Unit 21: Day 1
Alma 45–49
Pambungad
Matapos ibigay ni Alma ang kanyang mga huling tagubilin sa kanyang anak na si Helaman, nilisan niya ang mga tao ni Nephi at wala nang narinig pa tungkol sa kanya. Sa mga sumunod na panahon na mahirap para sa mga Nephita, sina Helaman at Kapitan Moroni ang naging kanilang mga espirituwal na pinuno at mga pinuno ng hukbo. Ipinagpatuloy ng pinuno ng mga Lamanita na si Amalikeo ang kanyang masasamang hangarin nang buong kasakiman, na gumagamit ng mga taktika na katulad ng sa diyablo. Inihanda ni Kapitan Moroni ang kanyang mga tao na maging tapat sa Diyos sa mapanganib na mga panahong iyon.
Alma 45
Naniwala si Helaman sa mga salita ng kanyang ama na si Alma, at nagsimulang maglingkod
Alalahanin ang pakikipag-usap mo sa iyong magulang o priesthood leader. Isipin kung ano ang mga itinanong nila sa iyo. Bago nilisan ni Alma ang lupain, tatlong mahahalagang bagay ang itinanong niya kay Helaman. Basahin ang Alma 45:2–7, at tukuyin at markahan ang mga tanong na ito. (Ang “mga salita” na binanggit ni Alma sa talata 2 ay matatagpuan sa Alma 37:1.) Pag-isipan ang isasagot mo sa mga tanong ni Alma: Naniniwala ka ba sa mga banal na kasulatan? Naniniwala ka ba kay Jesucristo? Susundin mo ba ang mga kautusan?
Matapos ipahayag ni Helaman ang kanyang patotoo, nangusap sa kanya si Alma tungkol sa mangyayari sa mga Nephita sa hinaharap. Ipinropesiya niya ang kanilang pagkawasak at ang pagkawasak ng iba pang mga tao na magiging hinog na sa kasamaan sa piling lupaing ito. Basahin ang Alma 45:16, at isipin ang sumusunod na katotohanan sa talatang ito: Ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang.
Para matulungan ka na maunawaan ang alituntuning ito, alalahanin na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, binayaran ng Tagapagligtas ang lahat ng ating mga kasalanan kung magsisisi tayo at hihingin ang Kanyang kapatawaran. Hindi pahihintulutan ng Diyos ang kahit munting kasalanan. Gayunman, dahil ang Tagapagligtas ay handang magdusa para sa atin, hindi natin kailangang pagdusahan ang ating mga kasalanan kung magsisisi tayo.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:31–33. Maaari mong isulat ang mga talatang ito bilang cross-reference sa tabi ng Alma 45:16.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang nadama mo para sa Tagapagligtas nang maisip mo ang kahandaan Niyang magbayad para sa iyong mga kasalanan?
Tulad ng nakatala sa Alma 45:20–24, sinimulan ni Halaman ang kanyang paglilingkod bilang propeta ng Panginoon at pinuno ng Simbahan. Siya at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan ay nagtalaga ng mga saserdote at mga guro sa lahat ng mga kongregasyon, ngunit dahil sa pagtatalu-talo at tumitinding kapalauan, hindi nakinig ang mga tao sa kanilang mga pinuno.
Alma 46
Sama-samang tinipon ni Kapitan Moroni ang mabubuting tao para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kanilang relihiyon
Tulad ng nakatala sa Alma 46:1–7, pinili ng ilang tao na galit kay Helaman at sa kanyang mga kapatid na lisanin ang Simbahan at sundin ang masamang lalaki na nagngangalang Amalikeo, na gustong maging hari. Basahin ang Alma 46:8–10, at alamin ang mga aral na nais ni Mormon na matutuhan natin mula sa mapanganib na sitwasyong ito.
Para makatulong sa pagtatanggol ng kalayaaan ng mga tao, si Moroni, na punong kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita, ay pinunit ang kanyang bata at kinuha ang piraso niyon para gumawa ng “bandila ng kalayaan” para matipon ang mga tao sa pagtatanggol ng kalayaan.
Basahin ang Alma 46:12–13, at markahan ang isinulat ni Moroni sa bandila ng kalayaan. Alamin kung paano siya naghandang ipakita ang bandila ng kalayaan sa mga tao. Pag-isipan ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa katangian ni Moroni. Basahin din ang Alma 48:11–13, 17–18 para mas malaman pa ang mga katangian ni Kapitan Moroni. Maaari mong markahan ang mga katangian ni Moroni na gustong mong magkaroon ka sa iyong buhay.
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isa o higit pang mga katangian ni Moroni mula sa Alma 46:12–13 at Alma 48:11–13, 17–18. Ipaliwanag kung bakit gusto mong magkaroon ng mga katangiang ito at ano ang gagawin mo para magkaroon nito.
Basahin ang Alma 46:18–22, at alamin ang itinugon ng mga tao sa paanyaya ni Moroni na lumaban para sa kalayaan. Ang tipan na inilarawan sa talata 20 ay isang espesyal na pangako sa Diyos na ginawa ng grupong ito ng mga Nephita.
Ayon sa Alma 46:20, bakit gusto ni Moroni na gumawa ng tipan sa Diyos ang mga Nephita na kanilang ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan at kanilang relihiyon?
Tulad ng nakatala sa Alma 46:28–37, nabihag ng mga Nephita na sumama kay Kapitan Moroni ang hukbo ni Amalikeo. Gayunman, nakatakas si Amalikeo at ang ilan sa kanila at sumama sa mga Lamanita. Marami sa mga tagasunod ni Amalikeo na nabihag ang nakipagtipan na susuportahan ang kalayaan. Ang mga hindi nakipagtipan ay pinatay. Mula sa karanasan ng mga Nephita, natutuhan natin ang alituntuning ito: Kapag masigasig tayo sa pagsunod sa mga kautusan tulad ng ginawa ni Kapitan Moroni, palalakasin at pagpapalain tayo ng Diyos.
Pagkatapos ng digmaan, ipinatayo ni Kapitan Moroni ang bandila ng kalayaan sa lahat ng tore ng mga Nephita bilang “bandila” o paalala sa tipan na ginawa nila na ipaglaban at protektahan ang kanilang kalayaan (tingnan sa Alma 46:36).
Sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, sinabi ng Unang Panguluhan: “Minamahal naming mga kabataan, malaki ang tiwala namin sa inyo. Kayo ay minamahal na mga anak ng Diyos at nagmamalasakit Siya sa inyo. Naparito kayo sa mundo sa panahon na may malalaking oportunidad at matitindi rin ang mga pagsubok o hamon. Ang mga pamantayan sa buklet na ito ay makatutulong sa inyo sa mahahalagang pagpapasiyang ginagawa ninyo ngayon at gagawin pa sa hinaharap. Nangangako kami na kung tutuparin ninyo ang mga tipang ginawa ninyo at ang mga pamantayang ito, pagpapalain kayong makasama ang Espiritu Santo, mas lalakas ang inyong pananampalataya at patotoo, at mas magiging maligaya kayo” ([2011], ii).
-
Mula sa natutuhan mo sa mensaheng iyon ng Unang Panguluhan, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang mga ipinangako sa iyo kung tutuparin mo ang mga tipan ng ebanghelyo na ginawa mo at ang mga pamantayan sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan?
-
Tingnan ang pahina ng mga nilalaman ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, at pumili ng isa sa mga pamantayan na nasa buklet. Paano napagpala ang iyong buhay sa pagsunod sa pamantayang ito, o paano nito mapagpapala ang iyong buhay sa hinaharap?
-
Alma 47
Si Amalikeo ay naging hari ng mga Lamanita sa pamamagitan ng pagtataksil at panlilinlang
Ano ang gagawin mo kung nasa digmaan ka at may nagbigay sa iyo ng isang aklat na naghahayag ng plano ng iyong kaaway na wasakin ka at ang iyong pamilya? Ang Alma 47 ay nagbibigay ng ilang kaalaman tungkol sa mga plano ng ating kaaway, ang diyablo.
Nakatala sa Alma 47 ang maraming ginawang panlilinlang ni Amalikeo para maging hari ng mga Lamanita para mapamunuan niya ang hukbo ng mga Lamanita na makidigma laban sa mga Nephita. Ang kanyang pinakahangarin ay bihagin ang lahat ng mga Nephita, at siya ang maging hari nila.
Si Amalikeo at ang kanyang mga tagasunod ay unang nagpunta sa lupain ng Nephi, kung saan naninirahan ang mga Lamanita. Hangad ng hari ng mga Lamanita na digmain ang mga Nephita, ngunit marami sa kanyang mga tao ang natatakot. Kaya inutusan ng hari si Amalikeo na piliting sumama sa digmaan ang mga takot na Lamanita. Nagpunta si Amalikeo sa bundok kung saan nagsitungo ang mga taong tumakas, pero hindi niya gustong tulungan ang hari. Gusto niyang maging pinuno ng mga takot na Lamanita kaya nilinlang niya si Lehonti para bumaba ito mula sa bundok. Hangad ni Amalikeo na patayin si Lehonti sa pamamagitan ng lason kapag bumaba ito.
Pag-aralan ang Alma 47:10–12. Ilang beses hinimok ni Amalikeo si Lehonti na iwan ang kanyang ligtas na lugar? Basahin din ang Alma 47:17–19. Paano pinatay ni Amalikeo si Lehonti matapos itong bumaba mula sa bundok?
Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaaring tangkain ng mga tao ngayon na wasakin ang ating pananampalataya at patotoo sa pamamagitan ng paghimok sa atin na iwan ang mga ligtas na espirituwal na lugar at pumunta sa teritoryo ng diyablo: “Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin na nagkampo si Lehonti at ang kanyang mga tao sa tuktok ng bundok. Hinikayat ng taksil na si Amalikeo si Lehonti na ‘bumaba’ at makipagkita sa kanya sa lambak. Ngunit nang lisanin ni Lehonti ang mataas na lugar, siya ay ‘unti-unting’ nilason hanggang sa mamatay, at bumagsak ang kanyang mga tauhan sa mga kamay ni Amalikeo (tingnan sa Alma 47). Sa mga pakikipagtalo at pagpaparatang, pinapainan tayo ng ilang tao na lisanin ang ligtas na lugar. Nasa mataas na lugar ang liwanag. … Iyon ang ligtas na lugar. Totoo iyon at naroon ang kaalaman” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 74).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang paraan na ginagamit ni Satanas para “bumaba” tayo sa mataas na espirituwal na lugar?
-
Sa iyong palagay, tinatangka ba ni Satanas na himukin ang mga kabataan na ibaba ang kanilang mga pamantayan nang “unti-unti”? Magbigay ng isang halimbawa kung paano niya tinatangkang gawin ito?
-
Ano ang isang bagay na magagawa mo para manatili sa mataas na espirituwal na lugar? Anong pamatayan ng ebanghelyo ang kailangan mo pang pagbutihin para hindi mo maibaba ang pamantayang ito nang “unti-unti”?
-
Tulad ng ginawa niya kay Amalikeo, hangad ni Satanas na wasakin tayo at himukin nang unti-unti para ibaba ang ating mga pamatayan.
Alma 48–49
Hinikayat ni Kapitan Moroni ang mga Nephita na pisikal at espirituwal na palakasin ang kanilang sarili
Samantalang tinatangka ni Amalikeo na magtamo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng “pandaraya at panlilinlang” (Alma 48:7) para maghari sa mga Lamanita at mga Nephita, ibang-iba naman ang ginagawang paraan ni Moroni. Basahin ang Alma 48:7–10, at alamin ang ginawa ni Moroni nang malaman niya na malapit nang pamunuan ni Amalikeo ang mga hukbo ng mga Lamanita laban sa mga Nephita. Maaari mong markahan ang mga ideyang ito: (1) Inihanda niya ang mga tao na maging tapat sa Diyos sa mahihirap na panahon (tingnan sa talata 7). (2) Tinulungan niya ang mga tao na palakasin ang mga lugar na mahihina (tingnan sa mga talata 8–9). (3) Inihanda niya ang mga tao na suportahan at ipagtanggol ang “layunin ng mga Cristiyano,” o ang Simbahan (tingnan sa talata 10).
Tulad ni Moroni na tinulungan ang kanyang mga tao na maghanda para sa mahihirap na panahon at pagtiisan ito, ang mga pinuno ng Simbahan sa ating panahon ay nagbigay ng payo na tutulong sa atin para sa mahihirap na panahon. Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 48:7–10: Kapag sinunod natin ang payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, magiging handa tayo sa mahihirap na sandali sa ating buhay.
Unang binalak ng mga Lamanita na salakayin ang lunsod ng Ammonihas at pagkatapos ang lunsod ng Noe, na dating mahihinang lunsod ng mga Nephita. Basahin ang Alma 49:4–5 para malaman ang reaksyon ng mga Lamanita nang makita nila ang paghahanda ng mga Nephita sa lunsod ng Ammonihas. Nagpasiya ang mga Lamanita na hindi salakayin ang lunsod dahil nakahanda ito nang husto laban sa pagsalakay nila. Basahin ang Alma 49:12–14 para malaman ang reaksyon ng mga Lamanita nang tangkain nilang salakayin ang lunsod ng Noe.
-
Maglaan ng kaunting minuto para rebyuhin ang pinakahuling pangkalahatang kumperensya (sa Ensign o Liahona). Sa iyong scripture study journal, ibuod ang payo na ibinigay ng isa o higit pa sa mga tagapagsalita. Paano makatutulong sa iyo ang payo na ito para maging handa sa mahihirap na panahon sa iyong buhay? Paano mo gagamitin ang payo na ito sa iyong buhay?
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 45–49 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: