Unit 21: Day 4
Alma 59–63
Pambungad
Sumulat si Helaman ng isang liham kay Kapitan Moroni, na nagsasalaysay sa kanya tungkol sa mga pagsisikap ng hukbo at humihingi ng tulong mula sa pamahalaang Nephita. Nagalak si Kapitan Moroni nang malaman niya ang tungkol sa mga tagumpay ni Helaman, ngunit nagalit siya sa pamahalaan dahil sa hindi nito pagpapadala ng karagdagang mandirigma. Nagpadala ng liham si Kapitan Moroni na pinagsasabihan ang punong hukom na si Pahoran. Sa sagot ni Pahoran, ikinuwento niya ang paghihimagsik na nangyari laban sa pamahalaan. Pinuntahan siya ni Moroni para tulungan at tinalo ang mga rebelde. Pagkatapos ay natalo ng nagkakaisang mga hukbo ng mga Nephita ang mga Lamanita. Pagkatapos ng 14 na taong digmaan, nagkaroon muli ng kapayaan sa lupain ang mga Nephita, na nagtulot kay Helaman at sa kanyang mga kapatid na magtuon sa pagtatatag ng Simbahan.
Alma 59
Nakuha sa mga Nephita ang isang lunsod, at labis na nalungkot si Kapitan Moroni dahil sa kasamaan ng mga tao
Nang makatanggap ng liham si Kapitan Moroni mula kay Helaman na nagsasalaysay ng mga tagumpay ng kanyang hukbo, nagalak si Moroni at ang kanyang mga tao. Pagkatapos ay nagpadala ng liham si Moroni kay Pahoran, ang pinunong Nephita sa Zarahemla, na humihiling na magpadala siya ng karagdagang mandirigma at mga panustos kay Helaman. Pero walang naipadalang karagdagang mandirigma. Kaya, nang salakayin ng mga Lamanita ang lunsod ng Nefihas, ang mga tao ng Nefihas ay napilitang tumakas at nasakop ng mga Lamanita ang lunsod.
Basahin ang Alma 59:9–12 para malaman ang reaksyon ni Moroni sa tagumpay ng mga Lamanita. Maaari mong markahan sa iyong banal na kasulatan ang parirala sa Alma 59:9: “higit na madaling ipagtanggol ang lunsod mula sa pagbagsak sa mga kamay ng mga Lamanita kaysa sa bawiin ito mula sa kanila.” Mula sa pariralang ito, matututuhan natin ang alituntuning ito: Mas madali at mas mabuting manatiling tapat kaysa bumalik sa pananampalataya pagkatapos maligaw ng landas.
-
Pag-aralan ang pariralang minarkahan mo sa Alma 59:9 at ang alituntunin na nakasulat sa bold letter sa naunang talata. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mas madaling iwasan ang pagkalulong o adiksyon sa mga nakapipinsalang bagay kaysa daigin ang isang adiksyon?
-
Bakit mas madaling panatilihin ang patotoo kaysa magkaroon nitong muli matapos mawala ito?
-
Bakit mas madali para sa isang tao na manatiling aktibo sa Simbahan kaysa bumalik sa Simbahan mula sa pagiging hindi aktibo?
-
Alma 60–62
Tinanong ni Moroni si Pahoran kung ano ang dahilan ng kapabayaan ng pamahalaan
Matapos makuha ng mga Lamanita ang lunsod ng Nefihas, nagpasiya si Kapitan Moroni na sumulat ng panawagan kay Pahoran, ang punong hukom sa Zarahemla. Basahin ang Alma 60:17–24, at alamin ang mga ipinaratang ni Moroni kay Pahoran at sa mga tao ng Zarahemla.
Basahin muli ang Alma 60:23 at pansinin ang pagbanggit ni Kapitan Moroni tungkol sa paglilinis muna ng “panloob na sisidlan.” Ang tinutukoy niya ay kailangan munang tanggalin ang katiwalian o kasamaan mula sa pamahalaang Nephita at sa mga tao nito. Gayunman, ang talatang ito ay maiaangkop din natin sa ating buhay. Kunwari ay naglagay ka ng dumi o putik sa loob ng isang baso. Kahit nilinis mo ang labas ng baso, ayos lang ba sa iyo na uminom ka mula sa baso?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kung iisipin natin na tulad ng “mga sisidlan” ang ating mga sarili, ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng linisin ang panloob na sisidlan?
-
Bakit makatutulong sa atin ang paglilinis ng ating panloob na sisidlan para lalong makapaglingkod sa kaharian ng Panginoon?
-
Tulad na nakatala sa Alma 60:33–36, sinabihan ni Kapitan Moroni si Pahoran na agad magpadala ng mga tauhan at mga panustos sa kanyang hukbo at sa hukbo ni Helaman. Kung hindi ito gagawin ni Pahoran, sinabi ni Moroni na pamumunuan niya ang isang hukbo patungo sa Zarahemla at pupwersahin siya na gawin ang mga bagay na ito. Natanggap ni Pahoran ang liham ni Moroni at kaagad na sumagot sa liham. Basahin ang Alma 61:1–5 para malaman ang nangyari sa Zarahemla.
Basahin ang Alma 61:9–14, at isipin ang isinagot ni Pahoran sa mga paratang ni Moroni. Maaari mong markahan ang mga pahayag na iyon na nagpapahayag ng kabutihan ng ugali ni Pahoran. Sa halip na magdamdam, inanyayahan ni Pahoran si Moroni na makiisa sa kanya sa lakas ng Panginoon para kalabanin ang kaaway. Basahin ang Alma 62:1 at alamin kung ano ang nadama ni Moroni nang matanggap niya ang sagot ni Pahoran.
Maaari mong isulat ang mga sumusunod na katotohanan sa iyong scripture study journal: Mapipili nating huwag magdamdam sa mga sinabi at ginawa ng ibang tao. Kapag nagkakaisa tayo sa kabutihan kasama ang iba pang mga tao, mas malakas tayo sa ating mga pakikipaglaban sa kasamaan.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa pamamagitan ng nakapagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ikaw at ako ay pagpapalain upang maiwasan at mapagtagumpayan ang pagdaramdam. ‘Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan: at sila’y walang kadahilanang ikatitisod’ (Awit 119:165). …
“… Si Moroni … ay sumulat kay Pahoran nang ‘may panunumpa’ (Alma 60:2) at malupit itong pinaratangan ng kawalan ng isip, katamaran, at kapabayaan. Nagalit sana kaagad si Pahoran kay Moroni at sa mensahe nito, pero pinili niyang huwag magdamdam. …
“Isa sa mga pinakamalakas na pahiwatig ng ating espirituwalidad ay nahahayag sa kung paano tayo tumugon sa mga kahinaan, kawalan ng karanasan, at mga kilos ng iba na nakakasama ng loob. Maaaring makasama ng loob ang isang bagay, isang kaganapan, o isang salita, ngunit kapwa natin mapipiling huwag magdamdam—at sabihin tulad ni Pahoran, ‘hindi ito mahalaga’ [Alma 61:9]” (“At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 90–91).
-
Isipin ang isang pagkakataon na pinili mong huwag magdamdam sa mga sinabi o ginawa ng ibang tao. Sumulat ng maikling talata tungkol sa kahalagahan ng pagpiling huwag magdamdam.
Tulad ng nakatala sa Alma 62, isinama ni Kapitan Moroni ang kanyang hukbo patungo sa Zarahemla para tulungan si Pahoran na pabagsakin ang mga king-men—mga tumiwalag na Nephita na gustong magkaroon ng hari at nakiisa sa mga Lamanita. Ang mga king-men ang humadlang sa pagpapadala ni Pahoran ng mga tauhan at panustos para matulungan sina Moroni at Helaman. Pinagsama nina Moroni at Pahoran ang kanilang mga hukbo at nakatanggap ng tulong mula sa iba pang mga hukbo ng Nephita para mapalayas sa lupain ang mga Lamanita. Sa panahong ito maraming Lamanita ang nagsisi at sumama sa mga tao ni Ammon.
Isipin ang ilan sa mga hamon na maaaring kaharapin ng mga pamilya at mga tao sa pagtatapos ng gayong digmaan. Basahin ang Alma 62:39–41 para malaman kung paano naapektuhan ng digmaan ang mga Nephita. Sa iyong pagbabasa, hanapin ang mga katotohanan sa mga talatang ito.
Isulat ang sumusunod na alituntunin o katotohanan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 62:39–41 o sa iyong scripture study journal: Maaari tayong mas mapalapit pa sa Panginoon sa mga panahong sinusubukan tayo.
-
Isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa iyong palagay, bakit mas napapalapit ang ilang tao sa Panginoon kapag nahaharap sila sa mga pagsubok habang ang iba naman ay lumalayo sa Kanya?
-
Ano ang itinuro sa iyo ng mga kabanata tungkol sa digmaan tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo sa panahong nahihirapan o sinusubukan ka?
-
Alma 63
Maraming Nephita ang naglakbay patungo sa lupaing pahilaga
Matapos pumanaw ni Helaman (tingnan sa Alma 62:52), ang kanyang kapatid na si Siblon ang nag-ingat ng mga sagradong talaan. Basahin ang Alma 63:1–2 para malaman kung ano ang katangian ni Siblon. Tulad ng nakatala sa Alma 63, namatay na sina Moroni at Siblon, at ang anak ni Moroni na si Moronihas ang namuno sa mga hukbo ng mga Nephita.
Basahin ang Alma 63:10–13. Bago namatay si Siblon, ibinigay niya kay Helaman, na anak ni Helaman, ang mga sagradong talaan. Pinangalagaan ni Helaman ang mga talaan na nasulat na at nagsimulang magsulat ng tala na magiging aklat ni Helaman.
Nakatala sa Alma 63:5–8 na maraming Nephita ang naglakbay sakay ng sasakyang-dagat papunta sa mga lupaing pahilaga at wala nang narinig pa mula sa kanila. Nakatala rin sa pagtatapos ng Alma 63 na muling nagsimulang magkaroon ng digmaan ang mga Lamanita at mga Nephita, sa gayon nagtapos ang mahaba at nagbibigay-inspirasyong aklat ni Alma.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 59–63 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: