuyin ang iba pang mga naging bunga ng pagpili nina Adan at Eva. Markahan sa iyong banal na kasulatan ang mga karagdagang katotohanan na natutuhan mo tungkol sa mga epekto ng Pagkahulog.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, tapusin ang sumusunod na talata na naglalarawan sa mga epekto ng Pagkahulog nina Adan at Eva sa iyong buhay. Isama ang mga ideya tungkol sa mga pagpili, kalayaang mamili, pisikal na katawan, kamatayan, mga anak, at kasalanan.

    “Dahil sa paglabag nina Adan at Eva, ako rin ay nasa nahulog na kalagayan at …”

Ang Kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Plano ng Kaligtasan

nabuhay na mag-uling Cristo sa libingan

Inilalayo tayo ng kasalanan at kamatayan mula sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit. Hindi tayo makababalik sa kinaroroonan ng Diyos kung walang tulong mula sa Kanya. Kailangan nating maunawaan ang bahaging ginagampanan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa plano ng kaligtasan upang magkaroon tayo ng pananampalataya sa Kanya at masunod natin ang plano ng Ama sa Langit. Pag-aralan ang Mosias 3:17–19, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung paano napagtagumpayan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga epekto ng Pagkahulog at kung paano tayo tinutulungan nito na matamo ang kaligayahan at makabalik sa ating Ama sa Langit. Ibuod ang mga talatang ito gamit ang iyong sariling mga salita:

Natutuhan natin ang alituntunin na: Si Jesucristo ang pinakamahalaga sa plano ng kaligtasan, at ang Kanyang Pagbabayad-sala ang dahilan kung bakit naisasakatuparan sa lahat ng anak ng Diyos ang plano.

  1. journal iconBasahin ang mga sumusunod na scripture passage: 2 Nephi 2:8; Mosias 3:7–11; 16:4–8; Alma 34:9, 15–16; Mormon 9:13–14. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang maikling talata na nagpapaliwanag kung ano ang itinuturo ng mga scripture passage na ito tungkol sa kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan. Maaari mong markahan ang mga parirala na mahalaga para sa iyo.

Ang Ating Responsibilidad sa Plano ng Kaligtasan

Ibinigay ng Ama sa Langit ang Kanyang perpektong plano para maisakatuparan ang ating walang hanggang kaligayahan at kadakilaan sa piling Niya at ng ating mga mahal sa buhay. Tinupad ni Jesucristo ang Kanyang gawain sa plano, dinaig ang kamatayan at ginawang posible para sa atin na mapagtagumpayan ang kasalanan at makabalik muli sa piling ng ating Ama sa Langit. Gayunman, hindi nito inaalis ang ating responsibilidad sa plano.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang Ilan sa aking mga responsibilidad sa plano ng kaligtasan, at ilista kung ano ang itinuturo ng bawat banal na kasulatan tungkol sa ating personal na responsibilidad na anyayahan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating mga buhay at lubos na makibahagi sa mga pagpapala ng plano ng kaligtasan:

    1. 2 Nephi 2:25–27

    2. Mosias 3:12–13

    3. Alma 12:24–25, 32–34

    4. 3 Nephi 27:13–14, 20–22, 27

Matutulungan tayo ng mga banal na kasulatang ito na maunawaan na kapag pinili nating ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at sundin ang plano ng Diyos, naghahanda tayong tanggapin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

  1. journal iconKunwari ay hiniling sa iyo na magbigay ka ng mensahe sa simbahan tungkol sa plano ng kaligtasan. Gamit ang iyong natutuhan mula sa mga banal na kasulatan sa assignment sa itaas, isulat sa iyong scripture study journal kung ano ang sasabihin mo tungkol sa ating personal na responsibilidad sa plano ng Ama sa Langit.

Isiping mabuti kung ano ang magagawa mo para mas mapagbuti mo ang pagtupad sa iyong responsibilidad sa plano ng Ama sa Langit at maanyayahan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay. Maaari mong ibahagi ang iyong mga ideya sa isa sa iyong mga magulang, kapatid, o sa isang malapit na kaibigan.

Ang Plano ng Kaligtasan ay Nagbibigay ng mga Sagot at Gumagabay

Kapag naunawaan mo ang plano ng kaligtasan, magagabayan ka nito sa paggawa ng mga desisyon at sa paghahanap ng kasagutan sa mga tanong na maaaring makaharap mo o ng ibang tao.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang isa sa mga tanong sa ibaba at ipaliwanag kung paano tayo nagagabayan at nabibigyan ng mga kasagutan kapag naunawaan natin ang plano ng kaligtasan:

    1. Paano nakakaapekto sa pagpapahalaga mo sa iyong sarili ang kaalaman na ikaw ay literal na anak ng Diyos?

    2. Paano mo sasagutin ang isang taong nagsasabi ng, “Buhay ko ito—gagawin ko kung ano ang gusto kong gawin”?

    3. Paano makatutulong sa isang tao ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan para mapaglabanan niya ang damdaming ang buhay ay para lamang sa pagsasaya at pagbibigay-kasiyahan sa sarili nating mga kagustuhan?

    4. Paano mo gagamitin ang iyong kaalaman sa plano ng kaligtasan para tulungan ang isang tao na nakararanas ng mga pagsubok at nakadarama na hindi siya minamahal ng Diyos?

Kapag naunawaan mo ang plano ng kaligtasan, makatutulong ito sa iyo na masunod mo ang mga kautusan ng Diyos dahil ipinapaliwanag nito kung bakit kailangan nating sundin ang mga ito (tingnan sa Alma 12:32).

  1. journal iconBasahin ang 2 Nephi 2:25, at ibuod ang layunin ng plano ng kaligtasan sa pagsagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakapagbigay ng kagalakan sa iyo at sa iyong pamilya ang plano ng kaligtasan?

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang lesson na “Ang Plano ng Kaligtasan” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: