Seminary
Unit 1: Day 1, Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan


Unit 1: Day 1

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Pambungad

Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang matutuhan kung paano pag-aralan ang mga banal na kasulatan at anyayahan ang Espiritu Santo na bigyan ka ng inspirasyon at turuan ka sa paggawa mo nito. Ituturo rin sa iyo ng lesson na ito ang mga kasanayan na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan at maipamuhay ang mga turo nito. Sa iyong pag-aaral ng lesson na ito, humanap ng mga paraan kung paano mo maaanyayahan ang Espiritu Santo sa pag-aaral mo ng ebanghelyo.

Matuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya

Kunwari ay gusto mong mas lumusog ang iyong pangangatawan, kaya hiniling mo sa iyong kaibigan na mag-ehersisyo para sa iyo. Gaano ang epekto sa iyong kalusugan ng pag-ehersisyo ng iyong kaibigan? Kung ihahalintulad ang halimbawang ito sa iyong espirituwal na pag-unlad, tulad ng hindi maaaring mag-ehersisyo ang isang tao para sa iba, hindi maaaring ibang tao ang mag-aral ng ebanghelyo para sa iyo. Responsibilidad ng bawat isa sa atin na personal na pag-aralan ang ebanghelyo at paunlarin ang ating espirituwalidad.

Sa Doktrina at mga Tipan 88:118, ipinahayag ng Panginoon kung paano matututuhan ang ebanghelyo. Sa pagbasa mo nito, alamin ang kailangan mong gawin para matutuhan ang ebanghelyo at makumpleto ang sumusunod na pahayag: “Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng at gayon din sa pamamagitan ng .”

Ang paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ay nangangailangan ng sariling pagsisikap. Ang iyong mga pagsisikap na mapanalanging pag-aralan ang ebanghelyo ay mag-aanyaya sa Espiritu Santo sa iyong pag-aaral. Ang pagdarasal para makaunawa, paggawa ng mga seminary assignment, pagbabahagi sa iba ng iyong patotoo at mga karanasan sa pamumuhay ng ebanghelyo, at pagsasabuhay ng mga natututuhan mo ay ilan sa mga paraan upang mapag-aralan mo nang mabuti ang ebanghelyo ngayong taon.

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw ay isang mahalagang bagay na magagawa mo para maanyayahan ang Espiritu Santo na maging bahagi ng iyong espirituwal na pag-aaral. Makatutulong sa iyo ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw upang marinig mo ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa iyo (tingnan sa D at T 18:34–36). Ipinangako ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag gusto nating kausapin [tayo ng Diyos], sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan; dahil ang Kanyang mga salita ay inihahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sa gayo’y tuturuan Niya tayo habang nakikinig tayo sa mga panghihikayat ng Kanyang Banal na Espiritu” (“Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 26–27).

Kapag binasa mo ang mga banal na kasulatan at inanyayahan ang Espiritu Santo sa iyong pag-aaral, mabibiyayaan ka ng espirituwal na pag-unlad, mapapalapit ka sa Diyos, tatanggap ka ng mas maraming paghahayag sa iyong buhay, madaragdagan ang iyong lakas na mapaglabanan ang tukso, at mas titibay ang iyong patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Tinukoy ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan ang isa sa mga pangunahing layunin ng mga banal na kasulatan nang sabihin niya, “Ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang maingatan ang mga alituntunin para sa ating kapakinabangan” (“Records of Great Worth,” Ensign, Set. 1980, 4). Natututuhan natin ang mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan. Ang mga alituntunin at mga doktrinang ito ay papatnubayan tayo kapag ipinamuhay natin ang mga ito.

mamahaling bato

Nangangailangan ng pagsisikap at pagsasanay ang paghahanap ng mahahahalgang alituntunin at doktrina sa mga banal na kasulatan. Inihalintulad ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagmimina ng mga mamahaling bato: “Hanapin ang mga diyamante ng katotohanan na kung minsan ay kailangang saliksiking mabuti sa mga pahina ng [banal na kasulatan]” (“Four Fundamentals for Those Who Teach and Inspire Youth,” sa Old Testament Symposium Speeches, 1987 [1988], 1). Ang pag-aaral o pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan ay may tatlong mahahalagang bahagi: (1) dapat nating maunawaan ang pinagbatayan [background] at pinangyarihan ng mga banal na kasulatan, (2) dapat nating matukoy ang mga alituntunin at mga doktrina na itinuturo, at (3) dapat nating ipamuhay ang mga katotohanang iyon.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong: Ano ang mga pagkakatulad ng isang minero na naghahanap ng mga diyamante sa isang tao na nagsasaliksik ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan at ipinamumuhay ang mga ito?

Unawain ang Pinagbatayan [Background] at Pinangyarihan ng mga Banal na Kasulatan

Ang pag-unawa sa background at pinangyarihan ng isang scripture passage ay maghahanda sa iyo na matukoy ang mga mensaheng nilalaman ng ebanghelyo. Ipinayo ni Pangulong Thomas S. Monson, “Maging pamilyar sa mga aral na itinuturo ng mga banal na kasulatan. Pag-aralan ang pinagbatayan at pinangyarihan [nito]. … Pag-aralan ang mga ito na parang nangungusap ang mga ito sa inyo, dahil iyon ang totoo” (“Kayo ay Magpakahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 68).

Sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, makabubuting itanong ang gaya nito: “Sino ang sumulat ng mga talatang ito?” “Para kanino isinulat ang mga ito?” “Ano ang nangyari sa talang ito?” at “Bakit isinulat ng awtor ang mga talang ito?” Ang mga chapter heading (ang mga buod na naka-italics sa simula ng bawat kabanata) ay nagbibigay ng buod ng mga pangunahing pangyayari sa kabanata at madalas na sumasagot sa mga tanong na ito.

Makatutulong ding tingnan ang malalalim at di-pamilyar na mga salita sa diksiyunaryo. Kung hindi malinaw ang isang parirala o scripture passage, maaaring makatulong ang pagtingin sa footnote kung mayroon nito.

Para makapagsanay sa paggamit ng mga tool na ito, basahin ang 3 Nephi 17:1–10, at alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Sino ang nagsasalita? Sino ang kinakausap Niya? Ano ang nangyayari? Tandaan na basahin ang chapter heading para makita ang buod ng mga pangyayari sa kabanata.

  1. journal iconGamit ang footnote sa 3 Nephi 17:1, sagutin sa iyong scripture study journal ang sumusunod na tanong: Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niyang, “Ang oras ko ay nalalapit na”?

  2. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat gamit ang iyong sariling mga salita ang nangyari nang naghahanda nang lisanin ng Tagapagligtas ang mga tao. Bakit Siya nanatili? Ano ang ginawa Niya para sa mga tao?

Tukuyin ang mga Doktrina at mga Alituntunin

Ang mga doktrina at mga alituntunin ay walang hanggan at hindi nagbabagong mga katotohanan ng ebanghelyo na nagbibigay ng patnubay sa ating buhay. Itinuro sa atin ng mga sinaunang propeta ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng mga pangyayari, kuwento, o sermon na itinala nila sa mga banal na kasulatan.

Kapag naunawaan mo na ang pinagbatayan [background] at pinangyarihan ng isang scripture passage, matutukoy mo na ngayon ang mga doktrina at mga alituntunin na itinuturo nito. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ang isang paraan na makatutulong para maunawaan ang mga alituntunin: “Ang mga alituntunin ay matitibay na katotohanan na maipamumuhay sa iba-ibang sitwasyon. Nagagawa ng isang totoong alituntunin na linawin ang mga desisyon kahit sa pinakamagulo at pinakamahirap na mga sitwasyon. Sulit ang malaking pagsisikap na pagsamahin ang mga katotohanang natipon natin at gawin itong mga simpleng pahayag ng alituntunin” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 86).

Lumilinaw ang ilang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil sa mga pariralang “sa gayon nakikita natin” at “gayunman.” Gayunman, hindi hayagang nakasulat ang karamihan sa mga alituntunin. Sa halip, makikita ang mga ito sa buhay ng mga tao sa mga banal na kasulatan. Ang mga doktrina at mga alituntuning ito ay matutuklasan sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong sarili ng ganito: “Ano ang mensahe ng talang ito?” “Bakit isinama ng awtor ang tala o pangyayaring ito?” “Ano ang nais ng awtor na matutuhan natin?” at “Anong mga katotohanan ang itinuturo ng scripture passage na ito?”

  1. journal iconPara makapagsanay sa pagtukoy ng mga alituntunin at mga doktrinang itinuro sa 3 Nephi 17:1–10, isulat ang iyong sagot sa alinman sa aktibidad ab sa iyong scripture study journal. Tandaan na basahin ang heading para makita ang buod ng mga pangyayari sa kabanata.

    1. Sino ang nagsasalita sa mga talatang ito? Sino ang kinakausap Niya? Ano ang mensahe ng 3 Nephi 17:1–10?

    2. Ano ang ilang mga bagay na nais ng awtor ng mga talata 1, 5–6, at 9–10 na matutuhan natin mula sa talang ito? Ano ang ilang mahahalagang katotohanan na natutuhan mo mula sa mga talatang ito?

Isa sa mga katotohanan ng ebanghelyo na maaaring natukoy mo sa mga talatang ito ay: Tumutugon ang Panginoon sa ating tapat na hangaring mas mapalapit sa Kanya.

Ipamuhay ang mga Doktrina at mga Alituntunin

Matapos mong matukoy ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, handa ka nang kumilos at gawin ang mga natutuhan mo. Kapag ipinamuhay mo ang iyong natutuhan, madarama mo ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa katotohanan ng alituntunin (tingnan sa Moroni 10:4–5). Lahat ng lesson na itinuturo sa tahanan, sa seminary at simbahan, at sa bawat aktibidad sa Tungkulin sa Diyos at karanasan sa Pansariling Pag-unlad ay may layuning tulungan tayo na magawa ang mga itinuro sa atin.

Pangulong Thomas S. Monson

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang mithiin ng pagtuturo ng ebanghelyo … ay hindi para ‘magbuhos ng impormasyon’ sa isipan ng mga nag-aaral. … Ang layunin ay hikayatin ang bawat tao na pag-isipan, damhin, at pagkatapos ay pagsikapang ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo” (sa Conference Report, Okt. 1970, 107).

Para matulungan kang maipamuhay ang mga alituntuning natutuhan mo, magtanong ng ganito: “Ano ang nais ng Panginoon na gawin ko sa kaalamang ito?” “Anong mga espirituwal na pahiwatig na natanggap ko ang makatutulong sa akin na maging mas mabuti?” “Anong kaibhan ang magagawa ng alituntuning ito sa buhay ko?” “Ano ang sisimulan o ititigil kong gawin ngayon upang mamuhay ayon sa katotohanang ito?” “Paano mas bubuti ang aking buhay kung gagawin ko ang itinuturo ng banal na kasulatang ito?”

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng maikling talata na naglalarawan kung paano mo ipamumuhay ang natutuhan mong alituntunin o doktrina sa 3 Nephi 17:1–10.

Mga Kasanayan at Paraan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ang paggamit ng mga sumusunod na kasanayan at paraan sa pag-aaral ay tutulong sa iyo na maunawaan ang pangyayari sa mga banal na kasulatan at matukoy at maipamuhay ang mga doktrina at mga alituntuning itinuturo nito. Ang mga paraang ito ay mababanggit sa buong manwal na ito. Basahin ang bawat kasanayan, at pumili ng isa o dalawa na sa palagay mo ay kailangan mong gamitin nang mas madalas sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Sanhi at Epekto. Hanapin ang mga ugnayang kung-kung magkagayon at dahil-samakatwid. Mga halimbawa: 2 Nephi 13:16–26; Alma 34:33.

Cross-Reference. I-grupo, pag-ugnayin, o pagsama-samahin ang mga banal na kasulatan para luminaw ang kahulugan at mas maunawaan ito. Halimbawa, ikumpara ang Mosias 11:2–6, 14 at Deuteronomio 17:14–20. Maaari mo ring gamitin ang mga footnote para mahanap ang mga scripture cross-reference. Halimbawa: Sa 3 Nephi 12:28–29, ang footnote 29a ay may cross-reference Doktrina at mga Tipan 42:23.

Tukuyin ang Pinangyarihan. Sagutin ang mga tanong na sino, ano, kailan, at saan sa mga pangyayari sa mga banal na kasulatan. Halimbawa: Tinukoy sa Alma 31:1, 6–11; 32:1–6 ang pinangyarihan sa Alma 32:21–43.

Mahahalagang Salita. Ang mga salita at parirala tulad ng “gayunman” o “sa gayon nakikita natin” ay mga paanyaya na huminto para hanapin ang mga paliwanag ng nakasulat. Mga halimbawa: Alma 30:60; Helaman 6:35–36; 3 Nephi 18:30–32.

Pagmamarka ng mga Banal na Kasulatan. Kulayan, bilugan, o salungguhitan ang mahahalagang salita at parirala sa iyong banal na kasulatan na nagbibigay ng espesyal na kahulugan sa talata. Isulat din sa margin ang maiikling ideya, naramdaman, pananaw, o alituntunin na mahalaga sa iyo. Tutulungan ka nitong maalala kung bakit mahalaga ang banal na kasulatang iyon sa iyo.

Pagpapalit ng Pangalan. Ipalit ang iyong pangalan sa isa sa mga tauhan sa mga banal na kasulatan. Halimbawa: Ipalit ang iyong pangalan sa pangalan ni Nephi sa 1 Nephi 3:7.

Pagninilay. Ang ibig sabihin ng pagninilay ay pag-iisip nang malalim. Kasama sa pagninilay ang pagtatanong at pagsusuri sa nalaman at natutuhan mo. Madalas na nalalaman natin kung paano ipamumuhay ang isang alituntunin kapag nagnilay tayo.

Mga Inuulit na Salita. Ang mga salita at parirala na inuulit ay maaaring mahalagang pagtuunan ng pansin ng mambabasa. Ang mga ito ay pahiwatig o clue na isinulat ito ng awtor dahil mahalaga ito. Mga halimbawa: Ang salitang kakila-kilabot sa 2 Nephi 9:10, 19, 26–27, 39, 46–47; ang mga salitang pakatandaan at tandaan sa Helaman 5:6–14.

Mga Paghahambing sa mga Banal na Kasulatan. Kung minsan, magkakasunod na binabanggit ng mga propeta ang mga tala tungkol sa dalawang magkaibang tao, mga ideya, o pangyayari sa mga banal na kasulatan. Ang paghahambing na ginawa sa dalawang tao o iba pang mga bagay ay mas nagpapadali sa pagtukoy at pag-unawa ng mga itinuturong mahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Hanapin ang mga paghahambing sa isang talata, mga scripture block, o mga kabanata. Mga halimbawa: 2 Nephi 2:27; Alma 47–48.

Mga Listahan sa mga Banal na Kasulatan. Makatutulong sa iyo ang paghahanap ng mga listahan sa mga banal na kasulatan para mas maunawaan mo kung ano ang itinuturo ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta. Kapag may nakita kang mga listahan, maaari mong lagyan ng numero ang bawat bagay o ideya na nakalista rito. Halimbawa: Ang listahan ng masasamang gawain ng mga Nephita na matatagpuan sa Helaman 4:11–13.

Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan. Ang mga salitang gaya ng katulad o inihalintulad sa ay tumutulong sa pagtukoy ng mga simbolo. Subukan mong tukuyin kung ano ang kahulugan ng simbolo. Gamitin ang mga footnote at ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para matulungan kang malaman kung ano ang kahulugan ng simbolo. Halimbawa: Ikumpara ang Jacob 5:3, 75–77 sa Jacob 6:1–7.

Paglalarawan sa Isip. Ilarawan sa iyong isipan ang nangyayari habang nagbabasa ka. Magtanong tungkol sa mga nangyari, at isipin na naroon ka kunwari sa pangyayaring iyon. Halimbawa: Subukang ilarawan sa iyong isipan ang nangyayari sa Enos 1:1–8.

Mga Kahulugan ng Salita. Kadalasang gumagamit ang mga banal na kasulatan ng mga salitang hindi pamilyar sa atin. Kapag nakakita ka ng isang salita na hindi pamilyar, gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, mga footnote, o isang karaniwang diksiyunaryo para malaman ang ibig sabihin ng salitang ito.

  1. journal iconPumili ng isa sa mga kasanayan sa bahaging “Mga Kasanayan at Paraan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” at gamitin ito. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano nakatulong sa iyo ang kasanayang iyon sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang lesson na “Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: