Seminary
Unit 12: Day 4, Mosias 15–17


Unit 12: Day 4

Mosias 15–17

Pambungad

Ang tala tungkol sa pangangaral ni propetang Abinadi kay Haring Noe at sa kanyang mga saserdote ay nagpatuloy sa Mosias 15–17. Pinatotohanan niya ang gagampanan ni Jesucristo bilang Manunubos. Isa sa mga saserdote ni Noe, na si Alma, ay naniwala kay Abinadi. Pinalayas ni Haring Noe sa kanyang hukuman si Alma at ipinasunog si Abinadi hanggang sa mamatay. Si Abinadi ay tapat sa Diyos sa lahat ng sitwasyon.

Mosias 15–16

Itinuro ni Abinadi ang tungkol sa tungkuling gagampanan ni Jesucristo bilang Manunubos

Mag-ukol ng ilang minuto para hanapin at bilugan ang mga salitang tutubusin, tinubos, at pagtubos sa Mosias 15–16. Ang pag-uulit-ulit ng salita sa isang scripture block ay kadalasang nagpapahiwatig ng mahalagang punto sa mensahe ng may-akda. Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang itinuro ni Abinadi tungkol sa pagkatubos.

Para matulungan ka na maunawaan ang ginagampanan ni Jesucristo bilang Manunubos, tingnan ang sumusunod na diagram:

Stick Figure

Kunwari ay may nalabag kang batas at pinatawan ka ng pinakamabigat na parusa ayon sa batas. Marahil ang parusa ay malaking multa, pagkabilanggo, o kamatayan. Ano ang mararamdaman mo sa mga kaparusahang iyon na haharapin mo? May naiisip ka pa ba na anumang legal at tapat na paraan para matakasan ang mga kaparusahang ito?

Isulat ang Ako sa ilalim ng salitang Nagkasala at Katarungan sa ilalim ng salitang Kaparusahan sa diagram. Lahat tayo ay nakalabag na ng mga batas ng Diyos sa iba’t ibang pagkakataon at dapat harapin ang hinihingi ng katarungan. Hinihingi ng katarungan na bawat nagkasala ay dapat tumanggap ng kaparusahan sa kasalanang ginawa.

Elder Richard G. Scott

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, at salungguhitan ang dalawang bunga ng paglabag sa mga batas ng Diyos: “Hinihiling … ng katarungan na mabigyang-katwiran ang bawat nalabag na batas. Kapag sinusunod ninyo ang mga batas ng Diyos, kayo ay pagpapalain, ngunit hindi kayo makaiipon ng dagdag na merito na makatutumbas sa mga batas na nilabag ninyo. Kung hindi pagsisisihan, magagawang miserable ng mga nilabag na batas ang inyong buhay at ito ang hahadlang sa pagbalik ninyo sa Diyos” (“Matitiyak ng Pagbabayad-sala ang Inyong Kapayapaan at Kaligayahan” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 42).

Kabilang sa mga bunga ng paglabag sa mga batas ng Diyos ang matinding kalungkutan at pagkawalay sa piling ng Diyos. Basahin ang Mosias 15:1, 7–9, at markahan ang mga parirala na nagpapahiwatig kung paano natutugunan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang mga hinihingi ng katarungan.

Gumamit ng diksyunaryo para hanapin ang mga kahulugan ng mga sumusunod na salita:

Tutubusin (Mosias 15:1)

Mamagitan (Mosias 15:8)

Pagitan (Mosias 15:9)

Maaari mong isulat ang ilang kahulugan nito sa tabi ng mga talata.

Kung minsan ay nalilito ang mga tao sa paglalarawan ni Abinadi kay Jesucristo sa Mosias 15:2–5 bilang (1) ang Anak ng Diyos Ama at (2) bilang Ama. Ipinaliwanag sa sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabanalan ni Cristo sa ganitong paraan: “Tulad ng itinuro ni Abinadi, si Cristo ay ‘ipinaglihi … sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos’ (Mosias 15:3) at sa gayon ay taglay ang mga kapangyarihan ng Ama. Bukod sa kanilang banal na kaugnayan, si Cristo ay gumaganap din na Ama dahil siya ang Lumikha ng langit at lupa [tingnan sa Mosias 15:4], ama ng ating espirituwal na pagsilang na muli at kaligtasan, at matapat na pinapahalagahan—at samakatwid ay itinuturing na makapangyayari—ang kagustuhan ng Ama kaysa sariling kagustuhan” (Christ and the New Covenant [1997], 183–84).

Pag-aralan ang Mosias 15:5–7, at isipin ang sakripisyong ginawa ni Jesucristo upang matubos ka, o pumagitan sa iyo at sa mga hinihingi ng katarungan. Sa diagram sa itaas, isulat ang Jesucristo sa pagitan ng Nagkasala at Kaparusahan.

Mahalagang maunawaan na hindi inaalis ng Tagapagligtas ang mga hinihingi ng katarungan kundi namamagitan sa katarungan at sa atin. Kung magsisisi tayo, tutugunan Niya ang mga hinihingi ng katarungan sa pamamagitan ng pag-ako ng kaparusahan alang-alang sa atin.

  1. journal iconKumpletuhin ang mga sumusunod na aktibidad sa iyong scripture journal:

    1. Isulat ang Ang mga Pumili ng Pagtubos (Mosias 15:11–12; 16:13). Pagkatapos ay basahin ang Mosias 15:11–12; 16:13, at alamin kung sino ang tutubusin. Ilarawan ang nalaman mo.

    2. Isulat ang Ang mga Tumangging Magpatubos (Mosias 15:26–27; 16:2–5, 12). Pagkatapos ay basahin ang Mosias 15:26–27; 16:2–5, 12, at alamin kung bakit hindi matutubos ang ilang tao. Ilarawan ang nalaman mo.

  2. journal iconGamit ang natutuhan mo sa nakaraang assignment, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture journal:

    1. Ano ang magpapasiya kung sino ang tutubusin sa kanilang mga kasalanan?

    2. Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagkakaiba ng “kalooban” ni Jesucristo sa Mosias 15:7 at ang “kagustuhan” ng mga gumagawa ng masama sa Mosias 16:12?

Tinutugunan ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan para sa lahat ng nagsisisi. Ang sakripisyong inialay ng Tagapagligtas para sa atin ay napakapersonal na handog para sa sinumang nagpapasiyang magsisi at gawin ang kagustuhan ng Ama. Basahin ang Mosias 15:10, at salungguhitan ang pariralang “makikita niya ang kanyang binhi.”

Elder Merrill J. Bateman

Basahin ang Mosias 15:10–12 at ang sumusunod na pahayag ni Elder Merrill J. Bateman, isang emeritus na miyembro ng Pitumpu:

“Sinabi … ni Propetang Abinadi na ‘matapos magawang pinakahandog ang kanyang kaluluwa para sa kasalanan ay makikita niya ang kanyang binhi’ (Mosias 15:10). Pagkatapos ay sinabi ni Abinadi na ang binhi ng Tagapagligtas ay ang mga propeta at mga sumusunod sa kanila. Maraming taon kong inisip ang karanasan ng Tagapagligtas sa halamanan at sa krus kung saan napakaraming kasalanan ang ibinunton sa Kanya. Gayunman, sa pamamagitan ng mga salita nina Alma, Abinadi, Isaias, at iba pang mga propeta, nagbago ang pananaw ko. Sa halip na isang bunton ng mga kasalanan, may mahabang pila ng mga tao, habang nadarama ni Jesus ang ‘ating mga kahinaan’ (Sa Mga Hebreo 4:15), ‘[pinapasan] ang ating mga karamdaman, … dinadala ang ating mga kapanglawan … [at] nabugbog dahil sa ating mga kasamaan’ (Isaias 53:4–5).

“Ang Pagbabayad-sala ay personal na karanasan kung saan nalaman ni Jesus kung paano tutulungan ang bawat isa sa atin” (“Isang Huwaran para sa Lahat,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 75–76).

Si Cristo sa Getsemani
  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging binhi ni Jesucristo? (tingnan sa Mosias 15:12).

    2. Ano ang ginagawa mo para matiyak mo na makakasama ka sa mga binhi ni Jesucristo?

Maaari mong gawing personal ang Mosias 15:10 sa pamamagitan ng paghalili ng pangalan mo sa mga salitang “kanyang binhi” sa bahagi ng talatang sinalungguhitan mo. Isipin sandali ang ibig sabihin ng magkaroon ng Manunubos na nakita ka na at personal ka nang kilala.

Ano ang mga kahihinatnan ng isang taong tumatangging matubos? Muling tingnan ang Mosias 16:5. Ano ang mangyayari sa diagram na inilarawan sa simula ng lesson na ito kung ang nagkasala ay patuloy na magkakasala at ayaw magsisi? Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:16–17 para malaman kung ano ang mangyayari sa mga taong ayaw tanggapin ang pagtubos ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisisi.

Itinuro ni Abinadi na ang pagtubos ni Jesucristo ay hindi lamang pagsagip sa kasalanan kundi maging sa kamatayan. Lahat ay mabubuhay na mag-uli, gayunman may ilang mas mauunang mabuhay na mag-uli kaysa iba. Ginamit ni Abinadi ang salitang “unang pagkabuhay na mag-uli” para ipaliwanag na ang mabubuti at walang kasalanan ay mabubuhay na mag-uli bago ang mga mapanghimagsik (tingnan sa Mosias 15:21–22). Ang mabubuti ay matutubos mula sa kamatayan sa unang pagkabuhay na mag-uli at ang masasama ay dapat maghintay na mabuhay na mag-uli hanggang sa matapos ang Milenyo (tingnan sa D at T 76:85, 106).

  1. journal iconPag-isipang mabuti ang mga talatang pinag-aralan mo sa Mosias 15. Kunwari ay may pagkakataon kang magpadala sa isang mensahero ng mensahe sa Tagapagligtas. Itala sa iyong journal ang isusulat mo sa mensaheng iyan, batay sa ginawa Niya para sa iyo.

Nais ng Tagapagligtas na ibalik tayong muli sa piling ng ating Ama sa Langit. Siya ay namamagitan at nagsusumamo para sa atin. Natugunan na ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan para sa atin kung tayo ay magsisisi.

Mosias 17

Naniwala si Alma kay Abinadi at pinalayas siya; si Abinadi ay pinatay

Nakakita ka na ba ng isang taong naninindigan sa tama kahit mahirap sa kanya na gawin iyon? Ano ang naging resulta?

Nang tapusin ni Abinadi ang kanyang mensahe, isa sa mga saserdote, na nagngangalang Alma, ang nagsikap na kumbinsihin ang hari na totoo ang sinabi ni Abinadi at dapat itong palayain. Pinalayas ng hari si Alma at pinasundan sa kanyang mga tagapagsilbi para patayin. Nagtago si Alma at isinulat ang mga salita ni Abinadi.

Ang pagbabalik-loob ni Alma ay napakahalaga. Dahil itinala niya ang mga salita ni Abinadi, maraming henerasyon at mga tao ang napagpala. Ang mga ibinunga ng pagbabalik-loob ni Alma ay mas makikita mo kapag pinag-aralan mo na ang mga susunod na kabanata. Ang hari at ang kanyang mga saserdote ay tatlong araw na nagsipag-usap bago patawan ng kamatayan si Abinadi (tingnan sa Mosias 17:1–6, 13).

  1. journal iconIpinagkumpara ng Mosias 17:7–10 at Mosias 17:11–12 ang mga pagpiling ginawa ni Abinadi at ni Haring Noe. Matapos pag-aralan ang mga talatang ito, magbigay ng maiikling sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture journal:

    1. Alin sa mga huling sinabi ni Abinadi ang hinangaan mo nang lubos?

    2. Sa palagay mo, bakit nakaapekto nang ganoon kay Haring Noe ang mga sinabi ni Abinadi?

    3. Anong uri ng impluwensya mayroon ang mga saserdote kay Haring Noe?

    4. Paano nakapagbigay ng inspirasyon sa iyo ang halimbawa ni Abinadi na maging tapat sa Diyos sa lahat ng sitwasyon?

Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Maging matatag—na panindigan ang tama. Nabubuhay tayo sa panahong puno ng kompromiso at pagsasawalang-kibo. Sa mga sitwasyong kinahaharap natin araw-araw, alam natin kung ano ang tama, ngunit dahil sa pamimilit ng ating mga kabarkada at sa nakalilinlang na mga bulong ng mga taong nanghihikayat sa atin, nagpapatangay tayo. Nakikipagkompromiso tayo. Nagsasawalang-kibo tayo. Nagpapatangay tayo, at ikinahihiya natin ang ating sarili. … Kailangan tayong magkaroon ng lakas na sundin ang ating pinaniniwalaan” (“Building Your Tabernacle,” Ensign, Nob. 1992, 52).

Isulat ang Kaya kong maging tapat sa Diyos sa lahat ng sitwasyon sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 17:9–12.

  1. journal iconUpang gawing personal sa iyo ang paninindigan sa tama at paniniwala ni Abinadi, basahin ang Mosias 17:20 at kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa iyong scripture journal: Kailangan kong maging tapat sa Diyos kapag …

Sa pagtatapos mo sa lesson ngayon, isipin ang isang kapamilya o kaibigan na maaaring makinabang sa pakikinig sa iyong natutuhan at nadama ngayon. Kung maaari, ibahagi sa kanya ang natutuhan mo at ang hangarin mong maging tapat sa Panginoon sa oras ng mga pagsubok.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture journal:

    Napag-aralan ko na ang Mosias 15–17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: