Seminary
Unit 15: Day 4, Alma 8–10


Unit 15: Day 4

Alma 8–10

Pambungad

Nagturo si Alma sa Zarahemla, Gedeon, at Melek kung saan tinanggap ng maraming tao ang kanyang mensahe, at pagkatapos ay sa Ammonihas kung saan hindi tinanggap ng mga tao ang kanyang mensahe at pinalayas siya sa kanilang lunsod. Gayunman, dahil masunurin sa utos ng Panginoon, bumalik si Alma sa Ammonihas. Inihanda ng Panginoon si Amulek na tanggapin si Alma sa Ammonihas at sumama sa kanya sa pagpapatotoo sa mga tao. Binalaan nina Alma at Amulek ang mga tao sa Ammonihas na kung hindi sila magsisisi, sila ay wawasakin. Matapat na sinunod ni Amulek ang Diyos at ginamit ang kanyang reputasyon, mabuting pangalan, at impluwensya upang suportahan ang propetang si Alma at magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Alma 8

Masunuring bumalik si Alma sa Ammonihas, kung saan inihanda niya si Amulek sa pangangaral

Matapos ituro ni Alma ang ebanghelyo sa Zarahemla at Gedeon (tingnan sa Alma 5–7), siya ay naglakbay patungo sa Melek. Basahin ang Alma 8:4–5, at alamin kung paano tinanggap ng mga tao ng Melek ang itinuro ni Alma. (Ang pariralang “banal na orden ng Diyos” sa Alma 8:4 ay tumutukoy sa priesthood, tulad ng makikita mo sa Alma 13.)

Matapos magturo ni Alma sa Melek, naglakbay siya patungo sa Ammonihas para mangaral. Lubhang kakaiba ang naranasan ni Alma sa mga taong nakatira roon. Pag-aralan ang mga sumusunod na larawan at scripture passage, at pagkatapos ay maglagay ng caption sa bawat isa, na ibinubuod ang nangyari kay Alma habang siya ay nasa Ammonihas:

Nakaupo si Alma sa lupa

Alma 8:8–13.

Si Alma at ang anghel

Alma 8:14–16.

Si Alma at si Amulek

Alma 8:18–26.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong (hindi mo kailangang isulat ang iyong mga sagot):

  • Ang anghel na nagpakita kay Alma ay ang anghel ding iyon na nagpakita noon sa kanya at sa mga anak ni Mosias. Paano nakapanatag kay Alma ang mga salita ng anghel (tingnan sa Alma 8:15)?

  • Bakit mahirap para kay Alma na bumalik sa Ammonihas (tingnan sa Alma 8:16)?

Kahit mahirap ang utos, si Alma ay “mabilis [na] bumalik sa lupain ng Ammonihas” (Alma 8:18). Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter na ikinalulugod ng Panginoon ang gayong pagsunod: “Talagang ikinalulugod ng Panginoon, higit sa anupamang bagay, ang matibay na determinasyong sundin ang kanyang payo” (“Commitment to God,” Ensign, Nob. 1982, 58).

  1. journal iconPumili ng isa o higit pa sa mga sumusunod na sitwasyon. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal kung paano mapagpapala ang isang tao kapag siya ay masunurin:

    1. Nang paalis na ang isang dalagita para pumasok sa paaralan, sinabihan siya ng kanyang ina na magsuot nang mas disenteng damit.

    2. Isang bagong priest ang hinikayat ng kanyang bishop o branch president na tapusin at kamtin ang gantimpala para sa Tungkulin sa Diyos.

    3. Nadama ng dalawang missionary na bisitahin ang isang di-gaanong aktibong pamilya, na ang ina ay hindi miyembro ng Simbahan.

Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 8:18–20: Kung tayo ay susunod agad sa salita ng Panginoon, tutulungan Niya tayo na masunod ang Kanyang mga kautusan.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na nadama mo na tinulungan ka ng Panginoon na maging mabuti at masunurin kahit mahirap ang sitwasyon.

Basahin ang Alma 8:27–32, at alamin ang maraming paraan ng pagtulong ng Panginoon kay Alma para magawa nito ang iniuutos sa kanya.

Alma 9

Sinabihan ni Alma ang mga tao ng Ammonihas na magsisi at maghanda para sa pagdating ni Jesucristo

Nakatala sa Alma 9 ang pagsisikap ni Alma na turuan ang mga tao sa Ammonihas tungkol sa pangangailangan nilang magsisi at matubos sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Para matulungan ang masasamang taong ito na maunawaan na kailangan nilang magsisi, sinabi sa kanila ni Alma na alalahanin ang ginawa ng Diyos para sa kanila at para sa kanilang mga ama.

Tingnan sa Alma 9:8–10, 13 ang pag-uulit ng mga salitang natatandaan at nakalimutan. Sa iyong palagay, paano maaaring naging iba ang ugali o ginagawa ng mga naninirahan sa Ammonihas kung tinandaan nila ang mga bagay na binanggit ni Alma?

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit mahalagang tandaan ang mga naging espirituwal na karanasan mo noon? Pagkatapos ay isulat ang isang espirituwal na karanasan na ayaw mong malimutan.

Matapos manawagan ng pagsisisi sa mga tao sa Ammonihas, itinuro sa kanila ni Alma na dapat silang maghanda para sa panahon ng pagdating ng Tagapagligtas sa mundo. Basahin ang Alma 9:26–27, at markahan ang mga salita at mga parirala na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga katangian ng Tagapagligtas. (Ang ibig sabihin ng salitang katarungan ay pagkakapantay-pantay at pagkamakatao.) Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salita at mga pariralang ito tungkol sa Tagapagligtas? Sa susunod na linggo, mag-ukol ng sapat na oras na pag-isipan ang mga ito.

Alma 10

Inilahad ni Amulek ang pagpapakita sa kanya ng isang anghel at pinayuhan ang mga tao na magsisi

Bilugan ang pahayag na pinakamainam na naglalarawan kung paano ka nagising sa umagang ito:

  • Kusa akong nagising, nang hindi gumagamit ng alarm clock o tinatawag ng isang tao.

  • Nagising ako sa unang pagtunog ng alarm clock o sa unang beses na tinawag ako.

  • Ilang beses tumunog ang aking alarm clock, o ilang beses akong tinawag bago ako nagising.

Basahin ang Alma 10:6, at alamin kung gaano karaming espirituwal na “pagtawag” ang natanggap ni Amulek sa panahong patuloy siyang naghihimagsik laban sa Panginoon. Sa patlang na makikita, isulat ang iyong sagot sa tanong na ito: Sa iyong palagay, ano ang ipinahihiwatig ng mga pariralang “ako ay tumangging makinig” at “ako ay hindi makaaalam” tungkol sa espirituwal na kalagayan ni Amulek bago pumunta ang anghel sa kanya?

Tulad ng nakatala sa Alma 10:2–11, inilarawan ni Amulek ang kanyang buhay bago siya kinausap ng isang anghel at ang kanyang pagbabalik-loob sa ebanghelyo. Hanapin sa Alma 10:1–6 ang mga detalye na tutulong sa iyo na malaman pa ang tungkol kay Amulek.

Nagtuturo si Amulek

Isinalaysay ni Amulek kung paano siya tinagubilinan ng isang anghel na papasukin si Alma sa kanyang tahanan at pakainin ito. Basahin ang Alma 10:7–11, at alamin kung paano napagpala si Amulek at ang iba pa dahil sinunod ni Amulek ang anghel.

Isulat ang alituntuning ito sa tabi ng Alma 10:11–12: Kapag pinakikinggan at sinusunod natin ang pagtawag ng Panginoon, darating ang mga pagpapala sa atin at sa ibang tao. Maraming paraan ang Panginoon sa “pagtawag” sa atin—sa pamamagitan ng panghihikayat ng Espiritu; sa pamamagitan ng damdamin; sa pamamagitan ng isang panaginip; sa pamamagitan ng mga salita ng lider ng Simbahan, titser, o magulang; sa pamamagitan ng pagtawag sa isang katungkulan sa Simbahan; sa pamamagitan ng paghihirap; o sa iba pang mga paraan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong: Kailan mo nadama na napagpala ka dahil sinunod mo ang “tawag” mula sa Panginoon?

Tulad ng nakasaad sa mga natitirang bahagi ng Alma 10, marami sa mga tao sa Ammonihas ang hindi nakinig sa mga salita ni Amulek. Binalaan sila ni Amulek na kung hindi sila magsisisi, darating ang panahon na sila ay malilipol. Basahin ang Alma 10:22–23, at alamin kung bakit naligtas sa pagkalipol ang mga tao noong panahong iyon. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pagiging mabuti kahit masama ang mga taong nasa paligid mo?

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 8–10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: