Unit 2: Day 3
1 Nephi 3–4
Pambungad
Iniutos ng Panginoon kay Lehi na pabalikin niya ang kanyang mga anak sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban. Hindi nakita nina Laman at Lemuel kung paano nila magagawa ang utos na ito, ngunit nanampalataya si Nephi na magbibigay ng paraan ang Panginoon para magawa ang iniutos Niya sa kanila. Sa kabila ng paulit-ulit na paghihirap, matapat na sinikap ni Nephi na magawa ang iniuutos ng Panginoon. Bunga nito, siya ay ginabayan ng Banal na Espiritu at nagtagumpay sa pagkuha ng mga lamina. Makikita sa karanasan ni Nephi na ang masigasig na pagsunod ay nagpapamarapat sa atin para sa tulong ng Panginoon sa mahihirap na sitwasyon.
1 Nephi 3:1–9, 19–20
Ang mga anak ni Lehi ay bumalik sa Jerusalem
Naharap ka na ba sa isang mahirap na sitwasyon at inisip kung paano ito malulutas? Ang lesson sa araw na ito ay makatutulong na mapalakas ang iyong pananampalataya at determinasyon na maging masunurin kapag naharap ka sa mahihirap na sitwasyon. Magsimula sa pagbabasa ng 1 Nephi 3:1–6, at markahan sa iyong banal na kasulatan ang utos na ibinigay ng Panginoon kay Lehi na gawin ng kanyang mga anak. Pansinin din ang pagkakaiba ng pagtugon nina Laman at Lemuel sa utos ng Panginoon kumpara sa pagtugon ni Nephi.
Para maunawaan kung gaano kahirap ang iniutos ng Panginoon, makatutulong na malaman na ang distansya mula Jerusalem hanggang Dagat na Pula (ang Golpo ng Aqaba) ay mga 180 milya sa mainit, at tigang na bansa na pinamumugaran ng maraming tulisan. Si Lehi at ang kanyang pamilya ay tatlong araw nang nakalampas mula rito (tingnan sa 1 Nephi 2:5–6), at ngayon ay iniuutos ng Panginoon na kailangang bumalik ang kanyang mga anak sa Jerusalem. Basahin ang 1 Nephi 3:7–8, at tukuyin ang dahilang ibinigay ni Nephi kung bakit handa siyang sundin ang utos ng Panginoon.
Pinatotohanan ni Nephi ang alituntunin na kung gagawin natin ang iniuutos ng Panginoon, Siya ay maghahanda ng paraan para magawa natin ito. Sa iyong patuloy na pag-aaral ng 1 Nephi 3, isipin kung paano makapagbibigay sa iyo ng inspirasyon ang halimbawa ng katapangan at determinasyon ni Nephi para mas maging masunurin ka at mas lalo pang manampalataya sa Panginoon. Bigyang-pansin lalo na ang paraan ng pagtugon ni Nephi sa mga paghihirap at problema. Kahit na makadaranas ng hirap si Nephi sa pagkuha nilang magkakapatid ng mga laminang tanso, pinili niyang hindi bumulung-bulong (tingnan sa 1 Nephi 3:6).
Ang mga laminang tanso ay naglalaman ng “talaan ng mga Judio,” (1 Nephi 3:3), na kanilang mga banal na kasulatan. Ang mga ito ay naglalaman ng ilan sa mga isinulat at impormasyon na makikita ngayon sa Lumang Tipan gayon din sa iba pang mga isinulat ng mga propeta. Basahin ang 1 Nephi 3:19–20, at salungguhitan ang nakapaloob sa mga laminang tanso kaya napakahalaga nito sa pamilya at mga inapo ni Lehi.
Scripture Mastery—1 Nephi 3:7
Basahin ang 1 Nephi 3:7 nang tatlong beses (maaari mong iba-ibahin ang paraan ng pagbasa mo: maaaring malakas o tahimik). Isara ang iyong banal na kasulatan, at subukang isulat ang sagot sa mga sumusunod na tanong nang hindi tumitingin sa talata:
-
Sino ang kausap ni Nephi?
-
Ano ang piniling gawin ni Nephi?
-
Ano ang alam ni Nephi na gagawin ng Panginoon?
Buksan ang iyong banal na kasulatan, at rebyuhin ang 1 Nephi 3:7 at ang iyong mga sagot.
Sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Naging panuntunan ko na ito: Kapag iniutos ng Panginoon, gawin ito” (sa History of the Church, 2:170). Maaari mong isulat ang pahayag na ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 3:7.
1 Nephi 3:10–31
Ninakaw ni Laban ang ari-arian ni Lehi at tinangkang patayin si Nephi at ang kanyang mga kapatid
Pinagpapala tayo ng Diyos sa magkakaibang paraan kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan. Ang karanasan ni Nephi sa pagkuha ng laminang tanso ay sumusuporta sa kanyang patotoo na talagang nagbibigay ng paraan ang Diyos para magawa ng Kanyang mga anak ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa 1 Nephi 3:7). Gamitin ang sumusunod na chart para pag-aralan ang unang dalawang plano ng mga anak ni Lehi sa pagkuha ng mga laminang tanso. Isulat sa column ang sagot sa mga tanong para sa bawat plano, o maaari mong kumpletuhin ang assignment na ito sa iyong scripture study journal.
Paalala: Sa panahon ni Nephi, ang pagpapalabunutan (tingnan sa 1 Nephi 3:11) ay nakaugalian na sa paggawa ng pagpapasiya. Sa pagpapalabunutan, hinahangad ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ang patnubay ng Panginoon sa pagtupad sa utos na kunin ang mga laminang tanso (tingnan sa Mga Kawikaan 16:33; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sapalaran”).
Mga Tanong |
Unang Plano |
Pangalawang Plano |
---|---|---|
| ||
| ||
|
-
Pagkatapos silang mabigo sa kanilang unang plano sa pagkuha ng mga laminang tanso, si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay “lubhang [n]alungkot” (1 Nephi 3:14). Pag-aralang muli ang 1 Nephi 3:15–16, at ilarawan sa iyong scripture study journal ang kaibhan ng reaksyon ni Nephi sa reaksyon ng kanyang mga kapatid.
-
Matapos pag-isipan ang pangalawang plano (tingnan sa 1 Nephi 3:21–31), sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa paanong paraan nakahahadlang sa atin ang galit, pagbulung-bulong o pagrereklamo, at kawalan ng paniniwala sa pakikinig sa Diyos?
1 Nephi 4:1–26
Nakuha ni Nephi ang mga laminang tanso
Tukuyin ang mga itinanong nina Laman at Lemuel sa 1 Nephi 3:31. Kung ikaw si Nephi, paano mo sasagutin ang mga itinanong nila? Basahin ang 1 Nephi 4:1–3, at alamin ang sagot ni Nephi sa mga itinanong ng kanyang mga kapatid. Sa iyong palagay, bakit pinili ni Nephi na ihalimbawa si Moises at ang Dagat na Pula sa pagsagot sa kanilang mga tanong? Isulat ang isang parirala mula sa sagot ni Nephi sa kanyang mga kapatid na sa tingin mo ay nagbibigay ng inspirasyon:
Naranasan din ni Moises ang isang tila imposibleng gawain nang utusan siyang ilabas ang mga anak ni Israel mula sa Egipto. Sa kabila ng maraming pagtatangka, hindi niya nakumbinsi si Faraon na palayain ang mga Israelita. Gayunpaman, si Moises ay naging masigasig sa pagsunod sa iniuutos sa kanya ng Panginoon, at nagbigay ang Panginoon ng paraan para mapalaya niya ang mga Israelita.
Ginamit ni Nephi ang halimbawa ni Moises sa kanyang sariling sitwasyon at nagtiwala na magbibigay din ang Diyos ng paraan para makuha niya ang mga laminang tanso. Habang pinag-aaralan mo ang natitirang bahagi ng tala, alamin ang mga ibinunga ng pagsusumigasig at determinasyon ni Nephi na maging masunurin kahit nabigo sila noong una.
Kinailangan mo bang gawin ang isang bagay o nadamang gawin ang isang bagay ngunit hindi mo agad nalaman kung bakit, kailan, at paano? Napansin ni Pangulong Harold B. Lee na madalas sa mga sitwasyong ito “nais [nating] makita ang wakas mula sa simula” bago natin sundin ang tagubilin ng Panginoon, at ganito ang ipinayo niya: “Kailangang matuto kayong lumakad sa gilid ng liwanag, at pagkatapos ay ilang hakbang patungo sa kadiliman; sa gayon ang liwanag ay lilitaw at ituturo sa inyo ang daan” (binanggit sa Boyd K. Packer, “The Edge of the Light,” BYU Today, Mar. 1991, 23).
Basahin ang 1 Nephi 4:4–7, at tukuyin kung paano humakbang nang may pananampalataya si Nephi patungo sa kadiliman (o sumunod nang hindi nalalaman ang gagawin).
Ano ang kahalagahan ng pariralang “Gayunman, ako ay yumaon” (1 Nephi 4:7)?
-
Sa iyong scripture study journal, ilahad ang isang sitwasyon kung saan ang isang binatilyo o dalagita ay pagagawin ng isang bagay o aakayin ng Banal na Espirtu na gawin ang isang bagay nang hindi nalalaman ang kahihinatnan nito. Marahil may pagkakataon na humayo ka o sumunod nang may pananampalataya nang hindi nalalaman kung paano o kailan tutulong ang Diyos. Kung mayroon, isulat ang karanasang ito sa iyong journal. Maaari mo ring ibahagi ito sa klase.
Nalaman lamang ni Nephi kung bakit, kailan, at paano siya tutulungan ng Panginoon na magawa ang utos na kunin ang mga laminang tanso pagkatapos niyang hayaan ang Espiritu Santo na gabayan siya at pagkatapos niyang magpasiya na humayo nang may pananampalataya. Basahin ang 1 Nephi 4:8–26, at pansinin kung paano siya tinulungan ng Panginoon na makuha ang mga laminang tanso.
-
Sa iyong scripture study journal, ilista ang mga dahilang ibinigay ng Espiritu kay Nephi sa pagpatay kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 4:8–13).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang natutuhan mo sa huling pagsisikap ni Nephi na makuha ang mga laminang tanso na makatutulong sa iyo na magtagumpay sa mga hamon na nakakaharap o makakaharap mo sa iyong buhay?
Kapag naharap ka sa sandaling hindi mo alam ang sagot sa mga tanong na paano, bakit, at kailan, alalahanin ang alituntunin na ipinakita sa karanasan ni Nephi: Kapag nananampalataya tayo sa Diyos at ninanais na gawin ang iniuutos Niya, kahit hindi natin nakikita ang kahihinatnan nito, papatnubayan Niya tayo sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ang Utos na Patayin si Laban
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Panginoon ang nagtatakda ng pamantayan kung ano ang tama o mali: “Sinabi ng Diyos, ‘Huwag kang papatay’ [Exodo 20:13]; sa isa pang pagkakataon ay sinabi Niya ‘Iyong lilipulin sila’ [Deuteronomio 20:17]. Ito ang alituntunin kung saan ang pamahalaan ng langit ay pinangangasiwaan—sa pamamagitan ng paghahayag na iniaangkop sa mga kalagayan na kinaroroonan ng mga anak ng kaharian. Anuman ang iutos ng Diyos ay tama, kahit ano pa ito, bagama’t hindi natin nauunawaan ang dahilan nito hanggang sa matapos itong mangyari. Kung hahanapin muna natin ang kaharian ng Diyos, lahat ng bagay ay maidaragdag” (sa History of the Church, 5:135).
Makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit iniutos ng Panginoon kay Nephi na patayin si Laban kapag isinaalang-alang natin ang sumusunod: Binigyan ng Panginoon si Laban ng dalawang pagkakataon na kusang ibigay ang mga laminang tanso, ngunit si Laban ay “ayaw makinig sa mga kautusan ng Panginoon” (1 Nephi 4:11). Si Laban ay isang sinungaling at magnanakaw, at hinangad niyang patayin si Laman at ipapatay ang lahat ng apat na anak ni Lehi, na, sa ilalim ng batas ni Moises, ay may kaparusahan na kamatayan (tingnan sa Exodo 21:14). Alam ng Panginoon na kinakailangan ni Lehi at ng kanyang mga inapo ang mga banal na kasulatan, kahit “masawi ang isang tao” (1 Nephi 4:13) para maisakatuparan ito.
Hindi lamang napagpala ng mga laminang tanso ang mga tao at mga bansa sa Aklat ni Mormon kundi naingatan at nailaan ang mga turo ng mga sinaunang propeta para sa ating panahon nang ang ilan sa mga tala ay kinopya at inukit sa mga laminang ginto na pinagmulan ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon (gaya ng mga sipi mula sa Isaias at ang talinghaga o alegorya ni Zenos). Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, ang mga turong iyon mula sa mga laminang tanso ay nagpala at patuloy na nagpapala sa buhay ng milyun-milyong tao at mga bansa sa buong mundo. Sa huli, ang lahat ng ito ay nakasalalay sa pagsunod ni Nephi sa tinig ng Espiritu nang sabihin nitong patayin niya si Laban.
Si Pangulong Ezra Taft Benson ay nagmungkahi ng “tatlong maiikling gabay” na makatutulong sa atin na maiwasan ang panlilinlang kapag naharap tayo sa mahihirap na sitwasyon:
“1. Ano ang nakasaad sa mga aklat ng mga banal na kasulatan tungkol dito? ‘Sa kautusan at sa patotoo: kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila,’ sabi ni Isaias. (Isa. 8:20.) …
“Dapat nating masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ang pinakamahalaga sa atin ay ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan. …
“2. Ang pangalawang gabay ay: ano ang sinasabi ng mga Pangulo ng Simbahan sa mga huling araw tungkol sa paksa—lalo na ng buhay na Pangulo? …
“May iisang tao lamang sa buong mundo ngayon na nagsasalita para sa Simbahan. (Tingnan sa D at T 132:7; 21:4.) Ang taong iyon ay [ang] Pangulo [ng Simbahan]. Dahil ibinibigay niya ngayon para sa atin ang salita ng Panginoon, ang kanyang mga salita ay higit na mahalaga kaysa sa mga salita ng mga patay na propeta. Kapag siya ay nagsasalita sa impluwensya ng Espiritu Santo ang kanyang mga salita ay mga banal na kasulatan. (Tingnan sa D at T 68:4.) …
“Ang Pangulo ay maaaring magsalita ng tungkol sa anumang paksa na sa pakiramdam niya ay kinakailangan ng mga Banal. …
“3. Ang pangatlo at huling gabay ay ang Espiritu Santo—ang paggabay ng Espiritu. Sa pamamagitan ng Espiritu ‘… malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay.’ (Moroni 10:5.) Ang gabay na ito ay lubos na magiging epektibo kung ang nakikipag-ugnayan sa Diyos ay dalisay at banal at malinis mula sa kasalanan” (sa Conference Report, Okt. 1963, 16–17).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 3–4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: