Seminary
Unit 3: Day 2, 1 Nephi 8


Unit 3: Day 2

1 Nephi 8

Pambungad

Mababasa natin sa 1 Nephi 8 ang tungkol sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay. Nakadama siya ng malaking kagalakan nang kainin niya ang bunga ng punungkahoy, na sumisimbolo sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala. Pagkatapos ay nakakita siya ng iba’t ibang grupo ng mga tao na magkakaiba ng pagtanggap sa punungkahoy at bunga nito. Para matulungan ka na makapaghanda para sa lesson na ito, maaari mong kantahin o basahin ang mga salita sa “Ang Bakal na Gabay” (Mga Himno, blg. 174). Habang pinag-aaralan mo ang kabanatang ito, isiping mabuti kung paano nagdala ng malaking kagalakan sa iyo ang Pagbabayad-sala at ano ang dapat mong gawin ngayon at sa hinaharap para matanggap ang lahat ng pagpapala nito. Pag-isipan ang mga balakid na kinakailangan mong madaig para matamo ang mga pagpapalang ito.

1 Nephi 8:1–18

Kumain si Lehi ng bunga ng punungkahoy ng buhay at inanyayahan ang kanyang pamilya na kumain din nito

Isipin ang isang pangyayari sa buhay mo na nadama mo mismo ang pagmamahal ng Panginoon. Isipin kung paano nakakaapekto ang mga pasiya mo sa pagiging malapit mo sa Panginoon at sa kakayahan mong madama ang Kanyang pagmamahal. Sa iyong pag-aaral ng 1 Nephi 8, alamin ang itinuturo nito sa iyo na gawin at dapat iwasan para mas mapalapit sa Panginoon at madama ang Kanyang pagmamahal nang mas matindi sa iyong buhay.

Basahin ang 1 Nephi 8:2, at tukuyin ang naranasan ni Lehi habang nasa ilang. Basahin ang 1 Nephi 8:5–12, at alamin ang pinakasentro o pinakamahalagang inilalarawan sa panaginip ni Lehi.

Ang Panaginip ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay

Pagkatapos matukoy ang pinakamahalagang inilalarawan, ilista ang ilan sa mga salita at mga parirala na ginamit ni Lehi para ilarawan ang bunga sa 1 Nephi 8:10–11.

Madalas gumamit ang Panginoon ng mga bagay na pamilyar tayo bilang mga simbolo para tulungan tayo na maunawaan ang mga walang hanggang katotohanan. Para tulungan kang matukoy ang sinisimbolo ng punungkahoy at bunga sa panaginip ni Lehi, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang punungkahoy ng buhay … ay ang pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Ne. 11:25). Ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay naipahayag nang lubos nang ipagkaloob Niya si Jesus bilang ating Manunubos: ‘Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak’ (Juan 3:16). Ang pagtanggap sa pag-ibig ng Diyos ay pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesus at ang pagpapalaya [kalayaan mula sa kasalanan] at kagalakang dulot nito” (“Lessons from Laman and Lemuel,” Ensign, Nob. 1999, 8).

Para tulungan kang matukoy ang isang alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo sa 1 Nephi 8:10–12, salungguhitan sa iyong banal na kasulatan ang ginawa ni Lehi sa bunga sa 1 Nephi 8:11, at salungguhitan ang mga resulta sa 1 Nephi 8:12. Pag-isipan kung paano mo “matatanggap” ang Pagbabayad-sala tulad ni Lehi na “kinain” ang bunga.

Nakita sa karanasan ni Lehi na ang paglapit kay Jesucristo at pagtanggap sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng kaligayahan at kagalakan.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan nagdulot ng kaligayahan at kagalakan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa iyong buhay?

Isipin kung bakit dapat nating naisin, tulad ni Lehi, na maranasan ng ating mga pamilya at mga kaibigan ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala matapos natin itong maranasan. Basahin ang 1 Nephi 8:3–4, 13–18, at alamin ang reaksyon ng mga miyembro ng pamilya ni Lehi nang anyayahan sila ni Lehi na kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay.

Hindi tayo ang magsasabi kung pipiliin ng iba na tanggapin ang pag-ibig ng Diyos. Gayunpaman, tulad ni Lehi, maaari natin silang anyayahan at hikayatin. Pag-isipan kung paano mo aanyayahan at hihikayatin ang isang tao na kilala mo na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

1 Nephi 8:19–35

Nakita ni Lehi ang tagumpay ng ilan at ang kabiguan ng iba habang naglalakad sila papunta sa punungkahoy ng buhay at kumain ng bunga

Kalaunan sa 1 Nephi, mababasa mo kung paano ipinakita kay Nephi ang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay. Itinala niya ang kahulugan ng iba’t ibang simbolo at imahe sa pangitain. Gamitin ang sumusunod na chart para matukoy ang mga simbolo at mga kahulugan nito. Saliksikin ang iyong banal na kasulatan para makumpleto ang sumusunod na aktibidad. Napag-aralan at nalaman mo na ang kahulugan ng unang dalawang simbolo.

Simbolo mula sa Panaginip ni Lehi

Ang Kahulugan ng Simbolo na Ibinigay kay Nephi

Ang punungkahoy (tingnan sa 1 Nephi 8:10; ito ay tinatawag na punungkahoy ng buhay sa 1 Nephi 15:22)

Ang pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:25)

Ang bunga ng punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8:10–12)

Ang pinakadakila sa mga kaloob ng Diyos—ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa 1 Nephi 15:36)

Ang ilog ng (maruming) tubig (tingnan sa 1 Nephi 8:13)

(tingnan sa 1 Nephi 12:16; 15:27)

Ang gabay na bakal (tingnan sa 1 Nephi 8:19)

(tingnan sa 1 Nephi 11:25; 15:23–24)

Ang abu-abo ng kadiliman (tingnan sa 1 Nephi 8:23)

(tingnan sa 1 Nephi 12:17)

Ang malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8:26)

(tingnan sa 1 Nephi 11:36; 12:18)

Makatutulong na markahan mo ang iyong banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagsulat sa kahulugan ng bawat simbolo (ang mga sagot sa pangalawang column ng chart sa itaas) sa tabi ng talata o mga talata kung saan binanggit ang simbolo (ang mga talata sa unang column ng chart).

Sa iyong pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, salungguhitan ang dahilang sinabi niya kung bakit mahalagang pag-aralan natin ang panaginip ni Lehi:

“Maaaring isipin ninyo na ang panaginip o pangitain ni Lehi ay walang mahalagang kahulugan sa inyo, ngunit may mahalagang kahulugan ito. Kasama kayo rito; lahat tayo ay kasama rito. …

“Nasa panaginip o pangitain ni Lehi tungkol sa gabay na bakal ang lahat ng bagay na kailangan ng isang Banal sa mga Huling Araw upang maunawaan ang pagsubok ng buhay” (“Finding Ourselves in Lehi’s Dream,” Ensign, Ago. 2010, 22).

Sa pag-aaral mo ng natitirang bahagi ng 1 Nephi 8, isipin kung paano makatutulong ang natutuhan mo upang “maunawaan ang pagsubok ng buhay.” Basahin ang 1 Nephi 8:21–33 at alamin kung paano nakahadlang ang ilog, ang abu-abo ng kadiliman, at ang malaki at maluwang na gusali sa mga tao sa panaginip ni Lehi sa pagkain nila o pagtamo ng bunga ng punungkahoy ng buhay. Maaari mong markahan sa iyong banal na kasulatan ang mahahalagang salita at parirala na tumutukoy sa mga balakid na ito at ang epekto nito sa mga tao.

Ano kaya sa mga balakid na iyon na nakita ni Lehi ang nasa buhay natin ngayon? Salungguhitan ang alinman sa mga sumusunod na balakid na nakita mong nakahadlang sa paglapit ng isang tao sa Tagapagligtas at sa pagkakaroon ng kagalakan: pornograpiya, paghahangad ng pagtanggap o papuri ng ibang tao, adiksyon, pagiging makasarili, kasakiman, inggit sa iba, hindi nagdarasal at nag-aaral ng banal na kasulatan, sobrang paglilibang gamit ang mga electronic device, labis-labis na partisipasyon sa anumang aktibidad o isports, pagiging hindi tapat, at paggaya sa ginagawa ng ibang tao. Mag-isip pa ng ilang halimbawa ng mga balakid na ito sa makabagong panahon.

Ang sumusunod na alituntunin ng ebanghelyo ay isang paraan na maibubuod mo ang iyong natututuhan mula sa pag-aaral tungkol sa mga balakid sa 1 Nephi 8:21–33: Ang kapalaluan, kamunduhan, at pagpapadaig sa mga tukso ay makahahadlang sa iyo sa pagtamo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang buod na nasa itaas at ang nadarama mo sa katotohanan nito at ang mga paraan na maipamumuhay mo ito.

Isiping mabuti kung paano nakahahadlang o nakapagpapabagal ang karumihan ng mundo, mga tukso ni Satanas, at kapalaluan ng mundo sa iyong espirituwal na pag-unlad.

Muling basahin ang 1 Nephi 8:21–33. Sa pagkakataong ito, hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano naging mahalaga ang gabay na bakal (ang salita ng Diyos—na kinabibilangan ng mga banal na kasulatan, mga inspiradong salita ng mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan, at personal na paghahayag) sa mga nagtagumpay sa pagkain ng bunga?

  • Anong parirala sa 1 Nephi 8:30 ang nagsasabi kung ano ang dapat nating gawin upang magabayan tayo nang ligtas ng salita ng Diyos patungo sa punungkahoy ng buhay?

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung paano tayo magagabayan at maililigtas ng salita ng Diyos mula sa tukso.

Itinuturo sa mga talatang ito ang sumusunod na alituntunin ng ebanghelyo: Kung hahawak tayo nang mahigpit sa salita ng Diyos, tutulungan tayo nito na madaig ang tukso at mga impluwensya sa mundo. Ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay tutulong sa atin na mas mapalapit sa Panginoon at matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala.

  1. journal iconUpang matulungan ka na makita ang mga katibayan ng mga alituntuning ito sa iyong buhay, sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan ka ginabayan at iniligtas ng salita ng Diyos mula sa tukso, kapalaluan, o kamunduhan?

    2. Kailan ka natulungan ng salita ng Diyos na mas mapalapit sa Tagapagligtas?

Hinikayat ni Lehi ang kanyang pamilya “lakip ang lahat ng damdamin ng isang nagmamahal na magulang, na makinig sila sa kanyang mga salita” (1 Nephi 8:37). Nais niyang maranasan nila ang kagalakan at mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo tulad niya.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng isang mithiin para mas mapagbuti pa ang iyong pag-aaral ng salita ng Diyos.

Kapag sumunod at kumapit ka nang mahigpit sa salita ng Diyos, madadaig mo ang mga balakid na humahadlang sa iyo na matanggap ang Pagbabayad-sala at tunay na kagalakan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 8 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: