Unit 3: Day 3
1 Nephi 10–11
Pambungad
Ang mga itinuro ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay at kanyang mga propesiya tungkol sa mga Judio ay nagpatindi sa hangarin ni Nephi na makita, marinig, at malaman sa kanyang sarili ang mga bagay na nakita ng kanyang ama. Habang pinagninilayan ni Nephi ang mga bagay na sinabi ng kanyang ama, siya ay “napasa-Espiritu ng Panginoon” (1 Nephi 11:1) at nakita mismo ang pangitain ng punungkahoy ng buhay. Sa kanyang pangitain nakita rin niya ang buhay, ministeryo, at kamatayan ng Tagapagligtas—nakita ni Nephi ang pag-ibig ng Tagapagligtas para sa atin. Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, isiping mabuti kung ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Nephi tungkol sa paghingi ng personal na paghahayag. Isipin ding mabuti ang buhay at misyon ng Tagapagligtas at ang Kanyang dakilang pag-ibig sa ating lahat.
1 Nephi 10:1–16
Nagpropesiya si Lehi
Matapos isalaysay ang kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay, nagpropesiya si Lehi tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Ang kanyang mga propesiya ay nakatala sa 1 Nephi 10:1–16. Basahin ang 1 Nephi 10:4–6, at markahan ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong banal na kasulatan:
-
Kailan ipinropesiya ni Lehi na darating ang Mesiyas—ang Tagapagligtas?
-
Ano ang sinabi ni Lehi na mangyayari sa mga taong hindi “aasa sa Manunubos na ito”?
1 Nephi 10:17–11:6
Ninais ni Nephi na makita, marinig, at malaman tulad ng kanyang ama ang gayon ding mga katotohanan
Pag-isipan ang sumusunod na sitwasyon, at isipin kung paano magkakaroon ng magkakaibang karanasan ang mga taong nasa iisang sitwasyon: Parehong miting sa Simbahan ang dinaluhan ng tatlong kabataan. Inisip ng isa sa kanila na nakakainip ang miting at pagsasayang lang ito ng oras. Inisip naman ng isa na maganda ang miting pero walang siyang natutuhan dito. Ang pangatlong kabataan ay napasigla ng Espiritu Santo at nakatanggap ng inspirasyon at patnubay nang higit pa sa itinuro sa miting.
Sa pag-aaral mo ng karanasan ni Nephi sa 1 Nephi 10:17–11:6, pansinin ang ginawa ni Nephi na naging dahilan para tumanggap siya ng karagdagang paghahayag nang higit pa sa itinuro ng kanyang ama.
Basahin ang 1 Nephi 10:17, at salungguhitan ang nadama ni Nephi matapos marinig ang tungkol sa pangitain ni Lehi.
Basahin ang 1 Nephi 10:19, at hanapin ang isang parirala na nagtuturo kung paano inihahayag sa atin ang mga hiwaga ng Diyos.
Ayon sa 1 Nephi 10:19, matatanggap ng mga naghahanap nang masigasig ang mga hiwaga ng Diyos. Isulat ang sa palagay mo ay ibig sabihin ng naghahanap nang masigasig.
Si Nephi ay isang napakagandang halimbawa ng pagiging masigasig sa paghahanap ng paghahayag. Basahin ang 1 Nephi 10:17–19 at 11:1–6; pumili ng dalawa sa tatlong paksa na nakalista sa chart sa ibaba—mga naisin, paniniwala, at pagninilay o pagbubulay-bulay; at isulat ang iyong mga sagot sa kaukulang mga tanong sa chart.
Mga naisin |
Ano ang nais malaman ni Nephi? Sa iyong palagay, paano nakakaapekto ang ating mga naisin sa kakayahan nating tumanggap ng paghahayag? Ano ang nais mong malaman mula sa Panginoon? |
Paniniwala |
Ano ang ilang bagay na pinaniniwalaan ni Nephi na nagdulot ng paghahayag? Sa iyong palagay, paano nakakaapekto ang mga paniniwalang ito sa kakayahan nating tumanggap ng paghahayag sa panahong ito? Naniniwala ka ba sa ipinahayag sa iyo ng Panginoon? |
Pagninilay o pagbubulay-bulay (pag-iisip nang malalim tungkol sa isang bagay; pagbubukas ng iyong isipan at puso sa Espiritu Santo) |
Ano ang nangyari habang nakaupo si Nephi at nagbubulay-bulay? (Tingnan sa 1 Nephi 11:1.) Sa iyong palagay, paano humahantong sa paghahayag ang pagbubulay-bulay? Ano ang maaari mong gawin upang mas mapagbulayan o mapag-isipang mabuti ang ebanghelyo sa iyong buhay? |
Ibuod ang alituntunin ng ebanghelyo na natutuhan mo mula sa karanasan ni Nephi sa pamamagitan ng pagkumpleto sa sumusunod na pangungusap: Inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa lahat ng mga taong .
-
Isulat ang sagot sa isa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo nadama na sinagot ng Diyos ang iyong mga panalangin o nadama ang mga pahiwatig ng Espiritu habang masigasig mong hinahanap ang tulong o patnubay ng Panginoon?
-
Ano ang isang paraan para mas masigasig mong mahanap ang inspirasyon mula sa Panginoon?
-
1 Nephi 11:7–36
Nakita ni Nephi ang pagpapakababa ni Jesucristo
Nagpatuloy si Nephi sa pagninilay at humingi ng banal na patnubay sa kanyang pangitain. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at tukuyin ang sinabi niya na pangunahing pokus sa pangitain ni Nephi:
“Ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas ay makikita sa Lumang Tipan. Ngunit ang Aklat ni Mormon ay nagtala ng isang pangitain tungkol sa pangyayaring iyon na walang katumbas sa Lumang Tipan.
“Pagkatapos [lisanin] ng mga tao ni Lehi [ang Jerusalem], nagkaroon si Lehi ng isang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay. Nagdasal si Nephi na malaman ang kahulugan nito. Bilang tugon, siya ay binigyan ng isang napakagandang pangitain tungkol kay Cristo.
“Sa pangitaing iyon nakita niya:
-
Ang isang birhen na may dalang bata sa kanyang mga bisig,
-
Ang taong maghahanda ng daan—si Juan Bautista,
-
Ang ministeryo ng Anak ng Diyos,
-
Labindalawang iba pa na sumusunod sa Mesiyas,
-
Ang kalangitan ay nabuksan at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila,
-
Ang mga tao ay nabasbasan at napagaling,
-
Ang pagpapako kay Cristo sa krus,
-
Ang karunungan at kapalaluan ng mundo na kumakalaban sa kanyang gawain. (Tingnan sa 1 Ne. 11:14–36.)
“Ang pangitaing iyan ang pangunahing mensahe ng Aklat ni Mormon” (“The Things of My Soul,” Ensign, Mayo 1986, 60–61).
Isang anghel ang tumulong para malaman ni Nephi ang kahulugan ng punungkahoy ng buhay at pagkatapos ay nagtanong: “Nalalaman mo na ba ang kahulugan ng punungkahoy na nakita ng iyong ama?” (1 Nephi 11:21). Rebyuhin ang kahulugan ng punungkahoy na sinasalunguhitan ang mga parirala na ginamit ni Nephi at ng anghel para ilarawan ang punungkahoy sa 1 Nephi 11:21–24.
Basahin ang 1 Nephi 11:16 at salungguhitan ang unang itinanong ng anghel kay Nephi. Maaari mong isulat sa iyong banal na kasulatan na ang ibig sabihin ng salitang pagpapakababa ay kusang pagbaba mula sa mataas na katayuan upang tulungan o pagpalain ang ibang tao.
Sa 1 Nephi 11:17, tukuyin ang sagot ni Nephi sa tanong ng anghel. Ano ang nalalaman ni Nephi? Ano ang hindi niya nalalaman? Pagkatapos sumagot ni Nephi, ipinakita ng anghel sa kanya na ang pagpapakababa ni Jesucristo ay nagpapakita ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.
Matapos mong malaman ang kahulugan ng salitang pagpapakababa, basahin ang 1 Nephi 11:13–21, at pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerald N. Lund, na noon ay naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, at pag-isipang mabuti kung paano ipinakita sa pagsilang ng Tagapagligtas ang Kanyang pagpapakababa at Kanyang pagmamahal sa atin: “Narito si Jesus—isang miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Panganay ng Ama, ang Lumikha, ang Jehova ng Lumang Tipan—na nilisan ang Kanyang banal na katayuan; tinalikuran ang lahat ng kaluwalhatian at karingalan at pumasok sa katawan ng isang munting sanggol; nangangailangan ng pag-aaruga, lubos na umaasa sa Kanyang ina at ama sa lupa. Ang katotohanang hindi Siya isinilang sa isang napakagandang palasyo sa mundo at hindi nabalot sa kulay-ubeng kasuotan [tanda ng pagiging maharlika] at hindi nabigyan ng maraming hiyas kundi sa isang abang sabsaban ay kamangha-mangha. Hindi nakapagtatakang sinabi ng anghel kay Nephi, ‘Tingnan at masdan ang pagpapakababa ng Diyos!’” (Jesus Christ, Key to the Plan of Salvation [1991], 16).
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang ibig sabihin sa iyo ng si Jesucristo “mula sa [Kanyang] banal na luklukan [ay] bumaba” (“Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115) maging mula sa Kanyang maluwalhating katayuan sa premortal na daigdig upang isilang na isang munting sanggol.
Basahin ang 1 Nephi 11:27, at isiping mabuti kung paano rin ipinapakita sa pagpapabinyag ng Tagapagligtas ang Kanyang pagpapakababa. Kahit wala Siyang kasalanan, Siya ay nagpabinyag upang ipakita ang Kanyang pagsunod sa mga batas ng Diyos. Nagpapakita rin ito ng Kanyang pagmamahal sa atin dahil nagbigay Siya sa atin ng halimbawang tutularan.
Basahin ang 1 Nephi 11:28–31, at pag-isipang mabuti kung paano ipinakita sa paglilingkod ni Jesucristo sa mga tao ang Kanyang pagpapakababa. Pansinin kung sino ang pinaglingkuran at pinagaling ng Tagapagligtas.
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang pagmamahal Niya sa mga tao sa 1 Nephi 11:28–31. Paano mo nararamdaman ngayon ang pagmamahal Niya sa iyo?
Basahin ang 1 Nephi 11:32–33, at isiping mabuti kung paano ipinakita sa pagkakapako ni Jesucristo sa krus ang Kanyang pagpapakababa. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Earl C. Tingey, na noon ay naglilingkod bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, at alamin kung paano ipinakita sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal at kung paano ka pinagpapala nito:
“Dahil Siya ang napiling magsakatuparan sa hinihingi ng Pagbabayad-sala, nagpakababa si Jesucristo … para tuksuhin, litisin, kutyain, hatulan, at ipako sa krus, kahit Siya ay may kapangyarihan at awtoridad na pigilan ang mga iyon.
“Inilarawan ni Pangulong John Taylor ang pagpapakababa ni Cristo sa magagandang salitang ito: ‘Napakahalaga na Siya ay magpakababa sa lahat ng bagay, nang sa gayon ay maitaas Niya ang iba sa lahat ng bagay …’ [The Mediation and Atonement (1882), 144].
“Ang paghihirap ni Cristo sa Halamanan ng Getsemani ay perpektong halimbawa ng pinakadakila sa lahat ng katangian ni Cristo, ang Kanyang ganap na pagmamahal. Nakita natin dito na talagang minahal Niya tayong lahat. …
“Ang Pagbabayad-sala ay isang pangyayari na makapagpapabalik sa atin sa Diyos. … Ang kahulugan nito sa pamilya ay pagsasama muli na kapiling ang Diyos at Kanyang Anak, na si Jesucristo. Ibig sabihin ang kalungkutan sa pagkahiwalay ay magiging kaligayahan sa pamamagitan ng pagsasamang muli” (“Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 73–74).
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay napakahalagang bahagi sa Kanyang pagpapakababa at pinakadakilang pagpapakita ng Kanyang pagmamahal para sa atin.
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano nakakaapekto sa iyong damdamin at pagmamahal kay Jesucristo ang nalaman mo tungkol sa Kanyang pagpapakababa.
Tapusin ang pag-aaral sa araw na ito sa pag-awit, pakikinig, o pagbabasa ng mga salita sa himno na “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Pansinin ang mga parirala na nagpapatotoo sa napag-aralan mo sa araw na ito. Isipin kung bakit ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay “pinakakanais-nais” at “labis na nakalulugod” sa iyo (tingnan sa 1 Nephi 11:22–23). Tulad ni Nephi, kapag masigasig mong hinahangad na makaunawa sa pamamagitan ng paghahayag, mas mapapalapit ka sa Panginoon at madarama ang kapangyarihan ng Kanyang sakripisyo sa iyong buhay at ang kagalakang dulot nito.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 10–11 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: