Seminary
Unit 5: Day 1, 1 Nephi 20–22


Unit 5: Day 1

1 Nephi 20–22

Pambungad

Sa 1 Nephi 20–21, binanggit ni Nephi ang mga propesiya ng propetang si Isaias sa Lumang Tipan, na ang isinulat ay nakatala sa mga laminang tanso na nakuha ni Nephi at ng kanyang mga kapatid nang pabalikin sila sa Jerusalem upang kunin ito mula kay Laban. Itinuro ni Isaias na kahit hindi tinupad ng mga sinaunang Israel ang kanilang mga tipan, mahal pa rin sila ng Panginoon at inaanyayahan sila na magsisi at lumapit sa Kanya. Habang pinag-aaralan mo ang mga kabanatang ito, pagtuunan ang itinuro ni Isaias tungkol kay Jesucristo at ang Kanyang hangaring tubusin ang Kanyang mga tao.

Isinulat ni Isaias ang tungkol sa Pagsilang ni Cristo

1 Nephi 20

Pinagalitan ng Panginoon ang Israel at inanyayahan sila na bumalik sa Kanya

May maiisip ka bang isang bagay na nagawa mo na hindi ayon sa mga tipang ginawa mo o sa mga pamantayan ng Simbahan? Ano ang pakiramdam mo sa nagawa mo? Basahin ang 1 Nephi 20:1–2 (ang ibig sabihin ng “nanalig” sa talata 2 ay umasa). Sino ang kinakausap ni Isaias? Sino ang “sambahayan ni Jacob”?

Sa Lumang Tipan, si Jacob ay anak ni Isaac at apo ni Abraham. Siya ay binigyan ng pangalang Israel ng Panginoon (tingnan sa Genesis 32:28). “Ang sambahayan ni Israel” ay tumutukoy sa kanyang mga inapo at kung minsan ay tinatawag na “sambahayan ni Jacob.” Tumutukoy rin ito sa sinumang nananampalataya kay Jesucristo. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel”; tingnan din sa Bible Dictionary, “Israel, Kingdom of.”) Tulad noong unang panahon, ang mga taong gumagawa ngayon ng tipan sa Diyos (tulad ng pagpapabinyag) ay itinuturing na mga pinagtipanang miyembro ng sambahayan ni Israel.

Basahing mabuti ang 1 Nephi 20:3–4, 8, 18, at salungguhitan ang mga salita o parirala na nagsasaad na hindi naging tapat ang sambahayan ni Israel sa Panginoon. Ang pariralang “ang iyong leeg ay parang litid na bakal, at ang iyong noo ay parang tanso” (1 Nephi 20:4) ay sumasagisag sa isang kalagayan na paulit-ulit na tinutukoy sa mga banal na kasulatan na “katigasan ng leeg.” Ang isang posibleng paliwanag para sa pariralang ito ay ang pagpapatigas ng mga hayop gaya ng baka at buriko ng kanilang mga leeg para hindi sila magabayan o maakay ng kanilang mga panginoon. Ang isa pang halimbawa ay ang mga taong hindi handang yumuko ay matitigas ang leeg. Tulad nito, pinatitigas ng sambahayan ni Israel ang kanilang mga leeg sa pamamagitan ng kapalaluan at kasamaan at hindi pagtanggap sa paggabay ng Panginoon.

Upang mas maunawaan ang mga talatang ito at maihalintulad ito sa ating panahon, isipin kung paanong ang paglalarawan sa sambahayan ni Israel ay naglalarawan sa mga ginagawa ngayon ng ilang tao.

Sa pagbabasa mo ng 1 Nephi 20:9–14, 16, isiping mabuti kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon at kung ano ang mga katangian Niya.

  1. journal iconSumulat ng maikling sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kahit naghimagsik ang mga tao noong unang panahon, paano sila tinugon ng Panginoon? Bakit? (Tingnan sa 1 Nephi 20:9–11, 14.)

    2. Ano ang nais ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga pinagtipanang tao? (Tingnan sa 1 Nephi 20:12, 16.)

Nalaman natin mula sa mga talatang ito na inaanyayahan ng Panginoon ang mga suwail na magsisi at bumalik sa Kanya. Sa pagbabasa mo ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, salungguhitan ang isa o higit pang mga parirala na nagpapatibay sa katotohanang ito:

“Gusto ni [Satanas na] madama natin na hindi na tayo mapapatawad (tingnan sa Apocalipsis 12:10). Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lampas na tayo sa ‘hangganang wala nang balikan’—na huli na ang lahat para magbago ng landas. …

“Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng katiyakan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na ang kasalanan ay hindi hangganan kung saan hindi na puwedeng bumalik. Ang ligtas na pagbalik ay posible kung susundin natin ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 99).

1 Nephi 21:1–17

Nagpropesiya si Isaias na hindi kalilimutan ng Mesiyas ang Kanyang mga pinagtipanang tao

Sa 1 Nephi 21:1–13, itinala ni Nephi ang isa sa mga propesiya ni Isaias tungkol kay Jesucristo, na siyang magiging Mesiyas. Ang Cristo (salitang Griyego) at Mesiyas (salitang Hebreo) ay parehong nangangahulugang “ang Pinahiran” o “ang Hinirang.” Si Jesucristo ang hinirang na maging Manunubos ng Israel at ng mga Gentil.

Sa pagbabasa mo ng 1 Nephi 21:6–13, markahan sa iyong banal na kasulatan ang mga pariralang iyon na naglalarawan kay Jesucristo at ng gagawin Niya bilang Manunubos ng Israel.

Bunga ng kanilang mga kasalanan, inilayo ng mga anak ni Israel ang kanilang sarili mula sa Panginoon at nadamang sila ay kinalimutan at pinabayaan Niya (tingnan sa 1 Nephi 21:14). Bagama’t nadama nila na pinabayaan sila ng Panginoon, hanapin sa 1 Nephi 21:14–16 ang katibayan na mahal tayo ng Panginoon, at hindi Niya tayo kalilimutan. Maaari mong markahan ang anumang parirala sa mga talatang ito na mahalaga sa iyo.

Ipinakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano pinanatili ng Tagapagligtas ang mga sugat na dulot ng pagpapako sa Kanya sa krus bilang katibayan na hinding-hindi Niya tayo malilimutan: “Hindi malilimutan ni Cristo ang mga anak na tinubos niya o ang tipang ginawa niya sa kanila para sa kaligtasan sa Sion. Ang masakit na paalala ng [Kanyang] pagmamahal at tipan ay ang mga marka ng mga pako ng mga Romano na naukit sa mga palad ng kanyang mga kamay” (Christ and the New Covenant [1997], 84).

  1. journal iconSumulat ng maikling sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa palagay mo, bakit nadarama kung minsan ng mga tao na nalimutan na sila ng Panginoon?

    2. Sa palagay mo, ano ang ibig sabihin ng maanyuan o maukit sa mga palad ng mga kamay ng Tagapagligtas? Paano ito tumutulong sa iyo na pahalagahan ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa krus?

    3. Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo para malaman mo na hindi ka nalilimutan ng Panginoon?

  2. journal iconKunwari ay sinabi sa iyo ng kaibigan mo na parang hindi na siya karapat-dapat magsimba dahil sa mga nagawa niyang kasalanan noon. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang maikling liham na naghihikayat sa iyong kaibigan, gamit ang natutuhan mo sa 1 Nephi 20–21 at sa pahayag ni Pangulong Uchtdorf sa bahaging pag-aaralan para sa 1 Nephi 20.

1 Nephi 21:18–22:22

Ipinaliwanag ni Nephi ang propesiya ni Isaias tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel

Isinama ni Nephi sa kanyang talaan ang isa sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagtitipon ng Israel. Matatagpuan ito sa 1 Nephi 21:18–26. Sa 1 Nephi 22, nagbigay si Nephi ng sarili niyang paliwanag at komentaryo sa propesiya ni Isaias. Sa iyong pagbabasa ng 1 Nephi 22:4–12, alamin ang paliwanag ni Nephi kung paano titipunin ang Israel sa mga huling araw.

Makatutulong na malaman na sa Aklat ni Mormon ang katagang “mga Gentil” ay madalas na tumutukoy sa mga taong hindi inapo ni Juda. Ang pariralang “kagila-gilalas na gawain” ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Pansinin din kung gaano kadalas binanggit ni Nephi ang mga tipan—maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.

Nangako ang Panginoon na ipanunumbalik ang ebanghelyo at titipunin ang Israel sa mga huling araw. Markahan sa iyong banal na kasulatan ang mangyayari kay Satanas dahil sa kabutihan ng mga tao habang pinag-aaralan mo ang 1 Nephi 22:17, 19–22, 25–28.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 20–22 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: