Seminary
Unit 21: Day 2, Alma 50–52, 54–55


Unit 21: Day 2

Alma 50–52; 54–55

Pambungad

Patuloy na tinulungan ni Kapitan Moroni ang kanyang mga tao na ipagtanggol ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpapatibay ng kanilang mga lunsod. Ang mga Nephita ay nagtagumpay laban sa mga Lamanita hanggang sa nagsimula na naman silang pahinain ng paghihimagsik at kasamaan. Sa kabila ng pagsisikap ni Moroni na pagkaisahin at ipagtanggol ang mga tao, nawala sa mga Nephita ang maraming lunsod dahil sila mismo ay nagtalu-talo. Sa huli, muling nabawi nina Moroni, Tiankum, at Lehi ang lunsod ng Mulek at natalo ang isa sa mga pinakamalaking hukbo ng mga Lamanita. Si Amoron, ang masamang pinuno ng mga Lamanita, ay nagtangkang makipagpalitan ng mga bihag, ngunit napalaya ni Moroni ang mga bihag na Nephita nang walang pagdanak ng dugo. Nanatiling matatag si Moroni at hindi nagpadaig kay Amoron at sa mga tagasunod nito.

Alma 50–51

Ang mga Nephita ay lumalakas at umuunlad kapag masunurin sila sa Panginoon at nagkakaisa

Pag-isipan ang isang pagkakataon sa iyong buhay na nahirapan kang makayanan ang isang hamon, tulad ng tukso, problema sa kalusugan, problema sa eskwelahan, o sa mga kaibigan o mga kapamilya. Hinangad mo ba na mas malakas sana ang iyong espirituwalidad noong panahong iyon?

Pangulong Henry B. Eyring

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Kapag ang pwersa [ng kasalanan] sa paligid ninyo ay tumitindi, anumang espirituwal na lakas na taglay ninyo noon ay hindi sasapat. At kung naisip natin noon na posible ang paglakas ng ating espirituwalidad, ang higit na paglakas ng ating espirituwalidad ay makakamtam din natin ngayon. Kapwa ang pangangailangan para sa espirituwal na lakas at ang pagkakataon na matamo ito ay mag-iibayo sa antas na hindi natin aakalain” (“Always,” Ensign, Okt. 1999, 9).

Ang mga paghahandang ginawa ng mga Nephita para sa kanilang mga digmaan ay makatutulong sa atin na matutuhan ang katotohanang ito: Kung espirituwal nating ihahanda ang ating sarili, makakayanan natin ang mga hamon sa buhay.

Rebyuhin ang Alma 50:1–6. Ano ang ginawa ng mga Nephita para mapatibay ang mga muog sa paligid ng kanilang mga lunsod? Basahin ang Alma 50:7. Ano pa ang ginawang paghahanda ng mga Nephita para sa digmaan?

Ang mga Nephita ay nagtayo ng mga muog na nagbigay sa kanila ng lakas sa panahon ng matinding pagsubok. Matutularan natin ang kanilang halimbawa sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ating espirituwal na lakas ngayon nang sa gayon ay magkaroon tayo ng lakas na kailangan natin sa mahihirap na panahon. Ang espirituwal na lakas ay lubos na napagtitibay sa pamamagitan ng palagian at araw-araw na pagsisikap. Tayo ay espirituwal na lumalakas sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng banal na kasulatan, pagdarasal, pagdalo sa mga miting ng Simbahan, pagtupad sa ating mga tungkulin, pagpapasalamat sa Diyos, paglilingkod sa kapwa, at pakikinig at pagsunod sa payo ng mga lider natin sa Simbahan.

  1. journal iconKumpletuhin ang mga sumusunod na pahayag sa iyong scripture study journal:

    1. Mas mapapalakas ko ang aking espirituwalidad sa pamamagitan ng (isulat ang ilang bagay na magagawa mo).

    2. Mas palagian akong (pumili ng isang aytem mula sa isinulat mo) bawat araw para mapalakas ko ang aking espirituwalidad.

Basahin ang Alma 50:19–23, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga Nephita na matatapat sa Kanya sa kabila ng mahihirap na kalagayan sa kanilang panahon. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa tabi ng mga talatang ito: Ang katapatan sa Diyos ay nagdadala ng mga pagpapala, maging sa gitna ng kaguluhan. Basahin ang Alma 50:21 at alamin ang sinabi ni Mormon na dahilan ng pagkawala ng mga pagpapalang ito sa mga Nephita.

Sa panahong pinamumunuan ni Kapitan Moroni ang mga Nephita sa mga digmaan laban sa mga Lamanita, si Pahoran ang naging punong hukom ng mga Nephita. Siya ay isang matwid na tao, at nagsikap na mapanatili ang kapayapaan sa lupain. Gayunman, isang grupo ng mga Nephita ang naghangad na baguhin ang mga batas ng mga Nephita para mapamahalaan sila ng isang hari, at hindi ng mga hukom. Ang bagay na ito ay pinagbotohan, at pinili ng mga tao na panatilihin ang panunungkulan ng mga hukom. Gayunman, hindi sinuportahan ng “mga king-men” ang tinig ng mga tao at tumangging makipaglaban kasama ng iba pang mga Nephita nang sumalakay ang mga Lamanita para makidigma. Pinamunuan ni Moroni ang kanyang mga hukbo laban sa mga king-men para pwersahin sila na makiisa sa mga Nephita. Labis na nagpahina ito sa mga Nephita sa kanilang pakikidigma sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 51:1–21).

Basahin ang Alma 51:22–27, at hanapin ang katibayan na nagkaroon ng kalamangan ang mga Lamanita sa mga Nephita dahil sa alitan sa mga king-men. Isipin ang alituntuning ito: Ang pagkakahati-hati at pagtatalu-talo ay nakawawasak ng kapayapaan.

  1. journal iconBasahin ang Alma 50:39–40 at Alma 51:22, at pansinin kung paano sinikap nina Pahoran at Kapitan Moroni na mapanatili ang kapayapaan sa kanilang mga tao. Pag-isipan ang isang panahon sa iyong buhay na nakakita ka ng pagtatalu-talo, ito man ay sa mga kaibigan, mga miyembro ng pamilya, kasamahan sa eskwelahan, o iba pa. Pag-isipan din ang mga katangian ng isang tao na nagsisikap na mapanatili ang kapayapaan. Isulat sa iyong scripture study journal ang mga katangiang dapat taglayin ng isang tagapamayapa.

Alma 52

Nagtulungan sina Moroni at Tiankum para matalo ang mga Lamanita

Si Kapitan Moroni at ang Bandila ng Kalayaan

Tulad ng nakatala sa Alma 51:33–34, si Amalikeo ay napatay ni Tiankum, isa sa pinakamahuhusay na pinuno ng mga hukbo ng mga Nephita. Pagkatapos ng kamatayan ni Amalikeo, ang kanyang kapatid na si Amoron ang namuno sa mga hukbo ng mga Lamanita. Iniutos ni Moroni kay Tiankum na patuloy na patibayin at protektahan ang hilagang bahagi ng lupaing Masagana at bawiin ang anumang lunsod ng mga Nephita na nasakop ng mga Lamanita, hangga’t maaari (tingnan sa Alma 52:1–10). Basahin ang Alma 52:15–17, at alamin kung bakit ipinasya ni Tiankum na huwag salakayin ang lunsod ng Mulek.

Alam ni Tiankum na kapag ang kaaway ay nasa matibay na muog, mahirap itong talunin. Mula sa kanyang karanasan, matututuhan natin ang alituntuning ito: Kung iiwasan natin ang mga muog ng kaaway, mas lalo nating maiiwasan at mapaglalabanan ang mga tukso.

  1. journal iconAno ang ilan sa mga lugar na maituturing na mga muog ng kaaway? (Ang mga ito ay mga lugar o sitwasyon kung saan maiimpluwensyahan ka na magkasala kung pupunta ka roon—halimbawa, isang party kung saan nag-iinuman ng alak ang mga tao o nanonood ng hindi angkop na pelikula.) Isulat sa iyong scripture study journal ang ilan sa mga lugar na ito. Isulat din kung bakit dapat mong iwasan ang mga lugar na ito.

Mahirap na panahon iyon para sa Nephita dahil nasakop ng mga Lamanita ang maraming lunsod ng mga Nephita habang ang mga Nephita ay nakikipaglaban sa mga king-men. Ginamit ng mga Lamanita ang mga lunsod na iyon bilang mga muog, kaya mahirap para sa mga Nephita na bawiin ang mga ito. Gumawa ng plano si Moroni para mapalabas ang mga Lamanita mula sa lunsod ng Mulek upang mabawi ng mga Nephita ang lunsod. Basahin ang Alma 52:21–26 para malaman ang ginawa nina Moroni at Tiankum.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang ginawa nina Moroni at Tiankum para mabawi ang lunsod ng Mulek (tingnan sa Alma 52:21–26). Isulat din kung ano sa palagay mo si Moroni bilang heneral. Paano siya naging mabuting heneral para sa mga Nephita?

Alma 54–55

Tumanggi si Moroni na makipagpalitan ng mga bihag kay Amoron at nabawi ang lunsod ng Gid

Sa buong digmaan ng mga Lamanita at mga Nephita, ang dalawang panig ay kapwa maraming bihag sa digmaan. Ang pinuno ng mga Lamanita na si Amoron ay nagpadala ng liham kay Moroni, hinihiling na magpalitan sila ng mga bihag. Masaya si Moroni na makipagpalitan ng mga bihag upang ang mga nabihag na Nephita ay makabalik at upang hindi na kailangang pakainin at pangalagaan pa ang kanilang mga bihag na Lamanita. (Tingnan sa Alma 54:1–2.)

Gayunman, nang magpalitan sila ng liham ni Amoron, sumulat si Amoron na nagsasabing sumuko na ang mga Nephita at hayaang pamunuan sila ng mga Lamanita. Sinabi niya na ang mga Nephita ay mga mamamatay-tao at makatwiran lamang na makidigma ang mga Lamanita sa kanila. Sinabi niya rin na walang Diyos. (Tingnan sa Alma 54:16–24.)

Nang matanggap ni Moroni ang liham na ito, alam niya na nagsisinungaling si Amoron. Alam ni Amoron na walang matwid na dahilan ang mga Lamanita para makidigma sa mga Nephita. Sinabi ni Moroni na hindi siya makikipagpalitan ng mga bihag at hindi niya bibigyan ng karagdagang lakas ang mga Lamanita. Maghahanap siya ng paraan para mailigtas ang mga bihag na Nephita nang hindi nakikipagpalitan ng mga bihag. (Tingnan sa Alma 55:1–2.)

Basahin ang Alma 55:3–24 para malaman ang ginawa ni Moroni para mailigtas ang mga bihag na Nephita.

Nang tumanggi si Moroni na pagbigyan ang mga kahilingan ni Amoron at nakahanap ng paraan para mailigtas ang mga bihag na Nephita, nahadlangan niya ang mga Lamanita na magkaroon ng malaking kalamangan sa mga Nephita at sa halip ay nabigyan niya ng malaking kalamangan ang mga Nephita. Ang isang katotohanan na matututuhan mula sa halimbawa ni Moroni ay ito: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon at susundin Siya nang may kahustuhan, susuportahan Niya tayo sa ating mga paghihirap.

Ang tala na matatagpuan sa Alma 55:3–24 ay isang napakagandang salaysay tungkol sa pagsagip. Isipin ang isang kapamilya o kaibigan na masisiyahang marinig ang salaysay na ito, at mag-ukol ng oras na ikuwento ito sa taong iyon. Maaari mo ring ibahagi sa taong ito ang alituntunin na nakasulat sa bold letter sa talata na nasa itaas at ipaliwanag kung paano naging isang halimbawa si Moroni ng alituntuning ito.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 50–52; 54–55 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: