Unit 15: Day 2
Alma 5:37–62
Pambungad
Sa patuloy na pangangaral ni Alma sa Zarahemla, binalaan niya ang mga tao na ang pasiya nilang pakinggan o hindi tanggapin ang kanyang mga salita ay may mga pagpapala o kahihinatnan. Hinikayat niya sila na sumunod sa tinig ng Mabuting Pastol, ang Panginoong Jesucristo, na tumatawag sa kanila at nagnanais silang maibalik sa Kanyang kawan. Sa iyong pag-aaral ng lesson na ito, pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa tinig ng Mabuting Pastol na maiwasan ang maruruming bagay ng mundo at makabalik sa piling ng Diyos.
Alma 5:37–42, 53–62
Hinihikayat ni Alma ang lahat ng tao na sumunod sa Mabuting Pastol, na siyang ating Tagapagligtas
Sa mga banal na kasulatan, tinutukoy kung minsan si Jesucristo bilang “Mabuting Pastor [o Pastol]” (tingnan sa Juan 10:11–15). Sa iyong palagay, bakit magandang simbolo ang pastol sa Tagapagligtas? Ibinigay ni Pangulong Ezra Taft Benson ang sumusunod na paglalarawan sa mga sinaunang pastol:
“Noong panahon ni Jesus, kilala ang pastol na taga-Palestina sa pangangalaga niya sa kanyang mga tupa. Hindi tulad ng mga makabagong upahang pastol, ang pastol ay palaging naglalakad sa unahan ng kanyang kawan. Inaakay niya ang mga ito. Kilala ng pastol ang bawat isa sa mga tupa at karaniwang may pangalan ang bawat isa sa mga ito. Kilala ng mga tupa ang kanyang tinig at nagtitiwala ang mga ito sa kanya at hindi susunod sa isang estranghero. Kaya, kapag tinawag, lumalapit ang mga tupa sa kanya. (Tingnan sa Juan 10:14, 16.)
“Sa gabi, inaakay ng mga pastol ang kanilang mga tupa papunta sa isang kural na tinatawag na kulungan ng mga tupa. Mataas ang mga pader na nakapalibot sa kulungan ng mga tupa, at may mga tinik sa ibabaw ng mga pader na ito para mahadlangan sa pag-akyat ang mababangis na hayop at mga magnanakaw.
“Gayunman, kung minsan, may mabangis na hayop na dahil sa gutom ay lumulundag sa mga pader papunta sa mga tupa, na sumisindak at tumatakot sa mga ito. Sa gayong sitwasyon nakikilala ang kaibhan ng tunay na pastol—isang taong nagmamahal sa kanyang mga tupa—sa upahang tao na nagtatrabaho lamang para sa suweldo at dahil trabaho niya ito.
“Ang tunay na pastol ay handang ibigay ang kanyang buhay para sa mga tupa. Paroroon siya sa mga tupa at makikipaglaban para sa kaligtasan ng mga ito. Ang upahang tao, sa kabilang dako, ay mas uunahin ang sarili niyang kaligtasan kaysa sa kaligtasan ng mga tupa at karaniwang tumatakas kapag may panganib.
“Ginamit ni Jesus ang karaniwang paglalarawang ito sa Kanyang panahon upang ipahayag na Siya ang Mabuting Pastol, ang Tunay na Pastol. Dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang mga kapatid, Siya ay nakahanda at kusang ibibigay ang Kanyang buhay para sa kanila. (Tingnan sa Juan 10:17–18.)” (“A Call to the Priesthood: ‘Feed My Sheep,’” Ensign, Mayo 1983, 43).
Sumulat ng maikling sagot sa mga sumusunod na tanong sa manwal na ito:
-
Ano ang maaaring mangyari sa mga tupa kung hindi makikinig ang mga ito sa pastol?
-
Paano tayo natutulad sa mga tupa, at paano natutulad ang Tagapagligtas sa isang pastol?
-
Ano ang ibig sabihin ng madala sa Kanyang kawan? (tingnan sa Alma 5:60).
Sa Alma 5:37, inilarawan ni Alma ang mga tao ng Zarahemla bilang mga tupang “nangaligaw.” Basahin ang Alma 5:37–42, at alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa pakikinig sa tinig ng Tagapagligtas.
-
Isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Pag-aralan ang Alma 5:37–38, at ipaliwanag gamit ang iyong sariling salita ang itinuro ni Alma tungkol sa pagsisikap ng Tagapagligtas na tawagin tayo na sumunod sa Kanya.
-
Sa Alma 5:41, ano ang itinuro ni Alma tungkol sa kung paano natin masasabi kung nakikinig tayo sa tinig ng Mabuting Pastol? Ano ang ilang “mabubuting gawa” na maaaring magpahiwatig na sinusunod ng isang kabataang Banal sa mga Huling Araw ang Mabuting Pastol?
-
Ang pagkilala at pagsunod sa tinig ng Tagapagligtas ay hindi palaging madali. Isiping mabuti ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mula sa maraming tinig na naririnig natin sa buhay na ito, dapat nating makilala ang tinig ng Mabuting Pastol, na tumatawag sa atin na sumunod sa kanya papunta sa ating tahanan sa langit” (“Alternate Voices,” Ensign, Mayo 1989, 27).
Basahin ang Alma 5:53–56, at markahan ang mga ugali at mga gawain na maaaring dahilan para mahirapan ang isang tao na makinig sa tinig ng Tagapagligtas.
Isipin ang iba pang mga ugali o gawain sa mundo ngayon na nagiging dahilan para mahirapan ang mga tao na makinig sa tinig ng Tagapagligtas. Maikling ipaliwanag kung bakit, sa iyong palagay, ang mga ugali at mga gawaing ito ay nagiging dahilan para mahirapan ang isang tao na makinig sa tinig ng Tagapagligtas:
Sa Alma 5:57, markahan ang pariralang “kayong lahat na nagnanais sumunod sa tinig ng mabuting pastol.” Pagkatapos ay markahan ang tatlong iba pang parirala sa talata 57 na magsasabi sa iyo ng gagawin mo para masunod ang tinig ng Tagapagligtas.
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat ng halimbawa para sa bawat isa sa sumusunod na tatlong pahayag, at ipakita ang maaaring gawin ng isang kabataang Banal sa mga Huling Araw sa inyong paaralan o komunidad upang: (a) makalabas mula sa kasamaan, (b) makahiwalay, at (c) huwag mahipo ang mga bagay na marumi. Pagkatapos ay mag-isip ng dalawang mabubuting aktibidad o gawain na tutulong sa mga kabataan na mas makinig sa tinig ng Mabuting Pastol. Kung ang isa sa mga aktibidad o gawaing ito ay nakatulong sa iyo na makinig sa tinig ng Tagapagligtas, maaari mo itong isulat sa iyong scripture study journal para maibahagi sa iyong titser o klase kalaunan.
Tulad ng nakatala sa Alma 5:58–60, itinuro ni Alma ang katotohanang ito: Kung susundin natin ang tinig ng Panginoon (ang Mabuting Pastol), tayo ay matitipon sa Kanyang Kaharian. Markahan ang mga pangako o pagpapala sa Alma 5:58–60 na matatanggap ng mga taong magtatamo ng pamana sa kanang kamay ng Diyos.
-
Isipin ang ibig sabihin sa iyo ng bawat isa sa mga pangako o pagpapalang ito na minarkahan mo. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal kung bakit sa iyong palagay ang paghiwalay sa mga bagay na masama ay marapat para makamtan ang mga pagpapalang ito.
Kapag sinunod mo ang tinig ng Tagapagligtas, matatanggap mo ang mga pagpapalang ito at sa huli ay makakamtan ang kadakilaan.
Alma 5:43–52
Inilahad ni Alma kung paano siya nagtamo ng patotoo at itinuro ang tungkol sa pagsisisi
Mag-isip ng isang bagay na natutuhan mo sa pamamagitan ng iyong limang pisikal na pandama: paningin, pandinig, pandama o paghawak, pang-amoy, at panlasa. May iba pa bang paraan na malalaman mo ang isang bagay nang hindi ginagamit ang isa sa iyong pisikal na pandama? Basahin ang Alma 5:45–48, at alamin kung ano ang sinabi ni Alma na alam niya at kung paano niya ito nalaman.
Markahan sa Alma 5:48 ang itinuro ni Alma tungkol kay Jesucristo. Ang mensahe sa Alma 5:45–48 ay maibubuod nang ganito: Malalaman natin sa ating sarili, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na si Jesucristo ang Manunubos ng sangkatauhan.
Lahat ng tao ay dumaranas ng mga hamon at pagsubok sa kanilang pananampalataya at patotoo. Ang pagkakaroon ng sariling patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay magpapalakas sa iyo sa mahihirap na panahong iyon. Ang pag-alaala sa iyong sariling patotoo na pinagtibay ng Espiritu Santo, tulad ng ginawa ni Alma, ay makatutulong sa iyo na maging matatag sa gitna ng mga hamon at pagsubok. Mula sa halimbawa ni Alma, matututuhan din natin na ang pag-aayuno at pagdarasal ay makatutulong upang madama natin ang muling pagpapatibay ng Espiritu sa mga katotohanan at masuportahan ang ating patotoo kapag kailangang mapalakas ang mga ito.
Isiping mabuti ang iyong sariling patotoo habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na humihikayat sa atin na magsikap tayo na magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Jesucristo: “Ang personal at sariling patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo, lalo na sa banal na buhay at misyon ng Panginoong Jesucristo, ay kinakailangan sa ating buhay na walang hanggan. ‘At ito ang buhay na walang hanggan,’ sabi ng Tagapagligtas, ‘na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo’ [Juan 17:3]. Sa madaling salita, ang buhay na walang hanggan ay bunga ng ating sarili at personal na kaalaman tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Banal na Anak. Hindi sapat ang malaman lamang ang tungkol sa kanila. Kailangang magkaroon tayo ng personal at mga espirituwal na karanasan na magpapatatag sa atin” (“Feasting at the Lord’s Table,” Ensign, Mayo 1996, 80).
-
Kumpletuhin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na aktibidad sa iyong scripture study journal:
-
Sumulat ng tungkol sa isang pagkakataon na narinig mong magbahagi ng malakas na patotoo ang isang tao, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na si Jesucristo ay Manunubos ng sangkatauhan. Isulat kung ano ang nadama mo nang pinakikinggan mo ang kanyang patotoo.
-
Basahin ang Alma 5:46, at pagkatapos ay isulat gamit ang iyong sariling salita kung paano natanggap ni Alma ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Pag-isipang mabuti kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Alma na makatutulong sa iyo para mapalakas mo ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas, at isulat ang mga naisip mo.
-
Sumulat ng tungkol sa isang pagkakataon na nadama mong nagpatotoo sa iyo ang Espiritu Santo na si Jesucristo ang Manunubos ng daigdig. Magsulat ng isang partikular na mithiin na tutulong sa iyo na magkaroon ng patotoo o mapalakas ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng pag-aayuno o pagdarasal nang mas taimtim o pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang mas mabuti. Gawin ang lahat ng iyong makakaya para maisakatuparan ang mithiing ito, kahit abutin pa ito ng “maraming araw” (Alma 5:46). (Ang pagkumpleto ng aktibidad na ito ay makatutulong din sa iyo na matapos ang kinakailangan para sa Pansariling Pag-unlad o Tungkulin sa Diyos.)
-
Basahin ang Alma 5:49–52, at alamin ang itinuro ni Alma sa mga tao tungkol sa pagsisisi. Sa patlang na makikita, ipaliwanag kung bakit sa iyong palagay dapat magsisi ang lahat ng tao upang mabuhay nang walang hanggan kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo:
Inaanyayahan tayo ni Elder Dallin H. Oaks na pag-isipan ang ilang tanong na makatutulong sa atin na maipamuhay ang itinuro ni Alma tungkol sa pagsisisi at paghahandang makapasok sa kaharian ng Diyos:
“Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?
“Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo?” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9).
-
Pag-isipan ang isa sa mga tanong ni Elder Oaks. Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit sa iyong palagay ay mahalagang mamuhay araw-araw na para bang naghahanda kang makaharap ang Panginoon.
Mapanalanging pag-isipan kung paano mo isasagawa ang natutuhan mo sa araw na ito upang maging handa ka na makaharap ang Tagapagligtas at makapasok sa Kanyang kaharian.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 5:37–62 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: