Unit 17: Day 4
Alma 23–24
Pambungad
Kasunod ng kanyang pagbabalik-loob, ipinahayag ng hari ng mga Lamanita ang kalayaang pangrelihiyon sa kanyang mga tao. Dahil sa ipinahayag na ito, naipangaral ni Aaron at ng kanyang mga kapatid ang ebanghelyo at naitatag ang simbahan sa maraming lunsod ng mga Lamanita. Libu-libong Lamanita ang nagbalik-loob at hindi kailanman tumalikod. Ang mga Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon ay nakipagtipan na hindi na nila gagamitin ang kanilang mga sandata sa pakikidigma. Tinawag nila ang kanilang sarili sa pangalang Anti-Nephi-Lehi. Nang salakayin sila ng mga Lamanita na hindi nagbalik-loob, isinakripisyo ng marami sa mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang buhay sa halip na hindi tumupad sa kanilang mga tipan.
Alma 23
Libu-libong Lamanita ang nagbalik-loob sa Panginoon at tinaglay ang pangalang Anti-Nephi-Lehi
-
Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng isang masayang mukha at isang malungkot na mukha. Isulat sa ilalim ng masayang mukha ang Matapat at sa malungkot na mukha ang Hindi Matatag. Sa iyong pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, alamin ang mga salita o parirala na naglalarawan sa dalawang magkaibang uring ito ng mga tao. Isulat ang mga salita o pariralang ito sa ilalim ng angkop na larawan.
“Bawat isa sa atin ay nakapapansin kung paano nabubuhay ang ilang tao nang di pabag[u]-bagong naisasagawa ang tamang mga bagay. Tila maligaya sila at masigasig sa buhay. Kung may mahihirap na pagpapasiyang dapat gawin, tila palagi nilang napipili ang tumpak na mga pasiya, bagamat may nakakaakit na mga alternatibo silang mapagpipilian. Batid nating napapasailaim din sila sa tukso, ngunit tila di nila ito pinapansin. Gayundin, napapansin natin ang iba na [hindi gaanong matatag] sa mga pasiyang kanilang ginawa. Sa napakaespirituwal na kapaligiran, nagpapasiya silang higit na pagbubutihin ang mga ginagawa, babaguhin ang landas ng buhay, [isasantabi] ang nakasisirang mga kaugalian. Matapat sila sa pagpupunyagi nilang magbago, ngunit hindi nagtatagal ay bumabalik sila sa paggawa ng mga bagay na pinagpasiyahan nilang talikuran.
“Ano ang dahilan ng pagkakaiba ng dalawang grupong ito? Paano kayo palaging makagagawa ng tamang mga pagpipili?” (“Ang Ganap na Pagbabalik-loob ay Nagdudulot ng Kaligayahan,” Liahona, Hulyo 2002, 24).
Isipin kung paano mo sasagutin ang dalawang tanong ni Elder Scott. Sa iyong pag-aaral ng Alma 23–24, isipin kung bakit maraming miyembro ng Simbahan ang nananatiling tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo sa buong buhay nila.
Pagkatapos magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo ang hari ng mga Lamanita, nagpadala siya ng pahayag sa lahat ng kanyang mga tao, at nangyari ang isang himala. Nagbalik-loob din ang libu-libong Lamanita. Basahin ang Alma 23:1–5 at alamin kung ano ang pahayag na iyon at kung paano nangyari ang himala.
Basahin ang Alma 23:6–7. Ilan sa libu-libong “nagbalik-loob sa Panginoon” ang nanatiling tapat sa buong buhay nila?
Matapos magbalik-loob ang mga Lamanitang ito, gusto nilang tawagin sila sa bagong pangalan upang hindi na sila makilala bilang mga Lamanita. Basahin ang Alma 23:16–18, at tukuyin ang pangalang napili nila at ang mga pagpapalang dumating sa kanila dahil sa kanilang katapatan.
-
Sa iyong scripture study journal, sa ilalim ng larawang may nakasulat na “Matapat,” isulat ang natutuhan mo mula sa mga Anti-Nephi-Lehi tungkol sa pagiging matapat sa Panginoon sa buong buhay mo.
Isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal: Ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob ay espirituwal na pagbabago at pagiging bagong tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Tulad ng pagbabago ng mga Anti-Nephi-Lehi, kung handa mong tanggapin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa iyong buhay sa pamamagitan ng iyong pananampalataya at pagsisisi, ikaw ay magiging bagong tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at mananatiling nagbalik-loob sa buong buhay mo.
Tingnan muli ang dalawang tanong ni Elder Scott, at pagkatapos ay basahin ang kanyang sagot: “Ang tunay na pagbabalik-loob ay bunga ng pananampalataya, pagsisisi, at palagiang pagsunod. … Ang tunay na pagbabalik-loob ay magpapalakas sa inyong kakayahang gawin ang batid ninyong dapat ninyong gawin, kung kailan ninyo ito dapat gawin, anuman ang inyong kalagayan” (“Ang Ganap na Pagbabalik-loob ay Nagdudulot ng Kaligayahan,” 25).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ayon sa Alma 23:18, ang mga nagbalik-loob na Lamanita ay nagsimulang maging masisipag at magigiliw sa mga Nephita. Kapag nagsisikap ang mga tao na magsisi at baguhin ang kanilang buhay, bakit mahalaga para sa kanila na makihalubilo sa iba na nagsisikap din na mamuhay nang matwid?
-
Tingnan ang mga isinulat mo sa ilalim ng “Matapat” sa iyong scripture study journal. Isipin kung gaano naglalarawan ang mga isinulat mo sa iyong antas ng pagbabalik-loob. Isulat sa iyong scripture study journal ang gagawin mo para maging lubos ang iyong pagbabalik-loob sa Panginoon.
Alma 24
Nakipagtipan ang mga Anti-Nephi-Lehi na hindi na muling hahawak ng mga sandata
Tulad ng nakatala sa Alma 24:3, iginawad ng hari ng mga Lamanita ang kaharian sa kanyang anak bago siya pumanaw, at ibinigay niya sa kanyang anak ang pangalang Anti-Nephi-Lehi. Basahin ang Alma 24:1–5 upang malaman kung ano ang naging problema kalaunan kaya nakipagpulong si Ammon at ang kanyang mga kapatid sa hari. Nang mabalitaang makikidigma ang mga hindi nagbalik-loob na Lamanita laban sa mga Anti-Nephi-Lehi, nagpasiya ang mga matwid na tao na ito na hindi sila gagawa ng paghahanda upang maipagtanggol ang kanilang sarili (tingnan sa Alma 24:6). Basahin ang Alma 24:7–14, at alamin ang dahilan kung bakit ganito ang naging pasiya ng mga Anti-Nephi-Lehi.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang natutuhan mo mula sa mga Anti-Nephi-Lehi tungkol sa ibig sabihin ng pagtalikod sa ating mga kasalanan kapag nagsisi tayo.
Basahin ang Alma 24:15–18, at alamin ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi upang ipakita sa Panginoon na tunay silang nagsisi. Bakit ibinaon ng mga tao ang kanilang mga espada at iba pang mga sandata nang malalim sa lupa? (Tingnan sa Alma 24:17–18.)
Sa sarili nating buhay, kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, dapat nating sikaping hindi na maulit kailanman ang mga kasalanang iyon. Basahin ang itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa pagtalikod sa kasalanan bilang isang mahalagang aspeto ng pagsisisi: “Sa pagtalikod sa kasalanan, hindi lamang ito basta paghahangad na mapabuti. Dapat niya itong gawin. … Dapat niyang tiyakin na hindi lamang niya tinalikuran ang kasalanan kundi binago ang mga sitwasyong nakapalibot sa kasalanan. Dapat niyang iwasan ang mga lugar at sitwasyon at pangyayari kung saan nangyari ang kasalanan, sapagkat maaring higit itong handang umusbong muli. Dapat niyang talikdan ang mga taong kasama niya sa pagkakasala. Maaaring hindi niya kinamumuhian ang mga taong kasangkot subalit dapat niyang iwasan sila at lahat ng bagay na may kinalaman sa kasalanan. Dapat siyang … magbagong-buhay. Dapat niyang alisin ang lahat ng bagay na magpapaalala sa nakaraan” (The Miracle of Forgiveness [1969], 171–72).
Sa Alma 24:10–12, markahan ang mga salita o pariralang nagpapakita ng pagsisisi ng mga Anti-Nephi-Lehi at ng pagpapatawad ng Diyos sa kanilang mga kasalanan. Isulat ang sumusunod na alituntunin sa margin sa tabi ng mga talatang ito: Kung gagawin natin ang lahat para magsisi, aalisin ng Diyos ang ating mga pagkakasala at tutulungan tayong manatiling malinis. Puntahan ang tala tungkol sa pagbabaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ng kanilang mga sandata sa ilalim ng lupa. Sa ating panahon, kailangan pa rin nating “ibaon” ang ating mga kasalanan upang ipakita sa Panginoon na ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para magsisi at huwag na muling ulitin ang gayon din mga kasalanan.
-
Isipin kung paano matitiyak ng mga tao sa mga sumusunod na sitwasyon na hindi na nila muling uulitin ang gayon ding mga kasalanan. Sumulat ng mungkahi para sa bawat sitwasyon sa iyong scripture study journal:
-
Pinanood ng isang tao ang mahalay na tagpo sa pelikula dahil niyaya siya ng kanyang mga kaibigan na panoorin iyon kasama sila.
-
Palihim na nilabag ng isang tao ang Word of Wisdom kasama ang mga kaibigan nang lumabas ang grupo sa gabi.
-
Isang tao ang nagsabi ng mga sagot mula sa isang natapos na exam sa isang kaibigan na naghahandang kumuha ng kaparehong test sa araw ding iyon.
-
Pag-isipan ang sumusunod na tanong: Ano ang kailangan mong “ibaon” sa iyong buhay upang hindi ka na matuksong ulitin ang mga kasalanang pinagsisihan mo na?
Basahin ang Alma 24:19–22 para malaman ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi nang dumating ang mga Lamanita upang makidigma laban sa kanila. Ipinakita ng mga taong ito ang kanilang katapatan sa Panginoon sa pagiging handang mamatay sa halip na sirain ang isang pangakong ginawa nila sa Panginoon. Ibinigay nila nang lubos ang kanilang buhay sa Panginoon, at sila ay nanatiling lubos na matapat sa Kanya habang buhay.
Basahin ang itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa pagbibigay ng ating buhay sa Panginoon:
“Ang [mga tao] na nagbago dahil kay Cristo ay pamumunuan ni Cristo. Tulad ni Pablo itatanong nila, ‘[Panginoon, ano ang nais mong ipagawa sa akin?]’ (Mga Gawa 9:6.) …
“Ang kanilang kalooban ay nagpapasakop sa Kanyang kalooban. (Tingnan sa Juan 5:30.)
“Lagi nilang ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Panginoon. (Tingnan sa Juan 8:29.)
“Hindi lamang sila handang mamatay para sa Panginoon, ngunit, ang mas mahalaga, nais nilang mabuhay para sa Kanya.
“Pumasok kayo sa kanilang tahanan, at ang mga larawang nakasabit sa kanilang mga dingding, mga aklat sa kanilang mga estante, musikang maririnig sa paligid, ang kanilang mga salita at kilos ay nagpapahayag na sila ay mga Kristiyano.
“Tumatayo sila bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. (Tingnan sa Mosias 18:9.)
“Nasa isipan nila si Cristo, dahil isinasaalang-alang nila Siya sa bawat pag-iisip. (Tingnan sa D at T 6:36.)
“Nasa puso nila si Cristo dahil nasa Kanya ang kanilang pagmamahal magpakailanman. (Tingnan sa Alma 37:36.)” (“Born of God,” Ensign, Nob. 1985, 6–7).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa linggong ito, ano ang ilang paraan na maipapakita mo na ibinigay mo nang lubos ang iyong buhay sa Panginoon?
Basahin ang Alma 24:23–27, na naglalarawan sa reaksyon ng mga Lamanita nang makita nila na hindi lumalaban ang mga Anti-Nephi-Lehi. Sa iyong pagbabasa, maghanap ng mga salita o parirala na nagtuturo ng alituntuning ito: Sa pagiging tapat sa Panginoon, matutulungan natin ang iba na magbalik-loob. Isipin kung paano maiimpluwensyahan ang mga kapamilya o mga kaibigan mo ng iyong pasiya na maging tapat sa Panginoon.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 23–24 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: