Unit 15: Day 3
Alma 6–7
Pambungad
Matapos magturo sa mga tao ng Zarahemla at maisaayos ang Simbahan, si Alma ay nagtungo sa lunsod ng Gedeon. Nalaman niya na ang mga naninirahan doon ay mas tapat kaysa sa mga tao sa Zarahemla. Gayunman, hinikayat niya ang mga tao sa Gedeon na patuloy na umasa sa Panginoon at sikaping gamitin ang Kanyang Pagbabayad-sala sa kanilang buhay. Ang patotoo ni Alma tungkol kay Jesucristo ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at magtuturo sa iyo kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala araw-araw kapag patuloy mong tinahak ang landas patungo sa kaharian ng Diyos.
Alma 6
Pinalakas ni Alma ang Simbahan sa Zarahemla at nagtungo sa Gedeon para mangaral
Kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap: Nagsisimba ako dahil .
Sa iyong pag-aaral ng Alma 6, pag-isipan kung paano makatutulong ang pag-unawa sa mga layunin ng mga miting ng Simbahan upang maging mas makabuluhan ang mga miting sa iyo.
Bago nilisan ni Alma ang Zarahemla, pinalakas niya ang Simbahan doon. Basahin ang Alma 6:1–4, at tukuyin ang dalawa o tatlong parirala na naglalarawan sa mga responsibilidad ng mga priesthood leader sa Simbahan.
Ang mahalagang alituntunin na matututuhan natin mula sa karanasan ni Alma ay ito: Sa panahon natin, gayon din sa panahon ng Aklat ni Mormon, ang Simbahan ay itinatag para sa kapakanan ng lahat ng tao. Basahin ang Alma 6:5–6, at markahan ang sumusunod na dalawang parirala: “upang mapakinggan ang salita ng Diyos” at “magkaisa sa pag-aayuno at mataimtim na panalangin alang-alang sa kapakanan ng mga yaong kaluluwa na hindi nakakikilala sa Diyos.” Ang mga pariralang ito ay nagtuturo ng mga paraan na nagbibigay ng mga pagkakataon ang Simbahan sa lahat ng tao na umunlad at tulungan ang ibang tao. Isipin kung paano kukumpletuhin ng mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla ang pangungusap sa itaas na kinumpleto mo.
-
Sumulat ng ilang ideya sa iyong scripture study journal kung paano makagagawa ng kaibhan sa iyong karanasan sa simbahan ang pagsisimba dahil sa mga kadahilanang natukoy sa Alma 6:5–6.
Ang mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ay para sa lahat ng anak ng Diyos. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bawat isa ay nananalangin para sa mga misyonero. Nawa’y magpatuloy ito. Sa diwa ring iyon, dapat din nating ipanalangin ang mga yaong tinuturuan (o kailangang maturuan) ng mga misyonero. Sa Zarahemla, inutusan ang mga miyembro na ‘magkaisa sa pag-aayuno at mataimtim na panalangin’ [Alma 6:6] alang-alang sa mga hindi pa sumasapi sa Simbahan ng Diyos. Magagawa rin natin iyan.
“Maipananalangin din natin araw-araw [na magkaroon tayo ng sarili nating] karanasan [sa gawaing] misyonero. Ipanalangin na sa ilalim ng banal na pamamahala ng gayong mga bagay, ang pagkakataon [para sa gawaing] misyonero na nais ninyong makamit ay inihahanda na sa puso ng taong nagnanais at naghahanap ng mayroon kayo. ‘Sapagkat marami pa sa mundo … na napagkakaitan lamang ng katotohanan, sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan’ [D at T 123:12]. Ipanalangin na matagpuan nila kayo! At pagkatapos ay maging alisto, sapagkat napakaraming tao sa [mundong] inyong [ginagalawan] na dumaranas ng matinding taggutom sa kanilang buhay, hindi kagutuman sa tinapay, o kauhawan man sa tubig kundi sa pagdinig sa salita ng Panginoon [tingnan sa Amos 8:11]” (“Mga Saksi sa Akin,” Liahona, Hulyo 2001, 15).
Upang masunod ang payo ni Elder Holland, isiping manalangin sa Ama sa Langit na tulungan ka na mapansin ang mga pagkakataon para sa gawaing misyonero na inihanda para sa iyo at kumilos ayon dito. Maghanap ng mga pagkakataon na maanyayahan ang iba na makibahagi sa mga pagpapalang tinatamasa mo bilang miyembro ng Simbahan.
Alma 7:1–13
Itinuro ni Alma sa mga tao ng Gedeon ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Kunwari ay pinag-uusapan ninyo ng mga kaibigan mo na mga aktibong miyembro ng Simbahan ang tungkol sa pagsisisi. Sa palagay ng mga kaibigan mo ay hindi sila nakagawa ng anumang mabigat na kasalanan at iniisip kung paano nila totoong mararanasan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Isipin ang maaari mong sabihin sa mga kaibigang ito. Alalahanin ang mga ideyang ito sa pag-aaral mo ng Alma 7:1–13.
Pagkatapos lisanin ang Zarahemla, nagsalita si Alma sa mga tao sa lunsod ng Gedeon. Basahin ang Alma 7:3–6 para malaman ang espirituwal na kalagayan na inaasahang makita ni Alma sa mga tao sa Gedeon. Pagkatapos ay basahin ang Alma 7:17–19 para alamin kung tama ang inaasam ni Alma. Ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa Gedeon:
Basahin ang Alma 7:7–10, at alamin ang kaganapang nadama ni Alma na pinakamahalagang malaman ng mga tao at ano ang kailangang gawin ng mga tao para makapaghanda para dito.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit sasabihin ni Alma sa mga tao na malakas na ang pananampalataya (tingnan sa Alma 7:17) na kailangan nilang magsisi para makapaghanda sa pagdating ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Mga Taga Roma 3:23.)
Itinuro ni Alma sa mga tao ng Gedeon ang mahalagang alituntuning ito: Si Jesucristo ay nagdusa upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan tayo na makayanan ang mga pagsubok sa mortalidad. Basahin ang Alma 7:11–13, at markahan sa iyong banal na kasulatan ang mga kalagayan na handang “dalhin” ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili para sa ating kapakanan.
Maaaring makatulong na malaman na ang mga kahinaan ay mga kakulangan, kapansanan, o sakit—ang salitang ito ay sumasaklaw sa maraming uri ng problema.
Sa tabi ng Alma 7:11–13 sa iyong banal na kasulatan o sa iyong scripture study journal, maaari mong isulat ang sinabi ni Elder Bruce C. Hafen, na naglingkod bilang miyembro ng Pitumpu: “Ang Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa mga makasalanan” (“Beauty for Ashes: The Atonement of Jesus Christ,” Ensign, Abr. 1990, 7). (Ang Alma 7:11–13 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
-
Ang sumusunod na chart ay naglalaman ng mga salita mula sa Alma 7:11–13 na naglalarawan ng mga bagay na dadalhin ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili. Iguhit ang chart sa iyong scripture study journal, at pagkatapos ay pumili ng ilan sa mga salitang ito at sumulat ng mga halimbawa kung paano mo naranasan o ng mga taong kilala mo ang mga bagay na ito. Isipin kung ano ang ibig sabihin ng dadalhin ni Jesucristo ang mga bagay na ito sa Kanyang sarili.
Mga pasakit | |
Mga hirap | |
Mga tukso | |
Mga sakit | |
Kamatayan | |
Mga kahinaan | |
Mga kasalanan |
Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ang sumusunod na patotoo na maaalis ng Pagbabayad-sala ang mga pasanin natin:
“Pinaglalabanan ba ninyo ang pagkalulong—sa sigarilyo o droga o sugal, o mapanirang salot na pornograpiya sa kasalukuyan? May problema ba kayong mag-asawa o nanganganib ang inyong anak? Nalilito ba kayo sa inyong pagkatao o naghahangad ng pagpapahalaga sa sarili? Kayo ba—o isang mahal ninyo—ay maysakit o malungkot o malapit nang mamatay? Anumang iba pang hakbang ang kailangan ninyong gawin para lutasin ang mga ito, lumapit muna sa ebanghelyo ni Jesucristo. Magtiwala sa mga pangako ng langit. Ang patotoo ni Alma ay siya ring aking patotoo tungkol dito: ‘Nalalaman ko,’ sabi niya, ‘na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap’ [Alma 36:3].
“Ang pag-asang ito sa maawaing katangian ng Diyos ang pinakasentro ng ebanghelyong itinuro ni Cristo. Nagpapatotoo ako na iniaangat tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas di lamang mula sa ating mga pasanin na kasalanan, kundi pati na rin sa ating mga kabiguan at kalungkutan, mga dalamhati at kawalang-pag-asa [tingnan sa Alma 7:11–12]. Mula pa noon, ang pagtitiwala sa gayong tulong ay nagbibigay sa atin ng dahilan at paraan para magbago, isang dahilan para [isuko ang ating mga pasanin] at sikaping maligtas” (“Mga Sirang Bagay na Aayusin,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 70–71).
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang tungkol sa nadarama mo para sa Tagapagligtas at sa nagawa Niya para sa iyo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Pagkatapos ay sagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong:
-
Kailan nakatulong sa iyo ang Pagbabayad-sala sa isa sa mga paraan na nabanggit ni Alma sa Alma 7:11–13? Paano nakatulong sa iyo ang Pagbabayad-sala noong panahong iyon?
-
Paano makatutulong sa problemang kinakaharap mo ngayon ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Ano ang gagawin mo para makaasa sa Pagbabayad-sala sa pagharap mo sa problemang ito?
-
Scripture Mastery—Alma 7:11–13
Bagama’t ang Alma 7:11–13 ay isang mahabang scripture mastery passage, naglalaman ito ng mga partikular na salita na makatutulong sa iyo na maalala ang saklaw at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa buong buhay mo. Para matulungan ka na maisaulo ang mahahalagang salita o mga key word na ito, muling isulat ang Alma 7:11–13 sa isang hiwalay na papel, na hindi isinusulat ang mga salitang nasa chart na nasa simula ng lesson na ito. Basahin ang mga talatang ito na isinulat mo hanggang sa mailagay mo ang mga nawawalang salita nang hindi tumitingin sa iyong banal na kasulatan. Maaari mong rebyuhin ang mga talatang ito sa susunod na ilang araw para matulungan kang maalala ang magagawa ng Tagapagligtas para sa iyo at sa iba pang tao sa buong buhay mo. Subukan kung naisaulo mo na ang scripture mastery na Alma 7:11–13 sa pamamagitan ng pagbigkas nito nang malakas sa iyong sarili o sa harap ng isang kapamilya o kaibigan o sa pagsulat nito sa iyong scripture study journal.
Alma 7:14–27
Hinikayat ni Alma ang mga tao na patuloy na tahakin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos
Basahin ang Alma 7:19 para maalala kung paano inilarawan ni Alma ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa Gedeon. Itinuro ni Alma ang mahalagang alituntuning ito: Sa pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo, tinatahak natin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos. (Ang kaharian ng Diyos ay ang kahariang selestiyal.) Basahing mabuti ang Alma 7:14–16, at salungguhitan ang mga salita at mga parirala na kailangan nating gawin upang matahak ang landas na maghahatid sa atin sa kaharian ng Diyos. Pagkatapos ay basahing mabuti ang Alma 7:22–25, at salungguhitan ang mga salita at mga parirala na kailangan nating maging katangian o ugali upang matahak ang landas na ito.
-
Magdrowing ng daan sa iyong scripture study journal mula sa ibaba sa kaliwang sulok ng pahina hanggang sa itaas sa kanang sulok ng pahina. Isulat ang Mortalidad sa ibaba ng daan, at isulat ang Ang Kaharian ng Diyos sa itaas ng daan. Sa daraanan, isulat ang dapat mong gawin at kung ano ang dapat mong maging katangian o ugali na maghahatid sa iyo sa kaharian ng Diyos.
-
Pumili ng isang gagawin mula sa isinulat mo sa drowing na daan, at isulat kung paano mo nakitang ginawa ito ng isang taong kilala mo. Pagkatapos ay pumili ng isang katangian mula sa drowing na daan, at isulat kung paano mo nakitang naging ganito ang isang taong kilala mo. Magtakda ng isang mithiin na tutulong sa iyo na mas mapagbuti pa ang dalawang aspetong ito upang makapasok ka sa kaharian ng Diyos balang-araw.
Basahin ang Alma 7:27, at alamin ang mga pagpapalang alam ni Alma na matatanggap ng mga tao kung patuloy silang mananampalataya at gagawa ng mabuti. Tandaan na kapag tapat mong tinatahak ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos, matatanggap mo rin ang mga pagpapalang ito.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 6–7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: