Unit 4: Day 2
1 Nephi 16
Pambungad
Dahil nadama ang kapangyarihan ng mga salita ni Nephi, ang kanyang mga kapatid ay nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon. Sa paglalakbay ng pamilya sa ilang, binigyan sila ng Panginoon ng Liahona na gagabay sa kanilang paglalakbay. Dumanas ang pamilya ng maraming paghihirap habang naglalakbay, pati ang pagkawala ng igkas [spring] ng kanilang mga busog [bow] at pagkabali ng busog ni Nephi, na naglimita sa pagkuha ng pagkain. Bagama’t bumulung-bulong ang halos lahat sa pamilya dahil sa pagkasira ng kanyang busog, gumawa si Nephi ng bagong busog at hiningi ang payo ng Panginoon kung saan mangangaso. Ang pag-aaral ng 1 Nephi 16 ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon na maisip kung paano ka tutugon sa pagwawasto at paghihirap. Tulad ng paggabay ng Panginoon sa pamilya ni Lehi sa kanilang mga paghihirap, ikaw ay gagabayan Niya sa mga hamon sa iyong buhay kung mapagkumbaba kang hihingi at susunod sa Kanyang payo.
1 Nephi 16:1–6
Nagsalita si Nephi sa pagbubulong-bulong o pagrereklamo ng kanyang mga kapatid
Nakakita ka na ba ng isang tao na itinama o pinagsabihan dahil sa masamang asal niya? Ano ang reaksyon ng taong iyon?
Pakiramdam nina Laman at Lemuel ay pinagsabihan sila ni Nephi nang ituro niya sa kanila na ang masasama ay hindi tatanggapin at pahihintulutan na kumain sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 15:36–16:1). Basahin ang 1 Nephi 16:1–2, at salungguhitan ang sinabi ni Nephi na reaksyon ng ilang tao kapag nakakarinig ng katotohanan na hindi nila ipinamumuhay.
Ang ibig sabihin ng pariralang “sumusugat sa kanila sa kaibuturan” ay inilalantad nito ang kanilang mga pagkakasala. Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan”?
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang ilang bagay na magagawa mo para maging masunurin kahit mahirap tanggapin ang katotohanan at “sumusugat sa [iyo] sa kaibuturan” (1 Nephi 16:2). Sa iyong palagay, bakit nahihirapan ang ilang kabataan na maging masunurin sa ilang katotohanan? Ihambing ang isinulat mo sa sinabi ni Nephi kina Laman at Lemuel sa 1 Nephi 16:3–4.
Ayon sa 1 Nephi 16:5, ano ang piniling gawin nina Laman and Lemuel sa tagubilin ni Nephi? Anong salita o parirala sa talatang ito ang naglalarawan kung ano ang dapat nating gawin kapag ang katotohanan ay sumusugat sa atin sa kaibuturan? Markahan ang mga sagot sa mga tanong na ito sa iyong banal na kasulatan.
1 Nephi 16:7–33
Nagabayan ang pamilya ni Lehi sa pamamagitan ng Liahona
Bilugan kung tama (T) o mali (M) ang mga sumusunod na pahayag sa quiz na ito:
-
Pinakasalan ni Nephi ang panganay na anak na babae ni Ismael.
-
Binigyan si Lehi ng isang bola na katulad ng isang kompas na tinatawag na Liahona.
-
Ang bilog na bola ay may apat na ikiran na nagbibigay ng direksyon kay Lehi at sa kanyang pamilya.
-
Pagkatapos matanggap ng pamilya ni Lehi ang bola, naging madali ang paglalakbay nila sa ilang.
Sa iyong pag-aaral ng 1 Nephi 16:7–10 at ng buod ng kabanata, rebyuhin ang iyong mga sagot sa unang tatlong tanong (tingnan din sa Alma 37:38). Basahin ang 1 Nephi 16:17–19 para malaman mo kung nasagot mo nang tama ang ikaapat na tanong. (Ang mga tamang sagot ay nasa katapusan ng lesson na ito.)
Kahit masunurin tayo, makakaranas pa rin tayo ng mga pagsubok. Marami sa mga pagsubok na mararanasan natin ay hindi bunga ng mga maling pagpili. Sa halip dumarating ang mga ito sa atin dahil nabubuhay tayo sa mundong ito, ngunit ang mga ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na matuto at umunlad sa paglalakbay natin sa buhay na ito, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas (tingnan sa D at T 122:7–8). Isa sa mga pagsubok sa buhay ay kung paano natin haharapin ang mga pagsubok na ito.
Batay sa paglalarawan ni Nephi sa bola sa 1 Nephi 16:10, paano nakatulong ang kaloob na ito kay Lehi at sa kanyang pamilya habang naglalakbay sila patungo sa lupang pangako? Hanapin at markahan kung paano nakatulong ang Liahona sa pamilya ni Lehi sa 1 Nephi 16:16.
Basahing mabuti ang 1 Nephi 16:20–22, at tukuyin ang naging reaksyon ng ilan sa pamilya ni Lehi nang mabali ang busog ni Nephi. Pag-aralan ang 1 Nephi 16:23–25, 30–32, at alamin ang reaksyon at ginawa ni Nephi sa pagsubok na ito. Paano nakaapekto ang reaksyon at ginawa niya sa kanyang pamilya?
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ilang bagay na natutuhan mo sa pagkumpara sa magkaibang reaksyon ni Nephi at ng kanyang pamilya sa parehong pagsubok?
Sa halip na magreklamo, gumawa ng bagong busog si Nephi at pagkatapos ay humingi ng patnubay para malaman kung saan makakakuha ng pagkain. Ipinakita sa halimbawa ni Nephi na kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya at hihingin din ang patnubay ng Panginoon, tutulungan Niya tayo sa ating mga problema at pagsubok.
Sa mga pangyayaring ito, ipinaliwanag ng Panginoon kay Lehi kung paano gumagana ang Liahona. Sa 1 Nephi 16:26–29, alamin ang kinakailangang gawin ng pamilya ni Lehi para magabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng Liahona.
-
Kunwari ay itinuturo mo sa isang bata ang tungkol sa Liahona. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag sa simpleng mga salita kung paano ginabayan ng Liahona ang pamilya ni Lehi at ano ang dapat nilang gawin para patuloy silang gabayan nito.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano ipinakita sa atin ng Liahona na “sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay”? (1 Nephi 16:29).
Tulad sa mga tao ni Lehi, ang Panginoon ay nagbigay sa iyo ng maraming kaloob na makatutulong para mapatnubayan ka. Basahin ang sumusunod na tatlong pahayag tungkol sa ilang kaloob na ito, at pag-isipang mabuti kung paano natutulad sa Liahona ang bawat isa sa mga kaloob na ito mula sa Panginoon.
Patriarchal Blessing
Tinukoy ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga patriarchal blessing bilang personal na Liahona:
“Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Liahona kay Lehi ay nagbibigay rin sa inyo at sa akin ngayon ng isang natatangi at mahalagang kaloob na nagbibigay ng direksyon sa ating buhay, para matukoy ang mga panganib sa ating kaligtasan, at maghanda ng daan, maging ng ligtas na daan—hindi patungo sa isang lupang pangako, kundi sa ating tahanan sa langit. Ang kaloob na tinutukoy ko ay ang inyong patriarchal blessing. Bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay may karapatang tumanggap ng gayong natatangi at walang-katumbas na kayamanan. …
“… Hindi dapat itupi at itago ang inyong patriarchal blessing. Hindi ito dapat ikuwadro o ipagsabi. Sa halip, dapat itong basahin. Dapat itong mahalin. Dapat itong sundin. Gagabayan kayo ng inyong patriarchal blessing sa pinakamatindi ninyong pagsubok. Gagabayan kayo nito sa mga panganib sa buhay. … Ang inyong patriarchal blessing ay ang inyong personal na Liahona na aakay at gagabay sa inyo” (“Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65–66).
Ang mga Banal na Kasulatan at ang mga Salita ng mga Propeta
Pinagtibay ni Elder W. Rolfe Kerr, na noon ay naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, na ang mga salita ni Cristo at ng Kanyang mga lingkod ay isang espirituwal na Liahona: “Ang mga salita ni Cristo ay maaaring magsilbing personal na Liahona ng bawat isa sa atin, na nagtuturo sa atin ng daan. Huwag tayong tamarin dahil sa madali ang daan. Mapanampalataya nating isaisip at isapuso ang mga salita ni Cristo ayon sa pagkakatala nito sa banal na kasulatan at pagkakabanggit dito ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Mapanampalataya at masigasig tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo, dahil ang mga salita ni Cristo ang ating espirituwal na Liahona na nagsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin” (“Mga Salita ni Cristo—Espirituwal Nating Liahona,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 37).
Ang Espiritu Santo
Inihambing ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Espiritu Santo at ang Liahona: “Sa pagsisikap nating iayon sa kabutihan ang ating pag-uugali at pagkilos, ang Espiritu Santo ang siyang parang Liahona natin ngayon katulad noong panahon ni Lehi at ng kanyang pamilya. Ang mismong mga bagay na nagpagalaw sa Liahona para kay Lehi ang mismong mag-aanyaya sa Espiritu Santo sa ating buhay. At mismong ang mga bagay na nagpahinto sa paggalaw ng Liahona noon ang siya ring nagiging sanhi ng paglayo natin sa Espiritu Santo ngayon” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30).
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang dalawa o tatlong paraan na natutulad sa Liahona ang patriarchal blessing, mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta, o ang Espiritu Santo.
-
Sa iyong scripture study journal, ilarawan ang isang pagkakataon na ang pagsunod sa tagubilin ng isa sa mga source na ito na nakalista sa itaas ay humantong sa pagtanggap mo ng patnubay mula sa Panginoon?
1 Nephi 16:34–39
Nagdalamhati ang mga anak na babae ni Ismael sa kanyang pagkamatay, at pinlano ni Laman na patayin sina Lehi at Nephi
Sa 1 Nephi 16:34–38 nalaman natin na namatay si Ismael pagkatapos maglakbay nang maraming araw sa ilang. Labis na nagdalamhati ang mga anak na babae sa pagkamatay ng kanilang ama, at ilan sa kanyang pamilya ay bumulung-bulong laban kina Lehi at Nephi at gustong bumalik sa Jerusalem. Nagkipagsabwatan pa si Laman na patayin sina Nephi at Lehi. Ipinakita muli ng mga kapatid ni Nephi ang kanilang kahinaan at kawalan ng pananampalataya dahil hindi nila inalam ang kalooban ng Panginoon. Hindi nila tinanggap ang Espiritu Santo at ang tulong na maibibigay Niya sana sa kanila.
Basahin ang 1 Nephi 16:39, at alamin ang ginawa ng Panginoon sa sitwasyong ito. Mula sa nalaman mo sa talatang ito, bakit tayo pinarurusahan o pinagsasabihan ng Panginoon?
Ginagabayan at pinagsasabihan tayo ng Panginoon para sa ating ikabubuti. Kung susundin natin ang patnubay o pagwawasto sa atin ng Panginoon, pagpapalain Niya tayo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: