Unit 13: Day 4
Mosias 25
Pambungad
Tulad ng nakatala sa Mosias 25, ang mga tao ni Limhi at ang mga tagasunod ni Alma ay naglakbay patungo sa Zarahemla upang sama-samang maging ligtas sa pamumuno ni Haring Mosias. Sa pagsasama-sama ng mga pangkat na ito ng mga Nephita, nakilala nila ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang kapangyarihan na mailigtas sila. Nagtatag din sila ng nagkakaisang Simbahan. Sa iyong pag-aaral ng lesson na ito, maaaring makatulong sa iyo na isipin kung paano mo nakita ang kabutihan ng Diyos sa iyong buhay at ang mga pagpapala na mapabilang sa totoong Simbahan ni Jesucristo.
Mosias 25:1–13
Ang mga nagtipon sa Zarahemla ay nagkaisa at nakilala bilang mga Nephita
Basahin ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang dalagita na naproteksyunan ng Espiritu habang nagha-hiking kasama ang kanyang grupo sa Young Women:
“Nang pauwi na kami, medyo mabagal lumakad ang grupo ko, na kinabibilangan ng limang babae at ng aming lider. Abalang-abala pa sila sa pagkuha ng retrato, kaya nagpasya ako na mauna na. Nang pababa na ako ng burol may narinig akong ungol ng baka [na parang naghihingalo]. Isang tinig na nagbababala, mariin pero tahimik, ang nagsabing ‘Bumalik ka.’ Hindi ko ito pinansin, pero narinig ko itong muli. Sa pagkakataong ito, pinakinggan ko na ito at bumalik sa grupo. Nang pababa na kaming muli, nakakita kami ng dalawang malaking itim na toro na mabilis at sumisingasing na umaakyat sa burol. Nagsimulang isudsod ng pinakamalaking toro ang mga paa nito sa lupa habang nakatitig sa amin. … Takot na takot kami, pero mabuti na lang at nailihis ng priesthood leader namin ang atensyon nito, at ligtas kaming nakaakyat sa bakod.
“Nang nakabalik na kami sa kampo, napag-isip ko na kung hindi ako nakinig sa babala ng Espiritu, siguro ay nasugatan ako nang malubha o baka napatay pa. Alam ko na personal na nagmamalasakit sa akin ang Ama sa Langit at pinanatili akong ligtas. Nagpapasalamat ako nang lubos sa Panginoon sa babalang iyon. Ang karanasang ito ay nagpalakas ng aking patotoo at tumindi ang pagmamahal ko sa Panginoon” (Marissa W., “Turn Back,” New Era, Nob. 2010, 47).
Paano ka napalakas ng pakikinig o pagbabasa ng mga karanasan ng ibang tao na naglalarawan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay?
Sa pagsasama-sama ng mga tao ni Limhi at ng mga tao ni Alma sa Zarahemla, ipinabasa ni Haring Mosias ang kanilang mga talaan sa lahat ng tao (tingnan sa Mosias 25:1–6). Hanapin sa Mosias 25:7 kung ano ang reaksyon ng mga tao ni Haring Mosias habang nakikinig sila sa mga tala ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga taong ito.
-
Sa bawat isa sa apat na talata sa Mosias 25:8–11, itala sa iyong scripture study journal ang reaksyon ng mga tao nang marinig nila ang ulat tungkol sa kanilang mga kapatid. Halimbawa, sa Mosias 25:8, nang makita nila ang mga taong napalaya mula sa pagkaalipin sa mga Lamanita, sila ay “napuspos ng labis na kagalakan.”
Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 25:8–11: Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga talaan ng pakikitungo sa iba ng Diyos, makadarama tayo ng galak at pasasalamat sa kabutihan ng Diyos.
Isipin ang mga posibleng sources o mapagkukunan kung saan malalaman mo ang tungkol sa ibang tao na nakaranas ng kabutihan ng Diyos. Kabilang dito ang mga banal na kasulatan, kasaysayan ng Simbahan, mga magasin ng Simbahan, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sariling family history record, testimony meeting, at mga klase ng Sunday School at priesthood o Young Women. Isipin ang pagkakataon na nalaman mo ang kabutihan ng Diyos sa mga mapagkukunang ito. Pagkatapos ay isipin ang mga isasagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Naranasan ko na ba na magalak o magpasalamat dahil sa nalaman kong kabutihan ng Diyos sa ibang tao?
-
Ano ang ilang matitinding epekto kung palagi kong pag-aaralan ang mga pangyayari tungkol sa kabutihan ng Diyos sa Kanyang pakikitungo sa tao—ito man ay sa mga banal na kasulatan o sa iba pang mga mapagkukunan?
Sa susunod na linggo, maaari mong hanapin sa isa sa mga mapagkukunang materyal na naisip mo ang isang kuwento tungkol sa kabutihan ng Diyos na nagpadama sa iyo ng pagkamangha, galak, o pasasalamat. Maaari mong isulat sa iyong personal journal ang natutuhan mo at paano ito nakaapekto sa iyo. Maaari mo ring gamitin ang kuwentong ito sa family home evening para turuan ang pamilya mo tungkol sa kabutihan ng Diyos, o maaari mong ibahagi ang kuwento sa iyong klase sa seminary o sa kaibigan mo.
Mosias 25:14–24
Itinatag ni Alma ang mga simbahan ng Diyos sa buong lupain ng mga Nephita
Matapos magsalita ni Mosias at mabasa ang mga talaan ng mga tao, si Alma naman ang nangusap sa kanila. Basahin ang Mosias 25:14–16, at alamin ang itinuro ni Alma. Isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa manwal:
-
Paano naging angkop na buod ng mga karanasan ng mga tao ni Limhi at ng mga tagasunod ni Alma ang itinuro ni Alma?
-
Sa palagay mo, bakit mahalagang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Alma matapos nilang marinig ang kasaysayan ng mga tao ni Zenif?
Bago patuloy na basahin ang Mosias 25, pag-isipan ang pagkakataon na nakapagsimba ka sa ibang ward maliban sa sarili mong ward o branch. Isipin ang mga napansin mong pagkakatulad ng home ward o branch mo sa ward na binisita mo.
Basahin ang Mosias 25:17–22, at alamin kung paano pinangasiwaan ang Simbahan sa mga Nephita sa panahon ni Alma. Ang mga pagtukoy sa “mga simbahan” sa Mosias 25:21 ay katulad din ng pagtukoy natin sa mga ward at branch sa Simbahan ngayon. Tulad noong panahon ni Alma, ang Diyos ay tumatawag ng mga lider upang pangasiwaan ang Kanyang Simbahan ngayon.
Sa Mosias 23:16 nalaman mo na si Alma “ang kanilang mataas na saserdote” at “nagtatag ng kanilang simbahan” (Mosias 23:16). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang pinakamalaking pangkat ng mga Nephita, sa ilalim ng pangalawang Haring Mosias, ay magkakasama pa rin sa Zarahemla. Ang tala na nagsasabing si Alma ay nagtatag ng kanilang simbahan ay tumutukoy lamang sa mga refugee na nagsitakas mula sa lupain ng unang mana ng mga Nephita. Kalaunan nakabalik na sila sa pinakasentro ng Simbahan at si Alma ay itinalagang mataas na saserdote sa buong Simbahan sa lahat ng lupaing sakop ng mga Nephita” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 3:39-40).
-
Sumulat ng maiikling sagot sa bawat isa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa anong mga paraan nakakatulad ng Simbahan ng mga Nephita ang Simbahan ngayon?
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga na ang mga lider ay tinawag ni Alma, na may awtoridad mula sa Diyos?
-
Bakit mahalagang maituro ng mga lider ang magkakaparehong mga katotohahan sa lahat ng miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo?
-
Sa iyong pagbabasa ng Mosias 25:23–24, alamin ang mga parirala na naglalarawan sa mga taong iyon na sumapi sa Simbahan ni Cristo na naglalarawan din sa mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon ngayon. Ang isang alituntunin na natutuhan natin mula sa mga talatang ito ay: Kapag tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at namumuhay nang nararapat, ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa atin.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano naaangkop ang mga parirala sa Mosias 25:23–24 na naglalarawan sa mga Nephitang iyon na sumapi sa Simbahan ni Cristo sa mga miyembro ng Simbahan ngayon?
-
Ano ang nagagawang kaibhan sa iyong mga iniisip at araw-araw na pagpapasiya ang pag-alaala na tinaglay mo sa iyong sarili ang pangalan ni Jesucristo?
-
Pansinin sa Mosias 25:24 na “ibinuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu” sa Kanyang mga tao. Binigyang-diin ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng kaloob na Espiritu Santo para sa mga miyembro ng Simbahan:
“Ang kaloob na Espiritu Santo, na karapatan para laging makasama ang Espiritu Santo, ay nakakamit kung may pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag sa paraan ng paglulubog, at pagpapatong ng kamay ng awtorisadong mga tagapaglingkod na pinagkalooban ng Melchizedek Priesthood. Ito’y mahalagang regalo o kaloob sa karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon.
“… Dito nagmumula ang patotoo at espirituwal na mga kaloob. Pinagliliwanag nito ang isipan, pinupuspos ang ating kaluluwa ng kagalakan, nagtuturo ng lahat ng bagay, at nagpapaalala sa nalimutang kaalaman. Ang Espiritu Santo din ‘ang magbibigay-alam [sa atin] ng lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin’ [2 Nephi 32:5]” (“Ang Hindi Masambit na Kaloob” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 26).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa paanong mga paraan nakatutulong ang pakikibahagi mo sa Simbahan ni Jesucristo para madama mo ang Espiritu?
-
Ano ang maaari mong gawin para mapag-ibayo mo ang iyong katapatan at mabubuting gawa nang sa gayon ay maramdaman mong mas malapit ka sa Espiritu?
-
Humanap ng pagkakataon na maibahagi mo sa isang tao kung paano pinagpala ang buhay mo ng kaloob na Espiritu Santo. Ang mga pagpapalang naranasan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay madaragdagan kapag nagsikap ka na maging karapat-dapat na makasama Siya.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mosias 25 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: