Unit 8, Day 2
2 Nephi 28
Pambungad
Ipinropesiya ni Nephi ang ilan sa mahihirap na kalagayan sa mga huling araw, pati na ang mga maling turo at kapalaluan ng mga huwad na simbahan na itatayo. Itinuro niya kung paano matutukoy ang mga maling doktrina at mga ugaling makamundo at tinukoy ang mga paraang ginagawa ni Satanas para ilihis ang mga kalalakihan at kababaihan mula sa mabuting pamumuhay.
2 Nephi 28:1–19
Inilarawan ni Nephi ang mga huwad na simbahan at maling mga turo ng ating panahon
Kadalasan sa maraming bansa ay may mga traffic sign na nagbibigay ng babala sa mga bumibiyahe kapag may anumang panganib na nagbabanta sa daan. Sa bansa at bayan na tinitirhan mo, anong hugis at kulay ng mga traffic sign ang nagpapaalisto sa mga nagmamaneho sa nakaambang panganib? Gayundin, ang mga lason at nakapipinsalang materyal ay karaniwang minamarkahan ng mga simbolo at babala sa mga pakete at lalagyan. Ano ang mga markang inilalagay sa mga aytem na ito sa lugar ninyo?
Tulad ng mga babalang ito, ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga babala na makatutulong sa iyo na iwasan ang mga impluwensya na nakapipinsala sa iyong espiritu. Inilahad ni Pangulong Ezra Taft Benson kung paano ka mabibigyan ng babala o mapapalakas ng Aklat ni Mormon laban sa masasamang hangarin ni Satanas: “Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina at inaalis ang pagtatalo. (Tingnan sa 2 Ne. 3:12.) Pinatitibay nito ang mapagkumbabang mga disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. Ang uri ng mga nag-apostasiya sa Aklat ni Mormon ay katulad ng uring mayroon tayo ngayon. Ang Diyos, sa kanyang walang-hanggang kaalaman sa mga bagay na mangyayari, ay binuo nang gayon ang Aklat ni Mormon upang makita natin ang mali at malaman kung paano dadaigin ang mga maling konsepto sa edukasyon, pulitika, relihiyon, at pilosopiya ng ating panahon” (“The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 3).
Ibinubunyag ng Aklat ni Mormon ang mga maling ideya ng diyablo at pinalalakas tayo laban sa kanyang masasamang hangarin. Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 28, binanggit ni Nephi ang ilan sa mga maling turo ng diyablo na karaniwan sa lahat ng henerasyon. Basahin ang 2 Nephi 28:3–9, at markahan ang mga maling turo at panlilinlang ni Satanas na nalaman mo roon. (Pansinin na ang 2 Nephi 28:7–9 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang isa sa mga maling turong inilahad sa 2 Nephi 28:3–9 na sa palagay mo ay lubos na nakapipinsala sa ating mga kabataan ngayon, at ipaliwanag ang iyong mga dahilan. Magsama rin ng halimbawa kung paano naaakit ang mga kabataan sa maling turong iyan.
Basahin ang 2 Nephi 28:12–14, at alamin ang sinabi ni Nephi na mangyayari sa maraming simbahan at mga tao, pati na sa ilang “mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo” (talata 14). Ang mga bagay na ito ay resulta ng kapalaluan at maling doktrina na nabasa mo sa 2 Nephi 28:3–9. Basahin ang 2 Nephi 28:15–16, 19, at tukuyin ang ilang epekto ng mga maling turong ito. Maaari mong markahan ang parirala sa 2 Nephi 28:19 na nagpapaliwanag ng gagawin ng diyablo sa mga hindi nagsipagsisi.
Scripture Mastery—2 Nephi 28:7–9
-
Basahin nang malakas ang 2 Nephi 28:7–9. Maglaan ng oras na isaulo ang 2 Nephi 28:8. Maaari mong isulat ito sa iyong scripture study journal nang walang kopya o bigkasin ito sa isang kapamilya o kaibigan. Sa mga huling araw maraming tao ang magtuturo ng mali, walang kabuluhan, at mga hangal na doktrina. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng ilang paraan na naipapalaganap ang mga hangal na doktrinang ito at maikling ipaliwanag kung paano mo matutukoy ang mga hangal na doktrina ng mundo at maiiwasan ang mga ito.
2 Nephi 28:20–32
Nagbabala si Nephi tungkol sa panlilinlang ni Satanas
Bilang paghahanda sa iyong pag-aaral ng natitirang bahagi 2 Nephi 28, basahin ang sumusunod na karanasan ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, noong bumisita siya sa isang wildlife reserve kaugnay ng kanyang assignment sa Africa:
“Huminto kami sa isang inuman ng tubig upang masdan ang mga hayop na dumarating para uminom. Lubhang tagtuyot ang panahong iyon at walang gaanong tubig, talagang mapuputik na lugar lamang. …
“Ang mga Antelope, lalo na, ay takot na takot. Lalapit sila sa tubig sa putikan, pero bigla na lamang pipihit at tatakbong palayo sa sobrang takot. Nakikita ko na walang mga leon sa paligid at tinanong ko ang guide kung bakit hindi sila umiinom. Ang sagot niya, at ito ang leksyon, ay ‘Mga buwaya.’
“Alam ko na nagbibiro lang siya at tinanong ko siya nang seryoso, ‘Ano ang problema?’ Muli niyang sagot: ‘Mga buwaya.’
“‘Kalokohan,” sabi ko. ‘Walang mga buwaya roon. Kahit sino alam iyan.’ …
“Halata niya na hindi ko siya pinaniwalaan at ipinasiya niya, sa palagay ko, na turuan ako ng leksyon. Naglakbay kami sa isa pang lugar kung saan ang sasakyan ay nasa isang dike sa itaas ng maputik na inuman kung saan matatanaw namin ang ibaba. ‘Hayun,’ sabi niya. ‘Tingnan mo mismo.’
“Wala akong makitang anuman maliban sa putik, kaunting tubig, at mga natatakot na hayop sa kalayuan. Pagkatapos ay bigla kong nakita iyon!—isang malaking buwaya, na nakapirmi sa putikan, na naghihintay sa ilang walang kahina-hinalang hayop na mauhaw nang husto upang lumapit para uminom doon.
“Bigla akong napaniwala! Nang mapansin niyang handa akong makinig, itinuloy niya ang pagtuturo. ‘Maraming buwaya sa buong parke,’ sabi niya, ‘hindi lang sa mga ilog. Lahat ng tubigan dito may buwayang umaaligid, huwag mong isipin na baka wala naman.’ …
“Noong isang beses na pumunta akong muli sa Africa naikuwento ko ang karanasang ito sa game ranger sa isa pang parke. …
“Pagkatapos ay ipinakita niya ang lugar kung saan isang trahedya ang nangyari. Isang binata mula sa England ang pansamantalang nagtrabaho sa hotel. Kahit paulit-ulit na siyang sinabihan, inakyat niya ang bakod ng compound para tingnan ang isang bagay sa putikan na mababaw lamang kaya hindi man lang lumubog ang kanyang sapatos.
“‘Hindi pa man siya nakakadalawang hakbang,’ sabi ng ranger, ‘nang isang buwaya ang sumakmal sa kanya, at wala na kaming nagawa para sagipin siya’” (“Spiritual Crocodiles,” Ensign, Mayo 1976, 30–31).
Bakit mapanganib na pagdudahan na may buwaya kapag hindi mo ito nakikita? Paano maitutulad ang karanasan ni Pangulong Packer at ng binata sa inilarawan ni Nephi sa 2 Nephi 28:22?
Ipinaliwanag ni Pangulong Packer:
“Ang mga nakatatanda sa inyo na may mga karanasan na sa buhay ay binabalaan kayo sa mga panganib na maaari ninyong suungin. Hindi lamang ang malalaking buwaya na kaya kayong lapain, kundi ang mga espirituwal na buwaya, na talagang mas mapanganib, at mas mapanlinlang at mas mahirap pa ngang makita kaysa nakabalatkayong mga buwaya sa Africa.
“Ang mga espirituwal na buwayang ito ay kayang patayin o luray-lurayin ang inyong kaluluwa. Kaya nilang sirain ang kapayapaan ng inyong isipan at ng isipan ng mga taong nagmamahal sa inyo. Ito ang mga bagay na dapat tayong mabigyang-babala, dahil talamak na ito ngayon sa buong mundo (“Spiritual Crocodiles,” 31).
Sa mga sumusunod na linya, sagutin ang sumusunod na tanong: Sa anong mga paraan nagkakatulad ang mga buwaya sa Africa sa mga tukso at taktika ni Satanas?
Basahin ang 2 Nephi 28:20–21, 24–26, at alamin ang mga paraan ng pagwasak sa atin ni Satanas. (Makatutulong na malaman na ang ibig sabihin ng pariralang gagawin niyang payapa sa 2 Nephi 28:21 ay payapain, ipaghele, o patulugin ang espirituwalidad.) Ayon sa mga talatang ito, anong mga pamamaraan ang ginagamit ni Satanas para payapain at mapailalim tayo sa kanyang kapangyarihan? .
Ang pangunahing alituntunin na itinuro sa mga talatang ito ay: Si Satanas ay gumagamit ng maraming taktika para matukso tayo, tulad ng pag-udyok sa atin na magalit, pagpapayapa at pagpapakampante sa atin, at sobrang pagpuri sa atin.
-
Sagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ginagamit ni Satanas ang galit para linlangin at wasakin ang mga indibiduwal, pamilya, at komunidad?
-
Ano ang ilang mabubuting bagay na inuudyok ni Satanas sa mga tao na kapootan?
-
Maglarawan ng kahit dalawang halimbawa kung paano napapayapa o nakakampante at nabubulag ang mga tao sa mga panganib na dulot ni Satanas.
-
Basahin ang sumusunod na paliwanag ni Bishop Richard C. Edgley, tagapayo sa Presiding Bishopric, tungkol sa unti-unting pagbitag na ginagamit sa atin ni Satanas: “Hindi natin masasabi na gagawa lang tayo ng kaunting kasalanan sa ating kabataan o susubukan lang nating gumawa ng kasalanan. Walang pasubok-subok sa kasalanan. Bawat gawain, mabuti man o masama, ay may ibinubunga. Bawat mabuting ginawa ay naghihikayat sa ating gumawa pa ng mabuti at mas manindigan laban sa kasalanan o pagkakamali. Bawat paglabag, magaan man ito, ay mas nagpapahina sa ating umiwas sa muling panunukso ni Satanas. Inuunti-unti tayo ni Satanas, nililinlang tayo na walang gaanong epekto ang maliit na kasalanang nagawa natin hanggang sa matukso niya tayo na gumawa ng mabigat na kasalanan. Inilarawan ni Nephi ang pamamaraang ito ni Satanas na pagpapayapa, dahan-dahang pag-akay, at sobrang pagpuri hanggang ‘mahawakan [tayo] ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala, na kung saan ay walang kawala’ (2 Ne. 28:22; tingnan din sa t. 21)” (“That Thy Confidence Wax Strong,” Ensign, Nob. 1994, 40).
Ginagamit ni Satanas ang mga tusong taktikang ito para udyukan tayong mag-isip, magsalita, at gumawa ng mali. Basahin ang 2 Nephi 28:27–29, at alamin ang iba pang mga babala.
Nagbigay ang Panginoon ng isa pang babala, na isinama sa bandang katapusan ng kabanatang ito. Basahin ang 2 Nephi 28:30–32, at pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong: Bakit tinatawag ng Diyos na pinagpala ang ilang tao? Paano nakatutulong ang pagsunod sa payo ng Diyos sa pagdaig sa mga taktika ng diyablo?
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang natutuhan mo sa lesson na ito na tutulong sa iyo na madaig ang mga taktika ni Satanas. Anong mga lugar, aktibidad, o pag-uugali ang dapat mong iwasan para hindi ka malantad sa impluwensya ni Satanas?
-
Pag-isipan ang talakayan tungkol sa mga babala o warning sign sa simula ng lesson na ito. Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng isang babala o warning sign na naglalarawan ng espirituwal na panganib na sa palagay mo ay kailangang ipaalam sa mga kabataan ngayon. Maghandang ibahagi ito sa iyong titser at sa mga miyembro ng klase.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 28 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: